KABANATA 16

3279 Words
KABANATA 16 Dahil sa mga nangyayari nagiging paranoid na ‘ko. Sino ba namang hindi ‘di ba? Sarili kong mga magulang hindi ko mapagkatiwalaan. Sarili kong mga magulang, hindi ko maintindihan. Pagkatapos naming kumain, pasilip-silip ako sa labas ng kwarto namin. Pinakikiramdaman ko kung ano’ng nangyayari sa ibaba. Maliban sa mga tunog dulot ng ginagawang paglalagay ni Dad ng mga tabla sa bintana wala na akong ibang kakaibang narinig. Nakatayo ako sa may bintana, nagbabakasakaling makasagap ng signal para makapag-search sa internet nang kahit na ano tungkol sa mga spirits or black magic. Kahit ano papatulan ko na makahanap lang ng solusyon sa problema ng pamilya ko. Nakataas ‘yung kanang kamay ko na hawak ‘yung cellphone at tumitingkayad pa ako, pero wala talaga. Walang signal. “Gwen, Enzo.” “Si Ate Rose,” bulong ni Enzo kasabay nang pagtayo niya mula sa kama. Sinenyasan ko siya na maupo uli at ako na ang magbubukas ng pintuan. “Ate Rose?” “Ako nga.” Binuksan ko ‘yung pinto at nakita ko si Ate Rose na mukhang balisa. “Si Enzo?” sumilip siya sa loob ng kwarto. “Enzo, tara dito.” Sinenyasan pa niya si Enzo na lumapit. “Bakit Ate Rose?” tanong ko. Nagsimula na akong kabahan. Parang masama ‘yung kutob ko. Parang may mangyayaring hindi maganda. “Pinapatawag kayo ng Mommy mo. Bumaba na kayo.” Aalis na sana siya pero pinigilan ko. “Sandali lang Ate. Huwag ka munang umalis. May gustong malaman si Enzo mula sa ‘yo.” Lumapit si Enzo sa ‘min pero nanatili siya sa likuran ko. “Ate Rose, totoo bang wala na si Hunter? Si Mommy ba ang may kasalanan?” “H-ha?” Tumawa siya pero alam kong pilit. “Anong kalokohan ‘yan? W-walang ganon. Walang nangyaring ganon.” Hindi ako makapaniwala sa isinagot niya. Nagsisinungaling siya. Halata sa pautal-utal niyang pagsasalita. Hindi rin niya magawang tumingin sa amin nang diretso. “Ate, ikaw ang naglibing kay Hunter. Huwag mong sabihin na nakalimutan mo agad ‘yun.” “Gwen, huwag kang ganyan. Bumaba na lang kayo, bago pa ‘ko mapagalitan ng Mommy niyo.” Akma siyang aalis na naman nang hawakan ko siya sa braso. Bigla siyang napa-aray. Pagtingin ko sa braso niya may pasa. “Saan galing ‘yan Ate? Mukhang bago lang.” Pang-uusisa ko. “W-wala.” Hindi ko na siya napigilan nang tuluyan na siyang umalis. Nang pababa na siya nang hagdan, nagsalita pa siya uli. “Bumaba na kayo. Please.” Ano ‘tong nakikita ko sa mga mata niya? Takot? “Ate, ano ba talagang totoo?” Naguguluhang tanong ni Enzo sa ‘kin. “I swear nagsasabi ako nang totoo. Pakiramdam ko, tinatakot ni Mommy si Ate Rose para hindi siya magsalita. Pansin mo ba, nauutal siya kanina?” “Ano ‘yun?” Napasilip sa labas ng kwarto si Enzo. “Ha?” “Shhh..” Itinapat pa niya ‘yung hintuturo niya sa tapat ng labi niya. “Parang may narinig akong tumahol.” At tama nga siya, dahil may narinig din ako na parang nanggagaling sa ibaba. “Si Hunter!” Nagtatakbo palabas ng kwarto si Enzo, pababa ng bahay. “Sandali lang Enzo!” Sigaw ko habang patakbong nakasunod sa kanya. “Hunter!” Sigaw niya nang makita niya ang tutang hawak ni Mommy. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Kahawig na kahawig ni Hunter ‘yung aso. Pati ‘yung pwesto ng dark spots sa mukha, buntot at likod pareho. Tuwang-tuwa siya habang kinukuha niya ‘yung tuta mula kay Mommy. “Nasa garden ako kanina nang makita ko siyang naglalakad sa labas ng gate,” sabi ni Mommy. “Hindi ako makapaniwala. Parang siyang pusa na niligaw pero nahanap pa rin ‘yung way pauwi,” sabi naman ni Dad. Hindi ako makapaniwala sa mga naririnig at nakikita ko. Napatingin ako kay Ate Rose sa nakatayo at nagsusumiksik sa isang sulok sa may kusina. Gusto kong sabihin sa kanya na Ate Rose, please magsalita ka. Alam mong kasinungalingan lahat ng ‘to. Binalik ko ‘yung tingin ko kay Enzo. Hindi ko alam kung ano’ng nasa isip niya ngayon. Kung ano’ng tingin niya sa ‘kin ngayon. “Ate, you lied to me. Sabi mo patay na si Hunter. Sabi mo si Mommy ang may kasalanan.” “Sinabi mo ‘yun Gwen? How could you?” sabi ni Mommy with a very disappointed face. I can’t believe this is happening. Biglang ako na ‘yung masama at sinungaling. Tiningnan ko uli si Ate Rose, “Ate Rose…” Tinawag ko siya. Nagmamakaawang sagipin niya ako sa sitwasyong ‘to, na kampihan niya ako at pasinungalingan niya ‘yung sinasabi ng parents ko pero patay malisya siya. Hindi niya ako pinansin at saka siya lumabas ng bahay gamit ‘yung pintuan sa likod. “I’m very disappointed with you Gwen. Mula ngayon hindi ka pwedeng lumabas ng kwarto mo,” sabi ni Dad. “At sa kwarto na namin uli matutulog si Enzo,” dagdag pa ni Mommy. “No!” protesta ko. Hindi ko pwedeng iwan si Enzo sa kanila. Lumapit ako kay Enzo at hinawakan ko siya sa braso. “Enzo, hindi ko ma-explain kung paano nangyayari ‘tong mga ‘to, pero please trust me, nagsasabi ako nang totoo.” “Liar,” sabi niya bago siya ilayo ni Mommy sa ‘kin. Wala akong nagawa kundi umiyak. Takot na takot ako para sa kapatid ko. Nakatingin na lang ako sa likuran niya habang palayo sila sa ‘kin, palabas ng bahay. “Go to your room now Gwen. Doon ka lang at hindi ka lalabas hanggang ‘di ko sinasabi,” utos ni Dad sa ‘kin at wala ako sa sariling sumunod. I’m so helpless. Balik ako sa kwarto ko. Mag-isa. Tinanaw ko na lang si Enzo na kasama si Mommy sa labas; sa may garden habang hawak niya ang taling nakakabit sa leeg ng asong hindi ko alam kung si Hunter ba talaga. “Mommy, I think, hunter is sick. Ayaw niya pong gumalaw,” sabi ni Enzo. Hinihila niya kasi ‘yung tuta pero ayaw nitong tumayo. Ilang minuto na rin ‘yun na nakadapa sa tuyong damuhan. “Baka pagod. Ilang araw kasing nawala. Hayaan mo magpahinga,” sabi ni Mommy. Binuhat na lang ni Enzo si Hunter at pinasyal niya hanggang sa may gate. Tinitingnan lang ni Enzo ‘yung mga taong dumadaan na hindi naman sila pinapansin hanggang sa makita ko ‘yung mga batang nakaaway ni Enzo dati. Kinabahan ako na awayin nila uli ‘yung kapatid ko. Napatingin ako kay Mommy. Abala itong nagbubungkal ng lupa. Hindi niya alam ang sitwasyon ni Enzo. Nagmamadali akong lumabas ng kwarto at tumakbo papunta sa hagdan pero napahinto rin ako nang makita ko si Dad na nakatayo sa ibaba nito. Natakot ako nang makita ko ang seryoso niyang mukha at matalim na mga mata na diretsong nakatingin sa ‘kin. “Saan ka pupunta?” “Dad, si Enzo.” “Balik sa kwarto.” Napatingin ako sa hawak niyang martilyo na mahigpit niyang hawak sa kanang kamay. “But Dad.” Sinubukan kong humakbang ng isang beses at hindi na ako umabot pa sa pangalawa dahil biglang hinampas ni Dad sa hagdan ‘yung martilyo. Hindi lang isang beses kundi maraming beses dahilan para magkauka na ito, lalo pa’t may sira na rin ito at kalumaan. “Kapag sinabi kong balik sa kwarto, balik sa kwarto!” Habol hininga si Dad at galit na galit na nakatitig sa ‘kin. Sa takot ko, halos madapa ako nang tumakbo ako pabalik sa kwarto ko. Ni-lock ko ‘yung pinto. Pinakiramdaman ko kung sinundan ba ako ni Dad. Hiling ko, na sana hindi. Inilapat ko pa ang tenga ko sa may pinto at pinakinggan kung may maririnig ba akong yabag sa labas. Buti na lang, wala. Nakahinga ako nang maluwag kahit papaano. Dahan-dahan akong naglakad papunta sa may kama ko at naupo. Nakikita ko pa rin sa isip ko ‘yung itsura ni Dad at kung paano niya hampasin ‘yung hagdan. Kinilabutan ako sa takot. ‘Yun ang unang beses na makita kong ganun si Dad. Ibang-iba sa ama na kilala at kinalakhan ko. Hindi ko na malaman kung anong nararamdaman ko. Para akong maiiyak sa takot sa nangyayari sa pamilya ko. Bigla kong naalala si Enzo kaya nagmamadali akong tumanaw sa may bintana at hinanap siya. Nandoon pa rin siya, nakatayo sa may gate. Pero salungat sa ikinatatakot ko, wala namang masamang nangyari. Hindi naman siya nilapitan ng mga bata pero kahit sa malayo, kita ko naman na pinagtatawanan siya ng mga ito. Ano’ng nangyayari? Ano’ng nakakatawa? Mabuti na lang at hindi sila pinatulan at pinansin ng kapatid ko. Umalis na lang si Enzo at naglakad pabalik kay Mommy. Naupo siya sa luma at kinakalawang nang bakal na upuan sa may garden, “Mommy, kung ano-ano na naman po ‘yung sinasabi nung mga bata sa ‘kin pero hindi ko na sila pinatulan kasi hawak ko si Hunter.”  “Mabuti ‘yang ginawa mo. Hayaan mo sila. Wala naman silang alam,” sagot ni Mommy sa kanya. Tahimik lang akong nakatanaw at nakabantay kina Mommy nang may marinig akong kaluskos sa may pintuan ko. Napalingon ako at halos ‘di ako makagalaw na hinihintay na lang kung ano’ng susunod na mangyayari. Unti-unti, sa maliit na uwang sa ilalim ng pintuan may nakita akong papel na hindi ko alam kung kanino galing. Dahan-dahan akong bumaba ng kama at maingat akong naglakad papunta sa may pintuan. Lumuhod ako at yumuko para silipin sa ilalim ng pintuan kung may tao sa harapan ng kwarto ko, pero wala.   Kinuha ko ‘yung papel. Isa pala ‘tong picture. Picture ni Inang at ni Mommy noong bata pa siya. May isa pa silang kasama sa picture na katabi ni Mommy. Sa pangangatawan at bihis nito, alam kong babae ito. Hindi ko nga lang alam kung sino dahil burado ng ballpen ang mukha nito. Tiningnan ko ‘yung likod para tingnan kung may nakasulat, kaya lang wala naman. Sino kaya itong babae sa picture? Ito kaya si Anita? Pinagmasdan ko uli ‘yung picture at may napansin ako. ‘Yung babae na katabi ni Mommy, may suot na kwintas na may pendat na letter A. Dahil dito, kinutuban ako na baka si Anita nga ang nasa picture. Hindi ako mapakali sa loob ng kwarto ko. Gusto kong malaman kung sino ang nagbigay sa akin nitong picture. Si Ate Rose kaya? Imposible namang si Dad at lalo namang hindi kina Mommy at Enzo dahil nasa may garden sila. Si Ate Rose nga siguro. Baka nakita niya sa mga gamit ni Inang. Kailangan ko na siyang makausap dahil hindi na talaga ako mapakali. Pero paano? Hindi ako makalabas ng kwarto at palaging nakabantay si Dad. Baka pati si Ate Rose mapahamak nang dahil sa ‘kin. Minabuti ko na lang na manatili sa kwarto at maghintay ng magandang pagkakataon na makausap si Ate Rose. Kung hindi ako pwedeng lumabas, siguro naman dadalhan nila ako ng pagkain? At si Ate Rose ang uutusan nila na gumawa noon, kaya makakapag-usap kami.  ‘Yan ang nasa isip ko, pero mali ako dahil si Dad ang nagdala ng pagkain ko. Ni hindi na nga niya hinintay na mabuksan ko ‘yung pintuan. Inilapag niya lang sa sahig sa labas ng kwarto ko ‘yung tray na may pagkain. Kumatok ng dalawang beses at sinabing kumain na ako at saka umalis. Para akong preso. Parang hindi ako parte ng pamilya kung ituring. Nakakainis na nga na ganun ang trato sa akin, mas lalo pang nakakainis dahil hindi ko makausap si Ate Rose. Wala akong ganang kumain. Nakatitig lang ako sa pagkain na nasa tray na hindi ko alam kung safe bang kainin. Mabuti na lang may natira pa sa cereals na kinain namin ni Enzo kanina. Ito na lang ang pinagtyagaan kong kainin, kahit na malabsa na dahil kanina pa nakababad sa gatas.   Sinubukan kong i-distract ‘yung sarili ko para kahit papaano ma-relax naman ako kahit na nakakulong ako sa apat na sulok nitong kwarto. Sinubukan kong magbasa at manood ng movie sa laptop pero lumilipad pa rin pabalik sa mga problema’t maraming katanungan ‘yung isip ko. Kailangan ko ng sagot. Bumaba ako ng kama at malamig na sahig ang lumapat sa mga paa ko. Nasipa ko ata papunta sa ilalim ng kama ‘yung mga tsinelas ko. Lumuhod ako sa sahig at kinapa-kapa sa ilalim ng kama ‘yung tsinelas. Walang mahagip ‘yung kamay ko. Nasaan na ba ‘yun? Napasulong ata sa bandang gitna. Ayoko man pero wala akong choice kaya pikit-mata akong sumilip sa ilalim ng kama sa takot na may makita ako roon. Unti-unti kong binuksan ang mga mata ko. Nakahinga ako nang maluwag nang wala naman akong nakitang kakaiba. ‘Yung pares ng tsinelas ko lang ang nakita ko na napapunta nga sa bandang gitna ng kama. Pinilit kong abutin ‘yun ng kamay ko pero sadyang malayo at hindi ko ito maabot. Naghanap ako sa paligid nang pwede kong gamitin para sungkitin ‘yun pero wala akong makitang mahabang gamit na aabot hanggang sa kinaroroonan nung tsinelas. Kung kaya ko lang sanang buhatin ‘yung kama ginawa ko na pero gawa ito sa kahoy at talaga namang napakabigat. Kailangan ko pa atang gumapang papunta sa ilalim para lang makuha ‘yung tsinelas. Dahan-dahan akong gumapang papunta sa ilalim ng kama. Mabuti na lang at kalilinis lang ni Ate Rose nitong kwarto kahapon kaya hindi maalikabok ang sahig. Halos kalahati na ng katawan ko ang nasa ilalim ng kama at hawak ko na ang mga tsinelas ko nang marinig ko ang pagtunog ng spring ng kama sa ibabaw ko. Sa sobrang pagkataranta ko, hindi ko malaman kung gagapang ba ako pasulong o paurong pero ang ginawa ko ay ‘yung huli. Pakiramdam ko magkakapasa ako sa labis na pagmamadali makagapang lang paalis sa ilalim ng kama. Kaunting-kaunti na lang ay makalalabas na ako. Balikat at ulo ko na lang ang nasa ilalim ng kama nang may matamaang malamig ang mga paa ko at kasabay noon ay ang paghinto ng pagtunog ng kama ko. Para akong napako na pwesto ko. Hindi ko na naman malaman ang gagawin ko. This time imbes paurong, pasulong naman ang ginawa kong paggapang, pabalik sa ilalim ng kama. Habang gumagapang ako, nakarinig ako ng mabilis na yabag ng mga paa na para bang tumatakbo. Don’t tell me, sa kabilang side ng kama inaabangan ako nang kung sino man o ano mang nilalang ‘tong gumagambala sa ‘kin. Pinaglalaruan ako. Mabilis akong gumapang hanggang sa buong katawan ko na ang nasa ilalim ng kama. Mula na kinalalagyan ko inilibot ko ang paningin ko sa paligid. Wala namang akong nakitang pares ng mga paa kaya nakasisiguro ako na ako lang mag-isa ang nasa kwarto. Hindi ko rin naman narinig na bumukas ang naka-lock na pinto ng kwarto at hindi ko na rin narinig pang lumangitngit ang kama ko kaya mag-isa lang talaga ako at wala akong kasama. Nanatili ako ng ilang minuto sa ilalim ng kama at nakiramdam sa susunod na mangyayari. Napabuntong-hininga ako dahil akala ko’y tapos na ang pagpaparamdam sa ‘kin pero hindi pa pala, dahil bigla na lang may humawak sa magkabila kong mga binti at hinatak ako palabas ng ilalim ng kama. Taranta akong tumayo at tiningnan kung sino’ng may gawa noon sa akin pero wala akong nakita. Ako lang talaga ang mag-isa sa kwarto. Ngunit nang mapatingin ako sa malaking salamin ng tokador nakita ko ang repleksyon ko at sa harapan ko may isang babaeng nakaputi. Magulo ang buhok nito na tumatakip sa kanyang mukha at nangingitim ang kanyang balat na parang naaagnas na. Unti-unti kong ipinihit ang ulo ko para tingnan siya nang harapan, pero wala naman akong nakitang babaeng nakatayo. Tanging sa salamin ko lang siya nakikita. Bumalik ang tingin ko sa salamin. Nakita ko ang paggalaw ng kanyang ulo. Mabagal ito na para bang ang tigas ng kanyang leeg. Natatakpan ng buhok niya ang halos buong mukha niya. Tanging bibig lang niya ang nakikita ko na bumubuka nang mabilis. Kita ko ang buong ngipin niya na para bang nakangiti sa akin. Hindi ko maintindihan kung ano’ng sinasabi niya pero nanatili akong nakatitig sa bibig niya na pabilis nang pabilis ang pagbuka. Mula sa salamin nakita ko ang biglaang pagpihit ng ulo niya patingin sa akin sa salamin at bigla na lang bumukas ang bibig niya at isang palahaw mula sa kanya ang narinig ko kasabay ng tunog nang napakaraming bangaw na lumabas sa kanyang bibig. Halos hugutin ko ang hininga ko nang magising ako. Isang bangungot na naman. Kailan kaya ‘to matatapos? Nahirapan akong lumunon dahil nanunuyo ang lalamunan ko. Lumabas ako ng kwarto at bumaba para kumuha ng tubig. Nasa kalagitnaan pa lang ako ng hagdan nang marinig ko ang tawanan nina Mommy, Dad, at Enzo. Nang marating ko ang ibaba nang hagdan, sabay pang napatingin sina Mommy at Dad sa ‘kin. Walang ngiti sa mga mukha nila. Para bang ayaw nila akong makita. “Kukuha lang po ako ng tubig,” sabi ko. Wala silang sinabi at mabilis na ibinalik ang tingin sa pinapanood nila sa TV at nagtawanan uli. Sa kusina nakita ko si Ate Rose. Pagdaan ko sa tabi niya, “Sa ‘yo ba galing ‘yung picture?” Mabilis at pabulong kong tanong. Hindi siya sumagot pero matipid siyang tumango. Habang naghihiwa siya ng melon. Pasulyap-sulyap siya sa ‘kin at sa pamilya ko na nasa sala.  “May iba pa. Mamaya ibibigay ko,” sabi niya at mabilis siyang umalis bitbit ang mangkok na may lamang prutas. “Enzo, heto nang paborito mo!” Magiliw niyang sabi habang palapit siya kina Mommy. Sa likod ng ngiti niya’y alam kong itinatago niya ang nararamdaman niyang takot sa pamilya ko. Habang abala sila sa panonood. Kumuha ako ng mga pagkain at inilagay ko sa mga bulsa ng shorts ko at ilalim ng t-shirt ko para hindi nila makita. “Hindi mo ba kinain ‘yung mga hinanda ko para sa ‘yo? Bakit ang dami niyang dala mo?” Seryosong tanong ni Mommy sa ‘kin nang akma na akong papanik ng hagdan. Napansin niya siguro ang mga nakabukol sa pagkain sa ilalim ng damit ko. “M-masarap po ‘yung pagkain kaso nabitin po ako.” Isang malapad na ngiti ang gumuhit sa mukha ni Mommy na imbis na ikatuwa ko ay nagdulot sa ‘kin nang matinding kilabot. “Ganun ba? Sige, dadamihan ko pa ang hapunan mo mamaya. Ubusin mo uli ha? May bagong recipe pa naman akong natutunan.” Ayoko nang isipin kung ano’ng recipe ang tinutukoy niya dahil baka mawalan ako ng gana. “O-okay po. Thanks Mommy.” Habang papanik ako ng hagdan, iniisip ko na kung saan ko itatago ‘yung mga pagkain na ibibigay pa uli ni Mommy sa ‘kin. ‘Yung pagkain nga na ibinigay sa ‘kin kaninang tanghalian, inilagay ko sa wala nang laman na box ng cereals at gatas. Papanik na ako ng hagdan nang maramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone na nasa bulsa ng shorts ko, kaya patakbo na akong pumanik pabalik sa kwarto. Pagkapasok ko sa kwarto, ini-lock ko agad ang pinto at sinagot ang tawag ni Rina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD