CHAPTER 3 - Ang Dalawang Lalaki

1220 Words
Ang Dalawang Lalaki MATAPOS ang saglit niyang pakikipag-usap kay Ezekiel ay lumapit na uli siya sa kasamang lalaki. "Halika, sumunod ka sa akin," aya nito sa kanya. Sumunod naman siya, subalit bago pa muling ihakbang ang mga paa ay isang sulyap pa ang ginawa niya sa babaeng patuloy na naghahanap. "Sana makita mo agad ang asawa mo.'' Nahiling niya at saka sinundan ang lalaking nasa unahan. Malayo pa ay natatanaw na niya ang magandang lugar na pupuntahan nila. Isang malawak na hardin ang nasa hangganan ng katamtamang lapad ng tinataluntong daan. May mga taong nagkakatipon sa iba't bang panig ng lugar. May mangilan-ngilang nakaupo sa mahabang upuan. May mga nakaupo rin sa malapad na bato, may nakaupo naman sa luntiang damuhan at, ang ilan ay nakatayo. Lahat ng mga ito'y tila may hinihintay, may inaabangan. Nababasa niya sa kilos ng mga ito ang pagkabagot. Tingin niya'y tila inip na inip na sa pagdating ng hinihintay. Napunta sa kanya ang atensiyon ng mga ito. Ang isa na napatingin sa kanya ay naging dalawa, apat, hanggang sa nakatinging nang lahat sa kanya. Halos sabay-sabay nagngitian ang mga ito, nginitian siya. Ngumiti rin siya pabalik. Pagkatapos niyon ay muling pumaling sa magkakaibang direksiyon ang paningin ng mga ito. Muli na namang bumalik sa kani-kaniyang posisyon. Nagsimula na namang magtanong ang kanyang isip. "Sino kaya ang mga taong ito? Kaluluwa na rin kaya sila?" Ipinagkibit-balikat na lamang niya ang naisip. Nalibang siya sa pagmamasid sa paligid. Hindi niya napansin ang pagliko ng kasama. Kaya nang lingunin niya ito ay hindi na niya nakita. "Nasaan na 'yon?" tanong niya. Inilibot niya ang paningin. Nagbabakasakaling makita ang kasama. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad, habang panay pa rin paglinga. Hinayaan niya ang mga paa kung saan siya dadalhin. Sandali siyang natigilan nang may maulinigang nagsasalita. Maingat siyang naglakad palapit sa pinanggagalingan ng tinig. Nakita niyang may dalawang lalaking nag-uusap sa gilid ng isang lupang dalata. Hindi niya nasaway ang sarili sa pakikinig sa mga ito. "Kung bakit kasi hinayaan ang taong nilikha ay patirahin sa loob ng Eden. Alam naman na nakatayo doon ang punong mahigpit na ipinagbabawal kainin ang bunga," sabi ng isang lalaki. "Sapagkat nais na sila ay maging malaya. Malayang mag-isip at magpasya. Sa loob ng Eden ay wala na silang hahanapin pa para sa kanilang pangangailangan. Sila ay magpaparami at sa Eden mamumuhay nang maligaya." Sagot naman ng pangalawang lalaki. "Ganyan ba ang sinasabing pagmamahal sa nilikhang kawangis? May bunga sa puno, subalit hindi maaaring pitasin? Hindi ba't isa iyang pagmamalupit?" tanong ng lalaking unang nagsalita. Hindi niya maintindihan ang pinag-uusapan ng dalawa pero pinili pa rin niyang ipagpatuloy ang pakikinig. Nakaaaliw ang tono ng pananalita ng mga ito. "Kung mapitas man ay hindi maaaring isubo. Kung maisubo naman ay hindi maaaring nguyain. Kung manguya man ay hindi naman maaaring lunukin. Anong maaasahan sa nilikhang kawangis? Hindi sila masisisi kung magrebelde't maging suwail. Kapag binigyan ng biyaya agad din binabawi? Kapag binigyan ng kaligayahan ay sandali lamang. Ngunit ang suliranin at pagdurusa ay napakahaba, at sunod-sunod kung dumating. Ganyan ba ang pagmamahal?" dugtong pa nito. "Ang nilikhang kawangis ay mayroong pusong mapagmahal at mapagpatawad kaya binigyan sila ng kalayaang mag-isip at magpasya. Sino man sa atin ay hindi makapapasok kung hindi tayo patutuluyin. Ikaw ang naglalagay ng pagkalito at agam-agam sa kanilang mga puso at isipan. Hindi ka tumitigil sa pagwasak sa mga nilikhang kawangis ko. Nag-aalok ka ng mga kalayawan at pansamantalang kaligayahan. Samantalang ang alay ko ay buhay na walang hanggan. Nililinlang mo sila upang mapasunod samantalang ang hatid ko ay katotohanan. Ang nais mo ay kaguluhan samantalang ang hangad ko'y kapayapaan." Mahinahong sagot ng pangalawang lalaki. "Kung gano'n ay tignan na lamang natin kung sino ang higit na maghahari sa kanilang puso at isip. Kung sino ang patutuluyin nila at gagawing sentro sa kanilang mga buhay. Kung sino ang kanilang tatawagin, susundin at sasambahin. IKAW, o AKO." Hamon ng natatawang unang lalaki. Napanganga siya sa pagkamangha. "Ang dalawa bang ito ay ang Diyos at ang Diyablo?" Naitanong niya sa sarili. Habang papalayo siya sa mga ito ay mataman siyang nag-isip. Naantig ang kalooban niya. Malinaw niyang narinig ang sagot sa madalas niyang itanong sa Diyos sa tuwing umiiyak siya sa sama ng loob. Anak siya ng kanyang ina sa hindi na niya nakilalang ama. Maliit pa lamang ay tampulan na siya ng tukso ng kapwa bata. Putok sa buho, anak sa labas, bastarda, at kung ano-ano pa. Sinikap niyang maging matapang sa harap ng mga tao. Itinago ang tunay na nararamdaman. Elementarya pa lamang siya nang umalis ito upang magtrabaho bilang domestic helper sa gitnang silangan. Naiwan siya sa pangangalaga ng kanyang lola. Hindi man masasabing guminhawa ang kanilang buhay ay hindi namam sila kinukulang. Natutustusan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan. At kung may lalabis ay nakapagtatabi pa. Mabait ang lola niya at maalaga kaya kahit paano ay hindi siya nangungulila sa ina. Parati nitong sinasabing ang maganda niyang kinabukasan ang nais paghandaan ng inay niya, na kahit nasa malayo ang inay niya ay nasa tabi niya ito, at hindi-hindi pababayaan. Subalit sasandali pa lamang ang maayos nilang buhay, nagsisimula pa lang sila sa pagbuo ng mga pangarap ay nagkasakit na ito nang malubha. Malaking halaga ang naubos sa pagpapagamot nila kaya ang ilang gamit na naipundar ng kanyang ina ay naipagbili at nakapangutang pa. Subalit namatay pa rin ang kanyang lola. Naging napakasakit nito para sa kanya. Nang umuwi ang kanyang inay ay inakala niyang magiging maayos na ang lahat. Hindi na siya mag iisa. Subalit nagkamali siya. Kailangan daw nitong bumalik sa trabaho upang sila'y makaahon, upang guminhawa ang buhay nila, gumanda ang kinabukasan niya. Nakiusap siya sa kanyang inay. "Huwag ka nang umalis, inay. Huwag mo akong iwanan." Pagmamakaawa niya. Subalit hindi niya ito napigilan. Bumalik ito sa Middle East upang subukan uling hanapin ang magandang kinabukasang gustong ibigay sa kanya. Iniwanan siya nito sa pangangalaga ng kapatid, sa Tiya Dalen niya. Nawala ang takot niya sa pag-iisa. Isa itong balo at walang anak. Nang mangako itong ituturing siya bilang tunay na anak ay nakaramdam siya ng tuwa. Palasimba ang tiyahin at napakaraming replika ng mga santo at santa sa loob ng bahay nito. Sa umpisa ay maganda ang pakikitungo nito sa kanya subalit nang hindi na nakapagpapadala ng pera ang kanyang inay ay lumabas na ang tunay nitong kulay. Lagi itong nanunumbat at kahit sa maliliit na pagkakamali niya ay minumura siya at sinasampal. Para siyang alila kung itrato nito. Kapag nagalit sa kanya ay hindi siya pinakakain. Naranas na niyang kumain ng panis na kanin dahil sa sobrang gutom, habang ang mga pasa sa katawan ay tinitiis ang pangingirot. Lalong lumaki ang galit na kininkim niya. Sa kabila ng pagmamalupit sa kanya ay nagagawa pa nitong magsimba at magbasa ng bibliya sa harapan ng mga tao tuwing may misa. Nakikita niya itong nagrorosaryo at namumuno sa novena tuwing miyerkules sa kapilyang malapit sa kanila. Paanong nasasabi ng mga tao na ito'y maka-Diyos gayong kung tratuhin siya ay hindi maka-tao? Itinatanong niyang lagi kung bakit siya pinababayaan ng Diyos? Kung hindi ba nito nakikita ang pagdurusa niya? Kung naririnig ba nito ang mga dasal niya? Pinabayaan na siya ng kanyang ina at pinabayaan na rin siya ng Diyos. Madalas niyang itanong. "Diyos ko, mahal mo ba ako? Tumulo ang kanyang luha matapos maalala ang pinagdaanang hirap sa lupa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD