KABANATA 11
Ang aga kong nagising dahil sa pagtilaok ng manok sa labas. Pagtingin ko sa gilid ko, si Enzo tulog na tulog pa rin. Bumaba ako nang kama at naglakad palabas ng kwarto. Napatingin ako sa bukas na pintuan ng kwarto nina Mommy. Si Dad nasa kama pa at tulog habang si Mommy wala na doon. Pababa ako nang hagdan nang makita ko si Mommy sa may dining table, nakaupo at tulala na naman. Hawak pa rin niya ‘yung kamay niyang may sugat. Sa itsura niya mukha siyang hindi nakatulog dahil nangingitim ‘yung ilalim ng mga mata niya. “Good morning,” sabi ko sa kanya nang tuluyan na ‘kong makababa. Hindi siya sumagot or tiningnan man lang ako. Hindi siguro maganda ‘yung gising niya kaya hinayaan ko na lang. Papunta na sana ako sa banyo nang mapansin ko na kumukulo at umaapaw na ‘yung pinapakuluan ni Mommy sa malaking kaldero kaya nagmadali akong tumakbo sa kusina at pinatay ‘yung kalan. Natalsikan pa ako ng kumukulong tubig. Pumunta agad ako sa lababo para itapat sa tubig ‘yung napasong kamay ko. Ang sakit kasi. Si Mommy hindi man lang nag-react kahit siguradong dinig naman niya ‘yung mga nangyari sa kusina.
“Luto na ba?” Parang wala sa sariling tanong niya kaya napalingon ako. Nasa tabi na siya ng kalan.
“Hindi ko po alam pero umaapaw na po kasi kaya pinatay ko na po,” sagot ko. Nagulat na lang ako nang hawakan ni Mommy ‘yung takip ng kaldero nang wala man lang hawak na pot holder tapos inulublob niya ‘yung kamay niyang may sugat sa loob ng kaldero na umuusok pa. “Mommy!” Napasigaw ako nang dahil sa ginawa niya, pero siya, wala man lang reaksyon ang mukha. Parang hindi man lang siya nasaktan kahit nakalublob sa mainit na tubig ‘yung kamay niya. Pag-angat ng kamay niya mula sa loob ng kaldero, muntik na ‘kong matumba at maduwal nang makita ko kung ano ‘yung hawak niya. No, kung sino pala ‘yung hawak niya.
***
“Ate, nakita mo si Hunter? Wala sa kwarto.” Napatingin ako sa kapatid ko na pababa nang hagdan na papungas-pungas pa ng mata. Sa kwarto nga pala namin natulog si Hunter at hindi ko napansin kaninang paggising ko na wala siya.
Hindi ko alam kung sino’ng uunahin ko. Si Mommy o si Enzo. Mabilis akong tumakbo papunta sa kapatid ko. Nasa kalagitnaan na siya ng hagdan. “Ipinasyal ata ni Ate Rose,” pagsisinungaling ko. Naiiyak na ‘ko. Hindi ko masabi sa kanya na wala na si Hunter. “Ang aga pa. Matulog ka pa,” sabi ko sa kanya habang marahan ko siyang tinutulak sa likuran niya.
Buti na lang sinunod niya ‘yung sinabi ko. Pumasok siya uli sa kwarto at natulog. Ako naman dali-daling ginising si Dad at sinabi ‘yung sitwasyon tungkol kay Mommy. Halos matumba pa si Dad sa pagmamadaling bumbaba. Nakita namin si Mommy nakaupo sa may dining table. Nasa harapan niya si Hunter na nakalagay sa isang malaking plato. Tinatanggalan niya ito ng mga balihibo na mabilis naman nahuhugot dahil sa ginawa niyang paglublob dito sa kumukulong tubig. Nanginginig ‘yung kanang kamay ni Mommy na sobrang pula dahil sa labis na pagkalapnos. Hindi ko alam kung nararamdaman ba niya ‘yung sakit at hindi niya lang pinapansin o talagang manhid siya at walang nararamdaman. Mabilis na nilapitan ni Dad si Mommy at itinayo.
“Dadalhin ko sa ospital ang Mommy mo. Gisingin mo si Rose at sabihin mong ilibing ‘yung aso.” Utos sa ‘kin ni Dad. Hindi ko na napigilan ‘yung luha ko. Iyak ako nang iyak. Pinipigilan ko lang na makagawa ng ingay dahil baka magising uli si Enzo. Kumatok ako sa kwarto ni Ate Rose at sinabi ‘yung nangyari at ‘yung utos ni Dad.
Hindi ko magawang tumingin nang inilalagay na ni Ate Rose sa itim na plastic bag si Hunter. Parang kahapon lang kasama namin siya, kalaro, tapos ngayon wala na siyang buhay. Hindi ko alam kung ano’ng idadahilan ko kay Enzo. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanya na wala na ‘yung alaga niya na dalawang araw lang niyang nakasama. “Ate Rose, ang sasabihin natin kay Enzo, nawawala si Hunter. Na nilagay si Hunter sa cage niya tapos hindi natin napansin na nakawala pala.” Mas okay na ‘yun kesa malaman niyang patay na si Hunter at si Mommy ang dahilan.
***
“Ate tulungan mo ‘ko. Hanapin natin siya” umiiyak na sabi ni Enzo sa ‘kin.
“Sige hahanapin natin siya,” sabi ko habang pinipigilan kong umiyak. “Pa-print natin ‘yung picture niya. Meron siyang picture sa phone mo ‘di ba? Ipapakalat natin ‘yung pictures niya. Baka sakaling may nakakita sa kanya.” Ang sakit sa kalooban na magsinungaling sa kapatid ko. Lalo na napi-picture ko pa sa utak ko ‘yung kaawa-awang itsura ni Hunter kanina.
“Ate nasaan sina Mommy?”
“Umalis sila para hanapin si Hunter.” Isa na namang kasinungalingan para pagtakpan ‘yung nangyari.
“Sana pagbalik nina Mommy, kasama na nila si Hunter.” I’m really sorry Enzo pero hindi na babalik si Hunter. Kung nagising lang sana ako nang mas maaga or kung sana nagising ako nang kunin ni Mommy si Hunter sa kwarto namin, sana kasama pa namin si Hunter. At kung sana umaalis na rin kami sa pesteng bahay na ‘to sana hindi ‘to nangyayari.
***
Gabi na nang makauwi ang parents ko galing sa ospital. Nakabenda na ‘yung kamay ni Mommy.
“Dad, pinayagan na po kayong umuwi agad?” Sa itsura kasi ng kamay ni Mommy mukhang dapat mag-stay pa siya sa ospital.
“Ayaw mag-stay ng Mommy mo sa ospital. Ang tigas ng ulo. Dito daw siya magpapagaling. Ikinuha ko na lang siya ng private nurse. Bukas darating.”
“Ano pong nangyari kay Mommy?” Napalingon ako nang marinig kong nagsalita si Enzo sa likuran ko. Kalalabas lang niya ng banyo.
“Kumain kami sa labas. Natapunan nang mainit na sabaw ang Mommy mo, pero okay na siya.”
“Si Hunter po ba nahanap niyo?”
Napatingin si Dad sa ‘kin na parang nagtatanong kung ano’ng isasagot niya. Hindi pa niya kasi alam na ang dinahilan ko sa pagkawala ni Hunter ay nakawala ito nang walang nakakakita.
“Oo nga po Dad. Si Hunter po ba nahanap niyo? Bakit kasi ‘di natin napansin na nakalabas na pala ng bahay. Hindi tuloy natin alam kung nasaan na siya ngayon.”
Hindi ako makapaniwala sa nakita ko. I swear parang nakita kong ngumisi si Mommy. Hindi ko alam kung namalikmata lang ba ako o totoo ‘yung nakita ko. Tiningnan ko agad si Enzo at naghintay ako na mag-react siya sa ginawa ni Mommy pero mukhang hindi naman niya nakita o baka wala naman talagang dapat makita dahil wala namang ginawa si Mommy.
“Sorry anak pero hindi namin nakita si Hunter. Bukas hanapin natin siya ha?”
“Okay po.”
Inalalayan ni Dad si Mommy papanik sa itaas at naiwan kami ni Enzo sa ibaba.
“Ate nagawan mo na ba ako ng flyers na ipapa-print natin bukas?”
Hindi ko pa nga pala siya nagagawan. Sobrang distracted kasi ako kanina. Kung ano-anong iniisip ko kaya nagbasa muna ako nang libro para ma-distract ako hanggang sa nakatulog ako sa sala nang hindi ko namamalayan.
“Sorry, ‘di ko pa nagagawa. ‘Yung pictures pala ni Hunter kailangan ko.”
“Nasa taas ‘yung phone ko.”
“Okay. Sa taas na lang natin gawin, nandoon din ‘yung laptop ko.”
Naunang pumasok ng kwarto si Enzo at nakasunod naman ako. Nang papasok na ‘ko, napatingin ako sa nakasaradong pintuan ng kwarto ng parents ko and parang naririnig ko silang nagtatalo. Hindi ko maintindihan ‘yung sinasabi nila pero ‘yung tono ng boses alam mong may pagtatalong nagaganap pero pigil na pigil na magsalita nang malakas. Nagtatalo kaya sila dahil sa ‘di pagpayag ni Mommy na mag-stay sa ospital? Dapat kasi doon siya magpagaling at hindi rito. Ang laki pa naman ng risk na maimpeksyon ‘yung sugat niya lalo na’t malala ang sugat sa kamay niya.
“Ate ito na ‘yung pictures,” sabi sa ‘kin ni Enzo kaya pumasok na ako sa kwarto ko at isinarado ko ‘yung pintuan ng kwarto.
Thru bluetooth, inilipat ko ‘yung mga pictures na kinunan nung birthday ni Enzo papunta sa laptop ko. Habang tinitingnan ko ‘yung pictures nangingilid na ‘yung luha ko dahil nakikita ko ‘yung maamong mukha ni Hunter. Mas emotional ako kesa sa kapatid ko dahil alam ko kung ano’ng tunay nangyari kay Hunter. Samantalang siya ang alam niya may posibilidad na buhay pa si Hunter at malaki ‘yung pag-asa niya na makikita namin ‘yung alaga niya.
“8 o’clock na. ‘Di ba may pinapanood ka kapag ganitong oras?” sabi ko sa kanya para bumaba muna siya at manood ng TV at maiwan akong mag-isa rito sa kwarto kasi anytime babagsak na talaga ‘yung luha ko.
“Oo nga pala! Nood muna ‘ko ha? Gandahan mo ‘yan Ate,” bilin niya bago siya lumabas ng kwarto ko at doon na bumuhos ang luha ko. Halo-halo na ‘yung nararamdaman ko; lungkot, takot, inis. Gulong-gulo na ‘yung utak ko. Hindi ko alam kung sino’ng sisisihin ko sa mga nangyayari sa ‘min.
Pinagmasdan ko ‘yung picture naming buong pamilya. Ako, si Mommy, si Dad, si Enzo at ‘yung bagong miyembro sana ng pamilya namin, si Hunter. Wala si Ate Rose sa picture kasi siya ‘yung kumukuha. Masaya kami sa picture. Nakangiti kaming lahat. Panandaliang nakalimutan ‘yung mga problema na gumugulo sa amin. Wala kaming kamalay-malay na may mas mabigat pang mga pangyayaring susunod naming mararanasan.
Nakatitig ako sa picture nang mapansin kong parang may kakaiba sa braso ni Mommy. Zinoom ko ‘yung picture sa braso niya para mas makita ko, at kinalabutan ako nang mapagtanto ko kung ano ‘yung nasa braso niya. May maputlang kamay na may maiitim na kuko ang nakahawak sa kanang braso ni Mommy. Wala naman kaming ibang kasama noong araw na ‘yun. Wala kaming bisita. Kami-kami lang. Hindi ko alam kung saan galing ‘yung kamay na ‘yun. Ako lang naman ‘yung katabi ni Mommy sa picture.
Sa takot ko, isinarado ko agad ‘yung laptop. Hindi ko alam kung magagawa ko pang gawin ‘yung flyers na nire-request ni Enzo dahil baka sa tuwing titingnan ko ‘yung picture ‘yung nakahawak na kamay sa braso ni Mommy ang maisip ko. Hindi ko na talaga alam kung ano’ng nangyayari. Kung sino ‘yung nagmumulto sa ‘min. Sabihin ko kaya kay Dad na ipabendisyon namin ‘tong bahay at magpamisa kami sa pari? Baka sakaling mawala o mabawasan ‘yung nagpaparamdam sa bahay na ‘to. Lalo na ilang araw o baka ilang linggo pa kaming manatili rito and I swear hindi ko alam kapag dumating na ‘yung araw na ‘yun if I will still be sane. I wish nandito si Rina or kahit makausap man lang siya para may mapagsabihan ako, kaso walang pakinabang at pakisama ang internet dito. Kung kailan kailangan at saka wala.
Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. “Ate gising. Ate,” napabangon ako bigla nang marinig ko si Enzo.
“Ano’ng nangyari? Si Mommy? Si Dad?”
“Nasa kwarto nila tulog na.”
Napanatag ako nang marinig ko ‘yun. Akala ko kasi may masamang nangyari kaya grabe kung makayugyog ‘tong si Enzo.
“Kinabahan naman ako sa ‘yo.”
“Kabahan ka na talaga, kasi inis na ‘ko sa ‘yo. Tinulugan mo na naman ‘yung flyers ni Hunter. Paano natin siya makikita niyan?” nakasimangot na sabi niya.
“Sorry. Sige, heto na. Gagawin ko na.”
Binuksan ko ‘yung laptop. Bumungad sa ‘kin ‘yung picture na naka-zoom sa braso ni Mommy. Mabilis kong zinoom-out ‘yung picture at inilipat ko sa susunod na picture.
“Ano ‘yun?”
“Wala lang. Mas cute kasi si Hunter dito sa next pic.”
Una kong tiningnan ‘yung braso ni Mommy sa picture and thank God wala akong nakitang kamay na nakahawak doon.
“Crop ko na ha? Okay na ‘to ‘di ba?”
Tumango siya nang mabilis.
Wala na akong takas sa kapatid ko, kasi binantayan na niya ‘ko habang ginagawa ko ‘yung flyers.
“I think okay na ‘to. Ipapa-print na lang natin, tapos ipapamigay bukas.” Ang sakit sa kalooban na nagsisinungaling ako sa kapatid ko at pinapaasa ko siya na mahahanap pa namin si Hunter.