HINDI alam ni Julliana kung paano niya nagawang magtiwala sa lalaking kasama niya sa sasakyan at nagpakilala sa kanya bilang “Benjamin.” Mukha nga itong anghel pero hindi siya dapat na magtiwala rito base sa hitsura lamang. Pero malakas ang pakiramdam niya na wala itong gagawing masama sa kanya. Parang nakasisiguro ang puso niya na mabuti itong nilalang.
Ang totoo ay nais pa niya itong makasama. Nasabi lamang niya na uuwi na siya dahil nahihiya siya sa abalang idinulot niya rito. Nasaksihan pa nito ang pag-iyak niya. Siguro ay napakapangit na niya sa paningin nito. Hindi niya naiwasang sulyap-sulyapan ito habang nagmamaneho ito. Ito na marahil ang pinakaguwapong lalaking nakita niya. Nahuli siya nito na nakatingin dito kaya nginitian din siya nito. Dahil bahagyang napahiya, nag-iwas siya ng tingin. Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi.
“It’s okay to stare. You can stare all you want,” nanunudyong sabi nito.
Lalong nag-init ang kanyang mga pisngi. Bakit ganoon ito? Hindi tuloy niya alam kung ano ang itutugon dito. Kinakabahan siya pero masaya rin siya. Emotionally unstable nga yata siya kaya kung ano-anong magkakasalungat na emosyon ang nadarama niya. Kanina ay napakalungkot niya. Ngayon naman ay masaya at kinilig pa siya. Bigla niyang naalala ang kanyang ama.
“Ang ganda-ganda at blooming ang prinsesa ko. May crush ka na ba? May nagpapakilig na ba sa `yo?”
Iyon ang madalas na itanong nito sa kanya tuwing kumakain sila ng almusal. Wala itong palya sa pagsabay sa kanya sa pagkain ng almusal kahit paiba-iba ang oras ng duty nito. Kahit puyat ito, gigising ito nang maaga para saluhan siya. Kapag graveyard shift ito, hindi muna ito matutulog at sasamahan muna siyang kumain.
Pinigilan niya ang sarili na malungkot. Napabuntong-hininga siya. Mukhang kailangan na nga niya ng tulong ng isang espesyalista. Mamaya ay sasabihin niya sa kanyang ina na payag na siyang magpatingin sa doktor.
“Saan ang bahay n’yo?” tanong ni Benjamin.
Noon lamang niya napagtanto na malapit na sila sa kanilang apartment. Mabuti na lang at hindi pa sila lumalagpas doon. “Diyan na lang,” aniyang itinuro dito ang gate nila.
Inihinto nito ang sasakyan sa harap niyon. Kasabay ng pagparada nila ay may huminto ring taxi sa hulihan ng sasakyan nito. Mula roon ay umibis ang kanyang mama. Nilapitan at hinagkan niya ito sa pisngi.
“Hi, `Ma.”
“Ngayon ka lang umuwi? Hindi ba dapat ay kanina ka pa narito?” Tiningnan nito ang sasakyan ni Benjamin at saka siya tinanong nito. “Sino’ng naghatid sa iyo?”
“Ano kasi, `Ma...” Hindi niya alam kung paano niya uumpisahan ang pagkukuwento rito. Alam niyang iba na ang tumatakbo sa isip nito. Hindi kasi niya gawaing umuwi nang ganoong oras. Kahit noong nasa Aklan pa sila ay deretso uwi siya pagkatapos ng kanyang klase. Nailigtas siya mula sa pag-uusisa nito nang umibis si Benjamin ng sasakyan nito at nilapitan silang mag-ina.
“Hi, Tita Nat,” bati nito sa kanyang mama.
“Benjamin?” nagtatakang sambit ng kanyang mama. “Ano’ng ginagawa mo rito? Ikaw ba ang naghatid sa anak ko? Hindi ko alam na magkakilala kayo.”
Nagulat siya sa sinabi nito. Magkakilala ang mama niya at si Benjamin?
“Hindi ko po alam na anak n’yo si Julliana. Nagkita po kami kanina sa ospital.” Pahapyaw na ikinuwento nito ang nangyari sa kanya.
Binalingan siya ng kanyang mama. Mababakas ang pag-aalala sa mukha nito. “Okay ka lang ba, anak?”
Tumango siya. “Opo. Wala naman pong masamang nangyari sa akin. Mabuti po at naroon si Benjamin. Paano po kayo nagkakilala?”
“Anak siya ng boss ko, Jules,” paliwanag nito at saka muling tiningnan si Benjamin. “Maraming salamat sa paghahatid mo sa anak ko. Pumasok ka muna sa loob. Ipagluluto kita para naman makabayad ako sa kabutihan mo sa anak ko. Dito ka na maghapunan.”
Muntik na niyang mayakap at mahagkan ang kanyang mama dahil sa katuwaan niya. Dalangin niya na pumayag si Benjamin.
“It’s okay, Tita. Sa susunod na lang po siguro. Susunduin ko pa po si Daddy sa office. Sigurado akong naroon pa iyon ngayon. He’s such a workaholic.”
Nanlumo at nanghinayang siya sa naging sagot nito.
“He’s starting a new business kaya abala talaga siya ngayon. Ayoko pa sana siyang iwan kaya lang ay walang makakasama si Jules dito sa bahay,” tugon ng kanyang mama.
“He doesn’t have to work that hard. Sige po, susunduin ko na po siya at baka makalimutan na naman niyang kumain.”
“I have an idea,” sabi ng kanyang mama bago pa man makatalikod si Benjamin. “Let’s call your father. Papuntahin mo na lang siya rito at dito na lang kayong maghapunan na mag-ama. Alam kong sa labas kayo madalas na kumakain dahil umuwi na sa probinsiya ang dating kusinera n’yo.”
“Po?” nag-aalangang sambit ni Benjamin.
“Sige na, Benj. Pagbigyan n’yo na akong mag-ama. Para naman kahit paano ay makabawi ako sa lahat ng tulong na ibinibigay sa amin ng daddy mo. Pumasok na tayo ni Jules sa loob. Ako na ang tatawag sa daddy mo. Hindi ka puwedeng tumanggi.”
Sa huli ay wala na ring nagawa si Benjamin kundi ngumiti at tumango. “All right.”
Nagbunyi ang kalooban niya. Hindi niya alam kung paano niya pasasalamatan ang kanyang ina sa ginawa nito. Nang ngitian siya ni Benjamin ay gumanti siya ng nahihiyang ngiti.
NOON lamang nakita ni Julliana ang amo ng kanyang mama pero nagustuhan na agad niya ito. Mukha namang mapagkakatiwalaan ito. Hindi nito kahawig si Benjamin pero pakiramdam niya ay pareho ng pagkatao ang dalawang lalaki. Madalas itong ikinukuwento sa kanya ng mama niya. Kesyo napakabait daw ni Mr. Albert Montero.
“Small world, huh?” kaswal na sabi sa kanya ni Benjamin. Tinabihan siya nito sa sofa.
Nais sana niyang tumulong sa mama niya sa pagluluto ng hapunan pero inutusan na lamang siya nito na estimahin niya ang mga bisita nila. Si Benjamin lang naman ang eestimahin niya dahil si Sir Albert ay nagpumilit na tumulong sa kanyang mama sa pagluluto.
“Oo nga. Hindi mo ba talaga alam na anak ako ng sekretarya ng daddy mo?”
“I had no idea, really. Nagulat nga ako nang halikan mo kanina si Tita Natalie. Naikuwento na niya sa akin na may anak siyang babae pero hindi ko alam na ikaw iyon.”
“Mukhang close na kayo ni Mama,” kaswal na sabi niya. Maigi at nagagawa niyang makipag-kuwentuhan dito na hindi nauutal. Masaya siya na nasa bahay nila ito at may koneksiyon na pala ito sa mama niya. At least, kapag gusto niyang makita ito ay puwede niya itong puntahan sa opisina ng daddy nito.
Tumango ito. “Close na kami kasi magkasabwat kami. Tita Nat watches my dad for me.”
“Bakit? Pasaway ba si Sir Albert?”
Natawa ito. “Medyo. Hypertensive na kasi siya at medyo hindi raw maganda ang daloy ng dugo niya ayon sa kanyang doktor. Mataas ang triglycerides niya. Ang sabi ng doktor, baka bigla na lang siyang atakihin. Wala kasi siyang nararamdamang symptoms kahit mataas na pala ang presyon niya. Mas nakakatakot daw iyon. Si Daddy pa mandin, por que walang nararamdamang masama sa katawan, sige pa rin siya sa pagkain ng mga bawal. Si Tita Nat ang nagsusumbong sa akin kapag pasaway sa pagkain si Daddy. Siya rin ang pumipili ng pagkain ni Daddy kapag wala ako. Kahit umiinom siya ng gamot, mas maigi pa rin na susunod pa rin siya sa mga bilin ng doktor.”
Habang nagsasalita ito ay nakatingin lang siya sa mukha nito. Lalo yata itong naging guwapo sa paningin niya dahil sa mga sinabi nito. Mukhang mabait itong anak. Napatingin din ito sa kanya at tila nasiyahan nang makitang titig na titig siya sa mukha nito. Sana ay hindi nito iniisip na baliw siya dahil sa mga ikinikilos niya. Tila nais na nga niyang mahiya. Tumikhim siya. “Mahal na mahal mo ang daddy mo, `no?” kaswal na sabi niya.
Tumango ito. “Sobra. He’s my only family. He’s all I have. Ayokong may mangyaring masama sa kanya. Kahit nga isiping mawawala siya sa akin dahil sa isang sakit ay hindi ko kakayanin.”
Muli niyang naalala ang kanyang ama. This time, it was not as painful as before. Ngayon ay naaalala na niya ang hitsura ng papa niya noong nabubuhay pa ito. She could clearly see his smiling face now. She could clearly remember the good times they had. Hindi na siya nasasaktan na isipin ito.
“I love my father so much, too. And I miss him so much.” Hindi na siya napaluha nang sabihin niya ang mga katagang iyon. “I will forever miss him. Sayang, dahil hindi mo siya nakilala. He was a very good man. Would you like to see some of his pictures?” Nahaluan ng excitement ang boses niya. Parang bata siya na excited na i-share ang isang espesyal na laruan sa isang bagong kakilala.
“Sure,” nakangiting sabi ni Benjamin.
Kinuha niya ang mga photo album nilang mag-ama sa kuwarto niya at excited na binalikan niya si Benjamin. Ipinakita niya rito ang mga larawan niya mula pagkabata, pati na rin ang mga larawan nila ng kanyang papa.
“He was a doctor?” tanong ni Benjamin nang makita nito ang isang larawan nilang mag-ama sa loob ng ospital.
Tumango siya. Nakasuot ng white coat ang papa niya sa larawang iyon at nakasabit sa leeg nito ang paborito nitong stethoscope. Kuha iyon sa nurses’ station. Pinahiram pa siya ng isang nurse ng cap nito. Ipinaliwanag sa kanya ng papa niya na hindi siya dapat magsuot ng cap ng nurse dahil sagrado raw iyon para sa mga ito. Nagsusuot lamang ng ganoon ang isang nurse kapag karapat-dapat na ito. Pero dahil bata pa siya noon at medyo na-spoil nito, napilitan itong pumayag na magsuot siya ng nurse’s cap. Doon siya nagsimulang mangarap na maging nurse balang-araw.
“He was a surgeon,” nagmamalaking sabi niya. “He was the best doctor in the whole world.”
“Really? I wanna be a doctor, too. Maybe I can be the second best doctor in the whole world?”
“Talaga? Magiging doktor ka?” Tuwang-tuwa siya sa kaalamang iyon. Marahil ay nakikita lang niya sa katauhan nito ang kanyang ama kaya magaan ang loob niya rito. Siguro, ito ang anghel na ipinadala sa kanya ng papa niya para magbantay sa kanya.
Nagkibit-balikat si Benjamin. “Iyon ay kung papalarin ako.”
“Kung gusto mo talaga, magiging magaling na magaling kang doktor kagaya ng papa ko.”
Nakangiting hinaplos nito ang suot niyang cap sa larawan. “And you’re going to be my nurse?”
Tumango siya. “Yes, I’m going to be your nurse.”
“It’s a deal?”
“It’s a deal.”
Inilahad nito ang kanang kamay nito na tinanggap naman niya. They shook hands. Nais niyang matawa. Para silang mga baliw. But she was happy. She had never been happy since her father’s death. Masaya siya dahil may kaibigan na uli siya. May makakausap at makakasama na siya tuwing kailangan niya ng taong makikinig sa kanya.