1
“IT’S G-GOING t-to b-be... fine.” Iyon ang mga huling katagang nasambit ko bago natapos ang aking buhay sa mundo. Pagpikit ng aking mga mata ay kaagad kong nadama ang pagkawala ng hindi maipaliwanag na kirot na aking nadarama kanina. Nahulog ang bus na sinasakyan ko pauwi ng Maynila. Isa ako sa mga hindi pinalad. Bago pa man tuluyang bumagsak sa bangin ang bus ay nasisiguro ko nang isa ako sa mga hindi papalarin.
Nang muli akong magmulat ng mga mata, bughaw na langit ang aking nakita. Sinubukan kong tumayo. Napagtagumpayan ko naman. Ngunit kaagad kong pinagsisihan ang naging pasya ko pagkakita ng eksenang tumambad sa akin. Sana ay nanatili na lamang akong nakahiga at nakatitig sa bughaw na kalangitan.
Carnage. Iyon ang nakikita ng aking mga mata sa kasalukuyan. Ang bus na sinasakyan ko kanina ay hindi ko na makilalang bus. It was mangled and broken beyond repair. Napapaligiran ako ng mga duguang katawan. Karamihan sa mga iyon ay hindi na humihinga.
“No. No! God, this is not happening.” Napailing-iling ang aking ulo, pilit na pinipigilan ang pagbulwak ng luha mula sa aking mga mata. My heart contracted violently. It was getting harder and harder to look with each passing minute. “God, Mattie, you can’t just stand here. Help these people!” ang sabi ko sa aking sarili.
Pilit kong inihakbang ang aking mga paa. Nilapitan ang isang babaeng nakahandusay, umaagos ang dugo sa kanyang ulo. Kahit na labis na natatakot, lumuhod ako sa kanyang harapan at hinawakan sa braso. Sinubukan kong alalahanin ang basic life support training ko sa Red Cross. “Ma’am? Ma’am? A-are you... A-are you...” Sinubukan kong banayad na igalaw-galaw ang kanyang braso ngunit hindi ko magawa. Tila napakabigat ng braso, hindi ko matinag kahit na nilangkapan ko na ng ibayong puwersa. Hindi ko maintindihan kung ano ang nagaganap. It felt like I am in my worst nightmare. Dalangin kong sana ay magising na ako kaagad.
“Patay na siya,” anang isang pamilyar na tinig sa aking likuran. Sandali akong nanigas, hindi nakagalaw sa puwesto. Kapagkuwan ay pilit ko uling iginalaw ang babae sa aking harapan. Hindi ko alam kung bakit nagpupumilit pa ako. Nakikita kong hindi na siya humihinga, wala nang buhay ibig sabihin. Ngunit ayaw kong sumuko. Ayaw kong lumingon upang makita ang lalaking hindi ko sigurado kung nais kong makita.
“Patay na siya,” sabi uli ng tinig ng lalaki. “At ikaw din, Mattie.”
Ako’y natigilan. Nagbalik sa aking isipan ang nangyari bago bumagsak sa bangin ang bus na sinasakyan namin ni Bea. “Bea!” kaagad kong sigaw nang maalala ko ang aking kaibigan.
Kaagad ko siyang hinanap. Panay ang usal ko ng dasal na sana ay maayos ang kanyang kalagayan. She can’t be dead. She was pregnant. Kaagad kong nahanap si Bea. Narinig ko muna ang histerikal niyang tinig bago ko siya nakita. Natigil ako sa paglapit dahil nabatid kong pangalan ko ang kanyang isinisigaw. Tumatangis si Bea habang pilit niyang niyuyugyog ang isang duguang katawan—ang aking katawang wala nang buhay. May nakabaong bakal sa aking dibdib. Halos wala sa loob na nakapa ko ang aking dibdib. Walang bakal doon, walang dugo at sugat. Wala akong nadaramang sakit.
Natutop ko ang aking bibig, hindi mapaniwalaan ang nakikita. Inakala kong isa lamang uling panaginip ang lahat. Hindi totoo at magigising din ako. “God,” aking usal. “This is not...” Kinurot-kurot ko ang aking braso upang magising ako.
“This is real,” anang pamilyar na tinig sa aking likuran. “We’re not in a dream anymore, sweetheart.”
Dahan-dahan ko siyang nilingon. Nakangiti sa akin ang isang lalaking hindi ko talaga kilala ngunit pamilyar sa akin. Pamilyar sa aking paningin, pamilyar sa aking pakiramdam. Ang sabi niya sa aking mga panaginip, siya ang aking guardian. Pinaniwalaan ko siya. Sa dami kasi ng mga kapahamakang nalampasan ko, naniniwala akong palaging nag-o-overtime ang aking guardian angel. Maraming pagkakataon na kinatakutan ko siya, gayunpaman. He was the one who told me, I’d die young. Hindi niyasinabi kung kailan niya ako eksaktong kukunin, ngunit siniguro niyang siya ang susundo sa akin kapag takda na ang panahon.
“This is it?” usal ko sa nanginginig na tinig. “This is really the end for me?”
Tumango ang lalaki. “You had to go. You don’t belong in their world anymore.”
Binalikan ko ng tingin si Bea. Parang dinudurog ang puso ko sa nakikita kong anyo niya, sa naririnig kong pagtangis niya. Parang hindi ko rin matanggap ang naganap. Matagal ko nang alam na darating ang araw na ito, ngunit sa loob ng mahabang panahon ay hindi ko pa rin pala ganap na naihanda ang aking sarili. I loved my life.
“Where do I belong now?” tanong ko sa lalaki habang pirmi ang aking paningin kay Bea.
“You belong in a much better place.”
“Heaven?” Naniniwala ako na naging mabait naman ako sa mahigit labing-pitong taon ng aking buhay. Ginawa ko ang lahat upang maging mabuti akong tao. I shared my blessings. I was respectful to the elders. I followed rules as much as possible. Maraming beses na naging pasaway ako, aaminin ko ang bagay na iyon. Ngunit ako’y naniniwala na naging mabuti akong nilalang sa lupa sa kabila ng naging mga kamalian ko.
Gayunpaman, hindi ko napigilan ang matakot. Paano kung iba pala ang parameters upang mapunta sa langit? Paano kung iba ang naging paniniwala ko? Paano kung hindi naging sapat ang mga kabutihang ipinakita ko upang makapasok sa langit?
“Halika na, sweetheart,” aniya sa malumanay na tinig imbes na bigyan ako ng direktang tugon kung saan ako tutungo. “Kailangan na nating umalis.”
Ayokong umalis. Ayokong iwanan ang katawang-lupa ko. Ayokong iwanan si Bea dahil baka may mangyaring hindi maganda sa kanya at sa kanyang dinadala. I felt this strong urge to watch over my friend.
Naramdaman ko ang pagdantay ng kamay ng lalaki sa aking balikat. “Magiging maayos lang siya. Walang mangyayaring hindi maganda sa kaibigan mo. Tapos na ang pinakamalalang parte ng pangyayari. Rescue is coming.”
Kahit na mahirap, pinilit kong igalaw ang aking katawan at hinarap ang lalaki. He had the kindest and gentlest face I had ever seen. He had the sweetest smile. His eyes were tender and soft. Alam kong kailangang mapalagay ang loob ko sa kanya pero hindi ko magawa. Natatakot ako. Naguguluhan. Nalulungkot. Frustrated. Irritated. A little angry. I didn’t want to go. I wanted to stay there. I wanted to live. I didn’t want to die.
Hinawakan ng lalaki ang aking kamay at biglang nagliwanag ang paligid. Naipikit ko ang aking mga mata dahil sa pagkasilaw. Nang ako’y muling magmulat, wala na ako sa lugar na kinabagsakan ng bus. Nasa isang lugar na ako na maihahalintulad sa isang library. Napakataas ang kisame at napakalawak ng lugar. Sa sobrang lawak ay hindi ko matanaw ang hangganan. Floor-to-ceiling ang mga bookself na punong-puno ng mga naglalakihang libro.
Mayroong higanteng mahogany desk sa gitna ng silid. Patong-patong ang malalaking libro doon. Mayroon ding ilang mukhang monitors ng computer. Sa sobrang dami ng mga bagay na nagkalat—napatong sa malaking mesa ay halos hindi na makita ang maliit na lalaki. Kagaya ng kasama ko, may napakaamong mukha ang lalaki. Nakasuot siya ng salamin sa mga mata ngunit nakikita ko pa rin na mababait ang mga matang iyon. Nang makita niya ako ay kaagad siyang ngumiti, dahilan upang lumitaw ang isang malalim na dimple sa kanyang kanang pisngi. He looked so cute and adorable.
Nahiling kong sana ay sapat na iyon upang makalma ang lahat ng aking nadarama sa loob. Sana ay kaya kong hangaan ang cute na lalaki sa aking harapan. Ngunit hindi ko magawa dahil naiisip ko na kaya ko siya kaharap sa kasalukuyan ay dahil wala na ako sa mundo ng mga buhay. Ano na ang mangyayari sa akin ngayon? Wala na bang pag-asa na mabuhay ako? Hanggang doon na ba talaga ang aking buhay?
“Magiging maayos ang lahat,” anang kasama kong lalaki. “Relaks.”
Nais ko siyang singhalan. Paano ko gagawin ang sinasabi niya? Paano ko mapapayapa ang aking sarili gayong kamamatay ko lamang?
“Welcome to Registry, Matilda,” ang nakangiti at masiglang sabi sa amin ng lalaki sa desk. “I’m Dominic.”
Sinubukan kong ngumiti ngunit hindi ko sigurado kung napagtagumpayan ko. Bahagya akong napapitlag nang hawakan ako ng lalaking kasama ko sa siko at iginiya na lumapit sa desk. Kinakabahan at natatakot man, sumunod na lang ako. Sa palagay ko ay sa lugar na iyon made-determine kung saan ako tutungo. Heaven or Hell.
“Do you have a name?” tanong ko sa kasama kong lalaki nang makaupo na ako sa isa sa dalawang upuang kahoy sa harap ng desk.
Nginitian niya ako. “Alex. You know my name, Mattie. Nakalimutan mo lang habang lumalaki ka.”
Gusto ko sanang itanong kung paano ko alam ang kanyang pangalan at paano ko naman iyon nakalimutan habang lumalaki ako, ngunit may inilapag si Dominic na papel at panulat sa harapan ni Alex.
“Fill that up, please,” sabi niya kay Alex.
“Ano po iyan?” hindi ko napigilang itanong. Malakas kasi ang aking pakiramdam na may kinalaman sa akin ang papel na iyon.
“Just basic informations about you,” kaswal na tugon ni Alex habang hindi nag-aangat ng paningin sa sinusulatan.
“Bakit hindi ako ang mag-fill up? Bakit kailangan na ikaw?”
“Dahil siya ang guardian mo,” ani Dominic. “Alam niyang hindi ka pa nakakahuma sa mga nangyari sa `yo kaya ginagawa pa rin niya ang ilang bagay para sa `yo.”
Mariin kong nakagat ang aking ibabang labi. Biglang namasa ang aking mga mata. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ganoon na lamang ang pagdagsa ng emosyon sa aking puso.
“Patay na talaga ako?” tanong ko sa kanila, gumagaralgal ang aking tinig.
Tumingin sa akin si Alex, sinalubong ng mababait niyang mga mata ang aking paningin. “A beautiful life ended but another wonderful one is about to start.”
Hindi ko maintindihan ang kanyang sinasabi ngunit may bahagi sa aking puso ang waring nakalma at napayapa. Ang tinutukoy ba niya ay afterlife? Anong klaseng afterlife ang naghihintay para sa akin?
Ibinalik ni Alex ang papel at panulat kay Dominic. Sandali iyong pinasadahan ng basa ni Dominic at kapagkuwan ay ngumiti sa amin. “Everything looks good.Good luck. It will not be easy at first but we know you’ll be a champ someday.”
Hindi ko pa man ganap na naipoproseso sa aking isipan ang lahat ang mga sinasabi ni Dominic ay inalalayan na ako ni Alex na makatayo. Tinalikuran namin si Dominic at muli akong nasilaw. Pagbukas ko ng aking mga mata ay nasa ibang lugar na uli kami.
“Good luck? Good luck saan, Alex?” tanong ko habang iginagala ang aking paningin sa paligid.
Halos makalimutan ko ang tungkol sa aking tanong nang ganap na luminaw ang aking paningin at nakita ko ang napakagandang lugar na pinagdalhan sa akin ni Alex. Nasa isang napakagandang hardin kami na punong-puno ng mga bulaklak. Pakiramdam ko ay nasa paraiso kami. Nasa paraiso nga marahil kami. Ito na ba ang langit?
“Ipapaliwanag ko sa `yo nang husto mamaya,” ang pangako ni Alex. “Sa ngayon ay kailangan muna nating kaharapin si General.”
“General?”
“The general of the guardians.”
“Hindi ko gets.”
Imbes naman na sagutin ako, inakay ako ni Alex patungo sa napakagandang gazebo. Nakaupo roon ang pinakamagandang babaeng nasilayan ng aking mga mata. Siya’y matangkad, maputi at balingkinitan. Abot habang sa talampakan ang kanyang alon-along buhok. Nakasuot siya ng simpleng puting bestida. Bilugan ang kanyang mukha at katulad nina Alex at Dominic ay napakaamo niyon. Gayunpaman, tila sa isang mabait at mapagmalasakit ngunit istriktang guro ang kanyang mga mata. Nang ngitian niya ako, kaagad akong gumanti ng ngiti. Bahagyang napayapa ang nagkakagulong damdamin sa aking kalooban.
“Hello, Mattie. Welcome.”
“H-hi,” ang tangi kong naiusal bilang tugon. Nang makita kong bahagyang nakayuko ang ulo ni Alex ay ginaya ko siya.
“I’m Gabrielle. Nasabi na marahil sa `yo ni Alex na ako ang heneral ng ating hukbo, pero nais kong ipaalam sa `yo na ako’y isa ring kaibigan. Maaari mo akong lapitan sa anumang oras ng pangangailangan. Mga pangangailangan na hindi kayang tugunan ni Alex. Alam ko ring marami kang katanungan na kailangan ng sagot. Gulong-gulo panigurado ang iyong isipan kung ano ang nangyayari. Sasagutin ko ang isa sa mga tanong sa iyong isipan ngayon. Hindi, Matilda. Hindi ito isang panaginip. Nangyayari itong talaga sa `yo. Kabilang ka na sa hukbo.”
Hindi ko malaman ang aking sasabihin. Hindi ko rin malaman kung paano ititimo sa aking isipan ang mga nangyayari, ang mga sinasabi ng magandang babae sa aking harapan. Nasaan ba talaga ako? Ano ang ibig nilang sabihin sa kabilang na ako sa isang hukbo? Hukbo ng ano?
“You are chosen, Matilda,” ani Gabrielle pagkalipas ng ilang sandaling katahimikan.
“C-chosen?”
“Chosen to be a guardian.”
“G-guardian?”
“Guardians of the pure heart. Guardians of the good.”
“I still don’t understand.”
Tumingin si Gabrielle kay Alex. Tumingin naman sa akin si Alex at siya na ang nagsabi ng kailangan kong malaman. “You’re going to be a guardian angel.”
Napabulalas ako ng tawa.