NAALIMPUNGATAN si Yssa. Bahagya pang sumakit ang ulo niya nang bumiling. Nang maramdamang hindi siya komportable sa suot niya ay pakapa niyang binuksan ang table lamp. Nangunot pa ang kanyang noo nang makitang bakante ang kama ni Diane. Makinis na makinis ang pagkakasapin at hindi pa nahigaan.
Bumangon siya at nakalimutan nang magpalit ng damit. Hindi niya alam kung bakit may munting kabang nagbangon sa kanyang dibdib. Deretso niyang tinungo ang pinto at lumabas.
Nasa dulo pa lang siya ng hagdan ay napansin na niya ang nakabukas na ilaw sa lanai. Sarado ang pinto at natatakpan ng makapal na kurtina ngunit may nakasiwang pa ring liwanag.
Marahan ang paghakbang na ginawa niya. Hindi niya alam kung bakit para siyang nanunubok ngunit hindi rin niya gustong mamalayan ng kung sinuman sa mga naroroon ang kanyang presensiya.
Nasa puno na siya ng hagdan nang matiyak na si Diane ang nagsasalita. Malakas ang boses nito.
“Wala akong pakialam kung ma-miss ko man ang mga exams ko. Hindi puwedeng hindi tayo magkausap. Isang sorpresa na malaman kong pakakasalan mo si Yssa.”
Nagulat siya pagkarinig sa sariling pangalan. Ngayon ay halos alam na niya kung sino ang kausap nito. At gusto niyang magtaka. Hindi ba’t umuwi na si Jonathan? O palabas lamang iyon ng mga ito sa kanya para makapagsolo?
Lumapit pa siya at dumikit sa makapal na kurtina. Hindi naman lapat ang pagkakasara ng sliding door kung kaya’t dinig na dinig niya ang pag-uusap ng mga ito.
“Sino ang inaasahan mong pakakasalan ko, Diane?” flat ang tinig na tugon ng binata.
“Damn you, Jonathan! Alam mong umaasa ako,” may pinipigil na emosyong wika ni Diane.
“Umaasa ka,” ulit nito. “Look, alam mong hindi kita pinaasa. I want Yssa. Siya ang gusto kong pakasalan.”
Patuyang nagpakawala ng tawa si Diane. “Funny... really funny. Harap-harapan mong ipinamumukha sa aking wife material si Yssa at ako ay hindi? And yet...” Sadyang ibinitin nito ang sinasabi. “And yet,” ulit pa nito. “I am the one whom you’ve always gone to bed with!”
Parang tinamaan ng kidlat si Yssa sa narinig. At kung hindi lang niya marahil maagap na natutop ang bibig ay baka umabot sa pandinig ng dalawa ang naging pagsinghap niya.
“Isinusumbat mo ba sa akin ang ginagawa natin?” kompronta ni Jonathan sa kanyang stepsister. “Pareho nating gusto iyon, Diane. Hindi naman kita pinilit.”
“At paano na ako?” Nagbago ang tono ni Diane. Nawala ang pagtaas ng tinig.
“Diane,” napapaunawa namang sabi nito. “I want to marry her. Sana ay nakita mo na agad iyon noong nagseryoso ako sa kanya.”
“Hindi ko iyon nakita,” giit ni Diane. “Paano ko iyon makikita gayong kapag naririto ako ay mas malapit ka pa sa akin at halos makalimutan mong si Yssa ang girlfriend mo? O gusto mong ipaalala ko sa iyo kung ano ang ginawa natin bago natin sinundo si Yssa at isinama sa disco?”
Sa narinig ay napapikit si Yssa nang mariin. Hindi na kailangang ipangalandakan ni Diane kung anuman iyon. Alam na niya. At hindi siya makapaniwala. Wala siyang kaalam-alam sa nangyayari sa mga ito. Katiting mang hinala ay wala sa isip niya.
Dapat ay umalis na siya sa pinagkukublihan. Kung kokomprontahin ang mga ito o iiwan na lang ang mga ito ay hindi niya alam. Ngunit alinman sa dalawa ay hindi niya magawa. Parang namanhid ang kanyang mga binti. Nanatili siyang nakatayo roon.
“You seduced me, Diane. You always seduced me. And I’m telling you, sa oras na makasal kami ni Yssa ay hindi ka na magkakaroon ng pagkakataon. Wala na akong titingnang babae maliban sa kanya.”
“Kaya?” sarkastikong wika ni Diane. “Kaya ka bang paligayahin ni Yssa, ha, Jonathan? Ang tingin ko sa babaeng iyon ay isang higanteng bloke ng yelo. At duda ako kung kaya mo iyong tunawin.”
“You’re hitting under the belt!” galit na sabi nito.
Pagak na tumawa si Diane. “Hah! Nagagalit ka dahil natumbok ko ang totoo, hindi ba? Jonathan, you were as hot as hell this afternoon. Kung pinagbibigyan ka ni Yssa, hindi ka kikilos na parang isang dose anyos na binatilyo!”
“Diane!” Tuluyan nang umalsa ang tinig ng binata.
“Jonathan,” banayad na wika naman nito. “Tayo ang magkabagay. We are compatible in so many ways. Bakit si Yssa ang pakakasalan mo at hindi ako?”
“She’s worth my name,” tugon nito sa mahinang tinig.
“Worth your name?” Kulang na lang ay magsiklab si Diane. “Kung hindi ko ipina-abort ang bata, I will be your wife sa ayaw mo at sa gusto.”
Akala ni Yssa ay sapat na ang una niyang narinig para maging manhid. Hindi pa pala. Sa binitiwang salita ni Diane ay may naramdaman pa siyang sakit. How could she be so foolish?
“That’s the biggest mistake you have done, Diane. Ipina-abort mo na ang bata bago mo ipinaalam sa akin. Ngayon ay wala nang dahilan para pilitin mo akong ikaw ang pakasalan. And besides, si Yssa ang pinangakuan ko ng kasal.”
“Dahil siya ang santa at ako ay demonyita, ganoon ba?” nagpupuyos na wika ni Diane. “At sa palagay mo ay ano ka, ha? Huwag kang magpakasanto, Jonathan. Dahil naiwawala mo rin ang sarili mo kapag kasama mo ako sa kama!”
Natakpan na lamang ni Yssa ang magkabilang tainga. Kung papaano siya nakabalik sa kuwarto ay hindi na niya matandaan. Ibinagsak niya ang katawan sa kama. Nawala na sa isip niyang magbihis ng komportableng pantulog.
Ilang sandali lang at naramdaman niya ang padabog na yabag ni Diane. Padaskol rin nitong ibinukas ang pinto.
Gusto niyang magtulug-tulugan ngunit nahuli siya nitong gising nang buksan ang ceiling lamp. Saglit na nagkasalubong sila ng tingin ng kapatid. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman para dito.
Naghahalo ang galit at awa sa kanyang dibdib. Ni hindi niya matiyak kung alin doon ang mas matimbang.
Iniiwas niya ang tingin.
“Sorry, nabulahaw kita,” anito.
Hindi siya kumibo. Bumangon siya at noon lang kumuha ng pantulog. Nahubad na niya ang suot na slacks nang may makapang papel doon. Calling card ni Mike.
May ilang saglit na tinitigan niya ang calling card bago kinuha ang wallet at doon iyon itinago.
Nang mahiga siya ay pinakiramdaman niya sa kabilang kama si Diane. Nakatalikod ito sa kanya. Hindi niya alam kung tulog na ngunit patag na patag ang paghinga. Para bang kani-kanina lang ay walang nangyari gayong galit na galit ito.
Napabuntunghininga siya. Napakagaling magtago ng damdamin ni Diane.
Siya ang hindi makatulog. Kung ilang oras nang mulat ang mga mata niya sa madilim nilang kuwarto ay hindi pa rin siya dalawin ng antok.
Ngayon niya pinag-aaralan ang damdamin. Kaya ba wala siyang maramdamang excitement dahil mayroon pala siyang malalaman? Pilit niyang inanalisa kung dapat pa siyang magpakasal kay Jonathan.
Malaki pa ang tsansa niyang umurong.
Umurong?
Parang nagulat pa siya sa pagpasok ng ideyang iyon sa kanyang isipan.
Hindi na niya dapat na pagtakhan iyon, konsola niya sa sarili. Dahil blangko halos ang pakiramdam niya. Ni hindi niya matukoy kung ano ang mara-ramdaman kina Jonathan at Diane. At ngayong pumasok sa isip niya ang ideya ng pag-urong sa planong pagpapakasal, iyon ang gusto niyang pagtuunan ng pansin.
She was young. Just a little over twenty. At parang naririnig pa niya ang ilang sinabi ni Mike.
Self-fulfillment. Achievement potential.
Noong bago siya magtapos ng kolehiyo, ang dami-dami niyang balak. Punung-puno siya ng mga pangarap. Pero nakalimutan niya halos lahat ng iyon nang dumating sa buhay niya si Jonathan.
Ikinondisyon niya ang sarili na maging plain housewife nito dahil iyon ang madalas na sabihin sa kanya ng nobyo. Na hindi naman niya kailangang magtrabaho dahil kayang-kaya siya nitong buhayin.
Totoo naman. Mayaman sina Jonathan. Ngunit ngayon ay nakikita niyang hindi iyon lang ang punto. Paano naman iyong gusto niyang maabot? Hindi kasali sa mga pangarap niya na gawin lang na pan-display sa dingding ang diploma.
WALA pa yatang dalawang oras ang naging tulog niya. Nang magising siya ay papasikat pa lang ang araw. Si Diane ay nasa kahimbingan pa ng pagtulog.
Buo na ang desisyon niya. Ayaw na niyang magpakasal. At ipinangako niya sa sariling simula sa araw na iyon ay unti-unti niyang bubuuin ang mga isinantabing pangarap.
Hawak ang calling card ni Mike ay bumaba siya at tinungo ang telepono.
Nang mga sandaling iyon ay wala sa isip niya kung natutulog pa ang tatawagan niya. Ang alam lang niya ay ito ang malalapitan niya.
Sa pangatlong ring ay may sumagot sa kabilang linya. Inaantok pa ang tinig ni Mike.
“Hello, Mike? Good m-morning...” Ngayon niya gustong umatras. Halatang nabulahaw niya ang pagtulog nito. Nakalimutan na rin niyang nagbiyahe pa ito kagabi.
“Who’s this?”
“Y-Yssa.” At bago pa ito nakasingit ay sinabi na niya ang pakay. “Pinag-isipan ko iyong mga sinabi mo last night. You were somehow right. Marami akong sasayanging pagkakataon kung sakaling magpapakasal ako. Gusto kong umurong. Ngunit mahihirapan ako kung wala akong ibang maidadahilan.”
Tila tuluyang nagising ang nasa kabilang linya. “I could offer a job for you, Yssa. Kung desidido kang talaga ay puntahan mo ako.”
“Anytime?” Lalong lumakas ang loob niya sa naging desisyon.
“Anytime.”
“Oh, Mike. Thanks!”
Wala siyang inaksayang sandali. Matapos na ibaba ang telepono ay pumanhik siya at nagsimulang mag-empake. Sa kabilang kama ay tulog na tulog pa rin si Diane, walang kamalay-malay sa mga kilos niya.
Naihanda na rin niya ang sarili nang magpasya siyang muling bumaba. Sa mesa ay naghihintay na ang mga magulang para sa almusal.
“Where’s Diane?” tanong ng mama niya.
“Tulog pa ho.”
“Siya, kumain na tayo. Talaga namang hanggang tanghali sa kama ang batang iyon,” ani Tiyo Roman niya.
Tahimik silang nagsalo sa almusal. Hindi niya alam kung paano bubuksan ang paksa sa mga magulang. Patapos na silang kumain nang ang mama niya ang mismong nagbukas ng tungkol doon.
“Anong oras daw pupunta sina mayor dito? Dapat yata ay magpahanda na ako ngayon pa lang. Hindi ba sinabi ni Jonathan kung tanghalian o hapunan?”
“Karaniwan nang hapunan kung gawin ang pamamanhikan, Isabel,” ani Roman. Bumaling ito sa kanya. “Hija, desidido ka na bang talaga?”
Napatingin siya sa padrasto. Gusto niyang magpasalamat at nagtanong ito ng gayon. Ngunit bago siya sumagot ay pinuno muna niya ng hangin ang dibdib.
“Tungkol nga ho roon ang gusto ko sanang sabihin,” aniya sa nag-aalinlangang tinig. Saglit lang ang ginawa niyang pagtapon ng tingin sa ina. “Napasubo lang ho yata ako. Parang gusto ko nang umatras ngayon.”
Nabigla ang kanyang ina. Ngunit bago pa ito nakapagsalita ay naagapan na ni Roman.
“Pinag-isipan mo ba iyang mabuti?”
Mahinang tango ang itinugon niya.
“Nakakahiya!” bulalas ng ina. “Bakit pumayag ka pang dalhin dito ni Jonathan ang mga paryentes niya gayong hindi ka pa pala sigurado?”
“Mama, kagabi lang ho ako nakapag-isip na mabuti. At least ay hindi pa sila namamanhikan. Wala pang mga detalyeng nagagawa.”
“Ganoon na rin iyon. At sa palagay mo ay hindi pa alam sa buong Sto. Cristo ang plano ninyo ni Jonathan?”
“Isabel, pakinggan muna natin ang anak mo.”
Tiningnan niya ng may pagpapasalamat si Roman. “Mama, sorry kung ngayon ko lang naisip na hindi pa ako handang mag-asawa. Gusto kong gamitin ang pinag-aralan ko. Kung magpapakasal ako kay Jonathan, imposible ko nang maabot ang gusto ko. Matatali na ako sa bahay.”
Tinitigan siya ng ina. Nasa ekspresyon nito ang hindi paniniwala sa kanya. Iniiwas niya ang tingin. Kahit na masama ang loob niya sa natuklasan ay wala siyang balak na sabihin sa mga ito ang tungkol sa relasyon nina Diane at Jonathan, lalo pa ang pagkakadiskubre niya sa pagpapa-abort ni Diane.
Alam niyang walang buting idudulot iyon sa pamilya. Magkakaroon lang ng hidwaan. Mas gusto niyang sarilinin na lang iyon at panindigan ang unang dahilang ikinakatuwiran sa mga magulang.
“Hindi mo iyan naisip noon, Yssa.”
“Ang importante ay naisip niya iyan ngayon, Isabel.” Muli ay ang Tiyo Roman niya. “Tama si Yssa. Hindi pa masyadong huli. Puwede namang sabihin natin sa mga magulang ni Jonathan na saka na lang mamanhikan.”
Umiling siya. “Mama, Papa, gusto ko hong lumuwas. May naghihintay sa aking trabaho sa Maynila.”
“Ano?” gulat na sabi ng ina. “Yssa, anong kalokohan iyan?”
“Please, Mama. Sana ay maintindihan ninyo ako.”
NANG araw ding iyon ay umalis siya ng Sto. Cristo. Isang maikling sulat ang iniwan niya kay Jonathan na nagsasaad ng pakikipagkalas niya rito.
Alam niyang masama ang loob sa kanya ng sariling ina. At ang tanging konsolasyon niya ay nauunawaan siya ng kanyang Tiyo Roman.
Kung hindi lang niya iniisip ang mga sirkumstansiya ay gusto niyang ipagtapat sa padrasto ang natuklasan, ipaliwanag dito na higit pang mabigat sa sinasabi niya ang tunay na dahilan ng pag-urong niya sa planong kasal subalit kung gagawin niya iyon ay sasaktan lang niya ang damdamin nito bilang ama ni Diane. At isa pa ay lalo lang iyong lilikha ng problema sa kanilang pamilya.
Isinantabi niya ang mga alalahaning iyon nang makaluwas siya sa Maynila. Naghihintay sa kanya si Mike sa terminal ng bus. At bagaman hindi pa niya ito lubos na kilala noon ay panatag na panatag ang loob niya rito.
“Pansamantala, you’ll be my secretary. Magma-maternity leave si Vina next month. Ite-train ka niya bilang kapalit. Pagbalik niya, saka kita dadalhin sa ibang department.”
“Thank you,” aniya. “Actually, nahihiya ako. Ano na lang ang sasabihin sa iyo ng ibang empleyado?”
“Wala silang dapat na sabihin. I’m the boss. Sila ang dapat na sumunod sa desisyon ko, lalo na at hindi naman natatapakan ang karapatan nila.”
“Salamat sa pagtitiwala.”
“Don’t mention it. Minsan ka nang nagpasalamat, sapat na iyon.”
Iyon ang naging simula. Sa araw-araw ay na-develop ang friendship nila na ikinaaliw ng nasa paligid sa halip na ika-insecure. Nang manganak si Vina ay tuluyan na itong nag-resign. Siya na ang permanenteng pumalit sa puwesto ng babae at wala siyang reklamo.
Gusto niya ang trabaho at nakalimutan na niya ang ibang puwestong dapat ay siyang paglalagyan sa kanya ni Mike.
When she acquired her town house unit, si Mike din ang sumuporta sa desisyon niyang iyon. Hindi ito pabor sa kuwartong inuupahan niya. Ngunit nagpakatanggi-tanggi naman siyang tanggapin ang alok nitong tirahan ang isang condo unit na pag-aari nito.
Bakante iyon at wala namang problema kung doon siya tumira ngunit ayaw niya. Para sa kanya ay labis-labis na ang tulong na ginawa nito sa kanya.
Ni-loan niya sa opisina ang downpayment ng unit. Ngunit hindi naman pinapakaltas ni Mike ang halagang iyon. Saka na lang daw, kapag fully paid na ang unit.
Bahay-opisina ang naging mundo niya. At masaya na siya sa ganoon. Hindi niya alam kung dahil sa naging karanasan kay Jonathan kung kaya’t wala siyang love life. Hindi siya nagkakaroon katiting mang interes sa mga manliligaw niyang may sinasabi rin naman.