CHAPTER2: Dinner

1347 Words
“Sige na, wala na akong sinabi kundi ‘Thank you, baby’,” pagsuko niya habang naiiling na napangiti. “Mag-order ka na ng pagkain natin. Heto ang wallet ko,” dagdag niya, sabay abot sa akin. “Magsha-shower lang ako saglit.” Nanlaki ang mga mata ko nang masalo at mahawakan ang makapal na leather wallet niya. “Daddy… akin na ba ’to lahat?” usisa ko na may kasamang malaking ngiti habang sumisilip sa loob. “Sira. Kunin mo lang ang exact amount ng kakainin natin,” babala niya habang nakatalikod na at naglalakad palayo patungong kuwarto. “Bilang ko kung ilan ang thousands at hundreds ko diyan, ha. Huwag kang magpapakasasa sa yaman ko.” Agad kong binuklat ang wallet habang nakanguso. Ngunit pagkakita ko sa laman, napasimangot ako nang bahagya. “Sus… puro hundreds at fifties lang ’to, wala namang thousand,” reklamo ko habang panay ang kutkot sa mga papel na nakasalansan. Natawa si Terence habang patuloy sa paglakad at tinatanggal ang suot na damit. “Oo nga pala, napang-gas ko pala sa Montero ’yung mga thousands ko kanina! Aabunuhan mo muna kung kulang, siningilin mo na lang ako bukas,” sigaw niya bago tuluyang pumasok sa banyo. “Ang kapal ng wallet, puro resibo naman pala…” reklamo ko habang isa-isang binabaligtad ang mga espasyo nito. Ngunit natigilan ako nang may mapansin sa maliit na lalagyan ng litrato sa loob. Dahan-dahan kong hinugot ang isang lumang larawan. Isang matamis at hindi mapigilang ngiti ang sumilip sa mga labi ko habang tinititigan ang sariling mukha roon—isang stolen shot ko noong nag-coffee shop kami dalawang taon na ang nakalipas. “Ang bata-bata ko pa rito, ah... Terence Vincent, ito pa rin ang picture ko na nakatago sa wallet mo hanggang ngayon?” bulong ko sa sarili, habang may pamilyar at mainit na kuryenteng dumaloy sa dibdib ko. Dali-dali akong lumabas at tumawid sa sarili kong unit para kunin ang bag ko. Pagkabalik, mabilis kong binuklat ang wallet, inalis ang lumang litrato, at maingat na pinalitan ito ng pinakabagong ID picture ko na nakangiti. “Ayan, mas latest na pic ko ’yan, Ter—para masuwerte ka naman sa wallet mo,” nakangiting bulong ko. Matapos iyon, isinara ko ito at maingat na itinabi sa ibabaw ng TV rack, kasama ang susi ng Montero. Dumiretso na ako sa kusina para mag-order ng hapunan gamit ang sarili kong telepono. Hapon pa lang ay naglaway na ako sa gusto ko, kaya tinadtad ko ang delivery app ng mga paborito kong Japanese dishes: katsu curry, ebi tempura, at isang malaking bilao ng salmon sashimi. Ilang minuto lamang ang lumipas, sabay na lumabas si Terence mula sa banyo—suot na ang mas komportableng grey T-shirt at sweatpants habang ginugulo ang basang buhok gamit ang maliit na tuwalya—at tumunog ang doorbell mula sa labas. "Aba, sakto ang dating," nakangiting wika niya habang naglalakad patungo sa pinto. Mabilis naman akong tumayo mula sa sofa para salubungin ang rider. Pagkaabot ng mababangong paper bag, agad kong dinala ang mga ito sa dining table at inayos habang sunod-sunod ang paglunok ko dahil sa gutom. "Wow, katsu curry at salmon sashimi! Ang bango, Ter! Mapapatay mo ako sa gutom," masayang sabi ko habang inaabutan ng pares ng chopsticks si Terence na kakarating lang din sa lamesa. Umupo siya sa tapat ko, napapailing habang tinitingnan ang sigla ko. "Kailan ka pa natutong umorder ng ganito karami para sa ating dalawa? Para kang nagpapakain ng isang barangay, ha." "Huwag ka nang magreklamo, masarap naman!" nakangiting depensa ko, sabay subo ng isang piraso ng ebi tempura. "Kumain ka na nga lang diyan, Doctor Malvar, para hindi ka na mangayayat sa duty mo sa ospital." “Saka naawa ako sa wallet mong puro resibo, kaya ako na ang nagbayad ng dinner natin,” wika ko habang isinusubo ang paborito kong salmon sashimi. Nang makuha ko ang tissue ay sumimangot pa ako nang bahagya sa naaalala. “Ang kapal-kapal, puro naman resibo ang laman… napaka-scam ’yang wallet mo, Gar! Five hundred fifty pesos lang ang palaging laman! Makasabi ka pa sa akin na 'bilang ko ang thousands at hundreds diyan,' akala mo naman may tinatago ka ring kayamanan, eh.” Natawa si Terence nang malakas habang isinusubo ang isang piraso ng katsu curry. Umiling-iling pa ito bago sumagot; may taglay na lambing ang mga mata. “Grabe ka naman,” depensa niya. “Iniipon ko kaya ang mga resibo… remembrance din ’yun ng mga pinaghirapan ko.” Napatigil ako sa pagnguya. Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. “Remembrance? Seryoso ka, Terence Vincent? Resibo ng gas, resibo ng kape, resibo ng parking—anong ire-remind sa 'yo niyan, kung paano ka ginutom at nalugi noong nag-uumpisa ka pa lang dito sa BGC?” “Aba, siyempre,” seryosong pormang biro niya habang nakataas ang isang kilay. “Para maalala ko kung kaninong pera ang ginastos ko noong mga panahong naghihirap pa ako. At saka, may sentimental value kaya ang mga ’yun para sa akin.” “Ewan ko sa 'yo, Terence Vincent. Senti sa resibo, pero sa akin, kailan ka naging senti?” pabirong irap ko, bagama’t hindi ko mapigilan ang ngiti sa kakulitan niya. Natatawa naman si Terence habang sunod-sunod ang litanya ko. “Pinull-tank ko kasi iyong Montero kanina... Hindi na ako nakapag-withdraw at nagmamadali na akong umuwi para makita ka. Sige, bukas po magwi-withdraw ako para hindi mo na sinasabing scam ang wallet ko. Sige, ilista mo muna; bukas, babayaran kita nang buo.” Natawa ako, sabay subo uli ng tempura. “Sige ha, sabi mo ’yan, Doc! Huwag kang tatakas sa utang mo.” Habang kumakain, napansin ni Terence ang kakaibang sigla ko. “Bakit nga pala sinipag kang maglinis at mag-leave ngayon?” tanong niya, sabay inom ng tubig. “Wala ka bang pasok sa firm? O, tinatamad ka na namang pumasok?” “Hindi ako pumasok, Doc,” sagot ko habang medyo sumimangot nang maalala ang dahilan. “Nag-emergency leave ako. Nabubuwisit kasi ako sa boss ko. Ang daming pinapa-revise kahit perpekto na naman ang ginawa ko. Pero mabuti na lang, alam mo, malilipat na siya sa ibang branch! At ang balita ko, mas bata ang ipapalit,” nakangiting kuwento ko habang kumikinang ang mga mata. “Ayan na naman siya sa bata,” wika niya habang umiling-iling at pinanonood ako. “Ano, i-baby mo na naman pati ang bagong boss mo? Certified Asukal de Mama ka na talaga, Kira. Mag-ingat ka, baka ikaw naman ang ma-in love sa bata.” “Asukal de Mama ka diyan!” depensa ko sabay irap at turo sa kanya gamit ang hawak kong chopsticks. “Kung nasa office ka lang, mabubuwisit ka rin kay Mr. Santos… sa kalbong ’yon! Ang daming utos, parang walang bukas. Saka, hindi ibig sabihing ‘bata’ ay estudyante pa sa kolehiyo, ha? Baka kaedad ko lang o mas matanda ng ilang taon, hindi senior citizen. Sana lang talaga, mas okay siya kumpara kay Mr. Santos… naku, si Mr. Santos, sarap ipasama sa buhos ng semento sa site, eh!” Natawa nang malakas si Terence sa naging hirit ko. Saglit niyang ibinaba ang kubyertos at napailing habang nakatingin sa akin na tila gigil na gigil pa rin habang ngumunguya ng sushi. “Grabe ka naman doon, Architect Valdez. Baka makasuhan ka ng frustrated murder sa sarili mong boss kapag nalaman niyang gusto mo siyang ibaon sa pundasyon ng gusali,” natatawang biro niya. “Hindi murder ’yon, Doc, contribution ’yon sa pagpapatatag ng ekonomiya,” mabilis kong ganti na may kasama pang seryosong mukha bago tuluyang sumabog sa tawa. Pagkatapos ng hapunan, parang naging automatic na sa amin ang paglipat sa sala. Habang si Terence ay tamad na sumandal sa mahabang sofa, kusa namang dumagan ako sa tabi niya, isinandal ang ulo sa malapad niyang balikat habang patuloy na nag-i-scroll sa telepono ko. Wala nang nag-aabala sa aming magtanong kung bakit ganito kalapit ang distansya namin—dahil para sa aming dalawa, sa gitna ng pagod ng mundo, ito na ang pinakaligtas at pinakakomportableng tahanan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD