Part 2

2346 Words
“YSSA!” Pinitik ni Mike ang daliri sa tapat ng kanyang mukha. Hindi niya napansing dumating na ito. “Nakatulala ka na naman,” anito at umupo sa dulo ng kanyang mesa. “Ilang araw ka nang ganyan. Care to tell me why?” Umiling siya. “Wala ito. Puyat lang.” “Siyempre, hindi ka naman mapupuyat kung walang dahilan.” Ibinagsak niya ang mga balikat. Sa tono ni Mike ay alam niyang talo siya rito pagdating sa pangungulit. At hindi ito titigil hangga’t hindi siya nagsasalita. She took a deep breath bago nagpasyang sabihin dito ang problema. “Pinauuwi ako sa Sto. Cristo.” “Pinauuwi ka lang pala, parang namatayan ang itsura mo. Surely, walang namatay sa inyo. Dahil hindi naman ngayong araw lang na ito kita napapansing ganyan. O nag-iisip ka kung paano manghihingi ng leave sa akin?” Sinimangutan niya ito. “You know that’s not a problem. Alam ko namang papayagan mo ako. For three straight years, masuwerte nang nabawasan ng kahit isang araw ang vacation leave ko.” “Hangin!” kantiyaw nito. “Okay, tell me. Ano ba talaga ang problema?” “Diane is getting married.” Napasipol ito. More or less ay alam nito ang istoryang iyon sa buhay niya. Hindi niya dinetalye, pero sapat na ang ilang impormasyong nabanggit niya para maunawaan nito ngayon na problema nga para sa kanya ang takdang-pag-uwi. “Ayokong umuwi,” she said helplessly. “Ayoko nga silang makita, ‘tapos, pauuwiin pa ako.” Para siyang batang nagsusumbong sa ina. Napatitig ito sa kanya. “Mahal mo pa ba si Jonathan?” “Hindi ko alam.” Uncertainty filled her voice. “Ang alam ko, ayoko lang talaga siyang makita.” Nagkibit ito ng balikat. “Kung iyon ang pinipilit mo, e, di sige. So, ano ngayon ang balak mo?” Blangkong tingin ang itinugon niya rito. “I know what you’re thinking, Yssa. And sorry to tell you na hindi ako kumbinsido sa balak mo. Wedding is a social occasion. At natural lang na dapat ay naroroon ang mga miyembro ng pamilya. Hindi magandang hindi ka dadalo.” “Paano naman ang damdamin ko?” masama ang loob na wika niya. “Ano bang damdamin ang sinasabi mo?” amused nitong wika at pabiro pang pinisil ang kanyang ilong. “Ikaw nga itong maysabi na hindi mo alam kung mahal mo pa iyong ex mo.” “Ewan ko,” mariin niyang sabi na sinabayan pa ng iling. “Basta ayaw ko silang makita.” “Hindi nila maiintindihan iyon. Ang iisipin nila, kaya hindi ka dumalo ay dahil masama pa rin ang loob mo hanggang ngayon. Dahil hindi mo pa rin matanggap na ang lalaking dapat na mapapangasawa mo ay napunta sa kapatid mo.” “Hindi ko kapatid si Diane.” “Stepsister,” pagtatama nito. “Yssa, if I were you, uuwi ako sa Sto. Cristo.” “Hindi naman ikaw ako,” irap niya. Naiiling ngunit natatawang minasdan siya ng binata. “Gusto mo, samahan kita?” Napatitig siya rito ngunit bago pa siya makapagsalita ay tumunog na ang katabing telepono. Doon bumaling ang kanyang atensyon. Ilang saglit lang ay ipinasa niya iyon kay Mike. “Si Lovely.” He grinned at pagkatapos ay tumayo na at tinungo ang kuwarto. “Sa loob ko na lang kakausapin.” Muli niyang itinapat sa tainga ang awditibo. Nang marinig ang pag-angat ni Mike sa extension line ay saka pa lang niya iyon ibinaba sa cradle. Pabuntunghiningang tinanaw niya ang kapipinid lang na pinto ng private office. Sasamahan daw siya ni Mike. She smiled at the thought. Puwede rin. Ang kaso ay mabuti kung maalala pa iyon ng binata gayong si Lovely na ang kausap nito. For all she knew, makakalimutan na naman nito ang lahat. Ganoon ito kapag bago ang babae sa buhay nito. Kung hindi pa niya ipaalala ang mga appointments ay wala itong matatandaan kundi ang pangakong date sa babae. Pero bilib pa rin siya sa binata. Kapag nakaupo na ito sa board meeting ay alam ang lahat ng sinasabi. Kayang magdepensa kung mayroon mang loopholes na nakikita ang ibang direktor. At sa bandang huli ay ideya pa rin nito ang napagkakaisahang sundin para lalong kumita ang kompanya. Inabala niya ang sarili sa pagtatrabaho. Ngunit kahit na busy siya ay bumabalik pa rin sa isip niya ang tungkol sa kasalang iyon. At naiinis siya dahil kahit na ano ang gawin niya ay pilit iyong pumapasok sa kanyang isipan. Alas-onse y medya nang lumabas ng kuwarto si Mike. “Tara, Max’s tayo,” yaya nito. “Again!” she groaned. Kung hindi pa ito nagyayang mananghali ay hindi niya mapapansin ang paglakad ng oras. Hindi naman ito palautos na boss. Hindi nga siya nito inuutusang magtimpla ng kape maliban na lang kung masyado itong abala para igawa ang sarili. “Again,” he mimicked her. “Tumayo ka na riyan.” NAKATITIG siya kay Mike habang kumakain ito. Spring chicken siyempre pa ang walang-kamatayang order nito. At parang gusto niyang mainggit sa gana nitong kumain. “Wala kang gana?” pansin nito nang halos hindi niya magalaw ang pagkain sa plato niya. “Hindi pa naman kasi ako masyadong gutom.” Nginisihan siya nito. “Pagbutihin mo ang pagkain. Kapag hindi mo inubos iyan, ikaw ang pagbabayarin ko ng bill.” Inirapan niya ito. Alam niyang hindi naman nito iyon tototohanin. Si Mike pa. Minsan ay double standard din ito. Ayaw na ayaw nitong nasasapawan ng isang babae sa mga bagay na lalaki ang inaasahang gumagawa. Patapos na ang main course. At nang isilbi sa kanila ang potato salad na dessert, napangiti na lang siya. “Why are you smiling like that?” pansin uli ng binata. “Paano kung magsara ang Max’s? Baka mamatay ka, Mike.” Eksaherado ang concern na lumarawan sa kanyang mukha. “No. Hindi magsasara ang Max’s. Marami kaming magpoprotesta. At saka bakit ba ako na naman ang nakita mo? Wait.” Inubos nito ang personal choice dessert of the month at uminom ng tubig. “Pag-usapan natin ulit iyong problema mo.” “Akala ko, nakalimutan mo na iyon,” aniya. Na-touch siya sa concern nitong iyon. Kapag ganoon, ramdam na ramdam niya ang pagiging magkaibigan nila kaysa mag-amo. “Nagtampo ka pa. Siyempre, si Lovely ang nasa line kanina. Now, tayo na ulit dalawa ang magkaharap. Ano, napag-isipan mo ba iyong sinabi ko kanina?” “Iyong sasamahan mo ako?” Tumango ito. “Weekend naman iyon, hindi ba? Wala akong gagawin. Puwede kitang samahan.” “B-baka may lakad kayo ni Lovely.” Hindi pa rin niya gustong bilhin ang ideyang isasama ito sa Sto. Cristo. “Don’t mind her. Kahit naman anong oras ay puwede kaming lumakad kung gusto namin. I’ll call this Saturday off para samahan ka.” Tipid siyang napangiti. “Sigurado ka ba?” Inabot niya ang baso ng mango juice at uminom. “Mukha ba akong nagbibiro?” ganting-tanong nito. “Yssa, may naisip ako. What if we pretend we’re engaged to be married?” “What?” Muntik na siyang masamid. Nagkibit ito ng balikat. “Naisip ko lang naman. Baka mas mabuti iyong may ihaharap ka sa kanilang fiancé. Show them that you are happy with your life now.” Umiling siya. “Problema pa iyang naisip mo. If I will introduce you as my fiancé, they will surely ask kung kailan naman tayo magpapakasal. Pressure pa iyon samantalang kung ipakikilala kitang kaibigan ko lang—” “They won’t believe that. Sa probinsiya, karaniwan nang kapag isinama ng isang babae ang isang lalaki, hindi siya basta kaibigan lang.” “Problema rin pala,” aniya. “At least, you have me anuman ang mangyari sa pag-uwi mo.” Napangiti siya. “Kung magsalita ka, para namang delikado akong umuwi.” “Hindi sa ganoon. Ikaw lang din naman ang inaalala ko. Apat na taong singkad kang hindi umuwi. Hindi mo alam kung ano na ang nasa isip ng mga tao sa inyo. Kahit ang mama mo, bihira mong makausap. Ako lang ang halos kasama mo. Sa pagtulog na nga lang tayo halos hindi magkasama, ah!” “Baka ‘pag may lakad kayo ni Lovely,” dagdag niya. Seriously speaking, tama naman si Mike sa tinuran nito. Opisina-bahay lang ang routine niya. Kapag nag-out of town siya, tiyak kasama si Mike dahil business ang dahilan niyon. A little pleasure on the side kung pleasure mang maituturing ang sandaling sight-seeing at shopping. “Ano, isasama mo ba ako?” Sa tono nito ay mas eager pa ito sa kanyang umuwi sa Sto. Cristo. She sighed. “Kapag isinama kita at ipinakilalang fiancé, they would surely ask when we plan to settle down—” “You said that already. And why do you keep on thinking such things? Malay mo naman kung hindi sila magtanong? Baka nga iyong malaman nilang may boyfriend ka pala rito sa Maynila ay ikagulat nila.” “Talagang magugulat sila dahil wala naman talaga, ‘tapos, pag-uwi ko ay bigla na lang may karay akong boyfriend. At engaged pa ako, ha!” “Ano ka ba? Pasalamat ka nga, nag-aalok ako ng moral support. Hoy, kung ibang babae lang, hindi ko iaalok ang sarili ko. Kaibigan kita kaya hindi na ako nagdalawang-isip pa. Ayokong isipin ng ibang tao na kawawa ka naman dahil hindi na nga natuloy ang kasal mo, worst, sinulot ka pa ng stepsister mo.” “Mike!” pagigil ngunit mahinang saway niya rito. “Ano ka ba? May makarinig sa iyo—” “‘Di ba’t iyon naman ang sabi mo sa akin? Ang masakit pa nga sa kaso mo, walang nakakaalam ng totoong dahilan kung bakit ka umatras sa planong pagpapakasal sana ninyo noon. Ang alam nila, ikaw pa ang umiwan kay Jonathan at sinalo siya ni Diane because of pity. You see, ikaw pa nga ang lumalabas na kontrabida sa inyong tatlo.” “At walang ibang mabuting gawin kung hindi ang isama ka at ipakilalang boyfriend ko?” “Yup! And don’t think about the pressure. We’ll just cross the bridge when we get there.” “You mean, ikaw ang bahala?” “Trust me, Yssa. Everything will be all right.” TRUST me, Yssa. Everything will be all right. Parang nag-e-echo pa sa pandinig niya ang mga katagang iyon ng binata. Gasgas na gasgas na ang linyang iyon ngunit wala siyang pakialam. Hearing it from Mike, bale-wala kung lahat ng lalaki ay nasabi na iyon. Alam niya, kay Mike, mapanghahawakan niya ang mga salitang iyon. Linggo ang araw ng kasal. Ngunit Biyernes pa lang ng gabi ay inihanda na niya ang ilang pirasong damit na babaunin. Sa tagal ng hindi niya pag-uwi sa Sto. Cristo, tiyak niyang wala na siyang mga gamit doon. Dalawa lang ang maaaring mangyari: ipamigay iyon ng kanyang mama sa mga anak ng matatanda nang katulong o itambak sa baul. At kung ang panghuli, hindi naman niya balak na halukayin pa ang mga iyon at magsuot ng amoy-luom. Bukas pa lang ay uuwi na sila ni Mike sa Sto. Cristo. Susunduin siya ng binata ganap na alas-kuwatro ng madaling-araw. Mahigit tatlong oras lang naman ang biyahe patungong norte.  Pero ito ang may gusto na maaga silang umalis. Ideya rin ng binata na bisperas pa lang ng kasal ay pumunta na sila. Para hindi naman daw bisitang-bisita ang dating niya. Hindi na siya nakipagtalo. Alam naman niya, wala siyang laban sa mga katwiran ni Mike. Hindi ito papayag na hindi ito ang mananalo sa bandang huli. Isang pares ng pedal pants at isang palda ang binaon niya saka tatlong blouses. Hindi niya kinalimutang magdala ng pantulog. Wala siyang balak na manghiram kay Diane kahit dati ay ginagawa naman nila iyon.  Overnight lang sila ni Mike sa Sto. Cristo pero sobra pa rin ang mga undergarments na isinama niya sa babaunin. Ang balak niya ay bumalik na rin ng Maynila pagkatapos ng kasalan. Wala siyang balak na magtagal sa probinsiya. Isa pa ay nahihiya pa rin siya kay Mike na maubos ang oras nito sa pagsama sa kanya. Dalawang klase ng damit ang inihanda niya para sa okasyon. Isang formal dress at isang casual na bestida. Hindi pa siya nakakapagdesisyon kung alin ang isusuot. Sa kanila sa Sto. Cristo, kahit na sabihing pormal ang okasyon ay marami pa rin ang may lakas ng loob na pumunta na hindi properly attired. Wala naman siyang balak na gumaya sa mga iyon. Naniniguro lang siya na hindi siya magiging overdressed kung masyadong pormal ang kanyang damit. Maayos rin niyang inempake ang isang versatile cream sandals. Puwede iyon sa pormal na damit at puwede ring pang-casual. Nang matapos ihanda ang mga dadalhin niya ay hindi siya makapaniwalang magtatagal sila sa Sto. Cristo nang overnight lang. Napuno ang traveling bag at bukod pa roon ang isang tote bag na pinaglagyan niya ng toiletries. Napailing siya. Kakantiyawan na naman siya ni Mike na nerbiyosa. Sa ilang pagkakataong nag-a-out of town sila ay palagi nang iyon ang komento nito sa kanya. Nagpa-panic raw siya na kulang na lang ay baunin niya ang lahat ng laman ng bahay niya. Wala siyang pakialam. Ang importante ay hindi siya kakapusin ng gamit. Tutal naman ay hindi niya bubuhatin iyon. Isasakay lang naman iyon sa kotse. Tiningnan lang niya ang traveling bag at nagkibit-balikat. Wala naman siyang balak na iahon uli ang mga laman niyon at magbawas. Alam niya, lahat ng nakaempake roon ay kailangan niya. Kaya nga niya dadalhin. Inihanda na rin niya ang isusuot sa kinabukasan. Inilabas niya iyon sa closet kasama na ang bra at panty. Ultimo tuwalya ay isinabit na niya sa rack sa banyo na nasa loob rin ng kanyang kuwarto. She was always like that. Gusto niya, paggising niya ay wala na siyang iba pang ihahanda maliban sa timplahin ang hot and cold water ng shower. Nang magpasya siyang magpahinga ay pasado alas-onse na. Kulang limang oras na lang ang itutulog niya kaya pumikit na siya. Ngunit para namang tuksong bumabalik sa alaala niya si Jonathan...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD