NANG medyo gumalaw ang van at tamaan ng headlight ang unahan ay doon nakita ni Mandie kung gaano kataas ang babagsakan nila kung sakaling mahulog sila mula dito. Nawala na sa isip niya ang nabangga nilang babae kanina dahil mas namamayani sa kanya ang takot. Literal na nasa bingit sila ng kamatayan!
"Oh my, God!" Malakas na tili ni Dawn.
Si Dawn ang nasa kalapit ng pinto kaya naman ito ang agad na nagbukas doon. Nagmamadali itong lumabas at doon nagtitili. Sumunod na lumabas sa kanya sina Sachiyo at Hero. Nagmamadali naman na itinapon ni Lalaine lahat ng gamit nila palabas ng sasakyan at lumabas na din ito.
Naramdaman ni Mandie ang paghawak ni Ken sa kamay niya. "Baby, tara na! Lumabas na tayo!" anito.
"S-si Ulysses... K-kailangan niya ng tulong!"
Napapansin kasi niya na kanina pa parang inaalis ni Ulysses ang seatbelt nito pero hindi nito iyon matanggal.
"s**t! Hindi ko maalis seatbelt ko!" Nanginginig na parang kinakabahan ang boses ni Ulysses. Tama nga siya. Na-stuck ito doon. Lumingon ito sa kanila ni Ken na parang humihingi ng tulong.
Akmang pupuntahan ni Mandie si Ulysses para tulungan pero nang malapit na siya dito ay gumewang paunahan ang van kaya malakas siyang napasigaw. Mabuti na lang at hinila siya ni Ken pabalik. Nakaupo silang natumba ng kanyang nobyo.
"Ano ka ba naman, Mandie?! Hindi ka pwedeng pumunta sa unahan dahil mas bibigat doon! Malalaglag itong van at mamamatay tayo!"
"P-pero si Ulysses... paano siya?" Naiiyak na tanong ni Mandie.
"Tulungang niyo ako! s**t! Ayoko pang mamatay!" sigaw ni Ulysses.
"Ulysses..."
Hinawakan ni Ken ang magkabila niyang pisngi at iniharap ang mukha niya sa mukha nito. "Look at me, baby! Hindi natin pwedeng tulungan si Ulysses."
"Sina Dawn, si Hero, si Sachiyo at Lalaine! Tawagin mo sila, tutulungan nila-"
Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin dahil gumalaw muli ang van. Malakas siyang napasigaw at napayakap kay Ken. Takot na takot siya dahil ang buong akala niya ay mahuhulog na ang van sa bangin. Mabuti na lang at huminto iyon sa paggalaw.
"Kailangan na nating umalis dito! Hindi na natin matutulungan si Ulysses! Gumuguho na iyong lupa sa gilid!" giit sa kanya ni Ken.
Mariin siyang umiling. "Kaibigan natin si Ulysses at hindi natin siya pwedeng iwanan na lang!"
"Tara na, Mandie!"
Wala nang nagawa si Mandie nang yakapin siya ni Ken sa beywang at sapilitan na inilabas ng van.
"Mandie!!! 'Wag niyo akong iwanan ditooo!!!" sigaw ni Ulysses.
Nang makalabas na sila ni Ken ay naipon ang lahat ng bigat sa unahan niyon dahil naroon si Ulysses. Sa isang iglap ay nahulog sa bangin ang van. Nagpaikot-ikot paibaba. Iyak lang ng iyak si Mandie dahil alam niya na naroon ang isa sa mga kaibigan niya. Tumakbo siya sa gilid ng bangin upang tingnan kung ano ang nangyari pero sinalubong siya ng malakas na pagsabog mula sa van!
"Ulysses!!!" malakas na sigaw ni Mandie habang umiiyak.
-----***-----
PANAY ang iyak ni Mandie habang nakatingin siya sa mga pulis at rescuer na bumababa sa bangin. Nakayakap lang siya kay Ken at hindi ito umalis sa tabi niya. Kanina ay isa-isa na silang kinausap ng mga imbestigador at napatunayan naman nila dito na aksidente ang nangyari.
"Guys, pumunta na kaya tayo sa bahay ng lola ni Mandie. Tapos na naman ang investigation. Wala na tayong maitutulong dito," ani Sachiyo.
Sumang-ayon silang lahat sa sinabi ni Sachiyo dahil pagod na rin naman sila. Gusto na nilang magpahinga. Nagpaalam na sila sa mga pulis at pinayagan naman sila ng mga ito. Nag-alok pa nga ang mga ito na ihatid sila pero tumanggi si Mandie. Baka kasi magulat ang Lola Amparo niya kapag may nakita itong maraming pulis.
"Balitaan niyo na lang po kami tungkol sa bangkay ng kaibigan naman, sir..." sabi ni Ken sa isa sa mga pulis. Inabutan si Ken ng pulis ng calling card saka sila nagpaalam sa mga ito.
-----***-----
TULALA pa rin si Mandie habang naglalakad sila papunta sa bahay ng kanyang abuela. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na isa sa kanila ang namatay kani-kanina lamang. Napakabilis ng pangyayari. Ang saya-saya pa nila habang bumabyahe tapos sa isang iglap ay nagpaalam agad si Ulysses.
"Sa tingin niyo, guys, dapat ba nating balikan si Ulysses? B-baka kasi buhay pa siya?" umiiyak na tanong ni Lalaine sa kanila.
"Gaga! Nahulog na iyong van tapos sumabog. Sa tingin mo buhay pa si Ulysses?" sigaw dito ni Dawn. "Saka ang arte mo, ha! Kung makaiyak ka para kang girlfriend ni Uly!"
Malapit nang sumikat ang araw. Halos tatlumpung minuto rin silang naglakad nang sa wakas ay matanaw na ni Mandie ang bahay ng kanyang Lola Amparo.
"Malapit na tayo..." bulalas niya.
"Thank you naman. Kanina pa sumasakit ang paa ko, eh!" reklamo ni Dawn.
Medyo naluha si Mandie nang nasa harapan na sila ng gate ng bahay. Maraming alaala ang biglang bumalik sa kanya ng sandaling iyon. Masasayang alaala kasama ang kanyang Lola Amparo. Noong, umakyat siya sa punong mangga sa tabi ng bahay at nahulog siya. Ito ang gumamot sa sugat niya sa tuhod na natamo niya mula sa pagkahulog. Iyong tumatakas siya kapag siesta at lumulusot siya sa barbed wire na harang sa paligid ng bakuran para manghuli ng paru-paro. Pakiramdam niya tuloy ay bigla siyang bumalik sa nakaraan.
Marahan niyang itinulak ang gate na yari sa mga kahoy. Medyo inaanay na iyon. Pumasok na sila sa loob ng bakuran. Mula sa kinatatayuan ni Mandie ay nakita niya ang tuyong palayan sa likod ng bahay. Noon ay mayayabong ang mga tanim na palayo doon. At ang bahay, halata na niluma na rin ng panahon. Tunay na matanda na ang kanyang Lola Amparo kaya marahil hindi na nito kayang pangalagaan ang palayan at ang bahay.
Nagpunta sa unahan si Dawn habang nakatingin sa bahay. "Medyo creepy pala ang bahay ng lola mo, ha. Parang madaming ghost sa loob!"
Hindi na lang nila pinansin ang sinabi ni Dawn.
Naglakad na si Mandie papunta sa main door at kumatok.
"Lola Amparo?" Walang sumagot.
Kumatok ulit siya at tinawag ang pangalan nito. Wala pa rin.
Doon na siya nagdesisyon na pihitin ang seradura ng pinto. Hindi iyon naka-lock kaya tuluyan na niyang binuksan ang pinto. Lumikha ng nakakangilong tunog ang bisagra ng pinto nang buksan iyon ni Mandie. Sumalubong agad sa kanila ang amoy ng nakulob na silid.
"Lola?" tawag ulit ni Mandie ngunit wala pa rin siyang nakuhang sagot.
"Baka naman tulog pa. Ang aga pa kaya," ani Hero.
"Dito muna kayo, guys. Aakyatin ko lang siya sa kwarto niya," aniya.
At iniwan na ni Mandie ang mga kaibigan sa salas at umakyat siya sa ikalawang palapag ng bahay. Marahil nga ay tulog pa ang kanyang Lola Amparo. Tandang-tanda pa niya kung nasaan ang silid nito dahil doon siya palagi natutulog noong bata pa siya. Mas gusto niya itong katabi matulog kesa sa kanyang ina dahil marami itong kwento bago sila matulog.
Unang pinto sa kaliwa. Tumigil na si Mandie. Huminga siya ng malalim at saka niya kinabig ang pinto ng ng silid ni Lola Amparo. At ganoon na lang ang gulat niya nang isang matandang babae ang nakatayo sa bungad ng pintuan. Halos dalawang dangkal lang ang layo nito sa kanya. Kulubot ang mukha at hanggang beywang ang tuwid at puti nitong buhok. Nakasuot ito ng puting bestida na hanggang talampakan nito. Ang ikinagulat talaga ni Mandie ay ang napakalaking ngiti na nakapaskil sa labi nito!