Chapter 1

2040 Words
Irene Mariin akong napapikit nang maramdaman ang gitnang bahagi ng aking hita. Kumikirot ito dahil sa isang mainit na pagtatalik na naganap sa pagitan naming dalawa. Tila ang lalaking iyon ay isang halimaw pagdating sa kama. Muli akong napapikit nang hugasan ko ang maselang bahagi ng aking katawan. Kasalukuyan akong naliligo dahil kagigising ko lang. Ngayon lang din ako bumangon dahil sa sakit ng aking katawan. Sa paglipas ng araw, madalas akong mag-isa sa mansion. Tama nga ang sabi ni Clara, laging wala si Third at abala sa trabaho. Ilang beses na rin na may nangyari sa aming dalawa, ito ay sa tuwing umuuwi lang siya rito. Ngunit hanggang kailan ko sasapitin ang bagay na ito? Sa totoo lang, hindi ko akalain na papayag ako na ibigay ang aking katawan sa isang lalaking ngayon ko lang nakilala. Hindi ko akalain na kakayanin ko pa lang gawin ang bagay na ito. Ngunit para sa aking ina, gagawin ko. Iniling ko ang aking ulo upang maalis ang mga agam-agam. Umupo ako mula sa higaan na aking kinahihigaan, saka ako tumayo at nagsimula tumungo sa washroom. Nang ako ay matapos maglinis ng katawan, lumabas ako sa shower room. Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako sa malaking silid na ito. Mayroon itong isang malaking kama na may canopy na animoy kulambo. Mayroong babasaging chandelier na nakasabit sa mataas na kisame nito. Ilang hakbang sa may bandang kaliwa ng kama, nandoon ang isang sliding door patungo sa balcony ng silid na ito. Tila ang isang silid sa mansion na ito ay katumbas ng isang buong bahay. Naputol ang aking iniisip nang masulyapan ng aking mata ang isang litratong nakapatong sa lamesang kalapit ng kama. Inayos ko ang suot kong bathrobe saka marahang lumakad patungo sa kama. Umupo ako rito saka kinuha ang picture frame gamit ang aking kamay. Sa litratong ito, naroon si Third Montenegro at ang babaeng si Clara Montenegro. Kitang-kita ang malaking ngiti ni Clara sa litrato habang naka-peace sign at naka-angkla ang braso kay Third. Si Third naman ay may seryosong mukha na animoy may malalim na iniisip. Suot nilang dalawa ang kanilang damit pangkasal. Kumunot ang aking noo dahil sa aking namasdan. Naalala ko ang mukha ni Third nang una ko siyang makita. Ang kanyang mukha ay tila isang perpektong lalaki na may perpektong pagkaka-ukit sa ilong. Mayroon siyang malaking panga at may guhit sa ibaba ng kanyang labi. Kung iisipin, ang mukha ni Third ay tila nahahawig sa isang hollywood actor, napakagwapo niya. Mabilis kong iniling ang aking ulo dahil sa mga bagay na sumasagi sa aking isip. Ano ba ang iniisip mo, Irene? Mabilis kong binalik ang picture frame sa ibabaw ng lamesa, saka ako naglakad patungo sa isang makeup table hindi kalayuan sa kama. Marahan akong umupo rito saka kinuha ang suklay. Nang ako ay tumingin sa salamin, hindi pa rin ako makapaniwala sa aking mukha. Ang mukha na hindi ko pag-aari. Ang mukhang hiniram ko lang sa iba. Bahagya kong tinaas ang aking kamay. Gamit ang aking daliri, hinawakan ko ang bridge ng aking ilong hanggang sa matangos nitong dulo. Kinapa ko ang aking labi na may manipis at pusong hugis. Ang aking kilay ay halos hindi na kailangan pang ayusin, dahil ni hindi mo makikitaan ng kahit kaunting kalat ang bawat dulo nito. Ang aking mata ay may pagkamatalas at may mala almond na hugis. Maging ang aking buhok ay napakalambot at napakadaling suklayin. Ang mukhang ito ay ibang-iba sa orihinal kong mukha. Napakaganda ng mukha ni Clara, hindi na ako magtataka kung bakit maraming lalaki ang nahuhumaling sa kanya. Hindi tulad ko na pinagkaitan ng ganda. Kilala ako sa pangalang Irene Mae Cristobal, pitong taong gulang pa lang ako nang matupok ng apoy ang aming bahay sa isang lugar sa Tondo Maynila. Tila isang bangungot ang pangyayaring iyon sa aming buhay. Dahil doon, nagbago ang lahat sa amin ni nanay. Namatay ang aking ama nang ako ay kanyang iligtas. Nadaganan ako noon ng isang kahoy. Mabuti na lang at dumating ang aking ama, ngunit sa kasamaang palad, tuluyang bumagsak ang kisame at doon siya binawian ng buhay, isang bumbero naman ang tuluyang naglabas sa akin mula sa nasusunog naming bahay. Naputol ang aking iniisip nang maramdaman ko ang tubig na pumatak mula sa aking mata. Ang trahedya ng nakaraan na iyon ay tila kailan lang, dahil hanggang ngayon, ramdam ko pa rin ang sakit sa aking puso. Mariin kong pinahiran ang aking luha. Isang buntonghininga ang aking ginawa. Nandito ako ngayon sa mansion na ito upang maisalba ang buhay ng aking ina. Siya na lang ang mayroon ako at hindi ko kakayanin kung mawawala pa siya sa akin, kaya kahit na ibigay ko ang buo kong katawan para sa asawa ng babaeng si Clara, gagawin ko. Mabilis akong napalingon sa pinto nang makarinig ako ng sunod-sunod na katok. "Senyora, handa na po ang tanghalian," narinig kong saad ng isang katulong sa likod ng nakasarang pinto. "Sige, bababa na ako," tugon ko gamit ang isang tinig na halos walang emosyon. Hindi naman pala ganoon kahirap magpanggap bilang si Clara, dahil madalas ay wala si Third dito sa mansion. Ngunit kahit ganoon, kailangan ko pa ring mag-ingat sa mga kasambahay na nandito, hindi dapat sila makahalata. Matapos kong ayusin ang aking sarili, lumabas ako ng silid at lumakad sa isang malawak at malaking beranda. Maging ang hagdan sa mansion na ito ay malawak ang bawat baytang at may nakalatag na pulang carpet. *** Isang mahabang lamesa ang hapagkainan. Sa dulo nito ako nakaupo, ngunit nakaramdam ako ng lungkot nang mapagtanto kong mag-isa na naman akong kakain dito. Kahit marami ang pagkaing nakahain, hindi ko magawang sumaya dahil wala naman akong kasama. Tila hindi pa rin ako sanay sa ganitong buhay. Nilingon ko ang aking ulo at nakita ang limang katulong at isang mayordomo na nakatayo lang sa gilid ng pader, tila naghihintay sa akin. "Senyora, may problema po ba? Hindi nyo po ba gusto ang pagkain?" tanong ng mayordomo sa akin. Tinaas ko ang aking kilay dahil ito ang isa sa kinagawian ni Clara, saka ako nagsimulang kumain. Isang maarteng pagsubo ang aking ginawa. Kailangan ko pa rin mag-adjust sa mga bagay-bagay dahil may ibang gawi si Clara na halos hindi ako sanay. Tulad na lang ng pagkain, mas sanay akong kumain nang nakakamay kaysa magkutsara at tinidor. "Ma'am, Clara. Anong oras po kayo lalabas para mag-shopping?" tanong ng mayordomo. Oo nga pala, ganitong oras at araw kadalasan lumalabas si Clara, saad ko sa sarili. "Sabihin nyo lang po, Senyora. Para maihanda ang sasakyan." "Sige, prepare the car," tugon ko. Matapos akong kumain, tumayo ako saka tinapon ang hawak kong tissue sa platong aking kinainan, saka taas noong lumakad. Paglabas ko mula sa dining area, agad kong napansin ang isang kasambahay na animoy ingat na ingat sa paglilinis ng isang babasaging figurine. Ngunit nanlaki ang aking mga mata nang makita kong aksidente niya itong masagi at agad itong nabasag sa sahig. Nababakas ang takot sa kanyang mukha at halatang hindi niya alam ang kanyang gagawin. Lumuhod siya upang damputin ang piraso ng nabasag na figurine, ngunit aksidenteng nahiwa nito ang kanyang daliri. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip. Wala sa sarili akong tumakbo patungo sa kanyang kinaroroonan. Agad kong hinawakan ang daliri niyang may dugo, saka nag-aalalang tinakpan ito ng panyong mula sa aking bulsa. "Ayos ka lang ba?" mabilis kong tanong sa kanya. "S-Senyora?" nauutal niyang tugon na animoy nakakita ng isang multo. Tila binuhusan naman ng malamig na tubig ang aking katawan nang ilibot ko ang aking paningin. Nasulyapan ko ang mukha ng mga kasambahay. Nababakas sa kanilang mga mata ang pagtataka at gulat dahil sa aking ginawa. Agad kong tinulak ang kasambahay na nasa aking harapan saka nagmadaling tumayo. "Tonta! Alam mo ba kung gaano kamahal ang figurine na iyan?" sigaw ko sa kanya habang tinuturo-turo siya gamit ang aking daliri. Bagamat labag sa aking kalooban na sabihin ang ganitong bagay, kailangan ko itong gawin dahil hindi ako ngayon si Irene, kung hindi si Clara. "P-Pasensya na po." Tinaas ko ang aking kilay upang mas maging kapanipaniwala ang lahat. "Sa tingin mo, maibabalik pa ng pasensya mo ang mamahaling bagay na iyan?" muli kong sigaw. "James!" pagtawag ko sa mayordomo. "Salary deduction para sa babaeng ito." "Masusunod po, Senyora." Alam kong sa ganitong sitwasyon, tatanggalin na ni Clara sa trabaho ang kasambahay na iyon. Ngunit tila hindi kakayanin ng aking konsensya na gawin ang bagay na iyon. Sana lang ay hindi nila mahalata ang aming kaibahan. Matapos iyon, nagsimula akong pumunta sa kotse at nagpahatid sa personal driver ni Clara sa isang mall sa Bonifacio Global City sa Taguig, ang Uptown Mall. Ngunit hindi talaga ako pumunta sa mall na ito upang mag-shopping, pumunta ako rito dahil malapit ito sa ospital kung saan naroon ang aking ina, ang St. Luke's Medical Center. Nais ko siyang dalawin ngunit kailangan ko itong gawin nang palihim, kaya naman, pumasok ako sa mall at lumabas sa back entrance. Doon ako nagkaroon ng pagkakataong tumungo sa ospital. Nagmadali akong tumakbo at sa wakas ay nakarating na rin ako rito. Matagal na rin nang huli kong bisitahin ang aking ina. Matagal na rin nang huli ko siyang makita. Pinilit kong takpan ang aking mukha gamit ang dala kong coat upang walang makakilala sa akin. Hanggang sa makarating ako sa silid kung saan naroroon ang aking ina. Sa pagbukas ng pinto ng silid na iyon, mabilis na nabalutan ng lungkot ang aking puso. Bumigat ang aking balikat nang makita ko ang kalagayan ng mahal kong ina. Nakaratay siya sa higaan at may tubo ng oxygen ang nakapasok sa kanyang bibig. Masaya pa rin ako dahil nakikita kong madalas linisan ng mga nurse na inupahan ni Clara ang aking ina. Mukhang alagang alaga siya rito. Marahan akong umupo sa isang bangko na nasa tabi ng higaan niya, saka ko kinuha ang kanyang kamay at nilapit sa aking pisngi. "Nay, nandito na po ako. Pasensya na kung ngayon lang ako bumisita." Nanginginig ang aking tinig. "Sana maintindihan mo kung bakit ako gumawa ng isang biglaang desisyon. Patawad, Nay. Ginawa ko ito dahil hindi ko kayang mawala ka, hindi ko kayang mag-isa." Nagsimulang tumulo ang luha mula sa aking mga mata. Ang aking paghinga ay numipis at hindi ko napigilan ang aking paghikbi. Sunod-sunod ang pag-agos ng aking luha na animoy ilog na walang katapusan. Mabilis kong naalala ang mga bagay na ginawa ng aking ina para sa akin noong ako ay bata pa. Noong kami ay nagbebenta pa ng basahan sa mga jeep na nagdaraan. Noong araw na tumatanggap pa siya ng labada upang may makain at mairaos ang isang araw. At kahit na nakatira kami sa isang maliit na kwarto, hindi pa rin nawawala ang ngiti sa aming mga labi habang kami ay magkasama. Ngunit ngayong ako naman ang kailangan ng aking ina, gagawin ko ang lahat, kapalit man ay ang aking dignidad at ang buo kong pagkatao. Mariin kong pinahiran ang luha sa aking mga mata, ngunit kahit ilang beses ko itong pahiran, tila ayaw tumigil ng aking mata sa paggawa ng maaalat na luha. Ang sabi ng doctor ay stable na ang lahat matapos operahan ang pumutok na ugat sa ulo ni nanay, ano mang oras ay maaari na siyang magising. Ngunit sa ganitong kondisyon, pinagtapat sa akin ng doktor na hindi niya masasabi kung kailan magigising si nanay. Mabuti na lang at sinasagot ni Clara ang lahat ng gastos sa ospital. At ang kapalit ay ang pagpapanggap kong ito. Niyuko ko ang aking ulo at pinatong sa kamang hinihigaan ni nanay, saka ko roon binuhos ang aking pag-iyak. Hindi ko namalayan ang paglipas ng oras, nanlaki ang aking mga mata nang makita kong alas-singko na pala. "Nay, kailangan ko na pong umalis," pagpapaalam ko sa natutulog kong ina. Matapos iyon, binigyan ko siya ng isang halik sa noo. Ngunit sa aking pagtayo, nakaramdam ako ng pagkahilo at pakiramdam ko ay umiikot ang aking tiyan na animoy naduduwal. Nanlaki ang aking mata dahil sa bagay na mabilis na sumagi sa aking isip. Mabilis akong napatingin sa kalendaryo. Ngayon lang pumasok sa aking isip na isang linggo na akong hindi dinadatnan. Mariin kong natakpan ang aking bibig at nagsimulang lumuha ang aking mata. H-Hindi ito maaari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD