"WE are now entering the town of Sta. Barbara... Makikita niyo on my side na puro palayan and tall grass. It's getting dark now, guys. And medyo nagiging creepy na itong place. Bye!"
Napailing na lang si Mandie nang tapusin na ni Dawn ang selfie video nito. Alam niya na i-u-upload nito iyon sa i********: account nito. Palagi naman itong ganoon. Kulang na lang ay i-document nito lahat ng kilos nito.
Papunta na silang magkakaibigan sa bahay ng Lola Amparo niya at kakapasok pa lang nila sa bayan ng Sta. Barbara sa Pangasinan. Ang sasakyan na gamit nila ay ang white van ni Ulysses at ito rin ang nagda-drive dahil ito lang ang marunong sa kanila na magmaneho. Mag-isa lang ito sa unahan ng sasakyan habang lahat sila ay sa likuran. Halos limang oras na silang bumabyahe pero alam ni Mandie na malayo-layo pa ang byahe nila. Masyado kasing liblib ang kinatitirikan ng bahay ng lola niya.
Ibinaling ni Mandie ang mata niya sa labas. May mangilan-ngilan pa siyang bahay na nakikita na nadaraanan nila. Ngunit alam niyang maya maya ay wala na silang madadaan na kabahayan.
Napapitlag siya nang bigla siyang kalabitin ni Sachiyo sa kanyang balikat. "Matagal pa ba tayo?" Bakas sa mukha nito ang pagkainip.
"Medyo matagal pa, eh. Siguro mga one hour pa o higit pa," sagot ni Mandie.
"What? Nasa mapa pa ba ng Pilipinas ang kinaroroonan ng house ng Lola Amparo mo? And wait, may Starbucks pa do'n?" mataray na wika ni Dawn.
"Dawn, walang Starbucks doon. 'Wag tanga. Bukid ang pupuntahan natin," pananabla dito ni Ulysses.
"Pwede ba, Ulysses, just keep driving! Do your job!"
"Hindi mo ako binayaran para sabihin na job ko ito. Isa pa, van ko ito. Pwedeng-pwede kitang pababain."
"'Oy! Tama na nga iyan. Mamaya kayo pa ang magkatuluyang dalawa, eh!" Natatawang sabi ni Hero. Ibinalik ulit nito ang nakasaksak na earphone sa tenga nito.
"Eww! Hindi ko pinangarap!" Nakatirik ang mga mata na turan ni Dawn.
Napatingin naman si Mandie kay Ken na katabi lang niya.Inihilig niya ang ulo sa balikat nito dahil medyo nakakaramdam siya ng antok. Pumasok sa isipan niya ang kanyang Lola Amparo. Matutuwa kaya ito kapag nakita siya nito? Panigurado na hindi na siya kilala nito dahil sa dalawampung taon na silang hindi nagkikita. Napakalaki ng kasalanan nila dito dahil pinabayaan nila ito kahit na matanda na ito.
"Baby, sa tingin mo galit sa akin si Lola Amparo dahil iniwan namin siya?" tanong ni Mandie sa nobyo.
"Hindi naman siguro. Ang sabi mo, bata ka pa noong isama ka ng Mama mo paalis. Maiintindihan ng lola mo na hindi mo kagustuhan na iwanan siya." Hinaplos-haplos pa ni Ken ang kanyang buhok.
"Sana nga. Miss na miss ko na talaga siya. Hindi kasi ako nagkaroon ng chance noon na dalawin man lang siya dahil palagi na lang akong pinagbabawalan ni Mama. Kapag tinatanong ko naman kung bakit, ayaw naman niyang sabihin."
Ang totoo niyan ay sinasabi naman ng Mama Chanda niya kung bakit ayaw siya nitong papuntahin sa lola niya at iyon ay dahil sa ito daw ang pumatay sa tatay niya. Hindi niya lang sinasabi iyon sa mga kaibigan at nobyo niya dahil nahihiya siya. Baka isipin ng mga ito na may lahi silang mamamatay-tao. Pero kung ayon sa nanay niya ay ito ang kumitil sa buhay ng tatay niya, bakit ngayon ay pumayag na ito na pumunta sa bahay nito. Parang hindi lang siya nasasapatan sa dahilan ng nanay niya na malapit nang mamatay ang Lola Amparo niya kaya siya nito pinayagan sa pagkakataon na ito.
"Malayo pa ba, Mandie?" Maya maya ay tanong ni Ulysses.
"Diretso lang. Kapag may nakita kang malaking bahay, iyon na ang bahay ng lola ko."
Muling napatingin si Mandie sa dinaraanan nila. Kalat na kalat na ang dilim sa kapaligiran. Pinayuhan niya si Ulysses na magdahan-dahan sa pagmamaneho dahil bukod sa madilim na ay may matatarik na bangin sa gilid ng kalsadang kanilang dinaraanan. Mas mabuti na iyong kahit matagal silang makarating sa pupuntahan basta ligtas naman sila.
Tahimik na silang lahat sa loob ng van nang biglang may malakas na tunog silang narinig mula sa bubong ng sasakyan. Parang may kung anong nahulog noon.
"Ano 'yon?" tanong agad ni Lalaine halata ang kaba sa boses.
"P-parang tao..." ani Ken.
"Tao? Imposible! Ano 'yon, lumilipad?" Hindi makapaniwalang wika ni Sachiyo.
"Ang mabuti pa, ihinto mo muna ang van, Ulysses. I-check muna natin kung ano ba iyon," utos ni Mandie.
Ihihinto na sana ni Ulysses ang van nang walang anu-ano ay isang babae ang nakita nila na nasa unahan ng sasakyan. Lahat sila ay nagulat sa pagsulpot ng naturang babae doon. Parang sa isang iglap ay bigla itong napunta sa unahan.
"Mababangga mo siya!" tili ni Dawn.
Dahil sa mababangga nila ito ay kinabig agad ni Ulysses ang manibela sa kanan para maiwasan ito. Pero huli na ang lahat dahil nabangga pa rin nito ang babae at tumalsik ito sa kung saan. Nagpaikot-ikot ang van. Para silang bola na nasa loob ng bote at kinakalog.
Napuno ng sigaw at tili ang loob ng sasakyan.
Nang tumigil iyon sa paggalaw ay saka lang sila tumigil sa pagsigaw. Nagkakatinginan sila at sa mga mata lang nag-uusap.
"May nasaktan ba sa inyo?" Nanghihinang tanong ni Mandie.
"Ang sakit ng ulo ko... Nakakhilo..." reklamo ni Dawn.
Mukhang wala namang nasaktan sa kanila ayon sa nakikita ni Mandie. Agad siyang nagpasalamat sa Diyos dahil doon. Pero bakit parang gumagalaw iyong van? Parang dinuduyan na hindi niya mawari...
Pero bigla siyang natigilan nang bumalik sa utak niya kung paano binangga ng unahan ng van iyong babae at kung paano ito tumilapon sa kung saan. Napahawak siya sa kanyang dibdib nang mapagtanto niya na baka napatay nila ito!
Luminga-linga siya. "I-iyong babae... N-napatay kaya natin siya?" Natataranta na siya ng sandaling iyon.
"Hindi naman siguro, baby."
"P-pero, K-ken... N-nakita ko... Sobrang lakas ng bangga sa kanya! Napatay natin siya!"
"Baby, relax. Okay? Relax!" Hinawakan pa siya ni Ken sa magkabila niyang balikat.
"Paano ako magre-relax kung alam kong nakapatay tayo?!"
"Kung napatay natin iyong babae... it means ba na makukulong tayo?" Umiiyak na tanong ni Lalaine. Sa lahat ay ito ang pinaka mahina ang loob sa kanila.
"No way!" sigaw ni Dawn. "Hindi ako makakapayag na makulong! Sumama ako dito hindi para maging preso! Sumama ako para magbakasyon. Kailangan na nating umalis dito!"
"Tatakas tayo?" tanong ni Mandie. Magulo pa rin ang utak niya dahil sa nangyari. Hindi siya makapag-isip ng maayos. Pakiramdam niya pati utak niya ay nakalog din.
Kaba, takot at pangamba. Sari-sari na ang nararamdaman niya.
"Iyon ang mabuti nating gawin, baby..." ani Ken.
Napalunok si Mandie. Mukhang wala namang ibang tao na nakakita na nabangga nila iyong babae. Wala naman siyang bahay na nakikita sa paligid. Mas makakabuti nga siguro kung takbuhan na lang nila ang kasalanang nagawa nila. Mga bata pa sila, ayaw rin niyang maghimas agad ng rehas na bakal.
Tiningnan ni Mandie si Ulysses na kanina pa walang kibo sa driver's seat.
"Ulysses, bilisan mo! Umalis na tayo dito! Mag-drive ka na papunta sa bahay ni Lola Amparo!" utos niya sa kaibigan.
"M-mandie, i-imposible ang sinasabi mo..." nanginginig na parang takot na takot ang boses ni Ulysses nang magsalita ito. Hindi man lang nito magawang lumingon sa kanila.
"Ha? Bakit?"
May itinuro ito sa unahan na sinundan naman niya ng tingin. At ganoon na lang ang panlalaki ng mata ni Mandie sa kanyang nakita. Nakabitin sa gilid ng bangin ang unahang bahagi ng van! Kaya pala kanina pa niya napapansin na parang idinuduyan ang sasakyan dahil doon.
Isang maling galaw lang nila ay tiyak na bubulusok paibaba ang van kung saan naroon silang lahat na magkakaibigan!