KABANATA 10
Kinabukasan normal naman ‘yung araw namin. Si Enzo nakipaglaro kay Hunter. Si Ate Rose nagsasampay ng mga nilabhan. Si Daddy nasa likod bahay pero ‘di ko alam kung ano’ng ginagawa, at si Mommy nasa garden. Pinuntahan ko si Mommy at dinatnan ko siyang tulala at hawak ‘yung hose ng tubig na sige lang ang buhos at tapon ng tubig. Lunod na lunod na ‘yung natuyong halaman na dinidiligan niya. Hindi ko alam kung ano’ng meron sa lupa nitong bahay ni Inang dahil katatanim lang namin nung mga halaman nung isang araw tapos ngayon tuyo at patay na agad. ‘Yung mga puno nga kalbo na. Wala nang dahon kahit isa at hindi ko na alam kung tutubuan pa.
“Mommy.”
Nagulat siya sa pagtawag ko sa kanya. “O, Gwen,” nginitian niya ‘ko, pero parang pilit. Parang may bumabagabag sa kanya. Dahil kaya sa panaginip niya kagabi o dahil pareho kami ng iniisip na minumulto kami ng mga kaluluwang ‘di matahimik o baka naman nalulungkot lang siya at dinaramdam pa rin niya ang pagkawala ni Inang? Parang kahapon lang nung tulala siya habang maluha-luha at hawak ‘yung picture nila ni Inang noong bata pa siya.
“Mommy mabubuhay pa po ba ‘yan?” Ayokong i-open sa kanya kung ano’ng mga iniisip ko. Ayokong dumagdag sa pinagdadaanan niya ngayon kaya nagtanong na lang ako tungkol sa halaman kahit na obvious naman ang sagot sa tanong ko. Mukha namang wala nang pag-asa ‘yung mga halaman. Hindi na nga dapat dinidiligan ni Mommy, dahil sayang lang ‘yung tubig.
“Sana.”
***
Nakatayo ako sa tapat ng pintuan ng kwarto ni Inang. Kanina pa ‘ko pabalik-balik dito pero hindi naman ako pumapasok. Nauunahan kasi ako ng takot. Kahit maaga at maliwanag pa, wala namang pinipiling oras ‘yung pagpapakita at pagpaparamdam dito. Pero walang magyayari sa ‘kin kung tatayo lang ako sa harapan ng kwarto niya. Hindi naman nakaukit sa pinto ng kwarto ni Inang ang mga sagot sa katanungan ko kundi maaaring nasa loob ng kwarto niya. Sa mga gamit niya o kaya doon sa notebook niya na hindi ko maintindihan ang sulat.
Hinawakan ko ‘yung doorknob. Bumuntong-hininga muna ako bago ko ‘yun pinihit. Unti-unti binuksan ko ‘yung pintuan. Sinalubong ako nang malamig na hangin. Ganito ‘yung pakiramdam noong mabuksan ‘yung pintuan sa morgue. Ganito ‘yung lamig. Napansin ko ring may kakaibang amoy ang loob ng kwarto ni Inang kahit nalinis na ito nang ilang ulit. Bago pa nga kami pumunta rito may inutusan na si Mommy para maglinis, para hindi namin madatnang madumi. Nilinis rin uli ito ni Ate Rose. Pati nga mga pader, kinaskas niya ng sabon, kaya hindi ko alam kung bakit ganito ang amoy. Hindi maikakaila sa mga naninindig kong baliho ang takot, pero pilit kong pinanlabanan ito. Inisip ko na lang na dahil sa bukas na bintana sa kwarto ni Inang kaya ganon na malamig ‘yung pumapasok na hangin. Makulimlim pa naman sa labas at mukhang uulan na naman. At ‘yung naaamoy ko ay dahil sa kalumaan na nitong bahay.
Walang pinagbago ‘yung ayos ng kwarto ni Inang mula nang huli ko itong makita. May malaking cabinet sa kanan na doon panigurado nagtago si Enzo. Sa tabi ng cabinet nandoon ‘yung lumang kahoy na kama. Sa bandang kaliwa nandoon naman ‘yung lamesa at upuan kung saan ko nakitang nakapatong noon ‘yung lumang notebook ni Inang. At sa sulok sa kaliwa may lumang tokador na may malaking salamin.
Malinis ‘yung lamesa. Walang nakapatong. Sinilip ko rin ‘yung ilalim, pero wala naman akong nakita maliban sa nanuyo at tumigas nang bubble gum na idinikit ko dati. Sunod kong tiningnan ‘yung kama. Wala nang kutson at unan ‘yun dahil ipinatapon na ni Mommy, lalo na at doon namatay si Inang at tatlong araw ang lumipas bago siya nakita. Pero naaaninag pa sa kahoy ‘yung bakas ng katas na naiwan doon. Mabilis kong iniwas ang mga mata ko at tiningnan na lang ‘yung mga sulok, pati ilalim nito. And honestly ilang segundo ko ring kinundisyon ‘yung sarili ko bago ko nagawang sumilip sa ilalim kasi kung ano-ano na ‘yung na-imagine ko na pwede kong makita. Baka may paa na naman o kaya may makita akong nakasilip. Nang sumilip nga ako, nakapikit ako at unti-unti ko na lang binuksan ‘yung mga mata ko para if ever may makita man ako, hindi biglaan. Buti na lang wala naman nagpakita sa ‘kin at wala rin naman akong nakitang kakaiba sa ilalim ng kama, maliban sa alikabok at sapot ng gagamba. Next ‘yung cabinet. Nag-sign of the cross muna ako bago ko ‘yun binuksan. Wala nang lamang damit ‘yung cabinet. Kinapa-kapa ‘ko ‘yung gilid pati ‘yung ibabang part. Baka lang naman may secret compartment akong makita, o kaya baka secret switch ‘yung mga hook na sabitan sa loob, pero wala at hindi naman. Gusto ko rin sanang tingnan ‘yung likod nung cabinet kaso masyado siyang malaki at mabigat para sa ‘kin. Hindi ko kaya. Last na tiningnan ko ‘yung tokador na may salamin. Sa kwarto ko may ganitong tokador din. Sa kwarto naman nina Mommy at Ate Rose ang salamin nasa cabinet. Walang nakapatong sa ibabaw ng cabinet. Hindi ko alam kung talagang wala or ipinalinis na rin ni Mommy. May maliit na upuan na nasa gitna noon na hinila ko para tingnan ang ilalim at kapain ‘yung kutson na ibabaw pero wala namang kakaiba akong nakita kaya inupuan ko na lang para hindi ako mangawit sa pagyuko habang tinitingnan ‘yung laman ng mga drawers ng tokador. Isa-isa kong binuksan ‘yung mga drawer pero wala ring mga laman. Kahit hair pin o kaya pardible man lang wala. Pero may napansin akong kakaiba sa isa sa mga drawer. ‘Yung dalawang drawer sa kaliwa at ‘yung unang drawer sa kanan malalim, samantalang ‘yung huling drawer sa kanan mababaw. Malakas ‘yung kutob ko na may secret compartment doon. Ang problema ko na lang ay kung paano ko ‘yun bubuksan. Sinubukan kong hatakin palabas ‘yung buong drawer pero may kumakalang. Kapag sinira ko kaya ‘to magagalit si Mommy? At ano namang idadahilan ko sa kanya kung bakit nasira? Trip ko lang? Sinira ng anay?
Pinagmasdan ko ‘yung loob ng drawer at may napansin ako sa ilalim na parte nito, parang may dalawang maliit na uka na pwede kong sungkitin kaya nagmamadali akong lumabas at nakabungguan ko pa si Ate Rose.
“Hay naku po! Ikaw lang pala Gwen. Akala ko may nagmumulto na naman diyan sa kwarto ng lola mo. Ikaw lang pala. Ano bang ginagawa mo?”
“Naisip ko lang tingnan ‘yung kwarto niya.”
“Napakatapang mo naman.” Parang bigla siyang naalala. “Ay, ano, pinapatawag ka nga pala ng Daddy mo.”
“Bakit daw po?”
“Hindi ko alam.”
Mukhang hindi ko pa mabubuksan ‘yung ilalim nung drawer. Hindi ko pa malalaman kung ano’ng itinago ni Inang doon.
***
Nakita ko si Dad na may nilalagaring kahoy sa labas. “Dad, pinapatawag niyo raw po ako?”
Napatingala siya at tinignan ako. “Ah yeah.” Ibinaba niya muna ang hawak na lagare at pumasok sa loob ng bahay. Sinundan ko siya. “Can you help me choose? Ano’ng mas maganda para sa sahig? Wood or tiles?” May pinakita pa siya sa ‘kin na samples. “I prefer the tiles, pero sabi ng Mommy mo, mas maganda kung wood. What do you think?”
“Kung kailangan ko pong mamimili, I prefer wood, pero hindi po ba mas maganda kung wala tayong papalitan kundi aayusin lang ‘yung mga sira? Baka po kasi ‘yung makakabili nitong bahay mas gusto na ma-retain ‘yung original na itsura nito or if ever na may gusto silang palitan, malaya silang makakapag-decide.”
“Well you have a point and less gastos pa.”
Dad and I were still talking nang biglang magtatakbo papasok si Hunter na basang-basa. Nakahabol sa kanya si Enzo. Pumasok din si Mommy kasunod nila na sapo ‘yung isang kamay niya na may dugo.
“Kinagat ako nung aso.”
“Why? Paano?” Nag-aalalang tanong ni Dad habang nakasunod kay Mommy na papunta sa kusina.
“Tinutulungan ko si Enzo na paliguan ‘yung aso nang bigla na lang akong inangilan at saka kinagat sa kamay.”
Yakap-yakap na ni Enzo si Hunter. “Mommy ‘di niyo naman po ilalayo si Hunter sa ‘kin ‘di ba? Hindi naman po niya sinasadya?” Parang maiiyak na siya.
“Mamaya na tayo mag-usap Enzo,” sabi ni Mommy habang hinuhugasan na ‘yung sugat niya sa lababo.
“Gwen, tulungan mo si Enzo na tapusin ‘yung pagpapaligo sa aso, then go upstairs pagkatapos. Bring the dog.”
“Okay Dad.”
Iyak nang iyak si Enzo habang sinasabon si Hunter na tahimik naman. “Ate baka ibalik nila si Hunter sa pet shop. Kausapin mo naman si Mommy.”
“Hindi naman siguro gagawin nina Mommy ‘yun, ‘tsaka kumpleto naman sa vaccine si Hunter. Kaya tigilan mo nang kaiiyak dyan.” Pinunasan ni Enzo ‘yung luha at sipon niya gamit ‘yung manggas ng damit niya. “Maligo at magpalit ka ng damit mamaya.” Tumango naman siya.
Pinanik namin sa kwarto ko si Hunter at pinatuyo namin ‘yung balihibo gamit ‘yung hair dryer. Tahimik lang naman si Hunter na nakadapa sa sahig. Hinahayaan lang kahit ano’ng gawin namin sa kanya. Papikit-pikit pa nga at mukhang makakatulog na. Sa tingin ko mas kampante siya sa mga bata and feeling threatened naman around adults, kaya tinatahulan niya sina Mommy. Hindi naman tumutulo ‘yung laway niya so I don’t think meron siyang Rabies.
“I hope Mom’s okay.”
“Magpapaturok lang si Mommy ng anti-rabies, uuwi din sila agad.”
“Sana hindi siya galit kay Hunter.”
“Hindi ‘yun. Masyado kang nag-iisip. Maligo ka na nga. Ako nang bahala kay Hunter.”
“Thanks Ate.”
Habang pinapatuyo ko pa ‘yung balihibo ni Hunter at kaming dalawa na lang ang nasa kwarto, bigla na lang siyang tumayo at nagtatahol sa harap ng nakabukas na pintuan ng kwarto ko kahit wala namang tao.
“Shh… Hunter stop.” Huwag mo kong takutin.
Hindi siya nakinig sa ‘kin dahil tuloy pa rin siya sa pagtahol. Pagkatapos tumakbo siya palabas ng kwarto. Sinundan ko siya hanggang makarating kami sa loob ng kwarto ni Ate Rose. Wala sa kwarto niya si Ate Rose. Siguro tapos na siyang mamalantsa. Si Hunter nahiga lang sa sahig tapos natulog na uli.
“So tinakot mo ‘ko dahil gusto mo lang lumipat ng tutulugan? Ikaw Hunter ha.” Hinihimas ko ‘yung malambot niyang balihibo nang mapansin ko ‘yung nail p****r na nasa sahig. Naglinis siguro ng kuko si Ate Rose tapos nakalimutang ibalik sa taguan niya. Pinulot ko ‘yung nail p****r at ipapatong ko sana sa ibabaw ng drawer nang may bigla akong maisip. Pwede kong gamiting panungkit ‘to doon sa drawer sa kwarto ni Inang. “Dyan ka muna ha. Matulog ka lang diyan. Babalik din ako agad,” sabi ko kay Hunter na mahimbing pa rin ang tulog.
Nagmamadali akong pumasok sa kwarto ni Inang. Binuksan ko ‘yung drawer at isinuot ‘yung nail p****r sa maliit na uka para matungkab ko ‘yung takip nitong secret compartment na ‘to. Pero nang matanggal ko na, wala namang laman. Seriously? Secret compartment pero wala namang secret sa loob? Pinagod lang ako sa paghahanap pero wala naman pala akong makikita. Hindi kaya itinapon na lahat ni Mommy ‘yung mga gamit ni Inang? Pero bakit ‘yung mga damit ni Inang nandito pa? At bakit naman niya itatapon? Baka naman itinabi lang? Nilagay sa box? Itinago? Or baka naman wala na talaga at si Inang mismo ang nagtapon ng mga gamit niya. Pero grabe ‘yung galit ni Inang nung pumasok ako noon dito na para bang may malaking sikreto dito sa kwarto niya. Nasaan na ‘yung mga sikretong ‘yun? Bakit wala akong nakita? Wala akong nahanap na sagot. Puro tanong pa rin ang meron ako. Tanungin ko kaya si Ate Rose? Baka alam niya. Siya naman ang laging inuutusan ni Mommy.
Lumabas ako ng kwarto ni Inang nang walang napala. Ibinalik ko ‘yung nail p****r sa kwarto ni Ate Rose at binitbit ko si Hunter palabas, pabalik sa kwarto ko.
“Hunter, hanapin mo nga ‘yung notebook ni Inang,” sabi ko habang nakahiga nang patagilid sa kama at nakatingin sa nakadapang si Hunter. Gumalaw lang ‘yung tenga niya tapos wala na. “Bibigyan kita ng treats ‘pag nahanap mo ‘yun.” No reaction. Sabi niya siguro ano kayang pinagsasasabi nitong babaeng ‘to? Bakit ‘di mo i-try na tumahol para magkaintindihan tayo. Natawa ‘ko sa sarili ko.
***
Nang makabalik na sina Mommy galing sa ospital, nagulat ako sa itsura niya. Sapo niya ‘yung kamay niya na may sugat na parang sobra niyang pinoprotektahan. Para siyang takot na takot. Patingin-tingin pa siya sa magkabilang gilid. Nakakatakot naman talaga ang Rabies pero hindi ko lang in-expect na makita ‘yung ganung reaction galing sa kanya. Ni hindi niya kami pinansin ni Enzo, nang sinalubong namin sila. Nilagpasan niya lang kami tapos dire-diretso na siyang pumanik sa itaas.
“Pagod lang Mommy niyo,” sabi ni Dad sa ‘min.
“Is she mad at me?” tanong ni Enzo.
“No. Hindi mo naman kasalanan ‘yung nangyari. It was an accident. Hayaan niyo lang magpahinga ang Mommy niyo. Mamaya or bukas okay na siya uli.”
Pero sumapit ang gabi at narinig na naman namin siyang sumisigaw dahil sa isang masamang panaginip na hindi na naman niya maalala nang magising siya. This time parang mas nakakatakot ‘yung naging panaginip niya dahil grabe ‘yung sigaw at ungol niya. Umiyak pa siya habang mariin na nakapikit ang mga mata at nakaikom ang mga kamay. Ang tagal din bago namin siya nagising. Kinailangan pa siyang yugyugin nang malakas ni Dad. At kinurot-kurot ko pa siya para lang magising. Si Enzo hindi nagawang pumasok sa kwarto nina Mommy nang dahil sa takot. Nagtalukbong lang siya sa kwarto. Si Ate Rose naman naririnig kong bumubulong at nagdarasal ata sa likuran namin noong time na hindi pa nagigising si Mommy.
“Dad, hindi po ba talaga pwedeng umalis na tayo rito? Hindi ko na po ma-explain ‘yung mga nangyayari. Never naman pong nanaginip nang ganyan si Mommy noong nasa Manila pa tayo,” bulong ko kay Dad nang makatulog na uli si Mommy.
“Wala sa lugar ‘yun Gwen. Wala namang nakakaalam sa atin kung kailan tayo mananaginip nang hindi maganda.”
“Yes Dad, pero baka itong bahay na ‘to, itong lugar na ‘to and ‘yung mga nangyari dito ang nakapagbibigay ng stress kay Mommy kaya siya binabangungot. Baka kailangan niya munang malayo sa lugar na ‘to.”
“We can’t leave.”
“Bakit Dad?”
“We’re almost done sa pag-aayos nitong bahay. A week or two tapos na ‘to. And for sure hindi rin papayag ang Mommy mo na umalis.” Kinuha ni Dad ‘yung kamay ko at tinapik sa ibabaw. “Gwen, it’s just a bad dream. Nothing serious. Trust me.” I don’t know if I should trust his words or my instinct.