CHAPTER 2 - Ang Pinto

1111 Words
Ang Pinto PAYAPA siyang nagpatianod sa pag-akay ng lalaki. Hindi niya alam kung saan sila pupunta, kung saan nito dadalhin. Mayamaya'y nakita niya ang pagkurap nito. Tila napatid ang tali na nag-uugnay sa kanilang mga mata. Nagawa niyang ipaling ang paningin. Nakatanaw na ito sa malayo ngunit ang matamis na ngiti ay naroon pa rin. Iginala niya ang paningin. Wala siyang ibang nakita. Kataka-takang hindi naihahatid ng utak niya sa kanyang mga mata kung ano ang nakikita niya. Ilang mga paghakbang pa ay unti-unti nang nahahantad sa paningin niya ang kinaroroonan nila. Naglalakad sila sa papanhik na kalsada. Matarik ang nakikita niya ngunit tila sa patag siya nakatungtong. Hindi siya nakararamdam ng pagkalula. Pilit niyang inaninag ang nasa gilid ng kalsada subalit hindi niya iyon makita. "Ulap ba ang mga kulay puting nakikita ko, o usok?" naitanong niya sa sarili. Bahagya pa niyang inilawit ang braso upang damhin ang kung anong mga kulay puting iyon. Naalala niyang minsan ay naitanong niya kung malambot ba ang ulap? Napanganga siya nang mapagtantong ang akala niyang nasa tabi lang ay napakalayo pala. Sinubukan niyang silipin ang nasa tagiliran at bahagyang idinukwang ang kalahating bahagi ng katawan. Napailing siya nang wala pa ring makitang malinaw na imahe ng kahit ano. Parang ang buong paligid niya ay napalilibutan lamang ng mga puting usok. Iniunat niya ang katawan at yumuko upang tignan ang mga paang nakatuntong sa daan. Isang tipid na ngiti ang nanulay sa kanyang mga labi. Ang akala kasi niya'y nakalutang ang mga iyon gaya sa mga napapanood niya tungkol sa mga multo. Lumingon siya sa pinanggalingan. Napanganga siya sa nakita. Wala na ang kalsadang nilakaran nila kanina. Puro puti na rin ang nasa likuran niya at ang tanging malinaw ay ang kalsada sa harapan! "Ibig sabihin kapag nakalampas na rin kami sa kalsadang ito ay mawawala na rin ito? Ganito ba ang daan patungo sa langit? Siguro ay papunta ito sa langit dahil kung sa impyerno dapat ay pababa ang nilalakaran namin, at saka may sungay at may hawak na malaking tinidor ang sumundo sa akin." Palihim niyang tinignan ang lalaking kasabay. Nakatutok ang paningin nito sa kanilang daraanan. Malayo na ang nalalakad nila nang huminto sila. Tumingin ito sa kanya. Itinaas nito ang braso at may itinuro. Tumingin siya sa itinuturo sa kanya. Nandilat ang mga mata niya nang unti-unting nahawi ang makapal na tila usok sa harapan niya. Manghang-mangha siya nang makita ang isang napakataas na pinto. Ilang ulit niyang kinusot ang mga mata sa pag-aakalang namamalikmata lang. Ngunit gano'n pa rin ang nakita niya. Isang mataas na pinto. Pinto lang at walang nakaharang, o nakapalibot na pader! Hindi pa siya nakakahuma nang dahan-dahan iyong gumalaw. Nang humakbang ang lalaki papasok ay humakbang na rin siya. Tila isang malawak na bukid na may matataas at mabababang pilapil ang bumungad sa paningin niya. Tantiya ay malalapad ang lapag ng mga iyon dahil sa mga kulay itim na plastik na nakalatag at nakahanay doon. Nang ilibot niya ang paningin ay saka pa lang niya natuklasang nakapalibot sa lahat ng panig ang mga nakahanay na plastik na itim. "Ano kaya ang mga nakahilerang itim na plastik na 'yon? Napakarami. Ano kaya ang laman ng mga iyon? Mauumbok e." "Nais mo bang makita kung ano ang laman ng mga sisidlang nakikita mo?" Mabilis siyang tumango bilang pagsang-ayon. Naglakad sila palapit sa mga nakahanay na plastik bag. Habang papalapit ay napansin niyang malalaki pala ang mga itim na plastik. Parang malaking mga kukon, o pupa gaya nang mapag-aralan niya sa Agham. Napansin niyang may mahabang tila zipper mula sa unahan hanggang dulo niyon. Napakunot ang kanyang noo sa naging hinala. Kung hindi siya nagkakamali, ang hugis ng mga iyon ay sa isang tao. Ninais niyang alamin kung tama ang sapantaha, kung tao nga ang nasa loob ng itim na plastik. "Pwede ko bang buksan ang plastik na ito?" Tanong niya habang nakaluhod at pinagmamasdang mabuti ang nasa harapan. Nang pumayag ang lalaki ay agad niyang hinawakan ang may kalakihang zipper at unti'unti iyong ibinaba. Bumulaga sa kanyang paningin ang mukha ng isang tao nang bahagya iyong nabuksan. Takang taka siya kung bakit nasa loob ito ng plastik. Buhay pa ba ito, o patay na? Kung patay na, bakit nakapasok doon ang katawan? Kung buhay naman, mas lalong nakapagtataka kung bakit naroon? Para saan ang plastik na iyon? Iginala niya ang paningin sa iba pang mga plastik na nakahanay sa iba't ibang panig ng kinaroronan nila. Napakaraming ng mga iyon. Kung gano'n, napakaraming katawan ang nakasilid doon! Bakit nandoon? "Ganito ba ang langit?" naguguluhan niyang tanong. "Bakit narito ang katawang ng mga taong ito?" Napalingon siya sa may pinto nang otomatikong bumukas iyon. Isang babae ang umiiyak na pumasok at kinausap ang bantay sa pintuan na nakilala niya kanina sa pangalang Ezekiel. Tila wala siya sa sarili nang lapitan ang dalawang nag-uusap at matamang nakinig. "Napakaraming sisidlan ang nakahanay. Paano ko malalaman kung nasaan ang katawan ng asawa ko? At kung hindi maaaring buksan ang sisdlan, paano ko makikita kung siya ang nasa loob?" Narinig niyang tanong ng babae. "Puso mo ang magtuturo kung alin sa mga sisidlan na iyan kinalalagakan ng kaniyang katawan." Namangha siya sa narinig na isinagot ng tagapagbantay. "Ang ibig sabihin, kung tunay ang pag-ibig niya sa kanyang asawa ay makikita niya ang kinaroroonan nito kahit hindi binubuksan ang plastik?" gulat na gulat niyang bulong sa sarili. Bago pa humakbang ang babae ay muling nagsalita si Ezekiel. "Kailangan mong matagpuan ang iyong asawa bago pa maubos ang buhanging laman ng ampolleta. Kung hindi ay hindi ka na makalalabas dito at mapapabilang ka sa mga katawang nasa loob ng sisidlan." Nangamba siya para sa babae. Napakabigat ng kapalit para sa gusto nitong gawin. Nakita niya nang ibaligtad ni Ezekiel ang tila dalawang imbudong yari sa salamin na magkadikit. Unti-unting nalalaglag ang pinong buhangin sa ibaba ng nakabaligtad na isa pa. Nailing siya. Hindi niya natiis ang 'di makatwirang pagganap nito sa tungkulin. Nilapitan niya ito upang kausapin. "Masyado naman yatang maigsi ang ibinigay mong taning," aniya habang sinusundan nang tingin ang babaeng naglalakad. "Noon ay nagkamali si Gadreel sa pagbabantay at nagalit sa kanya ang Ama. Ayokong maulit ito sa akin." Madamdamin nitong pahayag. Kumunot ang kanyang noo. Hindi naintindihan ang sinabi nito. Sinimulan ng tagapagbantay ang pagpapaliwanag. Nalaman niyang si Gadreel pala ang dating bantay sa Hardin ng Eden. Nakalingat daw ito kaya nakapasok ang ahas na tumukso kay Eba upang kainin ang ipinagbabawal na bunga. Nagalit daw ang Ama sa dating tagapagbantay at ikinulong ito sa loob ng mahabang panahon. Patango-tango siya tanda nang nauunawaan ang mga sinasabi nito. "Sino kaya ang sinasabi niyang Ama? Ang Diyos ba?" Muli niyang naitanong sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD