Kabanata 68 May mga kung anong anino pa rin ang umaaligid sa amin, sumusunod-sunod kung saan kami magpunta. Pero sabi ko nga sa kanila ay huwag lang silang magpapahalata para hindi nila malaman na nag-aabang din kami sa kanilang mga kilos. Kaya nga mas pinili naming mag-usap-usap kanina sa isipan namin, kaysa sa marinig pa nila ang pinag-uusapan namin. “Dapa!” malakas kong sigaw sa kanila nang may mga pararating na kung anong bagay na matalas sa gawi namin, mabuti na lang at mabilis din silang nakadapa. Ako nama’y kumilos na rin at gumawa na ng hakbang para makuha ang bagay kung saan ay nakatusok mismo sa isang puno. Mabilis akong kumilos, mabilis pa sa pagtakbo ng orasan. Binunot ko ang bagay na iyon, saka dinala pabalik sa kung saan kami nakadapa ngayon.

