PROLOGUE

1002 Words
NANDITO ako ngayon sa cafeteria at sinusundan ng takbo ang lalaking gumawa ng kababuyang ito sa bagong kakalaba ko lang na bag. Pinakaputi-puti ko pa naman ang paglalaba nito kahapon dahil wala ng perang ipambibili pa ng bagong bag ngayon. I sighed. “Hoy! Lalaking mukhang gorilya!” malakas na sigaw ko. Kumukulo ang dugo ko at umiigting ang mga panga ko dahil sa galit sa mukhang siyokoy na ito! “At ano’ng problema mo, maliit na tao?” nakangising tanong niya na may mapangmaliit na tono. Nagsalubong ang kilay ko at pakiramdam ko ay umuusok na ang magkabilang butas ng ilong ko. Nakakuyom pa rin ang mga kamao ko dahil sa sobrang galit at pagkapikon sa lalaking ito. Patawarin sana ako ng Diyos pero mukhang makakapatay ako ng tao ngayong araw! “Ang kapal ng pagmumukha mo! Ikaw ba ang may gawa nito, ha?” Ibinato ko sa dibdib niya ang bag ko na punong-puno ng ketchup habang panay ang pagbubulungan ng mga tao sa paligid namin. “Ano ba?!” magkasalubong ang kilay niyang hiyaw sa akin kasunod ang pagpagpag niya ng damit na nabahiran ng maasim-asim na ketchup na mukhang expired na. “Wala akong ginagawa, okay?” matalim ang mga tingin niyang sigaw sa akin at parang sasabog na rin siya sa galit. At siya pa talaga ang may ganang magalit? Ang kapal talaga ng mukha! “Wala kang ginagawa? E, sino ba ang kilala kong taong hindi marunong mag-isip na pupunuin ng ketchup ang kakalaba ko lang na bag, ha?!” malakas kong bulyaw na parang mapupunit na ang lalamunan ko sa lakas ng boses ko dahil sa sobrang galit. Sa sobrang panggigigil ko sa kaniya ay hindi nawawala ang mainit kong awra ngayon. “Oh? Aba’y malay ko sa 'yo! Porket ba may gumawa niyan sa 'yo ay ako kaagad ang sisisihin at babalibagin mo ng mabahong bag na 'to?” Sinipa niya ng sobrang lakas ang bag ko para mas lalo itong marumihan at kumalat ang ketchup sa lapag. “Hindi ko alam kung nasaan ang utak mong babae ka. Paraanin mo nga ako riyan! Nagsasayang lang ako ng oras sa 'yo!” dagdag pa niya at naglakad palayo sa akin. Lalong umiinit ang ulo ko. Walang hiya talaga ang lalaking ito! “Ang lakas ng loob mo! Ikaw pa itong galit! Hindi ba at ikaw lang naman ang matindi ang galit sa akin dito, ha? Kaya sa tingin mo, sino ang gagawa niyan, ha? Isang ligaw na kaluluwa? Hoy! Hindi porket matangkad, may magandang katawan, at may magandang pagmumukha ka ay kayang-kaya mo akong ganyan-ganyanin lang!” nagdidilim ang mga paningin kong sigaw habang dinuduro siya ng madiin. “E ‘di, inamin mo rin!” Humarap ulit siya sa akin ng may mapang-asar na mukha kaya ang kilay ko ay napapataas pa ang isa. At ano naman kaya ang iniisip ng lalaking ito? “Alam mo, kung patay na patay ka talaga sa akin at nagsusumamo ka kahit kaunting oras ko ay ibibigay ko naman sa iyo. Pwede mo naman akong lapitan at kausapin. Pwede mo namang titigan ang makinis at maganda kong mukha nang malapitan hangga’t gusto mo. Pero sana, huwag naman sa ganitong paraan na lahat ng tao ay nakikita kung gaano ka nababaliw sa akin. Ako kasi ang nahihiya at naaawa para sa ‘yo.” Ngumiti siya ng nakakaasar at ginulo pa ang buhok ko. Anak ng tinapa! Ang kapal talaga ng mukha ng hayop na 'to! “Gusto mo bang lumabas tayo minsan?” Lumapit siya sa akin at hinatak pa ang baywang ko palapit sa kaniya. Napangiwi ang mga labi ko sa kanyang ginawa at talagang nagsisitaasan ang mga balahibo ko sa sinabi niya. “Alam mo ba kung ano ang gusto ko?” malambing na tanong ko sa kaniya para sakyan ang sapak ng utak niya. “Bakit? Ano ba iyon?” nakangiting pang-uusisa niya pa at akala mo’y mapupunit na ang kanyang mga labi dahil sa saya. “Iyon ay ang lumayo ka sa aking gorilya ka!” Sinipa ko ang maselang bahagi ng kanyang katawan na naging dahilan ng sobrang pagsigaw at pamimilipit niya. Habang ang mga tao sa paligid namin ay gulat na gulat sa aking ginawa. “Masyadong makapal ang pagmumukha mo at talaga namang lantaran ang pagbuhat mo sa sariling bangko mo! Kung mambu-bully ka, siguraduhin mong hindi ka kaya. Dahil sa uuliting gawin mo ito, hindi lang iyan ang matatanggap mo!” Padabog kong kinuha ang bag ko at inihampas sa ulo niya nang hindi binibitawan. Umalis ako sa gitna ng mainit na eksenang halos lahat ng tao ay tila nagyelo sa kanilang nasaksihan. Huwag na huwag kang magkakamali Mr. Kevin Jacob Scott, dahil kayang-kaya kong ibalik sa iyo ang lahat ng pambu-bully mo sa akin! Walang Bianca ang magpapatalo sa isang katulad mong kulang sa aruga ng magulang. “Walang hiya ka talagang panget ka! May araw ka rin sa akin! Bwisit!” galit na galit niyang sigaw na mukhang nag-aapoy na sa sobrang galit at sa pamimilipit sa natamo niyang sakit. Wala akong pakialam sa ‘yo kahit atakihin ka pa sa puso riyan! Bagay lang sa iyo ang basagin ang gitnang bahaging ipinagmamayabang ninyong mga kalalakihan. Masyado kang mapagmataas at asyumero! Walang Bianca ang magkakagusto sa iyong pangit ka! Ang pangit pa ng ugali mo! Kulang na lang ay sumpain ko siya sa isip ko. Uulit na naman tuloy ako sa paglalaba sa bag na ito at ang mahirap pa rito ay parang gawa sa telang pandamit ang bag ko at pagkatapos ay kulay puti pa naman. Kaya matindihang pagbababad sa oxalic at paglalagay ng zonrox ang gagawin ko rito upang muling pumuti at bumalik sa dati nitong kulay at hindi lang iyon, lahat ng notes ko ay napuno rin ng ketchup at ang baho pa! Bukod sa maglalaba ulit ako ay kailangan ko pang bumili ng mga bagong notebook at mangopya sa notes ng iba. Pinapahirapan mo talaga ako, Kevin! Nanggigigil ang kaluluwa ko sa iyo!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD