STEPHANIE Nakatulog ako ng mahimbing habang nakakulong sa mga bisig ni Allen. Pagkatapos niyang ipaliwanag sa akin ang lahat, unti-unting nawala ang bigat ng ulo ko. Napanatag din ang kalooban ko. Muli akong nagising sa alarm ng cellphone ko. Inalis ko ang kumot na nakabalot sa katawan ko. Masama pa rin ang pakiramdam ko, pero hindi na katulad kahapon na sobrang bigat. Sinulyapan ko ang kama. Wala na si Allen sa tabi ko. Pumasok na kaya siya sa opisina? Marahan akong bumangon. Nasapo ko ang ulo ko dahil bigla akong nahilo. Nang makabawi, umalis ako sa kama at tinungo ang pinto. Lumabas ako sa silid at sumilip sa bintana. Natigilan ako dahil nasa harap pa ng gate ang sasakyan ni Allen. Ibig sabihin, nandito pa siya. Pumunta ako sa kusina. Napangiti ako nang makita ko siya dito. Naabutan

