KINABUKASAN ay maghapong hindi nakasama ni Yssa si Diane sa bahay. Inaasahan pa naman niyang makakakuwentuhan niya ito. Hindi siya mapakali. At dahil si Diane ang pinakamalapit sa kanya ay iniisip niyang dito na lamang magtanong ng tungkol sa mga detalye ng kanyang kasal.
Gusto niyang ipalagay na ganoon talaga ang pakiramdam ng malapit nang ikasal. Parang wala siyang mabuong konkretong desisyon. Ultimo color motif ay nalilito siya kung ano ang gagamitin. Old rose ang color trend pero parang mas gusto niya ang ibang kulay.
Kung kausap niya si Diane, mas madali siyang makakapagpasya. Mas marami itong alam sa kanya pagdating sa mga ganoon. At mas may sampalataya rin siya sa taste nito.
Nangangarap siya ng isang simpleng kasal pero alam niyang malabong mangyari iyon. Mayor ng Sto. Cristo ang nakatakda niyang maging biyenan. At tiyak na magiging en grande ang kanilang kasal. Baka nga ang karamihan sa kukuning sponsors ay mga pulitiko.
Kaya inilagay na niya sa likod ng isip ang simpleng kasalan. Hindi rin bibilhin ni Jonathan ang ideyang iyon. Parang si Diane ang takbo ng utak nito. Lahat ng extravagance ay gusto, palibhasa ay nakalakhan na ang ganoon.
Nangunot ang kanyang noo. Hindi pa nagpapakita sa kanya si Jonathan. At hindi rin ito tumatawag. Nakokonsiyensiya siya. Baka malaki ang ipinagtampo nito dahil sa nangyari sa kanila noong nagdaang araw.
She wanted to call him ngunit pinigilan niya ang sarili. Sa may apat na buwang pagiging magkasintahan nila ay hindi pa niya ginawang tawagan ito. At kahit na ngayong nagpaplano na silang magpakasal ay hindi pa rin niya maisip na dapat niya itong tawagan.
Maghihintay na lang siya, tutal ay wala namang araw itong pinalampas na hindi tumatawag sa kanya.
Nagulat pa siya at nang dumating si Diane ay kasama nito si Jonathan. Nagtatawanan pa ang mga ito nang bumaba ng kotse. May kirot siyang naramdaman. Kahit na hindi niya gustong makadama ng pagseselos ay iyon ang naramdaman niya.
“Yssa,” bati ni Diane. Kumaway lang ito sa kanya at tuluy-tuloy na sa hagdan. “I’ll just change,” paalam nito na tila mas pinatutungkol kay Jonathan.
“Hello, darling.” Bumaling sa kanya ang binata. Yumuko ito at hinalikan siya sa pisngi. “Matamlay ka yata,” pansin nito.
“Nagmeryenda ka na?” sa halip ay tanong niya.
Lumuwang ang ngiti nito. “Yes. At mukhang hindi na rin ako makakakain ng hapunan. Grabe si Diane. Kulang na lang ay orderin ang lahat ng menu sa restaurant. Heto at busog na busog tuloy ako.”
Pumormal ang kanyang anyo. “Paano kayo nagkita ni Diane?”
Sasagutin na lang iyon ng binata nang matitigan siya. “Hey, nagseselos ka ba?”
“Hindi.” Pero imposibleng maniwala ito sa kanyang sagot.
Umisod ito palapit sa kanya. Ginagap nito ang kanyang kamay. At hindi pa ito nasiyahan ay ikinulong siya sa dalawang palad.
“Mukhang wala ka sa mood. Iyon pa rin bang tungkol kahapon?” tanong nito.
Umiling siya.
Isa pang halik sa pisngi ang ginawa nito sa kanya. Hinayaan lang niya ito. Kapag naman nandoon sila sa sala ay hanggang doon lang naman talaga ang maaari nitong gawin na mapapayagan niya.
Nang umayos ng upo ito sa tabi niya ay napansin niyang bumababa na ng hagdan si Diane. Nakapagpalit na nga ito ng damit. Ngunit ang iniisip niya ay kung nakita sila nitong hinahalikan siya ng nobyo.
Parang gusto niyang mahiya kahit na alam niyang normal lang na makakita ng ganoon si Diane. At sa itsura naman nito ay tila walang nakita. O kung may nakita man ay bale-wala rito.
“Why don’t you join us, Yssa? Magpalit ka ng damit mo.”
Us? Nagtatanong ang mga matang nilinga niya si Jonathan. Wala siyang ideya na may lakad pa ang mga ito. Ang akala niya ay siya na ang pakay ng pagpunta ng binata.
Umunat ang likod nito. “Oo nga naman, Yssa,” sang-ayon nito. “Nagyayaya si Diane na mag-disco. Wala kang hilig sa ganoong lugar, hindi ba? Pero wala naman sigurong masama kung paminsan-minsan ay susubukan mo—natin.”
She wanted to say ‘no’ ngunit hinaltak na siya ni Diane. “Magbihis ka na. Wala ka namang gagawin dito, mamaya pa ang uwi nina Mama. Alam mo naman si Papa kapag nakumbida ng Kumpareng Tito niya, madaling-araw na ang uwi.”
Napilitan siyang magbihis. At habang nagbibihis siya ay hindi niya maiwasang mag-isip. Bakit parang siya ang naaasiwa gayong siya ang girlfriend?
Sa sasakyan ay naglubag naman ang kanyang loob. Akala niya ay sa tabi pa ng driver’s seat uupo si Diane ngunit ipinagbukas lang siya nito ng pinto at lumipat sa backseat.
Pero hindi rin pumanatag ang kanyang loob. Pagdating nila sa disco house ay nawalan na siya ng kibo.
Una, ayaw niya talaga ang ganoong lugar. Hindi niya nahiligan ang nightlife kahit na sabihing buong apat na taon ng pagkokolehiyo niya sa Maynila ay nayaya rin siya ng mga kaklase sa ganoong lugar.
Pangalawa, paano naman siya magsasalita kung wala siyang makakausap? Nasa gitna ng dance floor sina Diane at Jonathan. Tila aliw na aliw pa ang mga ito na pumagitna. Everybody knew, ang mga ito ang pinakamagaling na pareha.
At pangatlo, nahihilo na siya. Hindi siya sanay uminom ng mga drinks na inorder ng dalawa. Pero wala siyang magawa. Hindi naman niya gustong maging laughingstock para umorder doon ng maligamgam na gatas. At mabuti kung may maoorder nga siya!
Hindi niya alam, nakasimangot na pala siya habang nakatitig sa kawalan.
“Yssa? Yssa Belle Lozano?” Someone behind her queried.
Ilang segundo na inulit niya sa isip ang nadinig. The man’s voice was familiar ngunit hindi niya gustong isipin na ang nagmamay-ari niyon ay ang mismong lalaking pumasok sa isip niya.
“What are you doing here?” Sa isang gilid niya ay sumulpot ito, naupo sa silyang kanina ay inuupuan ni Diane.
Umid ang dila niyang pinagmasdan ito. He was good-looking as ever. Boyish face, smiling eyes, and his lips were a darker shade of peach.
“Sir Mike?” May uncertainty pa sa tinig niya.
“Anong Sir Mike?” Kumunot ang noo nito sa pagtutol, gayunman ay may ngiting sumilay sa mga labi nito. “‘Mike’ na lang.”
“M-Mike...” ulit niya.
“That’s better. Now tell me, ano’ng ginagawa mo rito? At nag-iisa pa mandin?”
“May mga kasama ako.” Lumipat ang direksyon ng kanyang tingin kina Jonathan at Diane na tila walang kapaguran sa pag-indak.
Sinundan ni Mike ang kanyang tingin. Saglit lang at pagkatapos ay muling bumaling sa kanya. May pagtatakang mababakas sa mga mata nito.
“Bakit pumayag kang maging chaperone?” kaswal na tanong nito.
Hindi naman siya na-offend, bagkus ay nagkibit-balikat. “She’s Diane, my stepsister. And Jonathan’s my fiancé.”
Napalitan ng pagkagulat ang ekspresyon ng binata. “Fiancé? Did I hear it right? Mag-aasawa ka na? Ilang taon ka na ba? Kaga-graduate mo lang, ‘di ba? Nakahanap ka na ba ng trabaho?” Parang hindi mauubos ang mga tanong nito.
“Mamamanhikan na sila bukas. Ayaw naman ni Jonathan na magtrabaho ako pagkatapos ng kasal namin. Kayang-kaya naman daw niya akong buhayin.”
“It’s not the point. Sa itsura pa lang niya ay kayang-kaya ka ngang buhayin.” Saglit na nilinga nito ang dalawang nasa gitna ng dance floor. “Ang tanong ay paano naman ang sarili mong gusto? Ayaw mo ba talagang magtrabaho? Hindi mo ba naiisip iyong self-fulfillment?”
Napatitig siya rito. He was making sense. At kung hindi lang marahil nakakatawa ay baka nasabi niya: Oo nga, ‘no?
“Gusto mo na ba talagang mag-asawa?” untag nito.
Ibinaling niya sa ibang direksyon ang tingin. “Niyayaya na ako, eh,” pabale-wala niyang sagot.
“Gusto mo nga?” ulit nito.
Napabunot siya ng paghinga. “Gusto ko na rin. Hindi naman ako umangal nang sabihin niyang isasama na niya ang mga parents niya bukas.”
Tiningnan siya nito. Parang binabasa ang ekspresyon niya ngunit walang namutawing salita sa mga labi. Kinambatan nito ang isang bartender at humingi ng inumin.
Inisang-lagok lang nito ang laman ng rock glass. Ibinaba na nito sa mesa ang baso nang mapansing halos walang bawas ang drinks niya.
“Hindi mo ginagalaw iyan,” pansin nito.
“Hindi naman ako sanay sa ganyang inumin,” tugon niya.
“At hindi ka rin sanay sa ganitong lugar. I bet, Yssa, you’re not having fun.”
Bahagya siyang tumango.
Napailing na lang ito. “Kung sa ibang sitwasyon siguro, I would invite you to some place else. Pero hindi ko gagawin ngayon. You’re with them at hindi ko ugaling mang-agaw ng kasama.” Kumilos ito at may kinuha sa wallet. Iniabot sa kanya ang isang calling card. “Should you need anything, contact me. I may be of help.”
Tinanggap niya ang tarheta. Tinitigan niya iyon. “May number pa ako ng opisina ninyo,” nasabi niya.
Ngumiti ito. “Hanggang office hours lang iyon. Iyan, twenty-four hours a day, seven days a week. Including Sundays and holidays.”
Lumuwang din ang ngiti niya. “Parang narinig ko na ang linyang iyan.”
“Telephone company ad,” pakli nito. “Seriously speaking, Yssa, you have a great potential for achievement. Nakakapanghinayang isipin na sa pagiging housewife ka lang mauuwi.”
“Aalis ka na?” Parang may panghihinayang pa siyang naramdaman nang kumilos ito. Gusto niya itong pigilin ngunit may nagdidikta sa kanyang hayaan na lang ito.
Tumango ito. “Kailangan kong bumalik sa Maynila ngayon. Dumaan lang ako rito sandali. Hindi ko inaasahang makikita kita. But I’m glad to see you again.”
“Saan ka ba galing?” Funny, ngayon lang niya naalala kung ano ang dahilan at nandoon ito sa probinsiya nila.
“Diyan sa kabilang bayan. May ide-develop na site para gawing subdivision. Ipapasa ko na lang sa tao ko ang pag-aaral kung tatanggapin namin ang kontrata.”
Matagal na itong nakalabas ng bar ay nakatingin pa rin siya sa lugar na dinaanan nito. There was a warmth that touched her pagkakita rito. At hindi niya alam kung dapat nga ba siyang makaramdam ng tuwa, pero iyon mismo ang nararamdaman niya.
Nawala ang inip niya. Parang nagulat pa nga siya nang pagod na pagod ngunit nagtatawanang bumalik sa mesa nila sina Diane at Jonathan.
“Mukhang inaantok ka na,” puna sa kanya ni Diane.
“Ha?” Napatingala siya rito. Unaware siyang ang ilang pagsimsim niya sa drinks niya ay nakapagpapungay na ng kanyang mga mata. Pero malinaw ang isip niya. Alam niya, hindi siya lasing.
“Let’s go home,” yaya ni Jonathan.
Hindi siya tumanggi. Nang magbayad ito ng bill nila ay nauna pa siyang tumindig para lumabas. Masiglang-masigla pa si Diane. Paindak-indak pa rin ito hanggang sa aalis na lang sila roon.
“Tsk, Yssa. Dapat nag-enjoy ka na ngayon nang husto. Baka ‘pag kasal na kayo ni Jonathan, kahit gustuhin mong pumunta sa ganitong lugar, hindi ka isama niyan.” Sinulyapan nito si Jonathan.
Ngiti ang isinukli nito bago ibinukas ang pinto ng sasakyan. “Isasama ko siya kung gusto niya pero alam naman nating hindi ang mga ganitong lugar ang type ni Yssa.”
“Sana nagpaiwan na lang ako sa bahay,” aniya.
“Yssa!” pasaway na wika ni Diane. “Kinokon-siyensiya mo pa yata kami niyan.”
“Hindi naman.”
Tulog na ang mga magulang nila nang dumating sila.
“Hindi na ako magtatagal para makapagpahinga na kayo,” ani Jonathan. Ni hindi na nito pinaunlakan ang paanyaya nilang magkape. “Tomorrow night, Yssa,” paalala nito na tukoy ang gagawing pamamanhikan.
Bahagyang tango ang itinugon niya. Ngayon niya nararamdaman ang epekto ng ininom. Nang magkasunod na hikab ang gawin niya ay si Diane na mismo ang nagtaboy sa kanya para umakyat.
“Sige na, Yssa. Ako na ang magsasara ng gate. Mauna ka nang pumanhik,” naaaliw na wika nito.
“Good night,” aniya. Humakbang ng isa si Jonathan para hagkan siya sa pisngi. Bale-walang tinanggap niya iyon at tinalikuran na ang mga ito.