Isa sa mga pangarap ko noong ako'y bata pa ang marangya at buong pamilya. Isang ama at ina na mapagmahal at kayang tugunan ang aming pangangailangan. Mga kapatid na magiging sandalan ko sa tuwing may mang-aaway sa akin. Isang pamilya na gagabay sa akin sa aking kabataan hanggang sa aking paglaki.
Ngunit ang inasam kong buhay na iyon ay hindi nangyari. Wala akong mapagmahal na mga magulang. Pinaramdam nilang mag-isa ako. Na kahit naroon sila, mag-isa pa rin ako.
Sa aking kabataan, hindi laro ang inatupag ko kundi paano buhayin ang sarili ko. Paano labanan ang araw-araw na hamon sa akin ng buhay. Trabaho para mabuhay at may panggastos. Kailangan kumayod para sa aking mga pangarap. Dahil isa akong bata na matayog ang pinangarap sa buhay. Musmos man dahil sa murang edad, ang aking katawan at isip ay tila naman matanda na.
"Lea, ihanda mo na ang bilao mo. Nakahanda na ang mga kakanin na ilalako mo," utos ni Inay sa akin. Nakasimangot na naman siya dahil pagod nga naman. Sa amin niya naibubuhos minsan ang galit dahil sa labis na kapaguran.
Simula noong mamulat ako ay namulat na rin ang kaisipan ko sa hirap ng buhay namin. Si inay ay nagluluto ng mga kakanin na ilalako para kahit papaano ay makatulong siya ni itay na isang panadero.
Anim kaming magkakapatid at ako ang pangatlo. Maayos naman kami bilang isang pamilya, pero hindi ko masasabing buhay na pinangarap ko. Dahil iyon sa hirap ng buhay. Kaya nagawa kong pumayag na mapunta sa ibang tao nang alukin ako ni lola na tiyahin ni itay. Ang sabi ni lola Auring, mapag-aaral daw ako. Ang hindi ko natatamasang ginhawa sa tunay kong pamilya ay maaring maibigay sa akin ng magiging bago kong pamilya.
Pumayag ako, sa isip ko noon, makabawas man lamang sa palalamuning bunganga ng mga magulang ko. Gusto ko rin makapagtapos at makapag-aral, na alam kong malabo kong makamit sa piling ni inay na bukod sa pagluluto ng mga kakanin ay isang labandera.
Masakit sa mura kong isip na iwanan ang mga magulang ko at mga kapatid. Mahal ko sila ngunit, mahal ko siguro ang sarili ko at ang pangarap na matiwasay na buhay. Para sa akin at sa kanila na rin. Naging positibo ang aking pananaw sa paglayo kong iyon. Na siguro, mababago ang buhay ko sa panibagong pamilyang kagigisnan ko. Na mamahalin nila ako bilang isang tunay na kapamilya.
Ngunit gaya ng dati. Isa na naman pa lang dagok ang kahaharapin ko sa mura kong edad. Ang pagmamahal na inasam ko mula sa kanila ay hindi nangyari. Tila naging katulong pa nila ako. Ako pa rin ang tumaguyod sa sarili ko para makapag-aral. Para may pera. Ang ipinangako ay napako. Hindi ko naman magawang bumalik.
Nagsumikap ako para sa sarili kong kapakanan. Pinanindigan ko ang naging desisyon kong umalis sa poder ng mga magulang ko--na pumayag rin naman na umalis ako.
"Lea, bilisan natin. Para makarami tayo ng hugasin," yaya ni Kangkang sa akin pahila sa kalapit na karinderya ni Aling Juaning. Para sa limang piso, maghuhugas kami roon ng mga pinagkainan ng kanyang kustomer.
Magkukuskos kami ng maitim na kaldero. Mangingitim na naman ang aming mga kamay, maging mga mukha namin at damit. Para sa limang piso, kakayanin namin ang manilbihan. Pangbaon na rin iyon at malaking tulong bukod sa ginagawa kong pagbibilad ng kaban-kaban na palay.
Sa aming paglalakad, nadadaanan namin ang ibang mga bata. Hindi nagtatrabaho gaya namin kundi, masayang naglalaro. Malaya at walang problema. Nakakainggit dahil umaasta talaga silang mga bata. Walang ibang iniisip kundi ang maglaro lamang. Walong taon pa lamang kami, ngunit wala iyon sa edad. Kung gustong naka-survive, lumaban lang sa hamon.
"Para sa limang piso!" Sabay naming saad ni Kangkang at nagsimulang maghugas sa likod ng karinderya.
Hindi lamang hirap sa pagtatrabaho ang naranasan ko simula noong mapunta ako kila Nanay Asuncion. Ayos lang sana sa akin dahil pinili kong manatili sa kanila. Ngunit isang bangungot ang ginawa sa akin. Sa edad na sampo, nakaranas ako ng pangmomolestiya ng ibang tao. Ilang beses kong naranasang molestiyahin, ang masaklap, kamag-anak pa niya mismo.
"Matulog na kayo, Nay. Babantayan ko po kayo rito sa labas," sabi ko sa umampon sa akin. Simula noong palagian na nababangungot siya sa pagtulog ay sa may pinto na ako naglalatag ng tulugan upang mabantayan siya. Para sakaling kailangan niya ako ay nasa malapit lang ako at matulungan siya.
Mahimbing ang tulog ko sa gabing iyon. Nananaginip ako ng maraming chocolate hills. Ang sarap sa pakiramdam ng tanawing nakikita ko. Ang ganda-ganda. Maginhawa ang pakiramdam ko habang sa panaginip ko'y tila ako lumilipad sa ibabaw ng chocolate hills. Nang makaramdam ako ng kakaiba sa mga bundok. Bigla akong hindi mapakali.
Bigla akong nagising. Nagising na may nararamdamang humihimas sa aking dibdib. Matinding kaba ang nararamdaman ko at hindi nakakilos kahit hindi pa ako dumidilat ng mga mata. Pinakiramdaman ko paligid ko. May tao sa akin tabi.
Kinakabahan man, nagawa ko pang magsalita kahit nangangatal ang aking bibig at tuyo ang aking lalamunan dahil sa takot. Nagawa kong lingonin ang mapangahas na taong iyon. Nanlaki ang aking mga mata nang mapagsino iyon.
"Lo, b-bakit po?" Gumalaw ako para mapigilan siya sa ginagawa. Pilit winaksi ang kamay niya gamit ang maliliit kong mga kamay. Ngunit bumaba siya sa hinihigaan ko.
"Shhh, huwag ka maingay, Lea," anas niya sa aking leeg
"Lo!" Sa takot ko ay lumakas ang boses ko dahilan upang matakot din si lolo Juancho. Kapatid na bunso ni nanay Asuncion. Ang kinilala kong ina. Agad siyang tumayo at umalis.
Agad kong nayakap ang aking sarili nang mawala na sa kadiliman si lolo Juancho. Nanginginig ako sa karahasang ginawa niya sa akin. Karahasang ngayon ko lamang naranasan. Nakakatakot.
Kinaumagahan, gusto kong magsumbong kay nanay Asuncion. Ngunit nag-alangan ako dahil dugo pa rin ni nanay si lolo Juancho. Gaya ng takot ko kay Lolo ay ang takot kong hindi nila paniwalaan. Baka ako pa ang sisihin imbes na kampihan.
Kaya kinimkim ko ang pangyayari sa aking sarili. Wala akong sinabihan na kahit na sino. Kahit kapag dumadalaw ako sa aking tunay na pamilya. Maging sila ay hindi ko sinasabihan ng nangyayari sa akin sa piling ni nanay Asuncion. Ayaw kong sumbatan nila ako na mali ang pinili kong landas. Sumbatan ako dahil pinili kong umalis sa poder nila.
"Kumusta ka roon, Lea?" tanong ni inay sa akin. Kumakain kami ng tanghalian ngayon. Pinagsasaluhan namin ang dala kong isang kilong manok na sinabawan ni niya at nilagyan ng papaya.
Ewan ko kung namutla ba ako sa tanong na iyon. Ang alam ko ay napatigil ako sa aking pagsubo nang maalala ang nangyari noong isang linggo. Wala sa sariling napatakip ako sa aking dibdib. Tila naroon na naman ang paghaplos ni Lolo Juancho. Pilit ko man iwinawaksi ang pakiramdam na iyon, tila naman nanuot sa aking isip at pakiramdam ng ginawa niya. Sa tuwina ay kikilabutan ako at nakakaramdam na lamang ng takot.
"Lea, okay ka lang ba?" Muling untag ni inay sa akin.
"Ho? Ah...oo, Inay. Okay naman po," pagsisinungaling ko.
Nawalan ako ng gana sa pagkain kaya agad akong tumayo pagkatapos higupin ang sabaw sa aking pinggan.
"Tapos ka na? Kakaunti yata ang kinain mo?" sita sa akin ni Itay.
Ngumiti lamang ako sa kanila. "Busog ako, itay. Lalabas na lamang po ako sa bakuran," paalam ko pagkatapos kong ilagay sa aming planggana sa kawayang lababo ang pinagkainan ko.
Nagpatuloy sila sa pagkain at ako naman ay naupo sa isang kawayang upuan sa gilid ng aming bahay. Napatingin ako sa aking nagdadalagang katawan. Hindi man ako katangkaran, masasabi kong may angkin akong ganda na alam kong dahilan upang makakuha ng atensiyon ng iba.
Napakagat ako sa aking labi habang hindi na naman mapigilan ang biglang pagsibol ng aking mga luha sa mga mata. Nag-init ang aking pisngi nang tuluyan nang mahulog ang aking mga luha. Pilit ko man pigilan at pawiin iyon ng magandang alaala ay hindi ko nagawa. Mas nanaig ang hindi magandang pangyayaring iyon.
Napahikbi ako habang pinapahid ang aking mga luha.
"Tama na, Lea. Kalimutan mo na iyon! Isa lamang iyong bangungot. Mas matibay ka sa bangungot na iyon, Lea. Kaya mong bumangon," pagpapalakas ko sa aking loob. Tama isang bangungot ang masasamang pangyayari sa buhay ko.
Ngunit ang bangungot ng pangmomolestiyang iyon ay hindi pa pala matatapos. Hindi lamang si lolo Juancho ang nagtangka sa aking katawan na walang kalaban-laban. Sa paglaban ko sa buhay, mas matitinding bangungot pa pala ang haharapin ko.