"Lord, ako ang inatasan ni Senyor na maging tagapaglingkod mo."
Nag-angat ng tingin si Shawn upang tignan ang mukha ng lalaki sa kaniyang harapan. Nakababa ang tingin nito sa sahig ngunit nanatili ang tikas ng kaniyang tindig.
Sa isang sulyap pa lang ay alam niya na kung bakit ito ang napili ng kaniyang ama na maglingkod sa kaniya. Nasa itsura nito ang pagiging matapat at hindi mayabang hindi pares ng grupo nina Toper.
"Pangalan?" tanong niya habang pinupunasan ang mukhang natalsikan ng dugo kanina.
Nilinis niya rin ang baril na ginamit.
"Zeus," tugon nito.
"Ilang taon?" tanong niyang muli.
"Bente."
May pagtataka na pinagmasdan niya ang lalaki. Hindi naglalayo ang kanilang mga katawan at mayroon din itong itsura. Ano ang dahilan nito? Bakit mas pinili niya ang ganitong trabaho?
"Ilang taon ka na sa ganitong uri ng trabaho?" muling tanong ni Shawn.
Doon lang ito nag-angat ng tingin kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na masilayan ang matatalim at kulay abo nitong mga mata.
"Bata pa lang ay dito na ako namulat. Ang aking ama ay ang tagapaglingkod ng 'yong ama na si Senyor, Lord."
Muli itong nagbaba ng tingin ngunit nanatiling tuwid na nakatayo sa kaniyang harapan. Sumandal siya sa upuan at nilaro ang baril na hawak.
"Kung gayon ay tapat na tagapaglingkod kayo ni Senyor Ernesto? Tiyak kong mas marami na kayong nalalaman ng iyong ama kaysa sa ibang tauhan na narito." Tipid na tumango ang lalaki.
"Kung may nais po kayong malaman o matutunan ay huwag po kayong mag-atubiling tanungin ako, Lord."
Ngumiti siya nang tagilid bago tumayo at pagkatapos ay isinuksok niya na ang baril na kaniyang hawak-hawak sa baywang. Ngayong hawak na niya ang kapangyarihan ay tiyak niyang marami na siyang makakayang gawin. Ang kaniyang pangunahin na plano ay ang paghahanap sa kaniyang tunay na mga magulang.
"Hindi na siguro lingid sa inyong kaalaman na isa lamang akong ampon ng mga Jackson dahil tulad nga ng sinabi mo'y matagal na kayong naninilbihan dito."
Nanatiling tahimik ang kaniyang kaharap na tila tinatantiya kung ano ang itutugon sa kaniyang sinabi.
Lumapit si Shawn sa binata sabay hawak sa balikat nito. Nag-angat naman ito ng tingin dahilan para magsalpukan ang kanilang matatalim na mga mata.
"Zeus, sinabi mo na ikaw ay aking tagapaglingkod, hindi ba? Maaari mo ba akong tulungan na maghanap ng mga impormasyon tungkol sa aking tunay na mga magulang?" tanong niya sa lalaki.
Hindi nagbago ang walang emosyon na mukha ni Zeus maging ang mga mata nito na kulang sa kinang.
"Ano man ang ipag-uutos niyo ay walang pag-aalinlangan kong susundin sapagkat 'yon ang aking sinumpaan."
Tipid na napatango si Shawn sa naging pahayag ni Zeus.
Nang dumating ang tanghali ay muli siyang napasulyap sa pabaon ni Diana. Natatawang inilabas niya ang tupperware sa bulaklaking bagay na 'yon at pagkatapos ay pabagsak na inilapag niya sa mesa ang pagkain.
"That woman is very childish," naiiling niyang wika bago binuksan ang lagayan.
Isang simpleng scrambled egg lang naman 'yon na medyo toasted pa at sandwich. Pinilit niyang ubusin kahit na hindi ganoon kasarap ang lasa.
Matapos kumain ay sinamahan siya ni Zeus sa iba't ibang sulok ng hide out maging sa pinakatagong parte ng lugar kung saan sila nagsasama-sama. Itinuro rin nito kung sino ang mga tao na dapat pagkatiwalaan at ang mga taong alanganin na pakisamahan.
"May mga kapatid ka ba, Zeus?" tanong niya habang naglalakad. Si Zeus ay pinili na manatili sa kaniyang likuran habang sinusundan ang kaniyang mga yapak.
"Mayroon akong nakababatang kapatid na babae ngunit dinukot siya noong siya ay tatlong taon gulang pa lang. Simula ng araw na 'yon ay hindi na namin siya nahanap."
Napatigil siya sa paglalakad at hinarap ang lalaki. Nakaramdam ng habag si Shawn sa kuwento nito at malamang ay may kinalaman sa pagkawala ng kapatid nito ang uri ng kanilang trabaho.
"Ang mga kalaban ba ng ama ko ang gumawa ng bagay na 'yon?" duda na tanong niya.
Naglihis ng tingin si Zeus kasunod ang pagtikhim. Hindi man nito sabihin ay alam niyang ang ama niya ang dahilan.
"Bakit niyo ba naisipang sumapi sa samahang 'to? Alam niyo naman siguro na maaaring madamay ang pamilya niyo sa oras na matunugan ng mga kalaban na kasapi kayo sa organisasyon ni Dad. Hindi ko maintindihan kung bakit mas pinili niyong mabuhay sa kasamaan kaysa mabuhay ng tahimik." Tinitigan niya ako ng mata sa mata.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ko ang pagguhit ng isang tagilid na ngisi sa kaniyang mga labi sabay ang sunod-sunod na pag-iling na tila ba natatawa sa'king sinabi.
"May nakakatawa ba sa sinabi ko?" kunot-noong tanong ko.
Bumalik naman sa seryosong ekspresyon ang kaniyang mga mata bago sumagot.
"Marami ka pang hindi nalalaman tungkol sa organisasyon na ito at sa mga gawain ng ama mo, Lord. Balang-araw ay malalaman at matututunan mo rin ang lahat sa oras na handa ka na. Ikaw ang napili ng Senyor dahil batid niyang hindi mo pababayaan ang grupo kapag dumating man ang takdang pagkakataon," wika nito na tila may nais ipakahulugan.
Magulo ang isip na nilisan niya ang lugar na 'yon. Bumabalik-balik sa kaniyang utak ang mga salitang inihayag ni Zeus. Mayroon pa ba siyang dapat na malaman tungkol sa kaniyang ama?
"Saan po tayo, Senyorito?" tanong ng kaniyang driver.
Tiningnan niya ang matanda na sa tantiya niya'y matagal na rin itong naninilbihan sa kanilang pamilya sapagkat simula pagkabata'y lagi na niya itong nakikita.
"Gaano ka na katagal na driver ni Ernesto, Tanda?" walang galang niyang tanong dito sabay ang pabagsak na pagsandal niya sa upuan ng kotse.
"Aba e, mahigit dalawang dekada na ho, Senyorito," mabilis naman nitong sagot bago buhayin ang makina ng sasakyan at sinimulan paandarin.
"Dalawang dekada? Ibig sabihin ay naninilbihan ka na sa mga Jackson nang iwanan ako ng magaling kong ina sa harap ng mansiyon nina Diana?" tanong niya sa matanda.
Biglang naglumikot ang kanina'y nakangiting mga mata nito.
"N-Nako pasensiya ka na, Senyorito! Ang tanging nalalaman ko lang ay napulot ka ni Senyora Diana sa harapan ng malaking gate noong araw na 'yon. N-Nanginginig ka't nangingitim dahil sa sobrang lamig. B-Basang-basa ka ng tubig-ulan at salamat na lang dahil nakita ka ni Senyora Diana," utal-utal nitong kuwento ngunit batid ni Shawn na nagsasabi ito ng totoo.
Marahil ay takot lang ang matandang magkuwento tungkol sa nakaraan dahil ipinagbawal 'yon ni Ernesto na pag-usapan sa loob ng mansyon.
"Dalahin mo na lang ako sa bahay, Tanda. Gusto ko na magpahinga," utos niya bago ipinikit ang mga mata.
Nasasabik siya na makitang muli ang magandang mukhang 'yon. Bagama't mali ay hindi niya mapigil ang sarili na hindi magustuhan ang babaeng nagligtas sa kaniyang buhay noong siya'y musmos na anghel pa lang.
"Diana..." usal niya.
Sunod-sunod na pagsulyap ang ginawa ng matandang driver na si Fred sa kaniyang amo. Nagtataka kung bakit sinasambit nito ang pangalan ng ina.