Pinalobo ko ang pisngi ko. Feeling ko pinagbagsakan ako ng langit at lupa. Yung kaisa-isang taong gusto kong maging kaibigan, mukhang ayaw nga talaga sa akin. Lucy, why?
Isang buong school week na ang lumipas kaya...why?
"Siguro, ayaw niya sa maingay." Singit ni West na halos naka-glue na ang mata sa cellphone. Naningkit ang mata ko sa sinabi niya.
Oo madaldal ako pero hindi naman ako ganoon kaingay.
"Whatever," I cross my arms at kahit na hindi niya nakikita'y ngumisi ako. "Then I'll make her like my pagiging madaldal. Simple!"
"Eh, ayaw nga sa'yo."
"West naman, support ka na lang!" Giit ko. "Kambal mo 'ko, eh."
Tumango na lang ito at hindi na nagsalita. Ngiting-ngiti naman ako. Yie, hindi talaga ako matanggihan ng kapatid ko.
"'Uy, West!"
Napalingon ako sa dumating. Nginitian ko si Jamaica na kasama yung boyfriend niya. Pero parang gusto kong mapangiwi sa view. Parang linta kasi kung makakapit siya sa lalaki. Like, seriously? Walang aagaw diyan!
"Sibat na ako," bulong ko kay Westy, "ja!"
Binati ko lang yung bespren ni kambal ng isang mabilis na tango bago naglakad paalis. Hahanapin ko na lang si Lucy para naman masulit yung break time namin.
"Now, Lucy, where art thou?" Tanong ko sa sarili habang naglalakad, palingun-lingon sa paligid. Kapag nakita ko siya, aayain ko na lang siya kumain since nagugutom na naman na ulit ako. "Lucy..."
Halos nilibot ko na lahat ng classroom na pwedeng pagtambayan, kahit nga yung rooftop ng building pinuntahan ko na rin pero walang sign ni Lucy. Sa field, wala rin. Puro mga sporty human being ang mga nakita ko. Sa payat ng babaeng 'yon baka nga hindi umabot sa malayo yung bolang ihahagis niya.
Lucy, tinataguan mo ba ako?
Tataguan? I groan inwardly. Mukha ngang wala siyang pakialam sa akin, eh. Sasadyain niya ba akong pagtaguan? Ang ilap-ilap naman ng future best friend ko. Kaunting-kaunti na lang susuko na ako!
Pero siyempre joke lang.
Ngingiti-ngiti pa rin akong naghahanap. Think positive lang, East! Para saan pa't magiging kaibigan mo rin iyon.
Bakit nga ba kating-kati akong kaibiganin siya? May naf-feel lang talaga akong maganda sa kanya. May pakiramdam akong hindi niya pa pinapakita yung totoong Lucy. Pero sure akong mabait siya. Mabait naman lahat ng tao, depende naman 'yon sa perspective ng bawat nilalang.
"Spotted!" Ipinorma kong parang telescope yung kamay ko at doon sumilip. Napahagikhik ako habang pinapanood si Lucy na mahinang nags-swing. "Nandito ka lang pala sa playground, ha."
Ewan ko rin kung bakit may playground dito sa school. Hindi naman kami elementary.
Dahan-dahan akong lumipat. Ingat na ingat na huwag gumawa ng tunog para hindi niya malamang nasa likuran niya ako. Tinakpan ko yung mata niya at natigilan naman siya. Nilapit ko ang bibig ko sa tainga niya. "Hulaan mo kung sino 'to."
In fairness, ang haba ng pilikmata niya, ha. Nakikiliti yung palad ko. Cute!
Hindi siya agad sumagot. Pinilit kong huwag sumimangot sa thought na baka hindi niya ako kilala. But that's impossible! We're classmates for more than a week na and I already claimed her as my friend kahit na hindi pa siya aware so it's impossible for her not to know me. Ako kaya si East Hansen, ang pinaka-friendly na nilalang ng section Machiavelli!
"Uy, hulaan mo kung sino 'to," pag-uulit ko sa medyo naiinip na tono, "bilis!"
Natigilan ako nang hawakan niya ang kamay ko. Hindi siya soft pero ang warm. Ang comfy sa feeling. Hindi ko maiwasang mapangiti. Parang may nagrarambulan sa loob ng tiyan ko. Weird.
"Hindi ko alam yung name mo pero alam kong ikaw yung katabi ko sa klase." sagot niya. Automatic na nasira yung kasiyahan ko sa narinig. Feeling ko may nabasag na salamin sa loob ko tapos kumidlat at kumulog ng malakas. Seriously? "Ikaw yung babaeng nakapwesto sa tabi ng bintana."
Nayayamot na binitawan ko siya. Ni hindi siya nag-abalang lingunin ako kaya ako na ang nag-adjust. Pumunta ako sa harapan niya at hopeless na tiningnan siya. "Ang sungit mo naman, Lucy Gamboa."
Tumingin siya sa akin. Napansin ko namang nilalaro na naman niya ang mga daliri at dahil ang cute niya tingnan ay absuwelto na siya. I smile sweetly at her. "May itatanong ako sa'yo."
"Ano 'yon?"
I inhale and exhale audibly. I see how she raises an eyebrow as she purses her lips, parang napapangiti pero pinipigilan niya. "Lucy Gamboa, pwedeng makipagkaibigan?"
Tinitigan niya lang ako. Matiyaga naman akong naghihintay ng sagot niya.
"Anong oras na?"
"Uh?" Kumunot ang noo ko sa naging sagot niya. Oras? Bakit, anong meron sa oras? Nawiwirduhan man ay tiningnan ko pa rin ang oras sa phone para lang masagot siya. "Quarter to twelve. Why?"
Tumayo siya at nagpagpag. Kinuha niya yung bag na nasa gilid niya at isinukbit sa balikat bago ako talikuran. "Matatapos na ang break time."
Anong... Huh?
Nakangangang nakasunod lang ang tingin ko kay Lucy na palayo na ng palayo. It took me a few seconds bago matauhan kung anong nangyari. Did she just ditch my question?
"Lucy!" Lakad-takbo akong sinundan siya. "H-hindi mo pa sinasagot yung tanong ko!" Sa wakas ay naabutan ko siya. Hinawakan ko yung braso niya at pinihit siya paharap sa akin. Ngumuso ako. "Lucy naman, eh."
Napailing siya at tiningnan ako. Yung titig niya, parang stressed na stressed sa nangyayari. "Mukhang palakaibigan ka naman, halatang-halata ko. Marami ring natutuwa sa'yo. Binabati ka kapag nakikita ka ng mga kaklase natin, minsan inaaya ka nila sumama para kumain, may ibang lumalapit pa sa'yo para makipagkwentuhan at humingi ng tulong."
Parang nalunok ko yung dila ko sa narinig. Ibig sabihin napapansin naman pala niya ako. Edi kilala niya ako. Pero bakit ayaw niya sa akin?
"Tingin ko matalino ka." Sinabi niya, "Kaya tingin ko, napi-pick up mo naman na ayokong maging kaibigan mo o ng kahit na sino rito."
Feeling ko na-offend ako sa sinabi niya. Napaka-antisocial naman niya.
"At isa pa, masyado akong matanda para maging kaibigan mo."
"Anong connect ng edad mo sa pakikipagkaibigan?" Napakunot ako ng noo. "Age is a status but not a limitation."
"Just stop befriending me." Napahawak na siya sa sentido niya. She really looks like she doesn't want what we're talking about. "Just please stop."
Hindi ko na siya sinundan nang iwan niya akong mag-isa. Naikuyom ko yung palad ko. Nakikipagkaibigan lang naman ako, ano bang big deal do'n? Bakit ayaw niya?
I groan out of frustration. Nagpapadyak na naglakad ako paalis. Tinatamad na akong pumasok. Bahala na. Mag-iisip na lang ako ng dahilan kapag sinumbong ako ni West kina Ate North na nag-cutting ako.
Ayokong may makakita sa akin na ganitong simbakol ang mukha. I need to relax. Think positive. Don't lose your cool, East. Tibayan mo lang iyang optimism level mo. Okay lang 'yan. Bumalik ako sa playground at umupo sa swing na pinuwestuhan ni Lucy.
Kung tutuusin pwede ko naman na siyang tigilan. Kung ayaw niya edi ayaw ko na rin. Tama naman siya, eh. Friendly nga ako, 'yon ang tingin ng lahat. Mabilis lang sa akin maka-gain ng friends. Except her.
Pero hindi ko magawa. Ewan ko, basta gusto ko talaga siya maging kaibigan. Gaya nga ng sabi ko sa sarili, I already claimed her as my friend kahit na hindi niya pa alam. Feeling ko talaga malaki yung mawawala sa akin kapag hindi siya naging part ng life ko.
"Hay, korni mo, East." Sabi ko sa sarili ko. Tama yata sila na minsan parang maluwag yung turnilyo ko.
Siguro nga nakatakas siya sa akin ngayon. Pero hindi rin magtatagal madadala ko rin sya sa pangungulit ko.
Eh, kung huwag na lang kaya akong magtanong kung pwede ko siyang maging kaibigan? Aakto na lang ako sa kanya as a friend!
"Tama, tama." Tumangu-tango ako. "Siguro ihahatid ko na lang siya pauwi."
Now, East, you've got yourself a mission!
Back to one hundred percent na naman ang fighting spirit ko. Yay! Nagsimula na akong mag-hum out of excitement at napahagikhik.
_____