The Retired Assassin's ReincarnationUpdated at Apr 3, 2026, 05:07
Jake Carter, isang assassin na nag retiro sa kanyang trabaho upang mamuhay na lamang ng tahimik at malayo sa lahat ng gulo sa mundo, ngunit ang taong marami nang nalalaman sa isang natatagong organisasyon ay isang banta para sa kanila. Sa huling mga sandali ay alam ni Jake ang dahilan at nauunawaan n'ya ito, kung bakit kailangan s'yang burahin sa mundo ng organisasyon na kanyang tapat na pinag lingkuran sa loob ng maraming taon.Tanggap man ni Jake ang kalupitan ng mundo ay hindi n'ya inaasahan ang mga pangyayari, nagising s'ya sa katawan ng isang batang lalaki, sa hindi malamang dahilan at marahil na rin sa nakasanayan ni Jake ang umayon sa daloy ng buhay, mabilis na prinoseso ng kanyang isipan ang mga nagaganap. Namuhay si Jake bagong pagkakakilanlan bilang anak ng isang Baron, tinanggap n'ya ang katotohanan na s'ya ay mabubuhay sa bagong mundo bilang si Huazen Ryousukei Vuerer. Sa panibagong pagkakataon na meron sya ay pinili n'ya ang mabuhay ayon sa kanyang nais, walang sinusunod na organisasyon, walang sapilitang pagtatrabaho, ngunit sinusunod ang responsibilidad at obligasyon bilang isang anak. Sa pagnanais na protektahan ang mga mahal sa buhay na sa nakaraang buhay ay wala s'ya, pinili n'ya ang parehong paraan ng pamumuhay, ngunit sa pagkakataong ito ay upang pumrotekta at hindi para kumitil ng walang sapat na rason. Ginawa lahat ni Huazen ang tingin n'ya ay kailangan at tamang paraan para sa ikabubuti ng kanyang pamilya, bukod sa pagiging assassin na kilala sa terminolohiyang mersenaryo ay pinasok n'ya pati ang pagiging kawal sa palasyo, maging ang paggamit ng mahika ay kanyang kinabisa. Sa mundong kanyang kinalalagyan, mahika ang batas at kapangyarihan, hindi lang basta koneksyon at kayamanan, sa mundong monarkiya ang uri ng pamahalaan siya lang ang may kaalaman at talino na wala rito, ang mundo na tila ba kapanahunan ng Ikalabingwalong siglo kung ikukumpara sa dati niyang mundo, siya lang ang makabago. Siya si Jake Carter sa katauhan ni Huazen Ryousukei Vuerer, isang assassin na namayapa sa makabagong mundo at nagising sa katauhan ng isang batang lalaki sa makalumang mundo, isang anak ng Baron, isa sa pinakamababang uri ng aristokrata sa monarkiya, ngunit pinaka mahalaga dahil sila ang pinagmumulan ng kasaganahan ng ekonomiya. Sa kanyang maayos na pamumuhay kung saan maayos na nakakalkula ang mga maaaring mangyari ay may misteryo ang dumating, dalawang nilalang na gumagabay sa kanya sa hindi niya alam na dahilan, ngunit mas pinili niyang magtiwala sa kanyang kutob at sa dikta ng puso't isipan. Kasabay ng misteryong ito ay ang pagtibok ng kanyang dibdib na alam niyang maaaring maging hadlang sa kanyang mga kalkulasyon. Isang digmaan ang nagbabadya sa di inaasahang panahon, isang digmaan na matagal nang nakakubli sa dilim, ngunit dahil sa kanyang ginawa ay lumutang sa liwanag, isang responsibilidad na hindi n'ya inasadya na ini-atang n'ya sa sariling balikat. Dahil sa nalalapit na digmaan at sa unti-unting paglutang ng banta nito ay maraming nagbago, mula sa pananaw ni Huazen sa bagong mundong iyon at sa kanyang damdamin, maraming bagay ang kanyang napagtanto at sa hindi inaasahan ay maraming bagay siyang natutunan. Maraming bagay man ang gumulo sa isip at damdamin ni Huazen, iisa parin ang naging desisyon n'ya sa huli, iyon ay ang lumaban, hindi para sa bansa, hindi para sa sarili, kundi para sa mga taong naghihintay sa kanyang pag-uwi sa kanilang tahanan.