PROLOGO

566 Words
MALALAKI ang bawat hakbang ni Mandie. Ang paghinga niya ay mas lalong bumibilis. Nagbubutil na ang pawis sa kanyang noo dahil sa kabang nararamdaman. Tinatahak niya ang kadiliman ng gabi na ang tanging tanglaw lang niya ay ang bilog na buwan na tila laging nakasunod sa kanya. Kailangan niyang makalayo sa bahay ng Lola Amparo niya. Iyong malayong-malayo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa sinapit ng kanyang mga kaibigan. Sina Dawn, Ken, Sachiyo, Hero, Ulysses at Lalaine-lahat sila ay patay na! "Mandie, apo ko!" Diyos ko! usal niya sa kanyang isip nang marinig niya ang pasigaw na pagtawag ng kanyang Lola Amparo mula sa luma at malaki nitong bahay na nakatayo sa gitna ng malawak na lupa. Sandali siyang tumigil upang humanap ng mas magandang daan palabas ng lugar na iyon. Wala siyang nakita. Mukhang wala siyang pagpipilian kundi tawirin ang bakod na yari sa barbed wire. At kapag nalagpasan niya iyon ay tatahakin naman niya ang kasukalan upang makarating na siya sa kalsada. Doon ay sigurado siyang may daraang sasakyan na maaari niyang mahingan ng tulong. Makakaalis na rin siya sa lugar na ito-sa bahay ng kanyang Lola Amparo. "Apo ko!" Paglingon ni Mandie sa bahay ng kanyang lola ay nakita niya na nakatayo na ito sa nakabukas ng pintuan. Gumapang ang kilabot sa buong katawan niya nang makita ang bulto ng katawan nito. Kahit malayo na siya dito ay nakikini-kinita pa rin niya ang anyo nito. Kulubot na ang balat nito at medyo humpak na nag pisngi. Ang buhok nito na puro puti na ay umaabot hanggang sa puwitan. Tuwid iyon at manipis. Matangkad na babae ang kanyang Lola Amparo. Doon niya yata namana ang pagiging matangkad niya. Palagi itong nakasuot ng puting bestida na abot sa itaas ng tuhod nito. "Bumalik ka na dito sa loob, apo! Mahamog na sa labas!" sigaw nito sa kanya gamit ang garalgal nitong boses. Natural na boses na nito iyon. Parang palaging iiyak kahit hindi naman. Hindi. Kahit anong mangyari ay hindi na siya babalik doon! Kailangan na niyang makalayo agad. Nanganganib ang kanyang buhay. Imbes na pakinggan ang kanyang Lola Amparo ay pumihit siya patalikod dito at ubod bilis na tumakbo. Hindi na niya ito papakinggang dahil lahat ng sinabi nito sa kanya ay pawang mga kasinungalingan. Pinaniwala siya nito sa mga bagay na akala niya ay totoo. Hindi napigilan ni Mandie ang pagpatak ng luha mula sa kanyang mata. Oo, mahal niya ang kanyang Lola Amparo. Nais niya itong alagaan hanggang sa huling araw nito sa mundo para makabawi sa pag-abandona nila dito ng ilang taon. Pero, parang hindi na ito ang dating Lola Amparo na kilala niya. Iba na ito. Ibang-iba na... "Mandie! Makinig ka sa akin! Bumalik ka sa loob ng bahay!" Paglingon niya sa likuran niya ay napasigaw siya nang makita niyang ilang dipa na lang ang layo nito sa kanya. Nakakapagtaka na naglalakad lang ito pero parang maaabutan na siya nito. Marami pa nga siyang hindi alam sa kanyang lola at ayaw na niyang alamin lahat. Ayaw niyang tuluyang masira sa isip niya ang kanyang Lola Amparo. May mga bagay talaga na mas magandang hindi na lang niya malalaman. Mga bagay na kailangan na lang ikahon at ibaon sa kailaliman ng lupa. Mas lalong binilisan ni Mandie ang kanyang pagtakbo na sinabayan na rin niya ng panalangin. Malaki ang kutob niya na maaabutan siya ng Lola Amparo niya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD