CHAPTER 1 - Ang Sundo

1468 Words
Ang Sundo PATINGKAYAD ang ginagawang paghakbang ni Milagros nang makapasok sa loob ng silid ng tiyahing si Dalen. "Hindi dapat magising ang bruha!" Bulong niya sa sarili habang maingat na lumalapit sa maliit na aparador na nasa tabi ng kamang hinihigan nang natutulog na tiyahin. Napatigil siya at pinigil pati ang paghinga nang bahagya itong gumalaw. Tumagilid ito paharap sa kanya kung kaya lalong kumabog ang dibdib niya. Kapag nagising ito at nakita siyang nasa loob ay siguradong mabubuking ang balak niyang gawin. "Kailangan ko ng perang mababaon sa pag-alis sa impyernong lugar na ito! Babawas lang ako ng kaunti, tiya. Isipin mo na lang na kinuha ko ang kabayaran sa pagpapaalila ko sa iyo at sa dimonyo mong kabit!" Naghihimagsik niyang bulong sa sarili. Nang makitang tulog pa rin ito ay itinuloy na niya ang balak. Bahagya pang nanginig ang mga kamay niya. Hindi niya gawaing kumuha ng ‘di sa kanya. Alam niyang pagnanakaw pa rin ang tawag sa gagawin niya. Ngunit iyon na lang ang paraan. Hindi na niya kaya. Sukang-suka na siya. Nilunok niya ang laway at saka humugot ng hangin sa kumakabog niyang dibdib. Muli niyang pinagsabihan ang sarili na kukunin niya lang ang para sa kanya, na tama lang ang gagawin niya. Tinanguan niya ang sarili. Dahan-dahan niyang hinila ang pinto ng aparador. Luma na iyon kaya maaaring lumikha ng pag-ingit. Nakita agad niya ang maambok nitong pitaka at ilang piraso ng mga alahas. Muli niya itong tinignan bago unti-unting hinila ang zipper no’n. Lalo siyang kinabahan pagkakita sa mga perang papel na nasa loob. Ngunit natuvwa rin dahil makakaalis na siya sa poder nito. Malamig ang singaw na nagmumula sa aircon ng kwarto subalit pinagpapawisan siya. Muli niya itong tingnan. Tulog pa rin. Ilang pirasong perang papel ang kinuha niya. "Siguro naman bago ito maubos ay nakahanap na ako ng mapapasukan." Pagkatapos maisara ang taguan ng pera ay dahan-dahan uli siyang naglakad palabas. Hindi na niya inilapat pa ang pagkakasara ng pinto dahil baka iyon pa ang maging dahilan para ito ay magising, at bago tuluyang tumalikod ay sinulyapan uli ang tiyahing nakasama niya sa loob ng tatlong taon. "Aalis na ako, tiya. Paggising mo ay wala na ang tagasilbi mo. Wala ka nang gagawing alila.” Nagtatagis ang kanyang mga bagang sa nararamdamang galit. Nagmamadali niyang kinuha ang isang bag na naglalaman ng ilan niyang gamit. Umaga pa lang ay naihanda na niya iyon. Nang makalabas sa pintuan ng bahay ay dire-diretso siyang naglakad. Walang lingon-lingon. Halos liparin ang daan palabas, palayo. Dumiretso siya sa terminal ng mga bus. Tinignan kung anong bus ang malapit nang mapuno at bibiyahe agad. ‘Yong aalis agad. ''Hindi importante kung saang lupalop papunta ang kahit alin sa mga bus na ito. Ang mas mahalaga ngayon ay makalayo agad ako dito,” sabi niya sa sarili. Alam na niya ang mangyayari oras na magising ito at matuklasang wala siya at may tangay na pera. Natitiyak niyang hindi ito titigil at ang kabit nito sa paghahanap sa kanya. Kilala niya ang pagiging tuso ng tiyahin, at pagiging buraot ng kinakasama nito. Hindi papayag ang mga ito na maisahan. Baka nga ipapulis pa siya. Isang bus ang nakita niyang nakahanda na sa pag-alis. Mabilis siyang sumakay, at umandar na ang sinakyan niyang bus papuntang Baguio. Napangiti siya nang mabasa ang lugar na nilalampasan ng sasakyan. "Malayo na ako, hindi na nila ako makikita. Hindi na nila ko masusundan. Nang huminto ang bus ay bahagya siyang nagtaka, lalo na nang magbabaan ang ilang pasahero. Subalit saglit lang ay naintindihan na niya kung bakit. Para pala makabili nang makakain,o makaihi, o ano pa man ang driver, kundoktor, pati na ang mga pasahero sa karinderyang hinintuan. Bumaba na rin siya. Bitbit ang bag, dumiretso siya sa Comfort Room ng tindahan. Bumili na rin siya ng ilang tinapay at tubig na nasa boteng plastik upang kung gutumin ay may makakain siya kahit umaandar na ang sasakyan. Dahil sa haba ng byahe at malamig na singaw sa loob ng sasakyan ay naidlip siya. Hindi na niya namalayan pa ang pag-andar ng sasakyan. Napabalikwas siya nang gulantangin ng malakas na tilian ng mga kasama niyang pasahero. Naibuka niya ang bibig subalit walang tinig na lumabas. Gumewang ang bus at nalaglag sa matarik na bangin. Nagitla ang mga nakasaksi sa malaking bus na tumagilid. Tila bola iyong tumalbog-talbog at pagkatapos ay padausdos na bumagsak. Ang mga nakasunod na sasakyan ay naghintuan, at humahangos na sinundan na lamang ng tingin ang nalalaglag na sasakyan. Balot ng sindak ang mga nakasaksi sa malagim na pangyayari. May ilang napaiyak sa awa nang matanaw ang mga pasaherong nagtalsikan at naipit ng malaking sasakyan. Marami ang umusal ng panalangin at taimtim na nagdasal. May ilang dayuhan at bakasyunistang mabilis na nai-video at nalitratuhan ang mga nangyari. Nagmistulang kalsada sa Edsa ang haba ng mga sasakyang nakahinto at tila mga langgam na nakapila sa daan. Ang lahat ay nais mauna sa balita at impormasyon sa tunay na naganap, at malaman ang dahilan. Sa ibaba ng bangin. Hawak ni Milagros ang sariling ulo nang bumangon mula sa pagkakahiga. Bahagya pa siyang nahihilo. Ramdam din niya ang pananakit ng kalamnan. Natitiyak niyang magkakaroon siya ng napakaraming pasa. Nang ilinga niya ang paningin ay natutop niya ang bibig sa nakita. Maraming kapwa niya pasahero ang hindi gumagalaw at tila wala ng buhay. Naliligo ang mga ito sariling mga dugo. Natanaw niya ang bus sa ‘di kalayuan. May mga pasahero din na karamihan ay nakulong sa loob. Hindi niya alam kung buhay pa ba ang mga ito, o kung may buhay pa sa mga ito. Patong-patong ang mga katawan ng mga ito at duguan ang mga ulo at ang iba't ibang parte ng katawan. Sa kabuuan, isang kahindik-hindik na tanawin ang nakapalibot sa kanya, ang napagmamasdan niya. Ibig bumaligtad ng kanyang sikmura. Dugo, napakaraming dugo, at nagkalat na bangkay. Mabilis niyang sinuri ang sariling katawan. "Walang dugo!” Napangiti siya subalit natilihan pagkatapos. Natatandaan niyang tumilapon din ang katawan niya sa kung saan. Sumadsad siya at pumalo sa katawan ng ibang pasaherong nagtalsikan din sa loob. Natatandaan niyang tumama siya sa matigas. Naramdaman pa nga niya ang sakit na dulot nang ilang ulit na pagpalo ng kanyang ulo sa mga upuan at sa salamin ng bintana. Mabilis siyang napatayo at muling sinuri ang katawan. Wala. Wala, talagang dugo. Ni kapirasong sugat ay wala siyang makita sa kanyang balat. Lumakad siya at tinignan ang mga taong nakahandusay. Nakakailang hakbang na siya nang muli siyang magitla. Nakita niya ang isang pasaherong duguan at tila wala na ring buhay. Kamukha ng suot niyang damit ang damit nitong puno ng dugo. Tila may sumuntok sa dibdib niya. Naramdaman niya ang pangangapos ng hininga. Nangangalog ang mga tuhod na nilapitan niya ang babaeng katulad niya ang suot. Napalunok siya nang paulit-ulit nang makalapit. Yumukod siya upang makita nang malapitan ang mukha nito.. "Huh!'' Takot na takot niyang sabi habang umiiling at humahakbang paurong. Kusang tumulo ang luha niya. Walang patid na umagos sa mga pisngi niya. Nakikita niya ang sarili. Siya ang babaeng nakahandusay, at puro dugo. Tila wala na ring buhay gaya ng mga kasama niyang pasahero ng bus. "Hindi. Hindi totoo ito! Patay na ba ako?" Naguguluhan niyang sigaw. Muli siyang naigtad nang biglang lumiwanag. Naitakip pa niya ang ang mga kamay upang hindi masilaw. Sandali lang at nawala na iyon. Ngunit muli siyang nagulat nang may marinig na boses mula sa kanyang likuran. Mabilis niyang pinahid ang luha sa pisngi at saka nilingon ang pinagmulan ng tinig. Nakita niya ang isang lalaking nakangiti at nakatitig sa kanya. "Patay na nga ako.” Nasabi niya ngunit kataka-takang naging hungkag ang pakiramdam niya. Ang kilabot at pagkasindak ay naglaho. "Ikaw ba ang tinatawag na ripper, o ikaw si kamatayan?" tanong niya dito. Muling ngumiti ang kaharap. "Sinusundo mo na ba ako?" tanong uli niya. Biglang-bigla’y gusto niyang tumakbo, o kaya ay pakiusapan itong huwag na siyang sunduin. Ang matinding takot ay muli niyang naramdaman. Natigilan siya at bahagyang napanganga nang ito ay magsalita. Napakaganda ng tinig nito. Tila isang magandang musika ang tunog. Nakapagpapaluwag ng pakiramdam. Nakapagpapagaan ng pakiramdam. Nakaramdam siya ng ‘di maipaliwanag na kapayapaan habang tinititigan ang napakaamo nitong mga mata. "Halika na, Milagros. May pupuntahan tayo.” Pag-aya nito kasunod nang pag-angat ng kamay kung saan nakita niya ang maliit na butas sa palad nito. Kusang umangat ang kamay niya palapit sa kamay ng lalaki. Nang maglapat ang mga palad nila’y sumabay ang mga paa niya sa paghakbang nito. Sumusunod nang kusa ang katawan niya. Hindi niya magawang alisin ang paningin sa mga matang nakatitig sa kanya. Pakiwari niya’y mahuhulog siya sa kung saan kung gagawin iyon. Patay na nga siya. Ang hangganan niya ay dumating na, kasabay nang pagdating ng sumusundo sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD