Matapos naming maghiwalay ni Rachel sa hospital ay dumiretso ako sa may parke na nasa malapit.
Umupo ako sa upuang bato na nakita ko upang doon magmuni-muni.
Gulong-gulo ang isipan ko at hindi ko alam kung ano ang aking gagawin.
"Diyos ko, bakit hinahayaan Mo pong mangyari sa akin 'to?" tanong ko sa hangin habang nakatanaw sa malawak na kalangitan.
Muli kong naalala ang mga eksenang nagbigay sugat sa aking puso. Ang naabutan kong pakikipagtalik ni Zoren sa loob mismo ng kaniyang pamamahay at kung paano ako parang basurang itinapon nito.
Hindi ko gustong ipalaglag ang sanggol na nasa aking sinapupunan kagaya ng gustong mangyari ni Zoren.
Nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos dahil hindi Niya iyon niloob mangyari.
Inilapat ko ang palad ko sa impis na puson at saka bumulong ng mga salita para sa aking anak.
"Kahit hindi ka kayang mahalin ng iyong ama, nandito lang ako para sa iyo anak."
Hinayaan kong pumatak ang mga luha sa aking pisngi.
"Hindi ko hahayaang maulit sa iyo anak ang mga nangyari sa akin," pangako ko pa sa anak kasabay nang pagkabuhay ng galit sa aking dibdib.
"Babalikan kita, Zoren! Pangako, ako naman ang babawi sa lahat ng mga ginawa mo sa akin."
Ang patak na mga luha ay tuluyang umagos at naging baha sa aking pisngi.
Binuksan ko ang bag upang kumuha ng pwedeng ipamunas sa mga luha ko at gayon na lamang ang pagkagulat ko nang makita ang perang nakaipit sa loob niyon.
"Jerson..." usal ko sa pangalan ng binatang tumulong sa akin.
Nanginginig ang kamay kong kinuha ang pera at saka binilang iyon.
"Sampung libo! Ito nga ang perang ibinibigay niya sa akin kanina!" naluluhang bulalas ko at saka ibinalik kong muli ang pera sa loob ng aking bag.
"Kaybuti niyang tao!" patuloy sa paghikbi kong bulalas.
"Pangako, ibabalik ko ang perang niloob mo sa akin," sumpa ko pa sa isipan patungkol kay Jerson.
Sa kabila ng hinanakit na aking nararamdaman ng mga sandaling iyon, nakapagdesisyon akong muling magbalik sa bahay ng aking ama.
"Kung kinakailangan kong lumuhod kay Papa para patawarin niya ako ay gagawin ko," usal ko sa sarili.
********
Makalipas ang walong buwan mula nang umuwi ako sa bahay ni Papa, marami akong na-realized sa aking buhay.
Kayrami kong pagkakamaling nagawa kasama na roon ang pagtitiwala at pagmamahal kay Zoren na pawang puro kasinungalingan lamang.
Sa kabila ng mga nangyaring iyon, pinili ko pa ring buhayin ang anak sa aking sinapupunan.
Malaking tulong ang perang inipit ni Jerson sa loob ng bag ko noon dahil isinalba ako niyon sa mga araw-araw na mga gastusin kasama na roon ang vitamins na kinakailangan kong inumin.
Ang sobrang pera ay itinatabi ko para magamit sa nalalapit kong panganganak.
Isinumpa ko sa sarili na isang araw ay makikipagkita ako kay Jerson upang bayaran ang kabutihang ginawa sa akin nito.
Malugod akong tinanggap ng aking ama sa kabila nang pagkakamaling nagawa ko sa kaniya.
Kung pa'nong masaya si Papa sa aking pagbabalik, kabaligtaran naman iyon ng nararamdaman ng ikalawa niyang asawa na si Tiya Dolores.
Palagi akong iniinsulto nito at kagaya ng dati ay alipin pa rin nila ako kung ituring.
Daig ko pa si Cinderella sa totoong buhay!
Ang kaibahan lang siguro naming dalawa ay wala na akong prinsipeng tagasalba mula sa masalimuot kong mundong kinasasadlakan.
Dahil ang prinsipeng inaakala kong tagasalba ay nasa kandungan na ng ibang babae ngayon at doon nagpapakasarap.
Kung nabubuhay lang ang aking ina, tiyak na hindi ganito ang takbo ng buhay ko.
Naramdaman ko ang paglandas ng mga luha sa aking pisngi.
"Laura!" sigaw ni Tiya Dolores kasabay ng malakas na pagkatok nito sa may likuran ng pinto.
"Gising na ang bruha!" bulong ko sa sarili.
"Bumangon ka na Laura at tanghali na!" muling hiyaw ni Tiya Dolores sa likuran ng pinto.
"Nandiyan na po!" ganting hiyaw ko.
"Bilisan mo at nang makapagluto ka na. Gutom na ang mga kapatid mo!" muling hiyaw nito.
"Opo!" tugon ko naman sa kaniya.
Hinaplos ko ang maumbok ko ng tiyan nang makaupo ako sa higaang papag.
"Baby, huwag mong pahihirapan si Mama paglabas mo ha. I love you!" madamdaming kausap ko sa anak.
Kahit nasa loob pa lamang ng sinapupunan ko ang anak ay mahal na mahal ko na.
Palagi kong kinakausap at kinakantahan ang aking tiyan upang maipadama sa aking anak ang pagmamahal ko sa kaniya.
Napangiti ako nang gumalaw ang sanggol sa loob ng aking tiyan.
Kahit sa simpleng paggalaw lang ng anak ko sa loob ng aking sinapupunan ay labis na akong natutuwa sa kaniya.
Matapos kong mag-ayos ng sarili ay lumabas na ako sa kwarto upang dumiretso ng kusina.
Nagluto ako ng makakain namin at saka naghugas ng mga pinggang pinaggamitan ng mga kasama ko sa bahay.
Pagkatapos kong mag-asikaso sa kusina ay lumabas naman ako sa likod bahay upang doon maglaba.
Nagsasampay na ako ng mga damit nang marinig ko ang galit na galit na pagtawag sa akin ni Tiya Dolores.
"Laura! Lumapit ka nga rito!"
Mabilis akong pumasok sa loob ng bahay upang lapitan ang ina-inahan.
"Ano po 'yon, Tiya Dolores?"
"Hindi ba't parati kong kabilin-bilinan sa 'yo na itatabi mo ang walis tambo sa tamang lalagyan? Bakit nandirito ito pakalat-kalat?" galit na tanong sa akin ni Tiya Dolores.
Sinulyapan ko ang walis tambong nakalimutan ko sa sahig at ngayo'y hawak na ni Tiya Dolores.
"Pasensiya na po, Tiya Dolores," hinging paumanhin ko sa ina-inahan.
"Pasensiya?" bulyaw sa akin nito.
"Puro ka na lang pasensiya!" Pinaghahampas niya ako ng walis tambo sa aking braso.
"Tama na po, Tiya Dolores. Masakit po!" naiiyak kong daing sa ina-inahan.
"Masakit ba? Hindi ka nga nasaktan noon nang magpabundat ka sa lalaki mo," pasarkastikong wika nito habang patuloy akong hinahampas ng walis tambo sa aking katawan.
Wala akong ibang magawa kundi ang umatras at protektahan ng aking mga braso ang tiyan upang hindi iyon tamaan ng bawat hampas sa akin.
Umiyak lang ako nang umiyak hanggang sa magsawa sa paghampas sa akin si Tiya Dolores.
Awang-awa ako sa sarili nang makita ang mga namumulang bakas ng hampas ng ina-inahan ko sa aking katawan.
Tiyak na magpapasa iyon dahil nagsisimula ng mangitim ang bahagi ng katawan kong hinampas ni Tiya Dolores.
Pumasok ako sa loob ng kusina upang kumuha ng yelo sa ref at saka itinapal iyon sa bahagi ng aking katawan na may latay ng palo.
"Patawarin mo ako anak kung hindi ko magawang lumaban," lumuluhang usal ko sa isipan patungkol sa aking anak.