Part 6

2449 Words
“GOOD morning,” bati ng lalaki sa pormal na tono. Huminto ito sa tapat ng mesa ni Sienna. At kung ano man ang damdamin nito ay mabuting naikubli sa paglalapat ng mga labi. “Good morning, S-sir,” sagot niya nang mamukhaan kung sino ang lalaking lumapit sa mesa niya. Hindi maikakaila ang tensyon sa tinig niya. Matthew looked like a tower in her eyes. At lalo pang nakadagdag sa nanliliit niyang pakiramdam ang pagkatingala rito. At may isa pang damdaming umagaw sa puso niya. May pintig iyon na pamilyar na pamilyar sa kanya. Ang klase ng damdaming mula nang mawala si Mike ay kinalimutan na rin niya. Umiibig ba siyang muli?  Mabilis niyang binura sa isip ang ideyang iyon. Imposible! “So, you’re my new secretary,” narinig niyang wika ni Matthew. “I’m Matthew Escalante. Please follow me to my office.” Pumihit na ito papasok sa pribadong opisina. Tumayo na rin siya. Nagtataka siya dahil wala pang alas-onse ay naroon na ang kanyang boss. Ang sabi kasi ni Ariel ay after lunch pa ito darating. Ilang beses siyang huminga nang malalim para pawiin ang kaba sa dibdib niya. Paalis na siya sa mesa nang tumunog ang intercom. “Yes, S-sir?” “Bring your resumé.” Kinuha niya ang folder ng resumé. Si Ariel ang naghanda niyon. At bahagya lang niyang binasa. May tiwala siya kay Ariel. Pagpasok niya sa kuwarto nito ay hindi niya ipinahalata ang sumalit na mangha sa nerbiyos niya. Napakaganda at napakalinis ng opisina ni Matthew. Contrast sa ayos sa labas. Sa bawat hakbang niya ay lumulubog ang takong ng kanyang sapatos sa makapal na carpet. Gusto niyang mailang sa pagtitig nito sa kanya. Mula nang pumasok siya ay sa kanya na kaagad ito nakatingin. At hindi na muling inalis. Pakiramdam tuloy niya ay nag-a-apply siyang modelo at hindi sekretarya. Kulang na lang ay pati paghinga niya ay bilangin nito. “Have a seat.” Iminosyon nito sa kanya ang upuan sa harap ng mesa. Walang imik na iniabot niya rito ang folder. Ilang sandaling binasa nito ang detalye roon. “Siennalisa Serdenia,” anitong binasa ang buong pangalan niya. “How do they call you? Liza?” Umiling siya. “It’s Sienna, Sir.” “Sienna, all right. First, I don’t demand formality kapag tayong dalawa lang. You drop the word ‘sir’. And of course, I’ll call you ‘Sienna’ instead of ‘Miss Serdenia.’” Sa school ni Mickey, she was Mrs. Sebastian. Nang ipanganak si Mickey, hindi pa naaamyendahan ang family code. Tinaglay ni Mickey ang apelyido ng ama. At natural na ganoon din ang gamitin niyang pangalan. Legally, she was not married. At tama lang na “Miss” siya i-address ni Matthew. “How come you’re still single, Sienna? You’re already twenty-nine.” Inalipin na naman siya ng tensyon. Wala pa siyang isang araw na namamasukan ay abut-abot na ang tensyong nararanasan niya. Hindi siya magtataka kung pag-uwi niya ay may nervous breakdown na siya. “Probably, you’re still enjoying your life as a        single woman.” Narinig niyang si Matthew rin ang sumagot sa tanong nito. Gusto niyang matawa. Siya itong ini-interview ngunit hindi siya kumikibo. She wondered kung ilan ang kagaya ni Matthew sa corporate world. “Okay,” ani Matthew at tila naalis ang imaginary stick na waring sumusuporta sa likod. Relaxed itong sumandal sa swivel chair. “Hindi ko na masyadong babasahin ang iba pa. Na-orient ka na ni Ariel sa trabaho, `di ba? Idadagdag ko lang na I want coffee as soon as I arrive. Black. With very little sugar. Do you mind if I ask one now?” “Certainly not, Sir.” Umahon siya sa upuan. Malapit sa mesa niya ang electric airpot. “‘Sir’ again?” nangingiting wika ni Matthew. “Matthew is better.” “Matthew,” wala-sa-loob niyang wika, lumabas na siya. Black. With very little sugar.  Ingat na ingat siya sa paglalagay ng kape. Hindi naman siya sanay na magtimpla ng kape. Sila ni Mama Sylvia ay juice at tsaa lang ang alam na inumin. On certain occasions ay champagne at tequila ang kanilang iniinom. Ipinatong niya ang tasa sa platito at muling bumalik sa kuwarto ni Matthew. “Smells good,” anito nang makapasok na siya. “Why didn’t you make one for yourself? Usually ay sabay kaming nagkakape ni Ariel habang pinag-uusapan namin ang mga dumating na tawag habang wala ako.” “I don’t drink coffee—” “Matthew,” agap nito. “Baka mamaya, ‘sir’ na naman.” Tinikman nito ang kape. At pigil naman niya ang paghinga habang ninanamnam nito ang timpla niya. At nang marinig niyang magsalita ito ng “perfect” ay noon pa lang siya nakahinga nang maluwag. Hindi siya makaalis. Baka tinatapos lang nito ang kape at may ididikta sa kanya. “How long have you known Ariel?” Ilang taon na ba si Mickey? “More than twelve years already.” “Matagal na pala. I bet, vibes din kayo. Maganda namang makisama si Ariel. Sino ang mas matanda sa inyo ni Lucy?” Kung hindi lang nawaglit ang tingin ni Matthew sa kanya, mapapansin nito ang pagkunot ng noo niya. Gayunman ay maliksi siyang sumagot. “Ako. Lucy is only twenty-five.” High school sweethearts sina Ariel at Lucy. Parang sila noon ni Mike. Mas bata pa nga sina Ariel nang ipakilala nito si Lucy kay Mama Sylvia. “I see.” Sinaid na nito ang kape. “Sienna, you don’t have too much pressure on this job. I hope you’ll enjoy filling in. When Ariel comes back, I’ll probably have another position for you.” Napamaang siya. Hindi niya alam kung ganoon kalakas si Ariel para hindi maging pansamantala ang puwesto niya sa opisina. Nagsisimula pa lang siya at wala pang napapatunayan sa trabaho pero pinapangakuan na siya ng may-ari sa kompanya nito! Dala niya ang pinag-inuman nito ng kape nang bumalik siya sa mesa niya. Wala namang ipinagawa sa kanya si Matthew. At dahil natingnan na rin niya ang file ni Ariel ay wala na siyang ibang gagawin maliban ang sumagot ng mga important phone calls. Biglang nag-ring ang telepono. Paglipas ng ikalawang ring ay sinagot niya ito. “Elegant Tiles, good morning...” Natural nang sweet ang dating ng boses niya sa telepono kaya hindi na niya dapat pang pag-aralan ang mga bilin ni Ariel sa telephone manners. “Who are you?” Mataray ang tinig ng nasa kabilang linya. Nabigla siya sa tono ng pagtatanong nito. Kung nagkataong naroon siya sa bahay ay pagtataray rin ang isusukli niya rito. Ngunit maagap niyang ipinaalala sa sariling kailangang maging mahinahon siya. “Sienna, speaking. May I know who’s on the line, please?” Pinanatili niyang mababa ang tinig. “Sienna.” May disgusto sa tinig ng babae. “I-connect mo ako kay Matthew kung nandiyan na siya. Si Rowie ito.” Para itong reyna na nag-utos sa isang alila. “Hold on,” aniyang nagtitimpi. So this is Rowie, aniya sa sarili. Mapapangiwi ang makakausap nito!  Ilang sandali pa at sinagot na ni Matthew ang extension line. Wala pa yatang isang minuto na nag-usap ang dalawa. Mayamaya ay bumukas ang pinto at lumabas doon si Matthew. “I have a luncheon meeting, Sienna. Bahala ka na rito.” Tango lang ang naisagot niya. Inuulit-ulit pa niya sa isip ang binitiwang salita ito nang lumapit sa kanya si Anthony. “So, how’s our boss?” Puno ng kuryosidad ang mukha nito. “I was not eaten alive,” biro niya. “Good. And speaking of eating, it’s almost lunch time.” Wala na siyang nagawa kundi paunlakan ito.  FRIENDLY ang mga kasamahan niya. Mainit ang pagtanggap ng mga ito sa kanya. Alam ng mga ito ang relasyon niya kay Ariel at isa man ay walang kumuwestyon sa biglang pagpasok niya sa kompanya. Ni hindi nagdaan ang file niya sa personnel department. “Mukhang wala na kaming pag-asa, ah?” biro ng isa. “Wala talagang makakauna sa HRD head.” Nangunot ang noo niya lalo at tipid na tawa ang isinukli ni Anthony. “Ano ang posisyon mo sa opisina?” baling niya kay Anthony. “Sinabi na nila,” kaswal na sagot nito. “Wala namang problema. There are some who are exception to the rules.” “Wala ba akong nasagasaan sa pag-relieve ko kay Ariel?” “Sienna, huwag mong isipin iyon. Ang posisyon mo ay dapat lang na magmula kay Sir Matthew dahil siya ang immediate superior mo. Of course, ang personnel pa rin ang may responsibilidad sa rights mo. Benefits, privileges, compensation. You know such things.” Oo nga pala, naisip niya. Magkano nga ba ang suweldo niya? Hindi niya naitanong iyon at hindi rin naman nabanggit sa kanya nina Ariel at Matthew. She felt excited. Hindi siya umaasa ng mataas na suweldo. Iyon lang kung ano ang standard pay sa kagaya niya ang trabaho pero natutuwa siya. It would be her first salary. Hindi niya alam kung ano ang bibilhin para kay Mickey, gayun na rin kina Mama Sylvia at Ariel. She had so many ideas in mind, pero alam niyang hindi sasapat ang mga iyon sa una niyang suweldo. Pasado ala-una na nang bumalik sila sa opisina. Nalibang sila nang husto sa kuwentuhan. At kahit may nagpaalala na ng oras ay binale-wala ni Anthony. Ang katwiran ay kasama naman ito. “Wala ang pusa, so, maglalaro ang mga daga!” biro pa nito. Nang magpasya silang maghiwa-hiwalay, one-fifteen na. Nanlaki ang mga mata niya nang may makitang nakaupo sa kanyang mesa. Nagkatinginan sila ni Anthony na katawanan pa niya nang bumungad sila. Tila bale-wala lang dito ang dinatnan. Ngunit siya ay hindi. Bumilis ang kanyang hakbang. Hindi niya maipaliwanag kung bakit ang alon sa kanyang dibdib ay ganoon na lang. “Yes? Oo, on leave si Ariel. No, he has a reliever. Nag-CR lang.” Iyon ang narinig niyang sinabi ni Matthew sa kausap nito sa telepono. At parang gusto niyang matunaw sa kahihiyan. Ito ang amo pero ito ang gumagawa ng kanyang trabaho. “S-sir?” Mauutal na yata siya. Walang emosyon na nilinga siya ni Matthew at ibinalik nito ang atensyon sa kausap. “Okay, i-fax mo na lang sa akin ang dokumento. Bye.” Ibinaba na nito ang telepono. “Sorry, Sir.” Maiiyak na ang tono niya. “Sumunod ka sa akin,” pormal na wika nito. Mabuway ang lakad niya. Buo na sa isip niya na sa pag-uwi niya ay may nervous breakdown na siya! Bukas siguro ay iba na ang kapalit ni Ariel. Hindi niya naiwasang mag-isip. Hindi ba’t may luncheon meeting ito? Bakit nauna pa itong bumalik sa kanya sa opisina? Hindi kaya sinusubukan lang siya? “Let’s make things clear, Sienna. Pinaka-importante rito ang mga tawag sa telepono. May mga prospective client na nagsisimulang makipag-transact ng business sa atin through phone. Kung walang sasagot niyon, natural, there will be no new business for us.” “I’m sorry, Sir,” ulit niya. Bumunot ng paghinga si Matthew, wala sa anyo na kumbisido ito. Pagkuwa ay kumibo. “All right, I hope hindi na mauulit iyon.” NANG lumabas si Sienna ay parang wala siya sa sarili. Akala niya ay mapapatalsik siya nang wala sa oras. Hindi naman niya iniinda kung mawalan ng trabaho. Ang iniisip niya ay si Ariel. Mapapahiya ito dahil ito ang nagrekomenda sa kanya. Kung kailan naman nakaupo na siya sa mesa ay saka naman walang tumawag. Naririndi siya sa pressure ng katahimikan sa paligid niya. Anhin na lang niya ay tumunog ang kahit na intercom. Kahit na ilang tasa pa ng kape ang ipatimpla sa kanya ni Matthew ay gagawin niya. Kitang-kita ni Sienna nang may dumating na babae. Maimbay ang galaw ng balakang nito sa bawat paghakbang. Tuluy-tuloy ito sa paglakad at hindi pinansin ang isang empleyadong bumati rito. “You must be Sienna,” anito nang huminto sa tapat ng kanyang mesa. “Yes. What can I do for you?” pormal niyang tugon. She already had a hint who the woman was. At iisa ang natining na impresyon nito sa kanya. Antipatika. “I’m Rowie.  Nagmamadaling umalis si Matthew kanina, hindi kami nagkausap nang maayos. May kausap ba siya sa loob?” Umiling siya. Pagkuwa ay dinampot niya ang intercom para ipagbigay-alam sa lalaki ang presensya ng babae. “Don’t bother. Ako na ang pupunta sa kanya.” Sarcastic itong ngumiti bago tumalikod. Hindi na niya nakuhang sundan ito ng tingin. Maagap niyang sinagot ang pagtunog ng intercom. “Sienna? I don’t want to be bothered—” Nahinto ito sa sinasabi. Lumipad ang tingin niya sa pinto ng kuwarto nito. Nakapasok na si Rowie. Kung gusto man nitong magkaila ay wala na itong magagawa. “O sige, `di bale na lang.” Ipinagpasalamat niyang dumagsa ang mga tawag sa telepono. Karamihan ay nanghihingi ng appointment para makausap si Matthew. Ginawa niya ang bilin ni Ariel. Hanggang sa tumuntong ang oras ng uwian, busy siya. Kung hindi pa lumabas ng opisina si Matthew ay hindi pa niya mapapansing uwian na pala. “Wala ka pang balak na umuwi?” bati ni Matthew. “Get your things. Baka naman isipin mong first day mo’y isinabak na kaagad kita sa overtime.” “Come on, Matt, hindi mo kailangang i-remind      siya kung kailangan na niyang umuwi,” sabad ni      Rowie. “There’s the clock. Iyon ang magsasabi sa kanya.” Hindi niya ito pinansin. Noon lang din niya napansin na nandoon pa pala ang babae. Ni hindi tumawag ang mga ito nang oras ng meryenda. “Tatapusin ko lang ang mga ito, Sir.” Ibinalik niya ang atensyon sa pag-aayos ng mga appointments nito. Bukas ng umaga ay kailangang datnan nito ang mga papel na iyon sa mesa. “Okay. Hindi naman iyan marami. Siguro ay puwede ka na naming hintayin.” Sabay silang nag-react ni Rowie. Pagtutol pareho ang nasa mukha nilang dalawa, ngunit sa magkaibang estado. Lalong tumalim ang tingin sa kanya ng babae. “Why would she be so special, Matt? Hindi ba niya alam ang daan pauwi?” “S-sir, hindi naman ho ninyo ako kailangang hintayin. May dadaanan pa nga ho ako.” “Iyon naman pala, eh,” bawi ni Rowie. “Let’s go. O itatanong mo pa kung may pamasahe siya? Siguro naman ay meron! Paano iyan makakapunta rito kung wala.” Hinaklit na nito sa braso si Matthew para lumayo. Naiiling na itinuloy niya ang ginagawa. Ni tingnan ay ayaw niyang gawin sa dalawa. Baka mamaya ay lalong mag-alburuto ang babae. At isa pa ay may animosity siyang nadarama sa babae. Hindi siya natutuwang tingnan na nakaabrisete ito kay Matthew.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD