“WHAT’S this?” Matthew demanded bagama’t nabasa na nang buo ang leave of absence form na ipinasa ni Ariel.
“Isang buwan lang naman, Matthew.” Kapag ganoong magkaharap silang dalawa at walang nakakakita ay first name basis lang ang tawag nito sa kanya.
Schoolmates sila ni Ariel sa Ateneo. Active officer siya ng college organization at kahit na nasa high school level ito ay naka-close niya ito. Nang magtapos ito at gustong magtrabaho na malayo sa linya ng negosyo ng pamilya, sa kanya ito lumapit.
Noon ay hindi naman niya masyadong kailangan ng isang secretary pero naisip na rin niyang mabuti nga kung mayroong mag-aasikaso sa kanyang mga appointments. At lalaki pa. Ibig sabihin, hindi ito pagseselosan ng kung sino mang current girlfriend niya. Mula nang maging secretary niya si Ariel ay noon lang ito nag-file ng leave of absence.
At isang buwan! Hindi yata niya maubos-maisip kung paano na siya kapag wala si Ariel. Naging dependent na siya rito. Hindi lang kasi secretarial works ang ipinasa niya rito kundi pati na rin ang pag-iwas niya sa mga babae. At dahil guwapo rin si Ariel, `pag pinagana nito ang charms ay nalilipat dito ang atensyon ng mga babaeng humahabol sa kanya.
Ang malaking pagkakaiba lang nila ni Ariel ay napaka-loyal nito sa girlfriend. Kahit na nga ba selosa ito.
“Masyadong matagal ang isang buwan,” aniya kay Ariel.
Lumungkot ang mukha nito. “Please, Matthew. Nasagad si Lucy kahapon. Hindi ko maamo kahit na sinabi ko nang ikaw ang boyfriend ni Rowie at hindi ako.”
Lumalim ang gatla sa noo niya. “At sa palagay mo ay sagot sa pagmamaktol ng girlfriend mo ang pagli-leave mo ng isang buwan?”
Ngumisi si Ariel. “I’m planning to marry her.”
“Magagawa mo iyon sa loob ng isang buwan?”
“Inuna ko na nga ang honeymoon. Kaya naiintindihan ko kung mamatay ngayon sa kaseselos si Lucy. Delayed nga raw ang period niya ngayong buwan na ito.”
Natawa siya. “Paano ang iiwan mong trabaho rito?”
“Hindi naman iyon problema. Actually, wala kaming balak ni Lucy na mag-out of town. Gusto ko lang maiayos iyong condo na lilipatan namin.”
“Ayaw mong itira sa mama mo?” Kilala niya si Sylvia Sebastian. Kabungguang-siko ito ng mama niya sa mga sosyalan.
“Nope. Siyempre, gusto ko namang nakabukod na kami agad ni Lucy. Kaya ko naman siyang buhayin nang hindi manghihingi ng suporta sa Mama.”
“Ouch!” Kunwa ay nasaktan siya. “Para bang pinariringgan mo akong umentuhan kita dahil magkakapamilya ka na.”
“Hindi naman. Naka-jackpot ako noon sa stock market. Naibenta nang malaki at natural na malaki rin ang interes na kinikita sa bangko. Isa pa, alam mo namang wala sa akin kung ano`ng posisyon ko rito sa opisina.”
“Gusto mong bigyan kita ng isang managerial position?”
“No, thanks. Hindi ko gustong makuha ang maraming oras ko sa pagtatrabaho. Kontento na ako sa pagiging secretary mo.”
“Sige, kung iyan ang gusto mo. Balik tayo sa leave mo. Bukas na ba kaagad ang umpisa nito?”
Tumango si Ariel.
“Mahihirapan ako `pag wala ka.”
Mabilis na nag-isip si Ariel. Kailangang mapapayag nito si Matthew. Kung hindi ay lalo itong mahihirapang amuin ang nobya. “I know someone. Makakausap ko siya ngayon at bukas ay pagre-report-in ko rito.”
Nag-give in siya. “Sige. I-brief mo kaagad nang husto. Kung hindi’y mapipilitan akong humugot ng tao sa ibang departamento. Mas mapapanatag ako kung rekomendado mo.”
“SIENNA, please. One month lang ito.” Kulang na lang ay magmakaawa si Ariel sa kanya. Isang oras na siya nitong pinakikiusapan sa hinihiling nito.
“Ariel, baka hindi ko kaya iyan,” kulang ang tiwala sa sariling katwiran niya. Iyon ang una niyang isinagot dito at kung ilang beses na niyang inulit ay hindi na niya mabilang. “Hindi naman ako nakaranas magtrabaho. Baka sa simpleng memo lang, pumalpak pa ako.”
“Madali lang iyon. May mga formats. Maayos ang file ko. I’ll orient you tomorrow. Just say ‘yes’. Please?”
“Ano ba iyan, Ariel?” Kunot ang noo ni Sylvia. Mula sa kuwarto nito ay naulinigan ang pagkukulitan ng dalawa. At akay ng kuryosidad na bumaba ito mula sa kuwarto.
Nagkatinginan sila ni Ariel. Sinabi kasi sa kanya nito na ilihim muna kay Mama Sylvia ang tungkol sa kalagayan ng girlfriend nitong si Lucy.
“I’m going out of town, Mama,” dahilan ni Ariel. “I’m recommending Sienna na pansamantalang pumalit sa puwesto ko sa opisina.”
Bumaling sa kanya si Sylvia. “Gusto mo ba, Sienna?”
“Demanding ho ang trabaho. Mismong may-ari ng kompanya ang boss ko.”
“So what? Sa matinong eskuwelahan ka naman nagtapos, bakit ka mag-aalangan?” hamon nito.
“Paano ho si Mickey?”
Napangiti si Sylvia. “It’s about time you find time for yourself, hija. High school na si Mickey sa pasukan. Kita mo, may sarili na ring mundo ang anak mo.”
May pagtutol sa dibdib niya sa tinurang iyon ng biyenang-hilaw. “Hindi pa nga ho siya napapatuli.”
“Sienna, pumayag ka na,” sabad uli ni Ariel. “Ako na ang bahala kay Mickey.”
“Akala ko ba...?”
Palihim na kumindat sa kanya si Ariel. Sa huli ay wala siyang nagawa kundi ang pumayag.
WALA pang alas-otso kinabukasan ay nasa seventh floor na sina Sienna at Ariel ng Elegant Tower. Nandoon ang pribadong opisina ni Matthew at ang administrative office. Kasunod niyon ay ang penthouse na tinutulugan nito kung tinatamad nang umuwi sa mansyon nito sa Corinthian Gardens. Ang ground level ay showroom. Kalahati ng second floor ay opisina ng marketing staff. Ang iba pang espasyo ay pinauupahan sa iba’t ibang opisina.
Habang inilalabas ni Ariel sa filing cabinet ang mga dokumento na kailangan niyang pag-aralan ay iginala muna niya ang paningin sa paligid.
Murang berde ang motif ng loob ng opisina. At sa halip na carpeted ang sahig ay tiles na napakakintab ang tinatapakan nila. May coordination iyon sa dingding na yari rin sa tiles. Hindi maaaring ipagkamali iyon sa higanteng banyo. Maganda ang disenyo. Parang katulad ng mga usong bahay ngayon na naka-tiles pati pader.
Maganda rin ang ayos ng opisina. Walang tambak na papeles sa mga mesa. Maaliwalas tingnan ang buong paligid.
“Sienna,” tawag sa kanya ni Ariel.
Bukas na rin ang computer. At sa sumunod na mga sandali ay itinuon niya ang buong atensyon sa mga pagtuturo ni Ariel. Pagtuntong ng alas-otso ay nagsimula nang magdatingan ang mga empleyado. Ipinakilala siya ni Ariel sa mga ito.
Sa lahat, si Anthony ang nagtagal sa mesa niya. Kung hindi pa pabirong pinaringgan ito ni Ariel na oras na ng trabaho ay hindi pa ito babalik sa mesa.
“Uy, Sien! Makakabola ka pa pala,” bulong ni Ariel sa kanya. “Sabagay, binata naman iyan.”
Pinanlakihan niya ito ng mga mata. “Loko! Malaman iyan ni Mickey, lagot ka.”
Nagkibit-balikat si Ariel. Alam nilang pareho na may pagka-possessive si Mickey sa kanya. Noong medyo bata pa ito ay umaatungal ito ng iyak kapag binibiro siyang mag-aasawa ulit. Ngayon na lang ito hindi umiiyak. Ngunit makikita pa rin sa mga mata nito ang pagtutol sa pag-aasawa niya.
Nag-check si Ariel sa appointment book. “Usually, nine o’clock kung dumating si Matthew. `Pag diyan siya sa itaas natulog ay tanghali na iyon pumapasok. Pero ngayon, after lunch pa siya darating. May ilalabas kasi siyang kliyente.”
“Mahirap ba siyang maging boss?” May anxiety sa tinig niya.
“Of course not. Madali ang trabaho rito. Ang importante ay wala kang mapapalampas na phone calls. Kliyente man o babae. Ilista mo lahat at sabihin sa kanya pagdating niya. He will decide kung sino sa mga roon ang e-entertain-in mo sa susunod na tumawag uli.”
“Maraming babae?” Parang nabigla pa siya. Umahon ang kuryosidad sa anyo ng magiging boss niya.
Ngumisi si Ariel. “Depende kung gugustuhin niya. Binata, eh. There’s one frequent and constant caller. Si Rowie. Bahala ka nang magpasensya sa kanya.”
“Ano`ng itsura ni S-Sir?” Naasiwa siyang tawaging “sir” ang magiging amo bagama`t iyon ang tamang pagtawag dito.
Hinila ni Ariel ang drawer at may kinuhang ilang pictures doon. “Iyan siya,” turo nito.
Pinakatitigan niyang mabuti ang litrato. Kulang ang sabihing guwapo ang lalaki. Malakas ang karisma. At kung nagkataong teenager siya ay nag-swoon na siguro siya sa pagtingin dito. Ngunit mula nang dumating sa buhay niya si Mickey ay nirendahan na niya ang sarili. Pinilit niyang umakto sa dapat niyang ikilos.
“Oo nga pala, I should inform him.” Dinampot ni Ariel ang telepono at nag-dial. “Matthew? Yes, nandito na ang kapalit ko. I already briefed her.”
“Her?” gulat na wika ni Matthew sa kabilang linya. “Babae?” impertinenteng dugtong pa nito.
“Yes. May problema ba kung babae?” Nag-alangan ang tinig ni Ariel. Si Sienna naman, na nakatitig sa picture, ay napatingin dito. Napuno ng pag-aalala ang mukha niya, ngunit nawala kaagad ito nang nginitian siya ni Ariel. “Matt, hipag ko siya. You’ll see her. Pero baka hindi mo na ako abutan. Alam mo na...”
“Ayaw yata niya ng babae,” aniya kay Ariel nang matapos itong makipag-usap sa telepono. Hindi maikakaila ang panibagong nerbiyos na bumadha sa mukha niya.
“Relax. Nagulat lang iyon. Basta gawin mo ang mga itinuro ko sa iyo. You’ll enjoy the job, Sienna. I assure you.”
“Aalis ka na?” Para siyang batang maiiyak.
“Take a deep breath, Sienna. Hindi nangangain ng tao ang mga empleyado rito,” biro ni Ariel.
Wala na siyang nagawa nang umalis si Ariel. Malayo ang mesa niya sa karamihan. May sapat siyang espasyo para harapin ang mga bisita ni Matthew na naghihintay ng oras nito. Ngunit hindi sagabal ang distansyang iyon para siya balikan ni Anthony.
“Nag-breakfast ka na ba, Sienna?” Pamatay ang ngiti nito at kung hindi lang niya siguro unang nakita si Matthew sa litrato ay iisipin niyang si Anthony ang pinakaguwapong lalaki sa Elegant Tiles. Ngunit ang kagandahang lalaki nito ay tipong pang-playboy.
Hindi niya type.
Mas gusto pa rin niya ang kagaya ni Ariel. Out of the question nang kapatid ito ni Mike at magkahawig pa. Boyish looking. Mukhang laging mabango.
“Kumain na kami ni Ariel bago umalis ng bahay,” aniya. Gusto rin naman niyang makipagkuwentuhan dito. Tutal ay wala pa siyang masyadong ginagawa. At para na rin maging at ease siya sa bagong environment.
“Ano mo si Ariel?”
“Bayaw.” Nasanay na silang ganoon ang pakilala sa isa’t isa. Kahit na walang legalidad na tumutukoy sa kanila para maging magbayaw.
“Malapit na ang break time. Magmeryenda muna tayo sa canteen.”
Mabilis siyang nag-isip. Ayaw niyang sumama ngunit ayaw rin niyang isipin nitong suplada siya. “Nakakahiya naman yata,” aniya.
“Bakit naman? Maganda nga iyon para naman makilala mo rin ang iba pa nating officemates.”
“Mamaya na lang lunch break. Sanay naman akong hindi nagmemeryenda.”
“Okay! Sinabi mo iyan, ha?”
Tiyempong sasagot siya nang tumunog ang telepono. Mabilis niya iyong sinagot at kinuha ang mensahe para sa amo.
BABAE! Hindi malaman ni Matthew ang iisipin nang malamang babae ang naging pansamantalang kapalit ni Ariel. He had nothing against women. He loved them, actually.
Ang problema ay nahihirapan siyang makisama sa babaeng sekretarya. Nature na kasi ng mga ito ang maging beauty conscious. At hindi niya gustong tanawin sa kanyang opisina na habang nakaipit sa kabilang tainga ng kanyang seckretarya ang telepono ay panay naman ang sulyap nito sa salamin para tingnan kung nangingintab na ang ilong nito sa pawis. O kaya naman ay ang maya’t mayang pagre-retouch nito ng mga mukha.
Eksperyiensya na ng mga kagaya niyang may-ari ng kompanya ang mga sekretaryang nauuna lang nang bahagya sa kanya ang oras ng pagpasok palibhasa ay pribilehiyo rin ng sekretarya ang hindi mag-time in. Sa oras ng lunch break ay nasa Galleria o Megamall. Minsan ay alas-dos na kung bumalik. Pero hindi ba’t kahit ang ibang empleyado ay ganoon din?
But not his secretary. Titiyakin niya iyon. Mabilis niyang tinapos ang almusal at naligo. Nagbibihis na siya nang pupungas-pungas na pumasok sa kanyang kuwarto ang isang bata. Eleven years old na ito. Pero para kay Matthew, bata pa rin ang turing niya sa anak.
“Going to work, Daddy?” Sumampa ito sa kama.
“Yes, darling. Mukhang inaantok ka pa. Why don’t you sleep again?” Hinagkan ni Matthew sa noo ang anak. Gulu-gulo pa ang buhok nitong mahaba na natural ang kulot sa dulo.
“Nagpagising ako kay Yaya. I seldom see you.” May hinampo sa tinig nito.
“China, naiintindihan mo naman, `di ba? Daddy has to work. This weekend, lalabas tayo.”
“Iyan din ang promise mo sa akin dati. Two weekends na, hindi mo pa ginagawa,” may sumbat na wika nito.
Inayos niya ang kurbata. Sa opisina na niya isusuot ang coat na isinampay niya sa bisig. Dinampot na niya ang attaché case. “This time, China, totoo na. Okay? Smile naman. Aalis na ako.”
Sa halip ay irap ang tinanggap niya mula sa anak.
Nang makasakay sa kotse ay nakalimutan na rin ni Matthew ang tampo ng anak. Itinanim niya sa isip na ilalaan ang darating na weekend sa anak.
Mas nakatuon ang isip niya sa bagong sekretarya. Pilit niyang kinakapa sa memorya ang pangalan ng babae. Hipag ni Ariel. It meant bigyan niya ito ng consideration, alang-alang sa pinagsamahan nila ni Ariel.
Ipinasa ni Matthew sa guwardiya ang pagpa-park ng kotse pagdating sa compound ng opisina. Dali-dali na siyang tumungo sa elevator.
She must be good. She must know my rules. She must not ignore phone calls and must observe proper etiquette. Nasa isip niya ang mga iyon habang tumataas ang lift. Importanteng kliyente ang nanganganib na mawala kung intimidating itong makipag-usap.
Humakbang siya palabas. Bahagya na lang niyang pinansin ang mga empleyadong bumati. Ang mga mata niya ay nakatuon sa mesa ni Ariel.
Babae nga ang nakaupo roon.
Busy ito sa pagkuha ng messages sa phone. Nakayuko habang nagsusulat kaya hindi nito napansin ang paglapit niya.
Lalong tumiim ang titig niya habang papalapit. The woman looked familiar. Nakita na niya ito kung saan, hindi lang agad niya maalala.
Ang mukha ng babae ay halos matabingan ng buhok na lumaylay dahil sa pagkakayuko. Ngunit hindi naging dahilan iyon para magmukhang hindi magkandaugaga ito. Maitim ang buhok nito at makintab, tila malambot. Nang sa wari niya ay tapos na itong makipag-usap sa telepono ay ibinalik na nito sa cradle ang telepono at saka nag-angat ng paningin.
Then suddenly, it him him.
ito ang babaeng nakabunggo niya sa Fine Porcelains. Kagyat na nawala ang disgusto niya sa pagkakaroon ng sekretaryang babae.
He secretly grinned. At ipinaramdam niya sa babae ang kanyang pagdating.