IPINAGPAALAM siya ni Jonathan sa kanyang mama. At dahil inaasahan na ng mga ito ang nalalapit na pamamanhikan ng partido ni Jonathan ay buung-buo ang tiwalang pinasama siya. Tutal ay sa Villa Corazon lang naman sila pupunta. Isang resort iyon sa makalabas ng bayan ng Sto. Cristo.
Pangkaraniwang araw kung kaya’t halos solo nila ang resort. Isang grupo ng mga kabataan ang nakita niyang nagtatampisaw sa tubig. Sa itsura ng mga ito ay mga nag-cutting classes. Puno ng schoolbags ang umbrella hut na inupahan ng mga ito.
Wala siyang malay na kumuha pa si Jonathan ng cottage. Ni wala nga silang baong pagkain at damit na pampaligo. Ang alam niya ay mamamasyal lang sila at mag-uusap.
Nalilibang naman siya habang pinanonood ang grupo. Nagdaan din naman siya sa ganoong panahon na puro lakwatsa ang nasa isip. Ngunit hindi ganoon kalakas ang loob niya na mag-cutting classes. Si Diane ang may lakas ng loob na gumawa ng ganoon, palibhasa ay pinalaking spoiled ng kanyang Tiyo Roman.
Kung hindi Sabado ay Linggo ang araw ng kanyang libot. At palagi na ay nagpapaalam siya, tutal ay alam niyang papayagan siya dahil kasama naman si Diane.
Pinagtatawanan pa nga siya ni Diane kapag nagpapaalam siya. Masyado raw siyang mabait. Walang thrill ang buhay niya.
“Yssa, darling.” Bahagya siyang napapitlag nang mula sa likod ay yakapin siya ni Jonathan. Ngunit mas abala ito sa paggalaw ng mga kamay nito sa kanyang baywang para mapansin ang pagpitlag niyang iyon.
She felt confused and warm both at the same time. Palagi na ay ganoon ang kanyang pakiramdam basta nasa malapit lang si Jonathan. At lalo ngayong nagsisimula na naman itong hawakan ang kanyang katawan.
“Doon tayo sa cottage,” bulong nito na sadyang idinikit ang dila sa isang dulo ng kanyang tainga.
Gusto niyang mapasinghap. She felt her body shiver ngunit naroroon din ang pag-atake ng nerbiyos.
Ipinihit siya nito at saklit sa baywang na inakay siya nito papunta sa cottage.
Tatlong baitang lang ang angat sa lupa ng cottage. At pagpasok ay nandoon na kaagad ang lahat ng gamit. May isang pandalawahang kama sa isang sulok. Maayos na nasasapnan ang manipis na kutson at mukhang malinis na malinis ang punda ng dalawang unan.
Malaki kung pandalawahan at maliit kung pang-apatan ang kuwadradong mesa sa isang sulok. Dalawa lang ang silya sa magkasalungat na panig niyon. At maliban sa isang makitid at barnisadong sofa na kawayan sa isa pang panig ng dingding ay wala nang iba pang gamit.
Ang maliit na pinto sa isang gilid ay banyo. Bukas iyon at tanaw niya ang gripo.
“Bakit kailangang kunin mo pa ang cottage na ito?” tanong niya nang makagawa siya ng dalawang hakbang papasok. Parang hanggang doon na lang ang kaya niyang gawin. Hindi niya maramdaman ang mga tuhod na hahakbang pa ng isa papasok. Ang isang bahagi ng kanyang isip ay nagdidikta sa kanyang tumalikod at umuwi na.
Nginitian siya ni Jonathan. Iyong klase ng ngiting nakakuha ng kanyang atensyon noong nililigawan pa lang siya nito. Pamatay rin ang kindat na ipinukol nito sa kanya bago kaswal na nagkibit ng mga balikat.
“Para maiba naman,” sagot nito. “Nakakasawa na iyon kung hindi tayo kumain sa labas ay naroroon tayo sa inyo. Para namang panahon pa tayo ng mga ninuno natin.”
Malaya itong gumalaw sa palibot ng cottage. Lahat ng muwebles na naroroon ay hinipo. Parang bibili. Pinakahuling nilapitan nito ay ang kama.
Pinagpag nito nang bahagya ang kutson sa pamamagitan ng kamay saka sinukat ng likod. Magkasalikop pa ang mga braso nito na iniunan sa batok. Ang mga binti ay prenteng pinagkurus. Para itong isinukat sa kama.
“Ano ba’ng gagawin natin dito?” she asked stupidly. At nabitawan na niya ang mga salitang iyon bago naisip ang implikasyon.
Nang ngumiti ito ay parang gusto niyang bawiin ang tanong.
“Ikaw, ano ba ang gusto mong gawin natin?” banayad na ganting-tanong nito.
Ni hindi ito kumilos sa pagkakahiga at sa himig ay tila napakasimple ng tanong subalit alam nila pareho na may nakapailalim na kahulugan sa tanong na iyon.
“U-umuwi na lang tayo, Jonathan,” may kabang sabi niya. Unconsciously ay napahawak siya sa dahon ng pinto.
Nauwi sa mahinang pagtawa ang ngiti nito nang makita ang kilos niya. Ultimo mata nito ay halos tumawa nang bumangon.
“Halika nga,” anito. Sinaklit siyang muli sa baywang at sa banayad na puwersa ay nagawa siya nitong mapahakbang papasok. Sa pamamagitan ng paa ay sinipa nito pasara ang pinto.
“Nanginginig ka pa yata sa nerbiyos, ah,” pabulong na tudyo nito.
“U-umuwi na lang tayo,” may katal sa tinig na ulit niya.
Tumawa ulit ito nang mahina. “Kadarating pa lang natin, uuwi na? Ano ka?”
At bago pa siya nakausal ng pangangatwiran ay nadala na siya nito sa kama.
Hindi naman siya puwersahang inihiga roon. Sumusunod din ang kanyang katawan. Pero ang paglaban ay nakapagkit sa kanyang isip. May nagbubulong sa kanyang hindi tama iyon. At noon niya na-realize na mahirap pala na hindi magkasundo ang gusto ng isip at katawan.
Jonathan was kissing her. Kissing her in the way more than she allowed him to. At kasabay niyon ang pangahas na paglalandas ng mga kamay nito sa kanyang katawan.
Her body couldn’t deny him. Nararamdaman din niyang gusto niya. At habang nararamdaman niyang gusto niyang bigyang-laya ito sa pangangahas sa kanyang katawan ay lalo namang tumitindi ang pagtutol ng kanyang isip.
At pagkatapos ay hindi na niya halos maintindihan kung ano ang nangyayari sa kanyang sarili. Nagulat pa siya nang padabog na humiwalay ito ng yakap sa kanya.
“Ano ka ba, Yssa?” pikong tanong nito. Pabagsak na inihiga nito ang katawan sa kanyang tabi.
“Bakit?” takang-tanong niya.
“Bakit?” gagad nito. “Nagtatanong ka pa? You are cold!”
Am I? tanong niya sa sarili. Parang gusto niyang pagtakhan iyon. Ang alam niya ay nagpapatangay na lang siya sa gusto ng katawan. Pero duda rin siya. She was still fully clothed. Kahit isang butones ng suot niyang blusa ay hindi pa nakakalas.
Pero paano nangyari ang gayon? Ang alam niya ay handa na siyang ipaubaya ang sarili kay Jonathan.
Nilingon niya ang katipan. Taas-baba ang dibdib nito. Alam niya, kapag ganoon ay may pinipigil itong inis.
Bumunot siya ng isang malalim na paghinga at bumangon.
“Saan ka pupunta?” sita nito sa kanya.
“Umuwi na tayo.”
“Umuwi!” may igting ng galit na wika nito. “Nakukulili na ang tainga ko sa mga salitang iyan. Wala ka na bang ibang sasabihin kung hindi ‘umuwi na tayo’?”
Imbes na tumayo ay nanatili na lang siyang nakaupo sa isang gilid ng kama. Bigla ay parang nanigas siya. Noon lang niya nakitang nagalit nang ganoon si Jonathan. At bagaman wala namang palatandaan na magiging bayolente ito ay natatakot pa rin siya sa pagtataas nito ng tinig.
At ang ilang sandaling wala silang imikan ay mas lalong nakadagdag sa tila tinatambol niyang dibdib.
Kumilos ito palapit sa kanya.
“Bakit ba tensyon na tensyon ka?” Wala na ang galit sa tinig nito ngunit kulang din sa nakagawiang lambing.
“Hindi ko alam,” nangangapa niyang sagot. Hindi talaga niya alam kung ano ang tamang sagot sa tanong nitong iyon. Ang sigurado siya, nalilito siya sa mga sandaling iyon.
“Wala ka naman kasing dapat na isipin, kung anu-ano ang ipinapasok mo sa utak mo,” mababa ang tinig na wika nito.
Nagsimula na naman itong abutin siya. Ang isang palad ay banayad na humaplos sa kanyang likod.
Napalunok siya. Naroroon na naman ang pamilyar na pagguhit ng init ngunit natatakot siyang sa bandang huli ay ang pagbabago ng kanyang katawan at isumbat na naman nito sa kanya.
Isa pang malalim na buntunghininga ang pinakawalan niya. “Jonathan, please...”
“Please what?” susog nito. “Linawin mo, Yssa, ang sinasabi mo. Hindi ako magdadalawang-isip na gawin sa iyo ang isang bagay na gusto kong isiping parehas nating gustong mangyari.”
“Umuwi na tayo.” Kung pang-ilang beses iyon na sinabi niya ay hindi na niya alam. Sa pagkakataong iyon ay higit na nilangkapan niya ng determinasyon ang tono.
Marahas ang paghingang ginawa ni Jonathan. Padabog ding bumaba ito ng kama. Ngunit walang kibo itong iniwan siya. Muntik pa siyang mapaigik nang pasalyang sumara ang pinto.
Matagal ding naiwan siyang mag-isa sa cottage. Ni hindi siya tumayo para tingnan si Jonathan kung saan nagpunta. Tiwala naman siyang hindi siya iiwan nito.
Nang bumalik ito ay kaagad niyang napansin ang sigarilyong nakaipit sa daliri nito. Hindi na niya iyon pinansin. Maraming beses na nilang pinagtalunan ang bagay na iyon. Kung ngayon lang ay puwede na niyang utusan ang sarili na huwag na iyong bigyan-pansin.
“Halika na. Aalis na tayo.” Pormal ang tinig nito. Kahit kapirasong ngiti ay wala sa mga labi nito. Alam niya na galit ito.
Hanggang sa puntahan nila ang kinapaparadahan ng sasakyan ay wala pa rin itong imik. Hindi rin siya umiimik. Wala siyang maisip na dapat sabihin dito. Pero sa sarili niya ay nagpapasalamat siya na uuwi na siya.
Ngunit kahit na hindi kumikibo ay pansin na pansin niya ang pagbabago ng binata. Nauna pa itong sumakay. Ni hindi ito nag-abalang ipagbukas siya ng pinto ng sasakyan. At hindi pa halos sumasayad ang pang-upo niya sa car seat ay pinaarangkada na nito ang kotse.
Kahit muntik na siyang masubsob ay hindi siya kumibo. Walang reklamong lumabas mula sa kanyang bibig. Tahimik na inayos niya ang sarili sa pagkakaupo.
Malapit na sila sa kanila nang kumibo si Jonathan.
“Hindi kita maintindihan, Yssa. Pakakasalan naman kita, ah.”
“Hinahayaan naman kitang gawin ang gusto mo, ah!” ganting-katwiran niya.
“Hinahayaan!” patuyang wika nito. “Para kang tinibang saging. Hindi ganoon ang gusto ko. Hindi ka nga nagrereklamo, wala ka ring ginagawang kilos. Iniinsulto mo rin ako kapag ganoon.”
“Sorry,” wala sa loob na sabi niya.
Nilinga siya nito. “You’re beautiful, Yssa. And desirable. Masisisi mo ba ako?”
Umiling siya.
“Mamamanhikan na kami sa makalawa,” anito. “Sabihin mo na mamaya kina Tiyo Roman at Mama Constancia.”
Tango ang itinugon niya.
“Dammit!” Natapik nito ang manibela. “Napipi ka na ba? Para ako nitong nakikipag-usap sa patay!”
“Sorry.” Muling namutawi sa kanyang bibig.
“Sorry,” ungol nito. “Yssa, kung iyong tungkol kanina, huwag mo nang isipin iyon. Kalimutan mo na. Hindi ko naman kayang mamilit ng babae kung ayaw.”
Parang lumuwag ang daanan ng hangin sa kanyang baga sa narinig.
“Pasensiya ka na.” Mas sinsero ang kanyang tinig ngayon. “Maybe, I really wanted to be a virgin bride.”
Napailing ito, disgusto ang lumarawan sa mukha. “Ewan ko ba sa katwiran mong iyan.”
Nang makarating sila sa bahay ay nagpasintabi lang ito sa mama niya at padrastong nasa terasa. Ito na rin ang nag-anunsyong dadalhin na ang mga magulang para mamanhikan.
Excited ang mag-asawa. Hindi na gaanong napansin ng mga ito ang malamig na pakikitungo nila ni Jonathan sa isa’t isa.
Inihatid lang niya ito ng tanaw nang magpaalam nang uuwi. Tinanggihan na niya ang alok ng ina na makiupo sa mga ito. Nang umakyat siya sa sariling silid at mahiga ay nakalimutan na niyang bumaba para sa hapunan.
Dala marahil ng umatakeng tensyon sa kanya ay kaagad siyang hinila ng antok. Nang magising siya ay kumakalam ang kanyang sikmura. Lampas na ng hatinggabi.
NAGULAT pa siya nang malamang gising pa ang mga tao sa bahay sa mga oras na iyon. At saka niya nalaman, dumating pala si Diane.
Gusto niyang magtaka. Malayo pa ang sembreak. Noong nag-aaral silang pareho ay semestral break at summer vacation lang sila umuuwi sa Sto. Cristo. Ngayon lang siya nagtagal sa probinsiya dahil nakatapos na siya.
Dapat sana ay tapos na rin si Diane kung hindi lamang ito nakatatlong palit ng kurso. Ngayon ay ni hindi nito masabi kung third year o second year pa lang sa samut-saring subjects na naka-enrol.
“Sis!” Si Diane ang unang nakapansin sa pagbaba niya ng hagdan. “Nagising ka ba sa ingay ko?”
Umiling siya. “Hindi ako nakapag-dinner. Nagising ako sa pagkalam ng tiyan.”
Ngumiti ito, tumayo at lumapit sa kanya. Halatang kadarating lang nito. Ang bag ay nakababa sa may pintuan. Hindi pa ito nakakapagpalit ng damit.
They were both beautiful sa magkaiba nga lang na paraan. Taglay ni Diane ang sopistikasyon. Iyong klase na kapag naglakad ay walang hindi lilingon ulit at hahabulin ng tingin. Diane was like a fashion model.
At hindi malabong mangyari iyon sa takbo ng buhay nito. She was always the life of the party at kabungguang-siko ang mga designers sa Maynila. For some time, naging print ad model na rin ito.
Siya naman ay simple lang. May gandang mientras tinititigan ay tila lalong tumitingkad.
“Balita ko mag-aasawa ka na.”
“Mamamanhikan na raw sina Jonathan,” sagot niya.
“Congrats!” masiglang wika nito. “Dapat ako ang maid of honor.”
“Siyempre,” aniya. Nang humakbang siya patungo sa kusina ay kasunod pa rin niya ito.
Wala naman siyang balak na kumain nang heavy. Isang maligamgam na gatas lang ay puwede na sa kanya dahil gusto niya uling makatulog agad. Ngunit habang nagtitimpla siya ng gatas ay nag-init ito ng pizza. Alam niya, ito rin ang may pasalubong niyon.
Nang masilip sila ng mga magulang na magkaharap sa dining table ay nagpasya na ang mga itong pumasok na sa kuwarto at iwan sila.
“Dapat yata, sis, ako ang bride at ikaw ang maid of honor.” Pabiro ang pagkakasabi ni Diane pero natigilan siya. Sa halip na dalhin sa bibig ang baso ng gatas ay napatitig siya rito.
“Una akong nakilala ni Jonathan, ‘di ba? Ako ang nagpakilala sa inyong dalawa.”
Totoo iyon. Graduation party niya nang makilala niya si Jonathan. Si Diane ang nag-imbita rito. At mula noon ay araw-araw na niyang bisita ang binata. Hindi ito tumigil hangga’t hindi niya sinasagot.
She was overwhelmed by the attention he was giving her. Hindi niya napansing sa isang sulok ay nagkikimkim ng sama ng loob si Diane.
At sa tono nito ngayon, ngayon lang din niya naisip na nasagasaan yata niya ang stepsister.
“Mabuti nga pala at umuwi ka,” aniya sa kawalan ng isusukli sa tinuran nito.
“Tumawag si Mama kanina. Ipamamanhikan ka nga raw. Sabi niya, kung wala namang exam, umuwi ako. Bukas pa nga sana ako magbibiyahe pero nakahabol pa ako sa last trip. So I’m here now.” Ikinibit nito ang mga balikat.
“Baka naman makasira sa schooling mo ang pag-absent. Mid-week pa lang ngayon.” Kabisado niya ito. Minsan ay nagdedeklara ito ng sariling holiday. Kapag tinatamad ay isang linggong singkad na hindi ito papasok. At ngayong umuwi ito sa Sto. Cristo, mas malamang kaysa hindi na sa isang linggo na ito luluwas.
“Alam mo namang hindi ako kasing-studious mo. Kung pasado, di pasado. Kung bagsak, i-enrol uli. At saka mas interesado ako sa sideline ko,” walang pakialam na wika nito.
“Sideline?”
“Nakakarampa na ako ngayon,” namimilog ang mga matang wika nito. “Minsan, magugulat ka na lang, kahilera ko na ang mga top models ng bansa.”
Natuwa naman siya sa narinig. “Pero sana, mas mabuti kung makaka-graduate ka agad. Edge mo rin iyon sa kanila.”
Umiling ito. “Ang puhunan ng modelo, mukha at katawan. Saka iyong magaling makipag-communicate. Hindi naman iyong transcript of records ang idi- display sa dibdib namin kapag rumarampa,” katwiran nito.
“Bahala ka na nga.” Naghikab na siya. “Hindi ka pa ba matutulog?”
Umiling itong muli. “Mauna ka na. Hindi naman ako nakakatulog agad ‘pag galing sa biyahe. Dito na muna ako sa sala.”
“Okay,” aniya at tumindig na.
Nakapasok na sa kuwarto si Yssa nang iligpit ni Diane ang pinagkanan. Ilang minuto pa siyang nakiramdam sa buong kabahayan bago bumalik sa sala at dinampot ang telepono.