KABANATA 18
“Bakit ‘di mo na naman ni-lock ‘yung pinto? Ilang beses ba kita dapat bilinan? Ang tanga-tanga mo! Inutil ka! Simpleng bagay hindi mo magawa! Paano kung may makapasok na naman dito? Paano kung pagnakawan tayo? May ibabayad ka? Kahit buhay mo kulang pa! Hampaslupa! Umalis ka sa harapan ko! Umalis ka!”
Dahil sa lakas ng sigaw ni Mommy napasilip ako sa labas ng kwarto ko. Hindi ko malunon ‘yung mga sinasabi niya kay Ate Rose. Ngayon ko lang siya narinig na magsalita ng ganun. Para siyang ibang tao.
Dahil wala naman akong magagawa para kay Ate Rose, pumasok na lang uli ako sa kwarto at ini-lock ang pinto. Tatlong araw na rin akong ikinukulong ng parents ko rito. Sa umaga, maaga akong gigisingin ni Ate Rose para makaligo. Pagkatapos babalik na ako rito at mag-aabang na lang sa oras na dalhan na ako ng pagkain ni Ate Rose. Hindi ko alam kung ilang araw pa ang itatagal ko sa ganitong sitwasyon. Kating-kati na nga ang mga paa ko makaalis dito. Hindi ako mapakali na walang ginagawa habang puno ng tanong ang isip ko pagkatapos ng mga nakita ko tungkol sa buhay ni Anita; totoo man ang mga ito o hindi.
Nakahiga ako sa kama ko at malalim ang iniisip nang marinig kong may gustong magbukas ng pintuan ng kwarto ko. Nakatitig lang ako sa doorknob at naghihintay sa marinig ang boses ng isa sa pamilya ko o kay Ate Rose, pero wala. Dahan-dahan akong naglakad palapit sa pinto at binuksan ito. Sumilip ako sa labas pero wala naman tao. Tanging bukas sa pintuan lang ng kwarto nina Mommy ang nakita ko pero wala naman atang tao sa loob.
“Gwen!” Nagulat ako at napatingin sa kanan ko. Nakita ko si Mommy na kalalabas palang ng kwarto ni Inang. May hawak siyang canister ng air freshener. Nakangiti siya habang naglalakad palapit sa akin. Maaliwalas ang mukha niya. Parang kanina lang sobrang init ng ulo niya pero ngayon parang walang nangyari. Ang lapad ng ngiti niya. “Oras na ng tanghalian. Sumabay ka na sa ‘min.” Hinawakan pa niya ako sa kamay at inakay palabas ng kwarto. Hindi ko alam kung palabas lang ito o talagang bumalik na sa dati si Mommy. Sana ‘yung huli.
Pagbaba namin, nasa dining area na silang lahat at masayang nagkwekwentuhan. Tahimik akong umupo. Nakikiramdam pa rin.
“Gwen! I’m glad you’re joining us for lunch,” sabi ni Dad. Hindi ko naiwasang mapakunot ang noo. Sila ‘tong nagkulong sa akin sa kwarto pero parang isang sorpresa sa kanila ang pagsabay ko ngayon sa pagkain.
Matipid akong ngumiti. Nagsimula na silang kumain. Si Dad ang nagpapakain kay Mommy dahil hindi pa magaling ang kanang kamay nito. Ako naman, tahimik lang na nakatingin sa hapag. Paminsan-minsan ay sumusulyap ako kay Ate Rose pero abala siya sa pagaasikaso kay Enzo kaya hindi siya napapatingin sa gawi ko. Gusto ko pa namang alamin sa kanya kung ayos lang bang kainin ang mga pagkain na nakahain.
“Wala kang gana? Ang sarap pa naman ng ulam. Luto ni Rose ‘yan,” sabi ni Mommy.
Napatingin si Ate Rose sa akin. “Ako namili niyan at nagluto. Paborito mo ‘yan ‘di ba?” sabi niya sabay ngiti na sinundan pa ng pagtango. Doon lang napanatag ang loob ko. Sa wakas makakakain na rin nang maayos.
Ang dami kong kinuhang pagkain. Sunod-sunod ang pagsubo ko. Ilang araw din akong nagtiis sa instant noodles. Feeling ko nga magkakasakit na ako sa bato at sobrang bloated na nitong mukha ko dahil ilang pack ng noodles ang nakain ko sa loob ng tatlong araw.
“Gwen, dahan-dahan. The last time na kumain ka ng ganyan, na-empacho ka,” nangingiting sabi ni Dad.
“Oh please Dad. Huwag niyo na po ipaalala. That’s one of the worst days of my life.”
Natawa si Enzo. “Naalala ko ‘yun! Super sakit ng tiyan mo and hindi mo alam kung lalabas ka ba o papasok ng CR.”
“And she even begged me na dalhin siya sa ospital,” sabi ni Mommy.
“Dahil feeling ko talaga mamamatay na ‘ko. I know medyo OA pero swear ang sakit talaga.”
We all laughed habang inaalala ‘yung incident na ‘yun. And I can’t stop staring at their faces. Ang saya na makita silang tumatawa at nakangiti. Ganito kami noon e. Masaya. Walang problema.
“Bumili nga pala ako ng raketa. Laro tayong badminton mamaya?” yaya ni Dad.
“Yes Dad! Kampi tayo tapos si Mommy at si Ate.”
“Aba. Pinili mo talaga ‘yung magaling ha?” Dad plays tennis, kaya sa’ming apat siya ang magaling.
“Syempre!” sagot ni Enzo sabay ngisi sa ‘kin.
“Pagkatapos kong pinturahan ‘yung gate, maglalaro tayo mamaya.”
Tuwang-tuwa si Enzo.
Si Mommy masayang nakatingin sa ‘min. “Tatalunin natin sila,” sabi naman niya sa ‘kin. Ngumiti ako at mabilis na tumango.
Kumain kami. Nagkwentuhan. Tawanan. Ang saya ko. Ang gaan sa pakiramdam kapag ganito kami. Ang saya na makalimot panandalian na may mga tanong pa rin na umaaligid sa ‘min na kailangan ng kasagutan at may mga pangyayaring naganap na hindi na namin mabubura pa sa kasalukuyan.
“Busog na po ‘ko,” sabi ni Enzo sabay tayo. “Papakainin ko naman si Hunter.” Palukso-lukso pa siyang umalis para kuhanin sa cabinet ‘yung pagkain ni Hunter.
“Samahan ko na po siya,” sabi ko.
“Go ahead,” sagot ni Dad.
***
“Wala pa rin ba siyang gana?” tanong ko. Hindi kasi pinansin ni Hunter ‘yung dog food na binigay ni Enzo.
Umiling si Enzo.
Binuhat ko at kinandong si Hunter. Ang gaan niya kahit mukha siyang mataba. Parang tumaba lang siya dahil sa makapal niyang balahibo.
“Baka dapat dalhin na siya sa vet.”
“Dinala na siya nina Mommy kahapon pero wala naman daw sakit si Hunter sabi ng doktor. Pinalitan na rin ‘yung food niya pero ayaw niya pa rin kainin.”
Kandong ko pa rin si Hunter habang hinihimas ang kanyang ulo at napatanong ako sa isip ko, si Hunter nga ba ‘to?
Na kay Hunter ang atensyon namin ni Enzo nang bigla na lang tumakbo papanik sa itaas si Dad. Ibinaba ko muna sa sahig si Hunter at pinuntahan sina Mommy at Ate Rose na parehong nakatingin sa itaas ng hagdan. “What’s happening?” tanong ko.
“May narinig na kalabog ang Dad mo sa taas,” sabi ni Mommy sabay baling kay Ate Rose. “Yan na nga bang sinasabi ko. Hindi ka kasi nagla-lock ng pinto.”
Tumakbo papunta sa tabi ko si Enzo. Sabay-sabay kaming napatingin sa hagdan nang marinig namin ang mga yabag ni Dad. “Wala naman akong nakita. Wala namang tao,” sabi niya nang nasa kalagitnaan na siya ng hagdan. Akala ko ayos na, pero nagulat kami nang bigla na lang may lalaking humahangos at patakbong nakasunod sa likuran ni Dad.
Si Mang Rudy! May hawak siyang patalim. Inambaan niya ng saksak si Dad na naiwasan naman kahit hindi ito nakikita. Mabilis na nahawakan ni Dad ang kamay niya na may hawak na kutsilyo at gumuhit ang isang nakakakilabot na ngiti sa labi ni Dad.
“Eh ‘di lumabas ka rin sa lungga mo. Akala mo ba ‘di ko alam na nagtatago ka sa ilalim ng kama?” Tumawa nang malakas si Dad habang si Mommy pigil ang tawa habang nasa tabi ko.
“Mga hayop kayo!” sabi ni Mang Rudy habang namimilipit sa sakit dahil sa higpit ng pagkakahawak ni Dad sa kanya. Nabitawan niya ang hawak na kutsilyo at napasigaw ako dahil muntik na itong tumusok sa paa ni Dad. “Papatayin ko kayo! Ipaghihiganti ko ang nanay ko!” sigaw pa niya habang pilit itinutulak si Dad na hindi man lang natitinag sa pagkakatayo.
“Ang ingay mo,” pumihit paharap si Dad kay Mang Rudy. Mula sa kanang bewang niya kinuha niya ang isang baril at mabilis na ipinutok sa ulo nito. Mahina ang tunog ng baril. Walang makakaalam sa nangyaring krimen. Binitawan ni Dad si Mang Rudy kaya bumagsak ang katawan nito sa hagdan at malakas na kumalabog ang ulo.
Natulala ako sa bilis ng mga pangyayari habang si Enzo napasigaw habang nakakapit at nakatago sa likuran ko.
Nilapitan kami ni Ate Rose at inilalayan palabas ng bahay. Ramdam ko ang takot niya. Nanginginig ang kamay niya. Nang malapit na kami sa b****a ng pintuan napalingon ako at nakita ko kung paano hatakin na parang baboy ng mga magulang ko ang wala nang buhay na katawan ni Mang Rudy.
“Diyos ko po. Diyos ko po. Ano’ng nangyari?” Hindi mapakali si Ate Rose. Panay ang sign of the cross niya.
Iyak naman nang iyak si Enzo habang nakaupo sa kinakalawang na bakal na upuan, “Si Hunter nasa loob pa.”
Hindi rin ako mapakali kaya palakad-lakad ako. “Gwen, maupo ka muna. Lalo akong natataranta sa ‘yo,” sabi ni Ate Rose.
Hindi pwedeng wala akong gawin. Nilapitan ko si Enzo at hinawakan sa kamay. ”Tara na. Aalis tayo.”
Umiling si Enzo at ayaw niyang umalis sa pagkakaupo. “Hindi ako aalis. Hindi ko iiwan si Hunter.”
Pilit ko pa rin hinila si Enzo. “Babalikan natin si Hunter. Promise. Pero sa ngayon kailangan muna nating umalis. Wala na tayong oras. Tara na. Sumama ka na rin Ate Rose.”
“Tama ba ‘tong gagawin natin Gwen?” tanong ni Ate Rose. “Kinakabahan ako. Wala naman tayong pera. Saan tayo pupunta?”
“Ito nang pagkakataon natin. Bahala na. Basta kailangan nating umalis.”
Pagkasabi ko noon, bumukas ang pintuan at lumabas si Mommy na bitbit si Hunter. “Pwede na kayong pumasok.” Nakangiti niyang salubong sa amin. Hindi ko alam pero parang nanigas ‘yung katawan ko sa takot sa kanya. “Enzo, kanina ka pa hinahanap ni Hunter. Kunin mo na siya.” Nagmamadaling lumapit si Enzo kay Mommy at kinuha ang tuta. “Rose, pumasok na kayo ni Enzo sa loob.”
Sumunod si Ate Rose sa utos. Wala akong nagawa kundi tingnan na lang sila habang papalayo sa ‘kin.
“Ikaw Gwen, hindi ka pa papasok?”
“Hindi niyo na ‘ko makukulong dito! Aalis ako!”
Ngumisi si Mommy. “Okay. Leave, and you will never see your brother… alive.” Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Pinagbabantaan ako ng sarili kong ina? At kaya niya ba talagang pumatay ng sariling dugo’t laman niya? Tumulo ang mga luha ko sa galit. Naiinis ako na wala akong magawa kundi ang maging sunud-sunuran sa lahat ng sabihin nila.
Ang bigat ng mga paa ko habang papasok ako pabalik ng bahay. Parang pinatikim lang ako nang saglit na liwanag. Nagdilim uli ang paligid ko nang sumarado ang pintuan sa likuran namin ni Mommy. Preso na naman ako. Makukulong na naman ako rito.
Pumanik sa itaas si Ate Rose kasama si Enzo. Sa hagdanan nakasalubong pa nila ang pababa na si Dad. Maya-maya’y may kumatok sa may pintuan. “Tao po.”
Sinenyasan ni Mommy si Dad na buksan ang pinto. Naupo naman kami ni Mommy at bigla ko na lang naramdaman ang pagtusok ng isang matulis na bagay sa tagiliran ko. “Katahimikan mo lang naman ang gusto ko kung ayaw mong sumunod sa lalaki kanina.”
Labag man sa kalooban ko, tumango ako.
“Kapitan! Bakit po kayo napunta rito?” tanong ni Dad nang makita kung sino ang bisitang dumating.
“Magandang araw po.” Sumilip pa ito sa loob at binati kami ni Mommy.
“Kumusta Kapitan?” Magiliw na tanong ni Mommy.
“Ayos naman po. Pasensya na po sa abala at sa biglaang pagpunta namin dito. Tatanungin ko lang kung napunta ba rito si Rudy? Sabi kasi ng misis niya, umalis daw ito kaninang umaga na galit na galit at dito raw ang tungo. Nagsabi sa ‘min ang misis niya sa takot na may gawing masama itong asawa niya.”
“Sigurado po siyang dito? Kasi hindi naman napunta rito ‘yung asawa niya. Katunayan kayo ang unang bisita namin ngayon araw na ‘to.”
“Ganun ba?”
“Opo. Tanungin niyo man ang anak at asawa ko.”
“Totoo po ‘yun,” sagot ni Mommy.
Naramdaman ko naman ang dahan-dahang pagdiin ng patalim sa tagiliran ko. “O-opo. Hindi po pumunta si Mang Rudy dito. Hindi po namin siya nakita.”
“Mabuti kung ganon. Mapapanatag na ako na walang ginawang masama itong si Rudy. Mag-iingat na lamang kayo at pasensya na uli sa abala.”
Pagkaalis nina Kapitan, tinapik ni Mommy ‘yung ibabaw ng ulo ko habang nakaduro sa harapan ko ang kutsilyo. “Good girl.” Nginitian pa niya ako nang nakakaloko.
Hinawi ko ‘yung kamay niya. “Puro kayo kasinungalingan. Hindi ko na kayo kilala. Hindi na kayo ang mga magulang ko.”
Nagtinginan silang dalawa at sabay na tumawa. “Kami sinungaling? Kailan ako nagsinungaling sa ‘yo Gwen?” Pangungutya pa ni Mommy sa ‘kin.
Mula sa bulsa ng pantalon ko, inilabas ko ang sobre ng sulat ni Anita kay Mommy.
“Then how can you explain this? Akala ko ba walang Anita, pero bakit may sulat para sa ‘yo na galing sa kanya?”
“At saan mo naman nakuha ‘yan?” Kinuha niya ang sobre. “At ano ‘to? Sobreng walang laman.” Tinawanan na naman niya ‘ko. “Pruweba na ‘yan para sa ‘yo? Kahit ako kaya kong bumili ng sobre at sulatan ng pangalan.”
Sunod kong inilabas ‘yung picture nilang tatlo nina Inang. “Si Anita ‘yan ‘di ba?”
“Walang Anita. Hindi ‘yan si Anita. Bakit ba ipinagpipilitan mong may Anita?”
“Dahil gusto kong malaman kung totoo ba ‘yung mga sinasabi ng mga tao na mamamatay tao ang pamilya natin. Hindi ko kasi matanggap! Gusto kong mabago ‘yung isip nila!” Napatingin ako kay Dad at natawa ako nang mapait. “Bakit nga ba kailangan ko pang alamin kung totoong may pinatay ang lola ko, kung kanina lang may pinatay ang tatay ko sa harapan ko? In the end, totoo naman pala ‘yung sinasabi nila. Pamilya tayo nang mamamatay tao.”
“Sinong pinatay? May pinatay ba ‘ko Mommy?” Nakangising tanong ni Dad.
Umiling si Mommy at nagtawanan na naman sila.
Hinawakan ako sa balikat ni Mommy. “Gwen, you’re tired. Ipahinga mo lang ‘yan, magiging okay ka rin.”
“No! I’m not! Bakit ba kayo nagkakaganito?” Hindi ko mapigilang umiyak. Feeling ko sasabog na ‘yung ulo ko. Pati ata ako masisiraan na ng ulo.
Pumanik ako at pagbukas ko ng pintuan ng kwarto ko bigla akong nakaramdam ng pagkahilo kaya napapikit ako, napayuko at napahawak sa ulo. Pagdilat ko, nagulat ako na hindi na kahoy na sahig ang tinatapakan ko kundi d**o. Pagtingin ko sa paligid nasa labas na ako at napakatindi ng sikat ng araw. Masakit sa mata, nakasisilaw.
Napatingin ako sa kanan ko nang may marinig akong pamilyar na boses.
“Talaga Anita?” Si Mommy.
“Totoo. Masaya sa ibang bansa. Maraming pwedeng pasyalan. Mabilis ang pera.”
“Kaso paano ang Inang Luring? Magagalit ‘yun. Kahit nga pagpunta ko sa kabilang bayan pinagbabawal niya, pagpunta pa kaya sa ibang bansa. Kahit nga Maynila ‘di ko pa nararating.”
“Mas gaganda ang buhay mo kapag nagtrabaho ka sa ibang bansa. Walang asenso dito sa El Ciego. Pumayag ka na. Sumama ka na sa ‘kin. Tutulungan kitang mag-asikaso ng mga papeles mo. Sasamahan kita sa agency ko sa Maynila.”
Hindi ko pa naririnig ang sagot ni Mommy sa tanong nang mag-iba na naman ang paligid ko. Ngayon nasa loob na ako ng kwarto ni Inang. Nasa harapan ko siya. Nakaluhod siya sa gitna ng kwarto at napapalibutan siya ng napakaraming kandila. May binibigkas siyang mga salita pero hindi ko maintindihan. May dugo nang lumalabas sa ilong at tenga niya pero tuloy pa rin siya sa ginagawa niya. Bigla siyang dumilat at nagkatitigan kami. Kinilabutan ako dahil pakiramdam ko nakikita niya ‘ko.
Napapikit ako at sa muli kong pagdilat nasa labas na uli ako. Gabi na at madilim. Sa malayo may naririnig akong babaeng umiiyak. Tumakbo ako palapit sa kanya. Si Mommy pala ito at sa harapan niya naroon si Anita, nakahiga sa damuhan na parang hirap na hirap at naghahabol ng hininga. “S-si Inang. Si Inang Luring,” sabi niya bago siya nalagutan ng hininga at bumagsak ang kamay na nakahawak sa braso ni Mommy.
“Anita!” Isang matandang babae ang sumigaw sa tabi ko. May kasama siyang batang babae. Tumakbo sila papunta kina Anita at Mommy. Nag-iiyakan silang tatlo. Si Mommy, ‘yung matandang babae at ‘yung batang babae.
“Ate… ate…” sabi ng batang babae habang umiiyak.
‘Yung matandang babae naman, bigla na lang napahawak sa dibdib habang nakaluhod sa damuhan at pangalan ni Anita ang huli niyang sinabi bago siya tuluyang bumagsak. Hindi ko alam kung patay na rin siya.
“Ate! Ate!” Boses na ni Enzo ang sunod na narinig ko. Nasa tapat na uli ako ng bukas na pintuan ng kwarto ko at nasa tabi ko si Enzo na hawak si Hunter. “Natutulog ka nang nakatayo at nakadilat?”
“H-ha?”
“Kanina pa kasi kita tinatawag pero ‘di ka kumikibo.”
“May iniisip lang ako,” sabi ko kasabay ng pagpunas ng luha ko na nagaamba nang tumulo.
“Pwede bang dito muna ako matulog kahit ngayong gabi lang? Ayoko muna matulog kasama sina Daddy. Natatakot ako.”
***
Tulog na sa tabi ko si Enzo nang marinig ko ang boses ni Mommy. Mukhang binabangungot na naman siya. Pasimple akong sumilip sa labas. Sarado ang pintuan ng kwarto nila pero naririnig ko si Mommy. “Papatayin niya ‘ko! Papatayin niya tayo, tulad nang ginawa niya kay Anita! Galit siya dahil iniwan ko siya. Tinalikuran ko ‘yung tradisyon ng pamilya. Gusto niya ng tiga-pagmana. Hindi niya tayo titigilan, kapag ‘di ko binigay si Gwen!”
Isinarado ko ‘yung pinto at napasandal na lang ako sa pader. ‘Yun ba ang dahilan kaya ayaw nila na umalis kami rito. Kailangan akong maiwan dito, para kay Inang? Isasakripisyo ako ng sarili kong mga magulang?