ISANG matandang babae ang binisita nina Julliana at Dra. Elizabeth sa isang malaking subdibisyon sa Quezon City. Hindi nga masasabing house call iyon dahil parang nakipagkuwentuhan lamang sila. Nalaman niya na kababalik lamang ng babae sa bansa at nais nitong makita ang pinakapaborito nitong ob-gyne kaya binisita nila ito ni Dra. Elizabeth. Malapit ang babae sa puso ng doktora kaya ito na mismo ang dumalaw sa ginang. Hindi niya alam kung bakit siya isinama nito. Wala naman siyang ginawa kundi makinig sa kuwentuhan ng mga ito. Paminsan-minsan ay isinasali siya ng dalawa pero mas madalas na tahimik lamang siya. Nagpasalamat na rin siya sa ginawa nito kahit hindi niya alam ang pakinabang niya roon. Nakatakas siya sa clinic. Nang yayain silang doon na maghapunan ay tumanggi si Dra. Elizabeth.

