TULALA sa kawalan ang gobernador habang pinagmamasdan niya ang maliit na silid. Muling bumalik sa kanyang isipan ang mga huling araw na magkasama sila. Ang matatamis na halik ni Rosana, ang malalambing nitong haplos at ang maiinit nilang gabi na puno ng pagmamahal at pagnanasa. Ngunit ngayon, tanging alaala na lamang ang lahat. Hindi niya matanggap na hindi niya alam kung saan ito dinala kung ligtas pa ba ito o kung pinahihirapan. Tumulo ang mga luha ni Stan, napakaikli lang ng panahon na binigay sa kanya ng langit. Mas lalo niyang minahal ang asawa, mas lalo siyang nangulila ngayong kinuha na ito nang tuluyan ni Sebastian. Napapikit siya nang mariin, pilit na nilalabanan ang panghihina. Hindi siya maaaring magpadala sa emosyon. Hindi siya maaaring manatili sa isang sulok at magdalamhati.

