Araw ng huwebes na ngayon, apat na araw na ang nakakalipas simula iyong araw na pinuntahan ako ni Breeze sa apartment ko para alagaan. Apat na araw na ang nakalipas simula ng huling beses ko itong nakita at nakasama. Pagkatapos ng araw na iyon ay wala na itong muling paramdam. Hindi ko na ito muling nakita pa. Nawawala ito kung kailan niya gustuhin at bigla namang magpapakita sa akin kung kailan din niya gugustuhin. Hindi ko alam kung ano ba talaga mismo ang pakay nito sa akin. Kung pinaglalaruan lang ba nito ang nararamdaman ko? O baka ako lang talaga mismo ang nag-iisip na baka pweding maging kami ng babaeng hinahangaan ko. Siguro nga, sa aming dalawa ay ako lamang ang assuming, na baka dahil masyado ko lamang pinag-iisipan ng iba ang pinapakita nitong kabutihang loob para sa akin.

