“SIENNA,” tawag sa kanya ni Mama Sylvia. Mula sa greenhouse ay sumulpot ito.
“Yes, Mama?” Nag-angat siya ng paningin. Pinilit niyang huwag nitong mahalata na may malalim siyang iniisip.
“May auction sale ngayon. Gusto mong sumama?”
“Sa Sylvia’s?” Dito na nakapangalan ang parang kabuteng nakakalat na sanglaan sa buong Luzon.
“Hindi. Imbitasyon sa akin ng isang kaibigan. I want to go. Kung wala ka namang gagawin, samahan mo ako.”
Napangiti siya. Iyon na nga ang inaasahan niyang susunod na sasabihin ni Mama Sylvia. Pasakalye lang nito ang pagtatanong sa kanya, pero sa huli ay lumalabas na inuutusan siya nitong sumama.
“Sure, Mama. Sige at gagayak na ako. Anong oras ba tayo aalis?”
“Before lunch. Sa labas na lang tayo kumain.”
Tumayo na siya. May tatlong oras pa siyang allowance para makapaghanda.
Nang makapasok siya sa sariling kuwarto na katabi ng silid ni Mickey ay dumiretso siya sa banyo. Kinuha niya ang jar ng chinese tea. May sarili iyong kaserola. At habang pinapakuluan niya iyon sa electric single stove ay pinatuluan na niya ng tubig ang tub.
Iyon ang luxury sa sarili na namana rin niya kay Mama Sylvia. Hindi lang siya figure-conscious ngayon. Alaga na rin niya ang kutis sa pagiging flawless.
Lugi sa kanila ang mga derma center. Hindi nila gusto ang kung anu-anong kemikal. Kaya nga ang bathroom nila ni Mama Sylvia ay maipagkakamali sa isang kusina.
Hile-hilera ang iba’t ibang jars doon: May tsaa ng intsik, gatas, kalamansi, asukal, papaya at kung panahon ng avocado, mayroon din. Kahit ang shampoo niya at sabon ay gawa sa natural ingredients.
Isang amiga ni Mama Sylvia ang nakaimbento ng formula ng mga natural bar soap. Doon sila bumibili ng supply pati pang-bubble bath.
Halos dalawang oras siyang nagsagawa ng kanyang seremonyas sa banyo bago lumabas. Pakiramdam niya ay ang gaan-gaan ng pakiramdam niya. Bukod sa preskong-presko siya dahil bagong ligo ay tiyak siyang katiting mang dumi sa kanyang katawan ay kasama nang inagos ng tubig.
Bihirang-bihira siyang mag-apply ng heavy makeup. Pakiramdam niya ay kumakapal ang mukha niya kapag nag-a-apply siya ng kung anu-anong kolorete sa mukha.
Baby powder at lipstick lang na maputla ang kulay ay tama na sa kanya. Tutal ay asset niya ang kutis kaya doon pa lang ay hindi na niya masyadong kailangan ng mga artipisyal na pampaganda.
Confident na isinuot niya ang spaghetti-strapped na knee-length dress. Simple lang ang tabas niyon at napaka-casual ngunit eleganteng tingnan sa mapusyaw na shade ng asul. Strappy sandals ang isinuot niya sa paa.
Naghihintay na sa kanya sa salas si Mama Sylvia nang bumaba siya. Sigurado siyang wala itong masasabi sa gayak niya. Kung pormal ang okasyon, iyon kaagad ang unang sasabihin sa kanya. Partikular ito sa proper dressing.
ISANG malaking pawnshop sa Greenhills ang pinuntahan nila. Ninety-nine percent ay sigurado siyang may subastang alahas na bibilhin si Mama Sylvia. Hindi niya maintindihan kung bakit wala itong tigil sa pagbili ng sariling alahas.
Ang personal na koleksyon nito ng alahas ay makakapuno na bilang display sa isang tindahan. Pero naisip din niya, hindi naman nauubusan ng tamang okasyon na pagsusuutan ng mga iyon si Mama Sylvia.
“Sienna, look at that emerald and ruby set. Bagay sa iyo iyan.” Binunggo pa nito ang siko niya upang matawag ang kanyang pansin.
Naaaliw siya sa pagtigin sa mga alahas. At sa tagal ng pagsama-sama niya kay Mama Sylvia ay natuto na rin siyang kumilatis ng maganda sa hindi magandang klase. Ngunit nananatiling hindi siya gaanong interesado sa mga iyon.
Unang-una niyang itinanim sa isip na masyadong maluho kung mahihilig siyang magsuot ng nagkikinangang mga bato. Idagdag pa na mitsa pa iyon ng buhay niya.
“Maganda nga, Mama. Pero hindi siguro babagay sa akin ang ganyan.”
“Sienna, who told you that?” kunot ang noong tanong nito.
Natural ang ngiting ipinakita niya rito. Iyong klase ng ngiting alam niyang makukumbinsi ito. Para sa kanya ay labis-labis na ang mga alahas na pag-aari niya dahil sa pagpipilit nitong ibili siya. At kailanman ay hindi sumagi sa kanyang isip na samantalahin ang kabutihang-loob nito.
“Mama Sylvia, may titingnan lang ho akong porcelain jar sa katapat na stall,” paalam niya bago pa siya hindi na naman makatanggi sa gusto nito.
“SIX THOUSAND nine hundred seventy-five pesos, Sir,” anang saleslady ng Fine Porcelains, ang jar store na katapat ng pawnshop na kasalukuyang nagsasagawa ng auction sale. Hindi maialis-alis ng saleslady ang mga mata sa lalaking kaharap. Halos bale-wala rito kung hindi man makabenta sakaling umurong ito sa mahal na presyo ng isang ashtray na feminine ang design.
“I’ll take it.” Nanganganib na mawalan ng trabaho ang maraming DJ sa ganda ng boses nito. Buung-buo ang tinig nito. At waring may taglay na karisma ang bawat salitang bibitawan.
“Cash or card, sir?” namamalikmata pang wika ng saleslady. Waring nagtaka pa ito nang hindi ininda ng lalaki ang presyo ng bibilhin. Ngunit parang alam din nitong wala sa itsura ng lalaki na walang pera. Maipupusta na sa tie clip pa lang na suot ng lalaki ay mas mahal pa sa buwanang suweldo nito.
Pasulyap-sulyap pa rin ang saleslady sa lalaki habang ibinabalot sa makintab na wrapper ang binili. Kahit yata hindi na siya makabenta sa araw na iyon ay okay lang. Mapagalitan man siya ng among Intsik ay may konsuwelo na siya sa pagtitig sa lalaking customer.
Habang naghihintay ay tumingin-tingin pa rin ang lalaki sa mga displays. At dahil alam ng saleslady na wala sa ipinagi-gift wrap ang atensyon nito ay pinakatitigan pa niyang mabuti ang credit card na ipinambayad. May picture doon ang lalaki. At mapa-picture man o personal ay talagang napakalakas ng personalidad nito.
SAMANTALA, alam na kaagad ni Sienna kung ano ang gusto niya sa Fine Porcelains bago pa man siya pumasok sa store. Natanaw na niya ang mga displays papalapit pa lamang siya. Hindi na siya tumingin sa iba pang display at dumiretso sa saleslady na nasa counter.
“Miss, kompleto ba ang Precious Moments collection ninyo?” tanong niya.
Ngunit hindi siya inintindi ng saleslady. Hati ang atensyon nito sa pagte-tape ng wrapper at pagsulyap-sulyap sa credit card na nakababa sa gilid.
Umangat ang isang kilay ni Sienna. Kung mayroon siyang ugaling namana kay Mama Sylvia, iyon ay ang pagiging demanding na customer. She was a paying costumer kaya tama lang na maghanap siya ng magandang serbisyo sa mga establishments na pinupuntahan.
“Miss,” untag niya.
Ang kaherang nakaupo sa likod ng cash register ang lumapit. Napansin nito ang pagsama ng kanyang mukha.
“Yes, Ma’am?”
“Iyong Precious Moments na display ninyo, kompleto ba ang set n’on?”
“Yes, Ma’am,” maagap na tugon ng kahera. Hindi nito siguro gustong mawalan ng isa pang prospective buyer dahil lang sa pagde-daydream ng isang kasama. “Puwede namin kayong bigyan ng discount kung kukunin ninyo ang complete set.”
Madali namang humupa ang inis ni Sienna. “How much?”
Mabilis na nag-compute ang kahera. “Naka-less na po roon ang five percent na discount.”
Saglit siyang nag-isip. Ni walang shock na mababakas sa ekspresyon ng mukha niya kung dahil sa halos abot-langit na presyo ng porselanang gustong bilhin. Ang nasa isip ay ang pagme-mental calculate ng dalang cash.
Hindi niya gustong i-charge sa credit card ang bibilhin. Malalaman iyon ni Mama Sylvia. At hindi na magiging sorpresa ang magiging regalo niya rito.
“I’ll come back,” aniya at nagmamadali siyang lumabas ng Fine Porcelains. “Sorry.” awtomatikong lumabas sa bibig niya ang paghingi ng paumanhin nang bumangga ang kanyang balikat sa lalaking pabalik sa counter. Ni hindi niya iyon sinulyapan.
“Who’s she?” tanong ng lalaki sa dalawang nasa counter.
“Customer, sir.”
“Hindi ninyo kilala?” Kumunot ang noo nito at lumingon sa labas ng de-salaming tindahan.
Umiling ang saleslady. “Walk-in lang po iyon, sir.”
“Pakipirma lang po rito.” May tinitimpi pang kilig sa tinig ng saleslady nang iabot nito ang tapos nang i-giftwrap na ashtray. Sa ibabaw niyon ay ang credit card at resibo.
Bahagya na lang pinansin ng lalaki ang pagpapasalamat ng saleslady at nagmamadaling lumabas ng tindahan.
“Matthew Escalante.” Malakas pang binasa ng saleslady ang pangalang nakasulat sa resibo bago sinundan ng tingin ang lumabas na costumer.
KATANGIAN na ni Matthew na kaagad hanapin ang isang bagay lalo na at gusto niya itong makita. Lalo na kapag babae ang kanyang hahanapin.
Nang makita niya ang babae sa tindahan kanina, bagama’t halos sa isang iglap lamang ay alam niyang gusto niya ito. Isang hagod lamang ng tingin ay naramdaman na kaagad niya sa sarili ang pamilyar na kislot ng atraksyon para dito. At parang higit na nakabuhay ng dugo niya ang isiping estranghero pa ang naturang babae.
Matthew grinned. He loved chasing women. Isa iyong adventure para sa kanya kahit na hindi niya iyon sineseryoso. At kung sa kabila ng pagsisikap niyang hindi makita ang babae ay kakalimutan na lang din niya sa bandang huli.
Hamon sa kanya na makilala ang mga babaeng natitipuhan at makipagkilala sa mga ito. At kung bibigay naman ay aayain niya itong kumain sa labas.
He had a way of knowing women. Hindi niya ipinakikilala nang husto ang sarili kung hindi rin siya nakatitiyak sa pagkatao ng mga ito. At kung dumating sa puntong nauuwi na sa seryosohan ang dinner date, marunong din siyang gumawa ng paraan para tapusin iyon.
Isang ikot lang ang ginawa niya sa bahaging iyon ng Greenhills. Nang hindi niya makita ang babae ay nagkibit ng balikat na sumakay na lang siya sa kotse. Tumuloy na siya sa opisina sa Ortigas.
“`MISSED you already, darling.”
Halos ihagis ng babae ang sarili kay Matthew nang makita ang lalaking iniluwa ng elevator. Kinintilan nito ng halik si Matthew sa mga labi. Wala itong pakialam kung maraming empleyado ang nakakita. Para bang ang mga labi ni Matthew ang pinakamasarap na bagay nang mga oras na iyon. Si Matthew pa ang tila nahiya nang makaiwas ito sa mapusok na halik.
“Here, I bought this for you.” Iniabot ni Matthew kay Rowie ang ipinabalot na ashtray nang nasa loob na sila ng pribadong opisina. He did not approve of her smoking. Pero hindi rin niya pinipigil. At least, sa pamamagitan man lang ng pagbibigay ng ganoong klaseng regalo ay umaasa siyang hindi na kung saan na lang ikakalat ng babae ang upos ng sigarilyo nito.
Namilog ang mga mata ni Rowie nang makita ang regalo. Ngunit wala sa ekspresyon nito na nakuha nito ang mensahe ng regalo. Ang mababakas sa mukha ay ang appreciation na niregaluhan siya ng lalaki at hindi basta-basta magregalo ang lalaki. Siguradong mamahalin iyon.
“Thanks, Matt.” Ngiting-ngiti si Rowie.
Inaasahan na ni Matthew ang susunod na gagawin nito. At wala rin siyang balak na tumanggi lalo at ikinukubli sila ng privacy ng sariling opisina.
Ilang minuto yatang nagtagal ang halik na iyon. At may palagay si Matthew na nahigop nang lahat ni Rowie ang hangin niya sa baga. Pero hindi siya nagreklamo. Sa lahat ng naging girlfriends niya, si Rowie lang ang tumapat sa kanyang init. At kung minsan ay nalalagpasan pa siya nito.
Hila sa kamay na dinala niya si Rowie sa couch. Nang eksaktong lumapat doon ang kanilang mga katawan ay natanggal na rin ni Rowie ang belt buckle at nagsimulang ibaba ang zipper ng kanyang pantalon.
“Luncheon meeting at Club Filipino with the Rotary president,” narinig ni Matthew na wika ng secretary mula sa intercom.
Nawala ang atensyon niya sa masarap na paghaplos ni Rowie sa katawan niya. Nagtaka pa siya kung paanong nakaligtaan ng isip niya ang ganoong importanteng appointment.
Importante iyon dahil may usapan sila ng Rotary president na sa kanya ibibigay ang kontrata ng pagsu-supply ng tiles and bathroom fittings sa twin condominium na nakatakdang itayo nito sa San Juan.
“Matt!” protesta ni Rowie nang umahon siya sa couch.
Pinisil niya ang pisngi ng babae. “Wait for me, darling. Hindi puwedeng hindi ko siputin si Leonard.”
Nanulis ang nguso ni Rowie. Ngunit wala sa itsurang pipigilan si Matthew. Alam nitong hindi iyon effective sa kanya. Hinintay siya nitong maisayos ang sarili bago sumabay sa kanya sa paglabas ng opisina.
“Mauna ka na,” ani Rowie. Huminto ito sa tapat ng mesa ni Ariel, ang secretary ni Matthew. “How are you today?” tanong ng babae rito, inartehan pa nito ang boses.
Napatiim-bagang si Ariel. He hated her. Bale-wala kay Rowie ang flirtations nito rito pero hindi kay Lucy, ang napakaselosa nitong girlfriend.
“Huwag mo akong bigyan ng problema,” pabiro ngunit seryosong wika ni Ariel. “Alam mong makakarating kay Lucy ang ginagawa mo.”
“Hmp! Bakit hindi mo palitan? Ubod ng selosa, halos wala na sa lugar.” Tumalim ang mga mata nito.
“You know why,” tanong ni Ariel. “Because I love her.”