KABANATA 2

1199 Words
"GUYS, hindi muna ako makakasama sa mga lakad niyo starting next week, ha. Uuwi kasi ako sa province namin. Kailangan kong alagaan ang lola ko doon." Sinabi na ni Mandie sa mga kaibigan niya ang plano niyang pag-uwi sa kanyang Lola Amparo. Kasalukuyan silang nasa Starbucks ng gabing iyon para makapagkwentuhan lang. Ganoon naman talaga sila, halos ay araw-araw na magkakasama. Palibhasa ay puro sila may kaya sa buhay at hindi obligado na magtrabaho talaga. Pagiging asa sa magulang-iyan ang common denominator nila kaya siguro magkakasundo silang lahat. Bagaman at minsan ay hindi rin sila nagkakaintindihan pero naaayos din naman agad. Pito silang magkakaibigan. "What? Bakit hindi mo agad sinabi iyan sa akin, baby?" ungot ng boyfriend niyang si Ken. Bakas ang lungkot sa mukha nito. "Biglaan kasi. Kahapon lang sinabi ni mommy na may sakit ang lola ko. Alam niyo naman ang kwento ng Lola Amparo ko, right?" Minsan na rin kasi niyang na-share sa mga ito iyon. "So, magiging caregiver ka muna? Gaano katagal? Hanggang sa mamatay ang lola mo?" tanong naman ni Dawn. Ito ang spoiled brat sa grupo dahil sa ang pamilya nito ang pinakamayaman sa kanilang magkakaibigan. Minsan ay hindi rin niya gusto ang pananalita nito. Masyadong prangka at nakakasakit na minsan. Katulad na lamang ng sinabi nito ngayon. Doon na sumabat ang good girl na si Lalaine. Ito rin ang pinakabata sa kanila. "Dawn, hindi naman yata tama na sabihin mo na mamamatay ang lola ni Mandie. Kahit na matanda na iyon, lola niya pa rin iyon." "Ano bang masama sa sinabi ko? Lahat naman tayo mamamatay. Nagkataon lang na matanda na ang lola ni Mandie kaya mauuna siyang mamamatay!" "Siguro, mas okey kung ititikom mo na lang 'yang bibig mo, Dawn, kung wala ka namang magandang sasabihin..." singit ni SachiyoUlysses-ang seryoso naman. Sa kanila, ito ang masasabi niyang palaban. Ito rin ang pinaka matanda sa grupo kaya malaki ang respeto nila dito. Ngunit kung minsan ay may kalokohan din naman si Ulysses kaya masaya rin irong kasama. Naiinis na itinirik na lang ni Dawn ang kanyang mga mata. Ganito talaga sila minsan. Tulad ng mga normal na barkadahan ay nagtatalo rin sila pero at the end of the day ay magkakaibigan pa rin sila. Inakbayan siya ng kanyang nobyo at humilig naman siya sa balikat nito. "Sure ka na ba na uuwi ka sa lola mo?" malungkot na tanong pa nito. "Buo na ang loob ko, baby. Ilang taon na rin namin na napabayaan si Lola Amparo. Pagkakataon ko na ito para makabawi sa kanya." "Okey. Kung anuman ang desisyon mo, susuportahan kita. Basta, proud ako sa'yo kasi napakalaki ng isasakripisyo mo alang-ala sa lola mo..." "Mami-miss kita, bes!" Ginagap naman ni Sachiyo ang kanyang kamay at pinisil iyon. Ito ang masasabi niyang bestfriend niya sa lahat. Half-Korean ito at bata pa lang ay magkasama na sila hanggang s mabuo ang kanilang barkadahan. Maya maya ay nagulat sila nang biglang sumubsob si Hero sa palad nito. Kilala ito bilang maloko at pilyo. Umakto ito na parang umiiyak. Nang iangat nito ang mukha nito ay bigla itong tumawa nang tumawa. "Alam niyo, masyado kayong malungkot sa pag-alis ni Mandie. Para kayong mamamatayan, eh. Lalo na ikaw, Sachi!" Lumabi si Sachiyo. "Eh, siyempre, mami-miss ko ang bestfriend ko. Ikaw kaya! Palibhasa, wala kang BFF," at umirap pa ito sa lalaki. "Alam niyo, may naisip ako na idea. Ewan ko lang kung papayag kayo. 'Di ba, aalis si Mandie. Ano kaya kung umalis din tayong lahat... kasama siya. Sumama tayo sa pupuntahan niya." "Good idea. Matagal-tagal na rin tayong hindi nakakapagbakasyon. Nakakasawa na rin na puro tayo bars and coffee shops," pagsang-ayon ni Ulysses. Napaisip si Mandie. Magandang ideya para sa kanya ang naisip ni Hero. Minsan pala ay may naiisip din itong kapaki-pakinabang. Sabagay, kahit naman siya ay magiging malungkot dahil malalayo siya sa mga kaibigan tapos hindi pa niya alam kung hanggang kailan siya sa piling ng Lola Amparo niya. "Sa akin, okey lang na sumama kayo. Walang problema. Eh, kayo?" nakangiting tanong ni Mandie sa mga kaibigan. -----***----- MAG-ISANG naglalakad si Mandi papasok sa kanilang subdivision. Inabot na siya ng gabi dahil sa nawili silang magkakaibigan na pag-usapan ang gagawin nilang papgpunta sa Lola Amparo niya. Lahat naman ay sumang-ayon sa idea ni Hero. Lahat sila ay pupunta next week sa Sta. Barbara kung saan nakatira ang kanyang abuela. Habang naglalakad si Mandie ay tila nakaramdam siya na may sumusunod sa kanya. Noong una ay binalewala lang niya pero nang maramdaman niya na parang malapit na ang kung sino man na nasa likuran niya ay bigla siyang tumigil at mabilis na lumingon sa kanyang likuran. Wala siyang ibang nakita doon kundi isang pusa na nakatayo sa hindi kalayuan. Ikinibit na lang niya ang kanyang balikat at muling naglakad. Sa muling paghakbang niya ay muli na naman niyang naramdaman ang pakiramdam ng may sumusunod. Binilisan na lang niya ang kanyang paglalakad at hindi na lumingon pa. Medyo malapit na siya sa kanilang bahay nang matigilan siya dahil nakita niya ang kanyang ina na nasa harapan ng kanilang gate. Nakatalikod ito sa gawi niya. Tila may kausap ito dahil bahagya niyang naririnig ang boses nito. Sino naman kaya ang kakausapin nito sa ganitong oras? Hindi niya kasi makita kung sino ang kausap nito dahil natatakpan ng likod ng kanyang ina kung sino man iyon. Habang papalapit si Mandie sa kanyang ina ay unti-unti niyang naririnig ng malinaw ang sinasabi nito. "'Wag niyo na siyang papatayin! Susunod na siya." Anong sinasabi ni Mama na papatayin? Nagtataka niyang tanong sa kanyang sarili. "Lubayan niyo na siya at huwag niyo na siyang-" "Mama?" tawag niya dito sabay hawak sa balikat dito. Gulat na gulat na humarap ang kanyang ina sa kanya. "M-mandie!" "Sino pong kausap-" Gumapang ang pagtataka kay Mandie nang makita niya na walang kausap ang kanyang ina. May pagtataka na tumingin siya dito. "Nasaan na po iyong kausap niyo?" "Ha? Sinong kausap? W-wala akong kausap. Ano bang sinasabi mo, Mandie?" Hindi maikakaila ng kanyang ina sa kanya ang pagiging balisa nito dahil sa paraan nito ng pagsasalita. "'Ma, narinig ko, may kausap kayo. Nagsasalita pa nga kayo, eh. "Kung anu-ano na ang naririnig mo! Wala akong kausap. May nakita ka ba na kausap ko?" "Pero..." "Alam mo bang kanina pa kita hinihintay dito? Ginabi ka na naman sa pag-uwi, Mandie. Hindi ka talaga marunong pagsabihan. Paano kung mapahamak ka? Alam mo naman ang panahon ngayon!" Napiling na lang si Mandie. Nawala na sa isip niya ang nakita niya kanina na parang may kausap ito dahil sa sermon na sinalubong nito sa kanya. "'Ma, nag-usap lang po kami ng mga friends ko..." "Araw-araw naman kayong nag-uusap ng mga iyon. Ano bang bago doon? Dapat sinasanay mo na ang sarili mo na hindi sila nakikita dahil uuwi ka na ng Sta. Barbara sa susunod na linggo." "Hindi ko na po kailangang gawin iyon." "At bakit naman?" "Dahil sasama ang mga kaibigan ko sa akin sa Sta. Barbara. Doon muna kami. Tutulungan nila akong alagaan si Lola Amparo," nakangiting sagot ni Mandie sa kanyang ina. Hindi na ito nakapagsalita kaya inisip na lang niya na ayos lang dito na isama niya ang kanyang mga kaibigan sa Sta. Barabara.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD