CHAPTER 1

1223 Words
Sa isang madilim na lugar kung saan walang taong nakaririnig at nakakakita, isang babae ang pilit tumatakbo nang matulin sa gitna ng malakas na ulan at kumikidlat na kalangitan upang matakasan ang mga bandidong humahabol. Tanging ang maliit na boses ng umiiyak na sanggol ang maririnig sa kalaliman ng gabi. Hinahabol ng ginang ang kaniyang malalalim na paghinga dahil ang kan'yang pakiwari'y mauubusan na ng hangin ang kaniyang dibdib dahil sa labis na pagod. "H-H'wag kang mag-alala a-anak, h-hindi ko h-hahayaang m-masaktan ka nila. D-Dadaanan m-muna s-sila sa ibabaw ng a-aking bangkay bago nila mailapat ang kanilang mga daliri sa'yo." Bagama't nahihirapan dahil sa kaniyang kargang sanggol, ipinagpatuloy n'ya ang pagtakas. Sa hindi kalayuan, natanaw n'ya ang isang mansyon na nagliliwanag sa kadilimang kan'yang tinatahak. "A-Anak... A-Anak ko... P-Patawarin mo ang nanay kung iiwan ka n'ya pansamantala. G-Gagawin ko 'to para mailigtas ka." Sa kabila ng kaniyang nanginginig na katawan dulot ng malakas na ulan, niyakap n'ya nang mahigpit ang umiiyak na sanggol at nagmamadaling tinahak ang daan patungo sa nagliliwanag na tahanan. Mula sa labas nito ay rinig niya ang malalakas na halakhakan ng mga tao. Batid niyang may selebrasyong nagaganap kung kaya't lakas loob n'yang pinindot ang doorbell ng malaking bahay ng maraming beses bago inilapag nang marahan ang kaniyang pinakamamahal na anak sa harapan nito. Bumukas ang malaking pintuan ng bahay na 'yon at iniluwa ang isang ginang na may mala-anghel na mukha. Tinungo nito ang saradong gate na kaniyang kinatatayuan hawak ang isang payong habang ang isang matipunong lalaki naman ay nakatanaw sa likod nang palalapit na ginang. "S-Sandali!" sigaw ng babae nang sinimulan niyang tumakbo papalayo. Kasabay ng pagpatak ng ulan ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Sobrang sakit. Sobrang sakit na mawalay ka sa iyong nag-iisa at pinakamamahal na anak ngunit kailangan n'yang tikisin upang mabuhay ang kan'yang munting anghel. Ikinubli n'ya ang sarili sa isang malaking puno ng akasya at palihim na tinanaw ang ginang na nagpalinga-linga sa paligid. "D-Diyos ko! I-Isang sanggol!" nahihintakutang bulalas nito kasunod ang pagbitaw sa payong na kaniyang hawak. Mabilis na kinuha ng babae ang bata mula sa sementong kaniyang kinalalagyan. "K-Kawawang munting nilalang. Huwag kang mag-alala, ako na ang bahala sa'yo." Hinubad nito ang suot na jacket at ibinalot sa maliit na katawan ng sanggol na karga niya sa kaniyang braso. Napatakip sa kaniyang sariling bibig ang babaeng nagkukubli sa 'di kalayuan habang tinatanaw ang kaniyang kawawang anak. Pares ng kalangitan, walang tigil sa pagbaha ng luha ang kaniyang mga mata. Naninikip ang kaniyang dibdib habang tinatanaw ang kaniyang munting anak na yakap ng isang babae. "Diana! Ano ba'ng ginagawa mo?" matigas na tinig ng lalaki mula sa pintuan ng mansyon. Binuksan muli nito ang isa pang payong at lumakad nang may pagmamadali patungo sa babaeng nakatayo pa rin sa harapan ng kanilang malaking gate. "E-Ernesto, i-isang sanggol. M-May sanggol sa harapan ng ating tahanan," mangiyak-ngiyak nitong saad sa lalaki. Agad namang ibinalot ng lalaki ang ginang sa kaniyang hinubad na jacket at inalalayang makapasok muli sa loob. Doon lamang siya lumabas sa kaniyang pinagtataguan at pasimpleng tiningala ang matayog na tahanang iyon. Napangiti s'ya nang mapait. "Tiyak kong magiging ligtas ka sa kinalalagyan mo ngayon, anak ko." Muling pumatak ang masaganang luha sa kaniyang mga mata at sa isang iglap, pumailanlang ang putok ng isang baril kasunod ang pagtama ng bala sa kaniyang dibdib. Bumalatay ang sakit sa kaniyang maamong mukha kasunod ang pagsulyap sa parte ng katawan kung saan bumaon ang bala na tumama sa kaniya. Bumulwak ang saganang dugo sa kaniyang bibig kasunod ang pagpatak ng hilam na luha sa kaniyang mga mata. Ang mukha ng kaniyang anghel... Ang mukha ng guwapo niyang sanggol ang huling rumehistro sa kaniyang isip bago siya tuluyang mawalan ng buhay. Isang pares ng itim na sapatos sa gitna ng galit na panahon ang tumigil sa harapan ng nakahandusay na bangkay. "Hello boss, malinis na. Patay na rin ang pinoproblema niyo," wika nito sa kausap mula sa kaniyang hawak na cellphone. Matapos isagawa ang tawag, parang patay na hayop na hinila nito ang babae tangan sa buhok at inalagay sa likuran ng kaniyang kotse. Pilit pinagkasya ang katawan ng ginang sa maliit na espasyong naroroon. Nang matagumpay na maisagawa ang krimen na kaniyang nilikha, pinaandar niya nang matulin ang kotse kung saan naroon ang bangkay ng kawawang ginang. Sa 'di kalayuan, tumigil siya sa isang malaking tulay kung saan may malawak na ilog sa ilalim nito. Inilabas niya mula sa likuran ng kaniyang ginamit na sasakyan ang malamig na bangkay ng babae. "Patawad Carmina. Kailangan kong gawin ito upang mailigtas ang aking sarili. Sana ay mapatawad n'yo akong ni Amo," mahinang usal niya sa ilalim ng malalamlam na ilaw ng street lights bago tuluyang inihulog mula sa itaas ang bangkay ng babae. Pinanood niya habang tinatangay ng tubig ang katawang kaniyang inihulog hanggang sa mawala na ito sa kaniyang paningin. Kuyom ang sariling kamao at mabigat sa loob na nilisan niya ang lugar kung saan nilinis niya ang ginawang kahibangan. Pinalis niyang pilit ang konsensyang namumuo sa kaniyang dibdib. 20 YEARS AFTER "Ano na naman ba ang pinasok mo, Shawn anak?" mahinahong tanong nang kaniyang ina na kasalukuyang nakaharap sa kaniyang professor. Nanatili namang walang imik ang lalaki at tumingin lang sa malayo. "Ipinatawag ko ho kayo sapagkat hindi na biro ang dinudulot na gulo ng inyong anak dito sa aming unibersidad, Mrs. Jackson. Gusto ko ho kayong makausap at ipaalam na kailangan na naming sipain paalis sa paaralan ang anak ninyong si Shawn dahil hindi na namin siya kayang disiplinahin," mababang tonong wika ng kaniyang professor. "Paumanhin Mrs. Jackson, ang Dean na ang nagdesisyon at hindi ko na kaya pang linisin ang kaniyang mga kalat," dagdag pa nito kasunod ang malalim na tingin sa binatang si Shawn. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng kaniyang ina. Hinawakan nito ang kamay ng kaniyang professor at nakiusap. "Nagmamakaawa ho ako. H'wag niyo namang tanggalin ang aking anak sa paaralang ito." Doon lamang nagkaroon ng emosyon ang walang buhay na mukha ng binata. Hinablot nito ang kamay ng ina at masamang tumingin rito. "What do you think you are doing?" salubong ang makakapal na kilay na tanong niya sa kaniyang tumatayong ina na si Diana. Ang kaniyang ina na nag-alaga at nagmahal sa kaniya ng mga panahong iniwan s'ya ng kaniyang sariling ina sa tapat ng marangyang bahay nito. Hindi niya maatim na nakikitang magmakaawa ito dahil sa kaniya. "S-Shawn anak, k-kailangan mong makapagtapos ng pag-aaral. Sa gayon, matuwa sa'yo ang iyong Daddy," tukoy nito sa asawa n'yang walang ibang ginawa kung hindi ang magpayaman. "You know I don’t need your husband’s impression, and do not beg just because of me," muli niyang tugon sa ina na si Diana. "Ipagpaumanhin niyo po, Mrs. Jackson. Sa tingin ko'y hindi ito ang tamang lugar para mag-usap kayong mag-ina," muling saad ng professor. Agad namang tumayo ang binatilyo at namulsa sa harapan ng matandang professor. "Yes. Because this place is just full of shit." Natigalgal ang kaniyang ina sa kaniyang inasal. Walang pakialam na nilisan niya ang silid na 'yon kasunod ang marahas na pagbukas ng pintuan. "Ipagpaumanhin ninyo ang nasabi ng aking anak. Hindi ko siya naturuan ng magandang asal," paumanhin muli ni Diana sa professor ng kaniyang anak. Tumango naman ito at pilit ngumiti. Mabilis nitong hinabol ang anak ngunit tila wala itong pakialam. "Shawn!!!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD