KABANATA 1

1363 Words
GUSTO sanang matulog ng apat na taong gulang na si Mandie sa tabi ng kanyang Lola Amparo pero hindi siya pinayagan ng kanyang Mama Chanda ng gabing iyon. Umatungal siya ng iyak kanina pero wala iyong nagawa sa kagustuhan ng kanyang ina. "Chanda, hayaan mo nang matulog ang apo ko sa kwarto ko." Iyon ang sabi ng Lola Amparo niya nang malaman nitong sa unang pagkakataon ay hindi siya nito makakatabi sa pagtulog. Simula kasi nang magdalawang taon na gulang si Mandie ay palagi na itong katabi ng kanyang lola kapag natutulog. Malapit ang loob niya sa kanyang abuela dahil sa spoiled siya dito. Palagi siya nitong sinasamahan na mamasyal sa kabukiran na nasa likuran lang ng kanilang malaking bahay. Minsan naman ay ipinagsusungkit siya nito ng mga prutas sa taniman nila. "Hindi na po, inay. Nasasanay na si Mandie sa inyo. Wala na nga si Dino, pati ba naman akong sarili niyang ina ay hindi niya makakasanayan na kasama." Si Dino ay ang kanyang ama na namatay noong tatlong taon na gulang siya. Natagpuan na lang itong walang buhay sa gitna ng palayan. "Kung iyan ang iyong nais, Chanda. Sige, sa silid mo na matutulog si Mandie..." At nang gabing iyon ay sa tabi ng kanyang ina siya natulog. Nakatulugan na lang niya ang pag-iyak habang yakap ang kanyang paboritong teddy bear na binili ng kanyang Lola Amparo sa peryahan noong nakaraang taon. Ang pagtulog ni Mandie ay naantala nang maramdaman niya ang mabibilis napagyugyog sa kanyang balikat. "Mandie! Gumising ka! Gising!" Nang imulat niya ang kanyang mata ay nakita niya ang kanyang ina. "Bakit po, Mama?" papungas-pungas na tanong niya. "Aalis tayo." Pabulong na sagot nito. "Saan po tayo pupunta?" "Basta! Sa malayo." Nakita ni Mandie ang isang travelling bag na nasa paanan niya. Mukhang totoo nga na aalis sila. Pero bakit naman kaya gabing-gabi pa? "Si Lola Amparo po, kasama natin?" Hindi siya sinagot ng kanyang ina bagkus ay kinarga na siya nito sabay bitbit ng travelling bag. Nagmamadali na lumabas sila ng silid na iyon. "Mama, si lola..." Wala pa rin siyang nakuhang sagot. Palabas na sila ng bahay. Narating na nila ang kotse na ginagamit nila kapag nagpupunta sila sa bayan. Malayo kasi sa kabihasnan ang bahay nila at wala silang kapitbahay. "Mama, si lola..." Pangungulit pa niya. Hindi siya mapakali hangga't hindi niya nakikitang kasama nila sa pag-alis ang Lola Amparo niya. Wala pa ring sagot. Nakaupo na ang kanyang ina sa driver's seat. Sa backseat siya nito inilagay kasama ng travelling bag na dala nito kanina. "Mama, si lola!" sumigaw na siya. Bigla siyang nilingon ng kanyang ina. "Tumigil ka na, Mandie!" saway nito sa kanya. "Bakit hindi natin kasama si lola? Gusto ko kasama si lola!" "Hindi natin siya pwedeng isama!" "Pero bakit, mama? Kawawa naman si lola! Mag-isa na lang siya!" "Hindi sabi pwede!" "Bakit nga po?!" "Dahil... dahil... dahil siya ang pumatay sa papa mo!" -----***----- MAKALIPAS ang dalawampung taon... "MANDIE! Mandie!" Nang hindi pansinin ni Mandie ang kanyang Mama Chanda habang papasok siya sa kanyang silid ay hinawakan siya nito sa braso. Hinatak siya ng kanyang ina kaya naman muntik na siyang matumba. Mabuti na lang at nakakapit agad siya sa dingding. "Ano ba, 'ma? Ang sakit, ha!" reklamo ni Mandie. Hinilot pa niya ng bahagya ang nasaktan na braso nang bitiwan na siya nito. Kakauwi lang niya mula sa house party ng mga kaibigan niya. Halos alas otso na ng umaga kaya alam niya kung bakit tila galit ang kanyang ina. "Mandie, hindi ba't matagal ko nang sinabi sa'yo na 'wag ka nang magpapagabi ng uwi? Ka-dalaga mong tao!" "Mama, hindi na ako bata para pagbawalan niyo. Twenty four na ako, remember?" "Okey. Twenty four ka na pero kung umasta ka para kang teenager. Tumigil ka sa school at ngayon gimik ka nang gimik. So, masisisi mo ba ako na tratuhin kang parang bata?" Itinirik ni Mandie ang kanyang mga mata. "Nonsense na ang sinasabi niyo. Sige na, mamaya niyo na ako pagalitan dahil antok pa ako." "Dumaan ka mamaya sa grocery store natin-" "'Ma, antok pa ako. Tutulog na ako." Hindi na nakaalma ang Mama Chanda niya nang halikan na niya ito sa pisngi at pumasok siya sa kanyang silid. Pagkapasok ay agad siyang humiga sa kama nang hindi man lang nagpapalit ng damit. Antok na antok na talaga siya dahil sa magdamag na party na pinuntahan niya. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at agad siyang nahulog sa malalim na pagkakatulog. -----***----- NANG magising si Mandie ay agad niyang naramdaman ang medyo mainit na temperatura ng kanyang silid. Tagaktak ang pawis sa kanyang noo at basa na ang likuran ng kanyang suot na damit. Nasulyapan niya ang nakabukas na bintana. Madilim na sa labas. Ang tagal pala niyang nakatulog. Lumapit siya sa bintana para saraduhan iyon pero natigilan siya nang may makita siyang matandang babae na nakatayo sa may harapan ng gate ng kanilang bahay. Napakunot siya ng noo dahil parang nakatingin ito sa kanya. Hindi nga lang niya makita ang mukha nito dahil sa madilim sa labas at sira ang ilaw ng poste na malapit sa kinaroroonan ng matanda. Maya maya ay biglang lumakas ang hangin na isa pang ipinagtaka niya. Mainit ang panahon tapos may malakas na hangin? Biglang may malakas na ingay siyang narinig sa bubungan nila. Parang may taong naglalakad... "Mandie!" Nagulat siya nang may biglang humawak sa kanyang balikat. Iyon pala ay ang kanyang Mama Chanda lang. Ito na ang nagsara ng bintana at ini-lock iyon. "May matanda sa labas ng bahay,'ma..." "'Wag mong pansinin iyon. Kakain na tayo. Sumunod ka na sa kusina." Pagkaalis ng kanyang ina ay saka siya nagpalit ng damit. Medyo nakakaramdam na rin siya ng gutom kaya nagmamadali siyang nagpunta sa kusina para kumain na. Doon ay nakita niya ang kanyang ina na nakaupo na at hinihintay siya. Nang maupo na si Mandie ay tiningnan niya ang kanyang ina. Napansin niya agad na parang balisa ito habang nilalagyan siya ng pagkain sa kanyang pinggan. "'Ma, may problema ba?" Hindi na napigilan ni Mandie ang magtanong. "Problema? Isa lang naman ang problema ko-ang pag-uwi mo ng late," anito. "Alam ko na po 'yon. Pero parang kakaiba kayo ngayon..." Matamang tiningnan siya ng Mama Chanda niya. Parang humuhugot pa ito ng lakas para magsalita. Huminga ito ng malalim at saka nagsalita. "Siguro, dapat ko na itong sabihin sa iyo, Mandie..." Bigla siyang kinabahan. "A-ampon po ako?" Kumunot ang noo ng ina niya. "Ha? Ano bang sinasabi mo? Siyempre, hindi." "Pinapakaba niyo po kasi ako. Ano po ba ang problema niyo? Alam ko meron." "Ang lola mo kasi..." "Si Lola Amparo?" Nang sambitin ni Mandie ang pangalan ng kanyang Lola Amparo ay parang nag-flashback ang lahat ng alaala niya dito noong bata pa siya. Kahit bata pa siya noong nakasama niya ito ay malinaw pa rin sa isipan niya ang mga ginagawa nila ng kanyang Lola Amparo. Pero ang lahat ng masasayang alaala nila ay nahaluan ng mga katanungan nang sabihin sa kanya ng kanyang ina na ito ang pumatay sa kanyang ama. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin siya naniniwala na magagawa iyon ng kanyang lola. Napakabait kasi nito sa paningin niya. "Siya nga, Mandie..." "A-ano pong tungkol kay Lola Amparo?" "Kahapon ay nakatanggap ako ng sulat mula sa kanya. M-may sakit siya at ang sabi niya ay baka hindi na siya magtagal. G-gusto niya na makasama ka niya sa nalalabing araw niya sa mundo." Parang pinagbagsakan ng langit at lupa si Mandie sa nalaman. Nag-init ang gilid ng kanyang mga mata sabay pagpatak ng luha. Twenty years na hindi na niya nakikita ang kanyang mahal na Lola Amparo. Twenty years na itong nabubuhay nang mag-isa. Sixty years old ito nang iwanan nila... Pinahid niya ng kanyang kamay ang luha sa pisngi. "Mama, gusto kong umuwi kay Lola Amparo. Gusto ko siyang alagaan muna..." "Siguro nga ay panahon na para bumawi tayo sa pag-abandona natin. Kahit siya man ang pumatay sa papa mo, hindi no'n mababago ang katotohanan na anak niya ako at apo ka niya. Sige, papayagan kita. Doon ka muna sa probinsiya natin kasama ang Lola Amparo mo. Kailan mo gustong umuwi?" "Next week po..." sagot ni Mandie.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD