Chapter 7: Help & trust
NALUNOK ko na lamang ang sarili kong dila. Hindi ko naman sinasadya... Hindi ko naman sinasadya na iyon pa talaga ang lalabas mula sa aking bibig pero naunahan lang talaga ako ng emosyon ko. Naunahan lang talaga ako ng sama ng loob. Sobrang gigil na gigil ako sa kanila.
Hindi ko akalain... hindi ko akalain na ang pinaghirapan ni Tatay...ay nakuha lang ng iba at binibenta pa nila ito. Pinaghirapan niya iyon... Pinaghirapan niya...
"Hayan, tumigil ka rin. Mabuti pang umuwi ka na, bata. Dalhin mo sa amin ang tinutukoy mong ebidensya para mapawalang sala na namin ang tatay mo," malamig na sabi sa akin ng pulis.
Tumayo ako at pupuntahan ko sana ang tatay ko nang hinarangan ako ng babaeng pulis. Napaatras ako sa gulat. Ang sama ng tingin niya sa akin. Ganito ba talaga sila kung makaasta? Akala mo naman ay sobrang taas na nila?
"Hindi mo na puwedeng kausapin pa ang tatay mo, tapos na ang visiting hours at huwag mo rin kalimutan na magdala rin ng abogado niyo," nakangising sabi niya. Naikuyom ko ang kamao ko dahil sa inis na nararamdaman.
Gusto ko silang murahin. Naiinis na talaga ako sa kanila! Wala silang puso!
Sa halip na makipagsagutan sa mga nilalang na iyon ay pinili ko na lamang ang lumabas mula sa presinto. Dahil din sa gigil ay halos tadyakan ko na ang trash bin na nadadaanan ko sa hallway nito. Pero hindi ko na rin napigilan pa ang sarili ko at nasipa ko ang basurahan sa labas. Nakita iyon ng pulis na nagbabantay sa mga oras na iyon at napatayo pa siya. Matalim ang tingin nito sa akin.
Nagkalat na kasi sa daan ang mga basurahan dahil sa aking ginawa kaya natural na magagalit talaga siya sa akin. Sino ba naman ang hindi? Tumayo siya at alam kong lalapitan niya ako pero hindi niya nagawa nang may nagsalita mula sa likuran ko.
"Chief Alked..." sambit ng mamang pulis sa lalaki at pareho kaming nagulat nang makita na isa-isa nitong pinulot ang basura, puro plastic naman iyon lahat pero nakagugulat ang ginawa niya.
"Chief, ako na po riyan!" natatarantang sabi ng pulis at patakbong lumapit ito sa gawi namin.
Tumayo naman siya at pinagpagan ang magkabilang palad niya. Pumihit na ako para sana aalis na sa lugar na ito nang pigilan niya ako. Pero hindi naman niya ako hinawakan sa kamay.
"Mag-usap tayo," seryosong sabi niya at may diin sa kanyang boses.
"Bakit kita kakausapin? Sino ka ba sa inaakala mo?" malamig na tanong ko sa kanya. Ayokong maging ganito, ang mawalan ng galang sa mga tao.
"Mag-usap tayo," pag-uulit niya sa kanyang sinabi kanina.
Kinunutan ko siya ng noo at umirap pa kahit ang alam ko ay mugto-mugto na ang mga mata ko. Mabilis na tinalikuran ko siya at malalaki ang mga hakbang na ginawa ko.
Hindi na niya ako sinundan pa na ipinagpasalamat ko. Bumalik ako sa bahay namin para lamang mapaiyak nang makita ko ang mga gamit namin sa loob.
Halos walang natira at ang lahat na iyon ay nasa sahig at nagkalat ang mga nabasag na mga gamit. Ang sculpture ang ginagamit namin at ang mga natatapos ay isa-isa na ring nasira ang mga iyon.
Nag-uunahan sa pagbagsak ang mga luha ko sa aking pisngi nang makita ang nililok kong hindi rin nakatakas sa pagsisira nila rito.
"N-Napakasama nilang lahat! Ang sama-sama nila..." umiiyak na sabi ko at kahit nanghihina ang tuhod ko ay sinikop ko na lamang ang mga nasira na kailangan na talagang itapon at hindi na puwedeng gamitin pa. Nasasayangan ako sa mga iyon.
Iyong sculpture namin ni Tatay Jasper ay inilagay ko na lamang sa isang box. Pagkatapos ng isa't kalahating oras na paglilinis ko ay tinungo ko naman ang kuwarto ng aking ama at nakitang magulo rin iyon. Una kong hinanap ang ginagamit namin para sa sketching pero hindi ko mahanap. Kulay asul iyon pero hindi ko talaga mahanap.
Alam ko kung saan iyon nakalagay pero wala talaga akong makita. Maski iyong luma ay wala na rin. Nanghihinang napaupo na lamang ako sa maliit na silya at napahilamos ako sa sarili kong palad.
"Paano na? Paano na, Jam? Kailangan mong mahanap iyon... Kailangan na kailangan dahil iyon na lamang ang pag-asa natin para kay Tatay... Jam naman..." Para akong baliw na kinakausap ang sarili ko at kung minsan pa ay sinabunutan ko ang sarili kong buhok.
Nakapanghihina nga naman. Iyon na lamang ang puwede naming gawin na ebidensya para mapalaya na si tatay pero iyon pa talaga ang nawala?
Paano kung naunahan na pala kami? O baka naibigay iyon ni Tatay Jasper sa iba? Nasaan na iyon? Nakaiiyak ang sitwasyon namin...
Normal at simpleng buhay lang naman ang hinihiling namin ni tatay pero bakit sa isang idlap lang ay naging komplikado na ang lahat sa amin? Paano kami napunta sa sitwasyon na ito?
Para akong pinagsakluban ng langit at lupa dahil sa kawalan ng pag-asa. Si tatay na lang ang mayroon ako, wala na rin si Nanay at ayokong mawala siya... Ayokong pati ang Tatay Jasper ko ay mawawala rin sa akin. Dahil hindi ko talaga kayang mabuhay na wala siya...
Napatingin ako sa pader ng kuwarto ng tatay ko at nakita ko ang hindi kalakihan na litrato namin doon. Naluha ako nang makita ko ang ngiti niya, ang matamis na ngiti ng aking ama. Picture namin iyon noong graduation ko sa high school at ngayon...
Ga-graduate na ako at hindi puwedeng hindi siya makakapunta sa graduation day namin. Kailangan na present si Tatay sa araw na iyon. Kailangan ko siya sa special day ko... Dahil iyon na ang araw na magtatapos na ako. Nakita ko lamang ang ngiti niya ay bumalik sa akin ang pag-asa.
"Hindi pa rin ako susuko, `Tay. Ilalabas kita sa kulungan at lilinisin ang pangalan mo," walang emosyon na sabi ko.
Dahil sa pagod ko ngayong araw at sa pag-iyak ay hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako.
Naalimpungatan lang ako nang makarinig ako nang kalampag mula sa labas ng bahay namin.
Nang sipatin ko ang orasan ko ay nakita kong 7PM na pala ng gabi. Bumangon ako at inayos ang sarili.
Pinipilit ko rin na pakinggan ang nag-iingay. Hindi naman ako kinabahan na baka masamang tao ang nasa labas.
"Natawagan mo na ba ang family attorney natin, Kuya Asher?" Boses iyon ni Alley.
Hindi pala nagmumula sa labas ang ingay dahil nasa loob na sila ng bahay namin. Minabuti kong magpalit na muna ng damit bago ako haharap sa kanila. School uniform namin ang suot ko dahil hindi man lang ako nakapagpalit kanina.
Isang plain dirty yellow shirt ang suot kong pang-itaas at itim na jeans din pababa.
Naabutan ko ang magkapatid sa may sala namin at dumadapo na sa kung saan-saan ang mga tingin nila. Siguro ay nagtataka rin sila kung bakit halos wala na ang mga gamit namin sa loob at nakikitaan na iyon ng pagkasira.
Naglakad ako palapit sa kanila at napatingin sa akin si Kuya Asher kaya marahan na tinapik naman niya ang kanyang kapatid na si Allley, dahilan na napatingin din ito sa akin.
Namimilog ang kanyang mga mata na tumayo at sinalubong ako nang mahigpit niyang yakap. Nabigla pa ako noong una.
"Jam! Sa pangalawang beses ba naman ay gusto mo talaga akong atakihin sa puso?! Nalaman namin ang nangyari kay Tito Jasper!" bulalas niya at narinig ko pa ang mahina niyang paghikbi.
Niyakap ko naman siya pabalik. Kahit papaano ay nakaramdam ako ng ginhawa sa dibdib. Sa presensya pa lang ng kaibigan ko.
Natutuwa ako dahil may kaibigan ako na katulad ni Astralley, iyong mararamdaman mo talaga ang pag-aalala niya sa `yo. Iyong tipong matatakot at maiiyak siya sa kalagayan mo. Iyong nararamdaman mo talaga na palagi siyang nandiyan kung kailangan mo ng kaibigan na masasandalan. Na handang gawin naman ang lahat para sa `yo and lastly, hindi niya ipararamdam sa `yo na nag-iisa ka lamang at walang karamay.
Masuwerte pa rin naman ako sa kanya. Napakasuwerte ko dahil sa akin ibinigay si Alley bilang best friend ko.
Hinagod ko ang likod niya, tapos na akong umiyak kanina pero hindi ko rin mapigilan ang sarili ko na sabayan siya dahil na o-overwhelmed din ako.
"Sorry, Alley," hinging paumanhin ko sa kanya. Mahina niyang hinampas ang likod ko na ikinatawa ko pa.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin na may problema ka na naman, ha?!" utas niya at humiwalay rin naman siya sa akin. Pinunasan niya ang mga luha niya sa pisngi.
Nanatili namang tahimik si Kuya Asher at nanonood lang sa drama namin ng kapatid niya pero alam kong nag-o-obserba lang siya.
"Bruha ito, palagi mo na lamang akong pinag-aalala!" sabi pa niya at hinila ang buhok ko pababa kaya napaigik ako sa sakit. Narinig pa namin pareho ang mahinang pagtawa ng kuya niya.
"Sorry na. Sasabihin ko naman talaga `yo, eh. Pero nawala na rin sa isip ko dahil nakatulugan ko ang paglilinis." Kahit natapos ko naman ang gawain ko.
Tinapik niya ang balikat ko. "Hindi ba sabi ko sa `yo, Jam? Kung may problema ka, huwag kang mahihiya na sabihin sa akin at pag-usapan natin `yan. Huwag kang mahiya na humingi ng tulong mula sa akin. Best friend kita at kahit hindi ka pa manghihingi ng tulong mula sa akin ay gagawin ko pa rin, `no!" mahabang sabi niya at na-appreciate ko naman iyon.
"Hindi ko nakalilimutan iyon, Alley. Ikaw nga ang unang naaalala ko kanina pero sa sobrang pag-iyak at pagod ko ay hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Paano pala kayo nakapasok sa loob ng bahay namin?" curious na tanong ko sa kanila at muling hinila ni Alley ang buhok ko.
"Aray!" mahinang daing ko.
"Hindi naman nakasarado ang pintuan niyo! Gaga, paano kung hindi pala kami ni Kuya Asher ang pumasok sa loob ng bahay niyo? Naku, mauuna akong mamamatay kapag nalaman ko na naman na napahamak ka na naman, Jam Kirsten!" sigaw niya.
Tumingin ako sa pintuan namin. Sa dami ba naman na pumasok sa isip ko at natatakot sa magiging kahinatnan ng tatay ko ay talagang makakalimutan ko na ang pagsarado ng aming pintuan.
"Nakalimutan ko. Maupo ka na muna, Alley... Ah, may gusto ba kayong kainin, Kuya Asher?" tanong ko at umiling naman ito.
Itinaas niya ang paper bag na may tatak ng isang logo ng mamahaling restaurant.
"Bumili na kami nito, Jam. At wala ring kain `yang kaibigan mo. Hinihintay ka na magising para sabay na raw kayo," he reasoned out.
Hinila naman ni Alley ang braso ko at umupo kami sa maliit na sofa. Nasa tapat naman namin si Kuya Asher. Isa-isa nitong inilabas ang binili nilang pagkain na hindi ko na rin mapangalanan ang mga ito dahil sa dami no'n.
"Kumain na kayong dalawa," sabi pa nito sa amin.
"Ikaw po, Kuya?" tanong ko.
"Nakakain na ako kanina, oh," sabi niya at ininguso ang maliit na trash bin namin sa loob. Sa dami ng kalat ay talagang makikita ang bakas ng pinagkainan niya roon. Tumango na rin ako bilang tugon at kinuha ang disposable spoon saka kami nagsimulang kumain ni Alley.
"Paano niyo rin pala nalaman ang nangyari sa Tatay Jasper ko?" Uminom muna ng tubig mula sa bottled water si Alley bago siya sumagot.
"Tinawagan kami ni Kuya Alked," sagot niya na ikinagulat ko.
"Kuya A-Alked?" gulat na sambit ko sa pangalang iyon.
"Si Kuya Alked, iyong guwapo naming pinsan na pulis na dumakip din sa `yo ng araw na iyon? Natatandaan mo pa ba siya, Jam?" tanong niya sa akin.
"B-Bakit naman niya sinabi iyon sa inyo? Nakapagtataka..." wika ko na tinanguan ni Alley at ngumisi naman si Kuya Asher.
Nakapagtataka talaga. Dahil ano naman ang pakialam niya sa akin, `di ba? Hindi niya ako kilala. Dinakip pa nga niya ako noon at ngayon ay si Tatay Jasper naman.
Kaya paanong nangyari na ibinalita pa niya ito sa kapamilya niya?
"Handa siyang tumulong, Jam. Hindi naman daw niya alam na iyon pala ang tatay mo at iyong kuya niya mismo ang may hawak ng kompanyang pinaratangan ng pagnanakaw at pangongopya ng laruan ang iyong ama," paliwanag sa akin ni Alley at napatingin naman ako kay Kuya Asher.
He nodded his head. "He's willing to help you, Jam. Puwede niya raw kausapin si Keo, ang nakatatanda niyang kapatid. Ang may hawak ng kompanya na iyon. Pulis siya, Jam. May sarili rin siyang prinsipyo. Na kung alam niyang may mali o kasalanan pala iyon ng pamilya niya ay gagawin pa rin niya ang lahat at mailabas ang katotohanan. Nandito naman kami at handa kang tulungan," mahabang sabi niya.
Puwede kaya? Puwede ko bang pagkatiwalaan ang lalaking iyon? Paano rin kasi ako nakasisigurado na tutulungan niya talaga kami? Paano kung mas pabor pala sa kanya ang pamilya niya na iyon pala talaga ang may kasalanan?
Paniniwalaan ko ba ang prinsipyo na tinutukoy ni Kuya Asher?
"Kilala namin si Kuya Alked, Jam. Mas may puso iyong pinsan namin na hindi katulad ni Kuya Keo," ani Allley.
Napaisip naman ako. Gusto ko talagang makalabas si tatay at maging malinis ulit ang pangalan niya.
Kaya... puwede ko bang pagkatiwalaan si Alked Herran Fortalejo?