Napapadyak ako sa kinauupuan ko. Nakakainis naman! Ako dapat ang katabi ni West at hindi yung best friend niyang si Jamaica na laging nakadikit sa kanya since grade seven! Palagi na lang. Naikuyom ko ang palad. Palagi na lang!
"Hay." Napabuntong-hininga na lang ako. Wala naman din akong magagawa. Magkaibigan sila, eh. At saka lagi ko namang nakakasama yung kambal ko kapag nasa bahay kami. At saka, at saka, lagi kaya kaming nagtatabi matulog! Parehas din kami minsan ng pajama.
Sumilip ako sa bintana. First day of school pero hindi naman ako excited. Grade ten na ako. Ano pa bang nakaka-excite sa araw-araw na pagpasok sa school tapos ang ikli ng bakasyon? Parang wala naman.
"East, hi!" Bati sa akin no'ng babaeng nasa kabilang silya. Ngiting-ngiti siya na parang kinikilig. Bakante yung upuang nasa tabi ko kasi pinatungan ko ng bag ko, wala namang nagtangkang umupo sa tabi ko kaya yung bag na lang.
Ngumiti ako sa kanya. "Hello."
Bigla siyang humagikhik kaya natawa ako. Hala siya, ang saya-saya ng umaga ni ateng, eh. Ilang taon ko nang classmate 'tong si Via kaya sanay na rin ako sa attitude na ipinapakita niya sa akin.
Lagi niya akong gini-greet, tina-try ayaing sumama sa kanya pero minsan tumatanggi ako. Hindi ko kasi talaga siya feel. Ewan, basta parang may something off about her pero hindi ko naman ma-figure out kung ano. It's bad to judge but we always have that instinct towards people naman.
"Gusto mong kumain muna? Wala pa namang teacher, eh." pag-aaya nito. She has that cute smile plastered on her lips.
"Ah, eh..." Tumawa ako para pagtakpan ang pagkailang ko. "Thank you, pero maghihintay na lang ako rito."
"Sige na naman." Pamimilit niya pero umiling lang ako at ngumiti. Feeling ko mapapangiwi na ako anytime kasi bigla na lang siyang nag-pout. "Please?"
"Ne-next time."
"Talaga?"
Tumango ako. Oo na lang para tapos na. Masaya naman siyang pumayag at umalis kasama ng mga kaibigan talaga niya. Nakahinga ako nang maluwag.
Hindi naman sa nagiging rude ako pero kasi kapag ayokong sumama, ayoko talaga. Oo nga't friendly ako pero namimili pa rin ako ng taong pakikisamahan. 'Yon siguro ang reason kung bakit wala akong permanenteng kaibigan. Buti pa si West, may Jamaica. Ako, wala. Sad life.
Pero hindi na bale, hindi naman ako nalulungkot. Dahil wala akong mga kaibigan na tumatagal sa akin, nagagawa kong sumama sa mga kaklase ko na nag-aaya sa akin. Nakakapamili ako. At ayon, nagmumukha akong mas friendly sa paningin nila. Iyon nga lang, panandalian lang yung nage-gain kong friendship.
Napatingin ako sa pinto. Napansin kong may babae na kanina pa tingin ng tingin dito sa loob ng classroom namin. Parang hindi mapakali.
Mukhang mas matangkad siya sa akin. Seryoso lang ang expression ng mukha niya, feeling ko hindi niya lang ipinapahalata yung uneasiness niya. Hmm, cute siya. Morena ang kutis, sobrang bagsak ang itim na buhok niya pero parang ang dry tingnan. Slim ang dating niya sa suot na uniform. Pero in fairness naman, mas developed yung chest area niya. Yiee, ang cute!
Napangiti tuloy ako. Nag-decide ako na lapitan siya kasi walang nag-aabalang pansinin siya. Napatingin ito sa akin.
"Hi!" Hyper na bati ko.
Kumunot ang noo ko nang tumingin siya sa likuran niya tapos tiningnan ulit ako. Bigla akong natawa. Napansin kong sinimulan niyang paglaruan ang mga daliri niya na parang nahihiya.
"May kailangan ka ba?"
Tumango siya. "Anong section 'to?"
"Machiavelli." I answered, "Dito ka ba?"
"Oo."
"Transferee?"
"Ah, returnee ako."
"Oh." Tumangu-tango ako. "Halika."
Hinawakan ko siya sa braso at hinila sa loob ng silid-aralan. Hindi naman siya kumontra. May mga napatingin sa amin pero hindi tumigil ang ingay. Sinilip ko rin si West na as usual, e, walang pakialam sa kung may dumating ba o wala.
Inalis ko yung bag ko sa katabing upuan para doon siya umupo. Ngingiti-ngiti akong pumuwesto sa tabi niya at talagang inusod ko pa yung armchair ko palapit. May magandang kutob ako na nahanap ko na si best friend of my precious lifetime. Yay!
Pinanood ko muna siyang ibaba ang bag niya sa sahig. Medyo malaki kasi 'yon at masyadong kain space kung sa likuran niya pa ilalagay. May kinuha siyang notebook at ballpen do'n. Kasipag naman ng babaeng 'to, wala pang teacher nagre-ready na.
"Anong name mo?" tanong ko. Lumingon siya sa akin. "I'm East. East Hansen!"
Nakipag-shake hands agad ako sa kanya. Medyo rough ang palad niya. Sa texture pa lang ng skin niya malalaman nang natotoka siya sa gawaing bahay. Para namang naiilang itong napatingin sa kamay namin. Feel ko ngang gusto niyang alisin yung kamay ko pero hinigpitan ko lang.
"Name mo muna." Ngumiti ako lalo.
Nag-angat siya ng tingin at bumuntong-hininga. "Lucy."
"Lucy what?"
"Lucy."
Okay. Ayaw niya sabihin surname niya then fine. Malalaman ko rin naman mamaya. "Okay, nice to meet you!"
Tumango naman siya at ngumiti ng super slight. As in super! Paano, sobrang bilis lang tapos ang tipid-tipid ng smile niya.
"Nakikita mo yung babae doon na kamukha ko?" Tinuro ko sa kanya yung kapatid ko. Sinundan naman niya ng tingin iyon.
Napalingon sa amin si West. Naramdaman niya sigurong nakatingin ako. Nagtaas siya ng kilay sa akin. Ngumiti lang ako nang pagkatamis-tamis bago bumulong kay Lucy ng, "Kambal kami."
"Oh," Lucy murmurs. Nakagat ko yung lower lip ko nang makita yung ngiti niya na hindi na tinipid. Ang cute! Ang lalim pala ng dimple niya sa right cheek. Hindi ko tuloy napigilan na pisilin yung pisngi niya. Gigil!
"Aray."
"You're cute." I giggle. Bigla namang naging seryoso yung expression niya habang hawak-hawak ang pisngi. "Lucy, Lucy!"
"Hm?"
"Pwede ba kita maging kaibigan?" I ask. Napansin ko namang natigilan siya.
Biglang may dumating na teacher kaya hindi na niya nagawang makasagot pa. Tumahimik na rin ang klase.
"Okay. Good morning, class."
Tumayo kaming lahat at sabay-sabay na bumati. Napatingin ulit ako kay Lucy. Nasa teacher lang yung tingin niya. Hindi bale, magtatanong na lang ulit ako mamaya.
--
Dumating ang break time. Medyo inaantok ako dahil puro balik-aral lang naman ang ginawa namin. Eh, wala naman akong problema sa gano'n kasi may naisasagot naman ako. Lahi yata kami ng matatalino.
Namana ko siguro kay Dad yung katalinuhan ko. Matalino rin naman si Mama pero more on arts ang hilig niya noong buhay pa siya. Pero promise ko sa sarili ko na hindi ako matutulad kina Dad at Mama na nag-fail ang marriage. Gusto ko yung lalaking mapapangasawa ko ay yung stick to one at ako lang talaga ang mamahalin.
"Lucy—" Napasimangot ako nang wala na yung katabi ko. Nakalabas agad? Hindi man lang ako hinintay. Grabe siya! Gusto ko pa naman siyang kasabay kumain sana.
"East." Napatingin ako sa kambal ko na nakalapit na pala sa akin. She looks bored. "Kain na tayo."
"Hindi mo kasabay si Jam?" Tanong ko habang hinahanap yung clingy niyang best friend.
"Kasama niya yung boyfriend niya."
"Oh, okay." Niligpit ko ang gamit ko bago bitbitin ang bag. "Halika na." Ngingiti-ngiti akong humawak sa braso niya at sabay na umalis.
Dahil first day, medyo matao sa canteen ngayon kaysa karaniwan. Siyempre maraming mga grade seven, mga excited pa kasi bagong school ito sa kanila. Mabuti na lang masasarap ang mga pagkain dito. Pero siyempre, walang tatalo sa luto ni Ate North. Dapat kasi nag-chef na lang siya at hindi teacher.
"Westy, alam mo ba, may bago na akong kaibigan!" Balita ko sa kakambal kong bato. It's a running joke in my head. Ate South is the harder rock though. Nangiti naman siya and friendly din kahit papaano, iyon nga lang, ang seryoso niya talaga. She looks like someone hard to please pero ang totoo, she's just having trouble in expressing herself.
"Sino? Yung babaeng katabi mo kanina?"
"Oo!"
"Bakit parang ayaw niya sa'yo?" May halong panunuksong tanong niya at nagawa pa akong ngitian ng pang-asar. Grabe! "Tingnan mo nga, oh. Stuck ka sa akin."
"She likes me kaya!" depensa ko, "Nahihiya lang si Lucy. Tsaka, ayaw mo ba akong kasama? We're twins! We should always be together!"
"Gusto. Kapatid kita, eh."
"Eh, 'yon naman pala." Binelatan ko siya. Napailing na lang siya sa akin. "Gutom na ako. Bili tayong Pancit Canton!"
"Kumain ka na no'n kaninang umaga."
Hindi ko pinansin yung sinabi niya at basta na lang siyang hinila sa counter.
_____