Mabilis akong tumakbo sa kinaroroonan ng aking anak at agad ko siyang kinuha sa loob ng incubator.
"Parang awa mo na, huwag mong kunin sa akin ang anak ko," humahagulgol kong pakiusap sa lalaki.
Ngumisi sa akin ang lalaki at bigla akong nakadama ng takot sa kaniya.
"Huwag kang mag-alala, hindi ko kukunin sa iyo ang anak mo."
Nakahinga ako ng kaunting kaluwagan ngunit naroon pa rin ang takot sa aking dibdib.
"Salamat!" Mahigpit kong niyakap ang anak ko kasabay nang pag-agos ng mga luha mula sa aking mga mata.
"Hindi ko siya kukunin sa iyo dahil kailangan na ninyong umalis dito bago pa bumalik ang babaeng kausap ko kanina."
Napamaang ako sa kaniya nang iabot niya sa akin ang perang ibinigay ni Tiya Dolores.
"Gamitin mo ang pera na iyan upang makalayo kayo ng anak mo. Puntahan mo ang address na nakasulat diyan sa papel dahil tiyak na tutulungan ka niya." Inabot niya rin sa akin ang isang maliit na papel na may nakasulat na numero at street ng lugar.
Manghang napatitig ako sa lalaki at 'di ako makapaniwala sa mga narinig buhat sa kaniya.
"Alam kong mukha akong kriminal sa paningin mo, pero hindi ako kagaya ng iyong iniisip."
Lumapit ako sa lalaki at saka yumakap sa kaniya upang magpasalamat.
"Salamat!" umiiyak kong pasasalamat sa kaniya. "Balang araw ay makababawi rin ako sa iyo."
"Magpalakas ka! Para pagdating ng araw na iyon, kaya mo nang ipagtanggol ang iyong sarili." Marahang tinapik niya ang balikat ko.
Tumango-tango ako bilang tugon sa kaniya. Mahigpit kong kinalong ang anak ko pati na rin ang perang ibinalik sa akin ng lalaki.
Inalalayan niya akong makalabas ng ospital at inihatid pa niya ako hanggang sa may sakayan.
"Maraming salamat!" muli kong pasasalamat sa kaniya.
"Mag-iingat ka!" basbas niya sa akin.
Naisip ko bigla ang pambayad sa ospital. Tiyak na siya ang sisingilin oras na hanapin ako sa ward.
"Kuhanin mo na lang itong pera. Pakibayaran na lamang ang billing ko sa ospital. Kung kulang man iyan, pangako babalik ako para magbayad."
Inabot ko sa kamay niya ang pera ngunit hindi niya iyon tinanggap.
"Mas kailangan mo iyan. Sundin mo ang payo ko sa iyo. Hanggang sa muli nating pagkikita."
Tinalikuran niya na ako at muli siyang nagbalik sa loob ng ospital.
May kung anong kirot sa puso akong nadama ng tuluyan nang makalayo ang lalaki.
Nahagip ng mga mata ko ang parating na bulto ng katawan ni Tiya Melba, kasama ang ilang mga kalalakihan.
Bigla akong kinabahan at palagay ko'y ako talaga ang kanilang sadya.
Mahigpit na niyakap ko ang anak at saka sumakay ako ng tricycle. Nagpahatid ako sa may terminal ng bus.
Hindi ko alam kung saan ako tutungo pero desidido akong makalayo.
Papasok na ako sa may terminal ng bus ng bigla na lamang agawin mula sa kamay ko ang perang hawak ko.
"Magnanakaw!" malakas kong sigaw.
Hinabol ko ang magnanakaw na tumakbo palayo sa akin ngunit hindi ko siya naabutan gawa ng sobrang bilis ng kaniyang pagtakbo.
Umiiyak na napaupo na lamang ako sa may gilid ng basurahan habang kalong-kalong ang aking anak.
"Bakit ba ang malas-malas ko?" humahagulgol na tanong ko sa sanggol na wala namang posibilidad na makasagot sa akin.
"Diyos ko, ano bang kasalanan ko sa Iyo? Bakit mo ako pinaglalaruan ng ganito? Naging masamang tao ba ako para pahirapan mo ng ganito?" sunod-sunod na tanong ko habang patuloy na humahagulgol ng iyak.
Biglang pumalahaw ng iyak ang aking anak.
"Anong gusto mong gawin ko?" tanong ko sa anak na sanggol.
Nagpatuloy sa pag-iyak ang anak ko, pakiwari ko naman ay natutulili na rin ang aking tainga.
Sari-saring tinig ang bigla na lamang sumigaw sa aking isipan.
"Napakaboba mo talaga!" hiyaw sa akin ni Zoren.
"Ang lakas ng loob mong angkining asawa, hindi mo naman pala asawa!
"Katulad ka lang din ng namayapa mong ina," tila demonyong wika sa akin ni Tiya Dolores.
"Hindi kita anak! Hindi kita dugo't laman, kaya hindi kita anak!" tinig naman ni Papa.
"Tumigil ka na!" malakas na bulalas ko sa anak kasabay ng hindi maampat-ampat na pagluha mula sa aking mga mata.
Hindi naman tumigil sa pag-iyak ang anak ko kaya sabay na kaming umiiyak sa tabi ng basurahan.
Pinagtitinginan na kami ng mga taong dumaraan at may naghagis pa nga sa amin ng barya.
Nakagat ko ang ibabang labi ko kasabay nang pagkaawa sa aking sarili.
Muli ko na namang narinig ang paulit-ulit na mga tinig sa aking isipan kasabay ng patuloy na pag-iyak ng anak ko.
"Tama na!" humahagulgol kong anas.
Niyakap ko ng mahigpit ang aking anak at paulit-ulit na kinausap ito.
"Patawarin mo ako, anak! Patawarin mo si Mama kung naging mahina ako. Hindi ko na talaga alam ang aking gagawin. Gulong-gulo na ang isipan ko," humahagulgol na kausap ko sa anak.
"Diyos ko, tulungan Mo po ako. Tulungan Mo po kaming dalawa ng anak ko," piping dalangin ko sa Panginoon.
"Miss, ayos ka lang ba?" tanong sa akin ng isang baritonong tinig na minsan ko nang narinig.
Itinaas ko ang ulo ko upang makilala ang taong nagtanong.
"Laura?" gulat na gulat niyang tanong sa akin.
"Jerson..." Hindi ko na napigilan pa ang sarili, mabilis akong tumayo at tumakbo palapit sa kaniya.
Yumakap ako sa kaniya na agad naman niyang tinugon. Katulad ng dati ay nakadama ulit ako ng kapanatagan ng loob nang madama ang kaniyang mainit na katawan.
"Tulungan mo ako! Tulungan mo kami ng anak ko," nagsusumamong pakiusap ko sa kaniya habang patuloy na humahagulgol.
"Anong nangyari sa iyo?" Nakadama ako ng kapayapaan sa aking kalooban nang marinig ang kaniyang tanong.
"Tulungan mo ako! Pakiusap, tulungan mo kami ng anak ko," patuloy sa paghagulgol kong sabi.
Narinig ko ang paghugot niya ng malalim na buntonghininga. Hindi ko alam kung para saan iyon. Ang tanging alam ko lamang ay kailangan ko ang tulong niya.
"Pakiusap, Jerson!" nagsusumamong pakiusap ko sa kaniya.
Kumalas siya mula sa pagkakayakap sa akin at malamlam ang mga matang tinitigan niya ako sa aking mga mata.
Bumaba ang kaniyang mga mata sa mukha ng anak ko ng muling umiyak ang sanggol.
"Nasaan ang asawa mo? Bakit ka nandirito? Sinong kasama mo rito?" magkakasunod na tanong niya sa akin.
Walang emosyon akong nabanaag sa kaniyang mukha ngunit napansin ko ang pagdaan ng awa sa kaniyang mga mata.
"Niloko niya ako! Niloko nila ako!" nanggagalaiti sa galit na turan ko sa kaniya.
Bigla akong nakadama nang pagkahilo kasabay nang panginginig ng mga kalamnan ko sa katawan.
"Laura!!!"
Narinig kong sigaw ni Jerson kasabay nang pagdilim ng lahat sa paligid ko.