KABANATA 19
Umaga na. Ang sakit ng ulo ko dahil hindi na uli ako nakatulog pagkatapos kong marinig ‘yung mga sinabi ni Mommy kagabi. Pababa ako ng hagdan nang marinig kong umiiyak si Enzo. Dali-dali akong bumaba para puntahan ang kapatid ko. Nakita ko siya sa sala at nakatayo sa sulok habang nakatutok sa kanya ang hawak na baril ni Dad.
“Naglalaro lang naman tayo, bakit ka umiiyak?”
Sa labis na takot nakita ko ang unti-unting pagkabasa ng suot na shorts ni Enzo hanggang sa umagos na papunta sa sahig ang ihi niya.
“Dad stop this! Please! Bitawan niyo na ‘yan!” Humarang ako sa pagitan nila.
Pumasok sa sala galing sa labas sina Mommy at Ate Rose. Napatakip ng bibig si Ate Rose nang makita ang nakatutok pa ring baril sa amin ni Enzo.
“Mommy, awatin niyo naman si Dad. Please. Maawa naman kayo kay Enzo.”
“Why? Naglalaro lang naman sila ‘di ba? Lagi naman nilang ginagawa ‘to.”
“Tama ang Mommy niyo. Laro lang ‘to. ‘Di ba Enzo?” Inilagay ni Dad ang isang daliri sa gatilyo ng baril. Parang aatakihin na ‘ko sa puso sa sobrang bilis ng t***k nito. Nakita ko na naman ang paguhit ng nakakakilabot na ngiti sa mukha ni Dad. Ganito ang mukha niya nang paputukan niya ng baril si Mang Rudy. Pigil ang hininga ko. “Boo!” Napapikit ako sa biglaang pagsigaw ni Dad. Bigla silang tumawa nang malakas ni Mommy. Unti-unti kong idinilat ang mga mata ko. Hindi na nakatutok sa ‘min ang baril. Halos maubo na si Dad sa labis na pagtawa sa ‘min.
“Kids, you should have seen your faces! Nakakatawa talaga!” sabi ni Mommy.
Nagbingi-bingihan na lang ako. Kunwari wala akong narinig. Inakay ko palayo sa kanila si Enzo at dinala sa banyo. Dinalhan siya ng damit ni Ate Rose para makapagpalit. Naupo na lang ako sa may kusina para malapit sa banyo at hinintay na matapos mag-ayos si Enzo. Paglabas niya ng banyo, hihikbi-hikbi pa rin siya, nakahukot ang likod habang mabagal na naglalakad at yakap ang sarili.
Madali akong tumayo at lumapit kay Enzo. Hinawakan ko ang kamay niya, “Tara na sa taas. Huwag mo na lang sila tingnan.” Umakyat kami ng hagdan. Diretso ang tingin kahit naririnig namin ang kwentuhan at tawanan ng mga magulang namin.
“Kids, ayaw niyo na maglaro?” tanong ni Dad. Hindi namin siya pinansin. Tuloy pa rin kami sa paglalakad. “Kids?” muling tanong ni Dad kaya napatigil si Enzo. Nanginginig ang kamay niyang hawak ko.
“Just walk. Don’t mind them,” sabi ko.
“Sir, meryenda po?” Nang marinig ko si Ate Rose, hinatak ko na si Enzo, papanik. Dahil kay Ate Rose nawala sa amin ang atensyon nina Dad.
Nang makapasok kami sa kwarto bigla na lang bumuhos ang luha ni Enzo. Takot na takot talaga siya at halos manginig na ang buong katawan niya. Yumakap siya sa’kin nang mahigpit. Inalalayan ko siya hanggang sa makaupo siya sa kama. “Enzo. Listen to me. You have to be brave. Huwag ka mag-alala. Kakampi mo ‘ko. Hindi kita iiwan at hindi ko hahayaan na masaktan ka nila o nino man. Simula ngayon, dito ka na uli sa kwarto ko matulog. Mamaya ipapakuha ko kay Ate Rose ‘yung mga gamit mo para dalhin dito.” Tumango siya kahit na umiiyak pa rin. “Kailangan nating magmadali. Kailangan nating makaalis dito. Hihingi tayo ng tulong. ‘Yung cellphone mo, nasa ’yo ba?”
“N-nasa kwarto nina Mommy.”
“Sa’n exactly? Para madali ko mahanap.”
“Sa loob ng cabinet. Sa ilalim ng mga nakatuping tuwalya. Doon ko nilalagay para ‘di makuha ni Mommy sa ‘kin. Palagi niya kasi ako pinagagalitan tuwing hawak ko ‘yung phone.”
“Okay. Kukunin ko ‘yung phone. Dito ka na lang. Huwag kang aalis. I-lock mo ‘yung pinto. Hintayin mo ‘ko makabalik. Kakatok ako nang limang beses para alam mo na ako ang nasa pinto. Okay?”
“No!” Mabilis ang pag-iling ni Enzo. “Sasama ako. Ayoko mag-isa rito.” Parang nagmamakaawa ‘yung tono ng boses niya. Napabuntong-hininga ako at pumayag na lang sa gusto ng kapatid ko.
Sumilip muna ako sa labas ng kwarto para masiguradong walang tao. Tahimik na sa ibaba ng bahay kaya hindi ko alam kung nandoon pa rin sila o wala na. Dahan-dahan kaming naglakad palapit sa kwarto nina Mommy. Nakasarado ang pintuan nito. Sana walang tao, ang paulit-ulit kong sinasabi sa isip ko bago ko pihitin ang doorknob. Mahigpit ang kapit ni Enzo sa braso ko. Halos pigil ang hininga ko nang buksan ko ang pinto.
Walang tao. Bigla akong nakahinga ng maluwag. Mabilis pero walang ingay akong naglakad papunta sa cabinet. Dahil may kalumaan na ang cabinet, lumangit-ngit ang pintuan nito nang buksan ko. Napatigil ako saglit. Huminga muna ako nang malalim bago ko buksan uli ang cabinet nang mas dahan-dahan pa kumpara sa una kong ginawa. Nang mabuksan ko na ito, kinapa ko agad sa ilalim ng mga tuwalya ‘yung cellphone ni Enzo, pero wala akong naramdaman. Iniangat ko ‘yung mga tuwalya pero wala talaga. “Sigurado ka bang dito mo nilagay?” tanong ko.
“Oo, d’yan ko lang lagi nilalagay.”
Isa-isa kong tinanggal ‘yung mga tuwalya. Nagbabakasali na baka hindi sa pinakailalim nailagay ni Enzo kundi sa pagitan ng mga ‘to. Pero natanggal ko na lahat ng tuwalya pero wala talaga ‘yung cellphone.
“Baka naman nailagay mo sa ibang lugar? Kailan mo ba huling ginamit? Baka naman nasa kama? Sa ilalim ng unan mo? Sa bag mo?” tanong ko habang ibinabalik ang mga tuwalya sa cabinet.
“Baka. Hindi ko alam.” Nanginginig na naman ang mga kamay ni Enzo at parang maiiyak na naman siya.
Hinawakan ko siya sa braso at tiningnan diretso sa mata. “Enzo, hinga nang malalim.” Sinunod naman niya ‘yung sinabi ko. “Kailangan ko ‘yung tulong mo. Kapag tayong dalawa ang naghanap sa cellphone mas mapapabilis at makakaalis agad tayo rito. Kaya mo bang gawin ‘yun?” Tumango siya.
Hinanap ko sa iba pang parte ng cabinet, pero wala pa rin doon. Sunod kong tiningnan ‘yung tokador. Puro mga make-up at skincare lang ni Mommy ang nakapatong sa ibabaw nito, kaya binuksan ko ‘yung isa sa mga drawers at kinapa ang laman nito. “Ouch!” Napasigaw ako sa gulat dahil may matalim na bagay na humiwa sa daliri ko. Nang tingnan ko ‘yung kamay ko umaagos na ang dugo mula sa hinliliit ko. Napatingin ako sa loob ng drawer. May kutsilyo sa loob nito. Sino kaya ang naglagay nito?
Natigil ang paghahanap ni Enzo sa may kama at napatakbo sa ‘kin. “Okay ka lang Ate?”
Hindi ko masabing oo dahil walang tigil ang pagdurugo ng sugat ko. Hindi ko rin namang masabing hindi dahil baka matakot na naman ‘tong si Enzo.
Uutusan ko na sana siyang kumuha ng tuwalya, damit o kahit na anong pwedeng ipamunas nang dugo nang umurong ‘yung dila ko nang marinig ko ang mahinang langitngit ng pinto. “Ano ba kasing hinahanap niyo rito? ‘Yan tuloy nasugatan ka pa Gwen.” Parang nalaglag ang puso ko nang marinig ko ang boses ni Mommy. Sabay kaming napatingin ni Enzo sa kanya. “Ah! Alam ko na. Ito’ng hinanahanap niyo ‘no?” Itinaas ni Mommy ‘yung hawak niyang cellphone at dahan-dahang naglakad palapit sa kapatid ko. “Enzo, anak, ako na muna ang hahawak nito ha? Sobra-sobra na kasi ‘yung paglalaro mo.” Nakangiting sabi ni Mommy habang hinihimas ang ibabaw ng ulo ni Enzo.
“O-opo,” sagot ni Enzo na naninigas ang balikat at leeg sa takot.
Hinawakan ni Mommy sa kamay si Enzo. “Let’s go downstairs. Hinahanap ka ni Hunter.” Walang nagawa si Enzo kundi sumama kay Mommy. Mangiyak-ngiyak siyang naglakad palayo habang nakalingon sa akin. Hindi ko pwedeng pabayaan si Enzo. Hindi siya pwedeng mawala sa paningin ko. Hindi ko na pinansin ‘yung sugat ko. Mamaya ko na lang gagamutin. Mas importante ay mabantayan ko si Enzo. Sinundan ko sila. “Napaka-overprotective mo namang ate, Gwen. Don’t worry wala akong gagawing masama kay Enzo. And para mas mapanatag ka, sa kwarto mo na palagi matutulog si Enzo,” sabi ni Mommy habang naglalakad kami sa pasilyo.
Nasa likuran nila ‘ko, pero kahit hindi ko nakikita ‘yung mukha ni Mommy parang naiimagine ko ‘yung nakakatakot niyang ngiti. Sa salita niya parang alam niya kung ano’ng laman ng isip ko, kung ano’ng pinaplano ko. Pero kahit ganun hindi pa rin ako mawawalan ng pag-asa. Makakaalis kami rito at maililigtas ko ang kapatid ko mula sa kanila.
Matapos ang hapunan, sabay-sabay kaming pumanik nina Ate Rose at Enzo sa itaas. Tinulungan kami ni Ate Rose na ilipat lahat ng mga gamit ni Enzo sa kwarto ko. “Makakaalis pa ba tayo rito?” tanong ni Enzo na nakaupo sa kama ko at kandong ang tahimik na si Hunter.
“Kailangan nating makaalis sa kahit na anong paraan.”
“Natatakot akong tumakas pero mas natatakot ako sa kung anong kayang gawin sa inyo ng mga magulang niyo,” sabi ni Ate Rose habang kinakagat-kagat ang mga kuko. “Hindi na sila normal.” Hinimas ni Ate Rose ang magkabila niyang braso. “Hay, kinikilabutan ako kapag naiisip ko.”
“Ngayong gabi tayo tatakas. Hindi ko na kaya na maghintay pa ng isang araw,” sabi ko sa kanila.
Pinilit naming hindi makatulog hanggang sumapit ang alas-dos nang madaling-araw. Dahan-dahan kaming lumabas ng kwarto. Bit-bit ko ang isang bag na may lamang iilang mga gamit namin ni Enzo. Bitbit naman ni Enzo ang tulog na si Hunter na nasa loob ng kulungan nito. “Sisilip ako sa kwarto nina Mommy para masigurado na tulog na sila. Ikaw naman pumunta ka sa tapat ng kwarto ni Ate Rose. Sesenyas ako kapag okay na,” bulong ko.
Marahan kong pinihit ang doorknob ng pinto ng kwarto nina Mommy. Bahagya ko lang itong binuksan. Sapat lang para makita ko ang nasa loob. Si Dad agad ang nakita ko na nakataas pa ang magkabilang braso, nakanganga at naghihilik na. Si Mommy naman nakatalikod at nakasuot ng dark blue na satin na pajama. Dahan-dahan kong sinara ang pinto. Tumingin ako sa kinaroroonan ni Enzo at nag-okay sign. Senyales ito na pwede na niyang katukin si Ate Rose. Oras na para umalis kami.
Walang ingay kaming bumaba. “Nanlalata ‘yung mga tuhod ko,” bulong ni Ate Rose. “Hindi ko akalaing mararanasan ko ‘to.” Wala naman kahit sino sa aming tatlo ang nakaisip na darating kami sa ganitong punto na kailangan naming takasan ang mga magulang ko. Masaya kaming pamilya sa Manila kaya hindi ko alam kung ano’ng meron ‘tong bahay na ito at bigla na lang nagbago at naging masamang tao ang mga magulang namin ni Enzo.
Nang nasa ibaba na kami, binuksan ni Ate Rose ‘yung cabinet sa ilalim ng lababo. Nandoon pala ‘yung bag niya na may lamang mga gamit at pagkain. “Ate Rose may dinala ka po bang pagkain para kay Hunter?” tanong ni Enzo.
“Syempre naman. Wala akong nakalimutan sa mga bilin niyo.”
“Tara na. Bago pa sila magising,” sabi ko.
Sa pintuan sa likuran ng bahay kami lalabas. Maingay kasi ‘yung main door kapag binubuksan. Mas tahimik kaming makakaalis mas mabuti. Naglakad papunta sa may pintuan si Ate Rose habang nakasunod kaming dalawa ni Enzo. Hinawakan na ni Ate Rose ‘yung doorknob. Nakita ko ang panginginig ng kamay niya. Ipinihit ni Ate Rose ang doorknob at dinig ko ang pag-click ng lock nito. Kailangan na lang buksan nang tuluyan ang pintuan at malaya na kami. Dahan-dahan ang pagbukas ng pinto. Unti-unti nakikita ko na ang labas ng bahay. Mabuti na lang at may ilaw sa labas at hindi kami maglalakad sa dilim. Pero parang nandilim ang paningin ko nang tuluyan nang mabuksan ang pinto. Akala ko dala lang ng kawalan ng tulog at namamalikmata lang ako, pero nang marinig ko na siyang magsalita parang nahigop lahat ng lakas. “Saan kayo pupunta?” Sa labas ng bahay sa tapat ng pintuan naroon nakatayo si Mommy na may hawak na kutsilyo. Sunod ko na lang narinig ang sigaw ni Ate Rose at Enzo.
“Sa main door!” sigaw ko, pero pagharap namin sa likod naroon na si Dad. Hawak niya ang baril at nakatutok ‘to sa amin.
“One more move at may sasabog ang ulo sa inyo.” Napatigil kami dahil sa banta ni Dad.
Napasigaw uli si Ate Rose kaya napalingon ako. Hawak na siya ni Mommy sa buhok. “Ma’am patawad po. Patawad,” umiiyak na sabi niya.
“Ikaw ‘tong matanda pero ikaw pa ‘tong nagtuturo ng mali sa mga anak ko! Mukhang gusto mong makatikim ng parusa. Sige, pagbibigyan kita.” Kinaladkad ni Mommy si Ate Rose. Napayakap na lang ako kay Enzo. Nablangko ako. Hindi namin napaghandaan ito. Tanging pagtakas lang ang plinano namin. Hindi namin naisip kung ano’ng gagawin namin sa oras na mahuli kami.
“Mommy, ako na lang po ang parusahan niyo! Ako po ang nagplano nito. Pinilit ko lang si Ate Rose.”
“Huwag kang mag-alala Gwen. Kasama kayo ni Enzo sa paparusahan dahil matitigas ang mga ulo niyo at hindi kayo marunong sumunod sa mga magulang niyo.”
Halos gumapang na si Ate Rose sa hagdanan dahil sa ginagawang paghila sa kanya ni Mommy. Parang mapipilas na ‘yung anit niya sa tindi ng pagkakahatak sa buhok niya. Iyak lang kami nang iyak ni Enzo habang nakasunod sa kanila. Si Dad nasa likuran namin at paminsan-minsan ay idinuduro sa likuran ng ulo ko ang hawak niyang baril kapag bumabagal ang lakad ko.
Huminto kami sa tapat ng kwarto ni Inang. “Buksan mo,” utos ni Mommy kay Ate Rose. Kung wala kami sa ganitong sitwasyon, matatakot siguro ako na makulong sa kwarto ni Inang. Pero sa ngayon mas gugustuhin ko pa atang makakita ng multo kaysa, makasama ang mga magulang ko.
Bumukas ang pintuan. Patay ang ilaw kaya napakadilim sa loob. Wala kaming makita pero hinampas kami ng napakasamang amoy mula sa loob na halos ikabaligtad na ng sikmura ko. Hindi naman ganito kalala ang amoy nito nang huli akong makapasok rito.Kahit gaano ko pa takpan ang ilong ko'y pilit pa ring nanghihimasok ang masamang amoy. Itinulak papasok ni Mommy si Ate Rose. Sunod ay kaming dalawa ni Enzo. Napasubsob ako sa sahig at may naramdaman akong malagkit na likido sa palad ko, na hindi ko alam kung ano. Hindi ko kita pero dinig ko ang pagsusuka ni Enzo at parang maduduwal na rin ako dahil hindi ko na rin kaya ang amoy.
“Mommy! Mommy! Please turn on the lights!” pagmamakaawa ni Enzo sa pagitan ng pagsusuka at pag-iyak.
“Sigurado ka?” tanong ni Mommy.
“Opo! Please! Opo!” sagot ni Enzo.
Hindi ko alam pero may kilabot akong naramdaman sa tanong ni Mommy. Nang mabuksan ang ilaw, doon ko nalaman kung bakit. Halos magpaligsahan kaming tatlo sa pagsigaw. Sa loob ng kwarto naroon kasama namin ang naaagnas na bangkay ng matandang albularyong si Mang Adolfo at ni Mang Rudy. Kita mula sa malinaw na plastic na nakabalot sa buong katawan nila ang dilat nilang mga mata at nakangangang bibig. Halos madulas kaming tatlo sa pagmamadaling tumakbo palayo sa mga bangkay at sa katas ng mga ito na umaagos sa sahig.
Lumuhod si Ate Rose sa harap nina Mommy. “Ma’am, sir, please parang-awa niyo na po. Huwag niyo kaming ikulong dito. Maawa po kayo sa mga bata.”
“Dapat naisip niyo ‘yan bago niyo naisip na takasan kami,” sagot ni Dad.
“Be thankful na buhay pa kayo at ‘yan lang ang parusa niyo,” sabi naman ni Mommy. “Don’t worry dadagdagan namin ‘yung kasama niyo. Tatlo kasi dapat talaga sila d’yan, kaso ‘yung isa inilagay muna namin doon sa kama.” So may isa pang bangkay? ‘Yun ba ‘yung nakita kong katabi ni Dad kanina sa kama? That explains bakit nakaabang na agad si Mommy sa labas kahit na ang alam namin, tulog na siya.
“Get her Dad,” utos ni Mommy. “Pagod na rin ako and I wanna sleep.”
Yumakap si Enzo sa ‘kin. “Ate, sino’ng tinutukoy nila?”
Nasagot ‘yung tanong ni Enzo nang bumalik si Dad na may bitbit na bangkay ng babae na suot ang damit pantulog ni Mommy. Natatakpan ng mahabang buhok ang mukha nito. “Say hi to her,” pinilit pang iniangat ni Dad ang mukha nito kahit na matigas na ang leeg ng bangkay. Kung tama ang kutob ko, si Linda ito ‘yung private nurse ni Mommy dati. Napapikit ako dahil sa ginawa ni Dad. Ramdam ko naman ang paghigpit ng hawak sa ‘kin ni Enzo. Sunod ko na lang narinig ang pagmumura si Dad at isang malakas na kalabog. Nang idilat ko ang mga mata ko, pinapagpagan ni Dad ang dumi sa damit niya na mukhang galing sa bangkay na hawak niya kanina. Napaurong ako nang mapatingin ako sa bangkay na nakadapa sa harapan namin. “Bantayan niyo ‘yan. Baka makatakas,” natatawang bilin ni Dad. Umalis siya at sinarado ang pintuan. Dinig pa mula sa labas ang pag-click ng padlock na nilagay niya. Nagsama-sama kaming tatlo sa sulok na pinakamalayo sa mga bangkay.