Chapter 12

1059 Words
"Laura!" Mabilis na sinalo ng isang bisig ko ang nawalang malay na katawan nito, habang ang isa ko namang bisig ay maagap na umalalay sa sanggol. "God!" mahinang bulalas ko. "Kuya..." Inangat ko ang ulo ko nang marinig ang pagtawag sa akin ni Benjie. "Benjie, get the car!" utos ko sa kapatid. "Sino ba siya, Kuya?" tanong pa sa akin ni Benjie. "Siya si Laura. Kuhanin mo na ang sasakyan madali!" Mabilis na tumakbo si Benjie patungo sa kinaroroonan ng aking sasakyan. Umiyak ang sanggol dahilan para muling mabaling ang atensyon ko sa kanila ni Laura. Tila sinundot ang puso ko ng matulis na bagay nang masilayan ko ang mukha ng dalawang inosenteng nilalang na parehong walang kamalayan. Inangat ko ang sanggol palapit sa aking mukha at saka dinampian ko siya ng halik sa kaniyang noo. "Tahan na, Baby..." pagpapatahan ko sa sanggol. Tila naunawaan naman ako nito dahil kusa na lamang tumahan ang sanggol at para pa siyang ngumiti sa akin. "Sakay na, Kuya!" sigaw sa akin ni Benjie mula sa loob ng sasakyan. "Kunin mo muna ang sanggol para mabuhat ko si Laura," utos ko sa kapatid. "Kaswerte ko nga naman!" maktol naman ni Benjie. "Huwag ka nang magmaktol diyan!" angil ko sa kapatid. Bubulong-bulong na lumapit sa akin si Benjie saka kinuha mula sa aking bisig ang sanggol. Marunong siyang humawak ng baby dahil na rin sa nakababata naming mga kapatid na sina Bridget at Britanny na pawang mga sumunod sa kaniya. Agad kong binuhat ang walang malay na katawan ni Laura saka ipinasakay ko sa may likurang bahagi ng sasakyan. Sumakay rin ako sa loob at ipinaunan ko pa muna ang ulo ni Laura sa aking kandungan. "Ang cute ni baby!" Narinig kong puri ni Benjie na aliw na aliw sa pagtitig sa sanggol. "Ikaw na magmaneho, akin na ang sanggol," agaw pansin ko sa kaniya. Maingat na iniabot naman niya sa akin ang sanggol at saka umikot siya sa may bandang driver seat. "Saan tayo, Kuya?" tanong pa sa akin ni Benjie. "Sa ospital!" nakukunsuming sagot ko sa kapatid na nginitian lamang ako. Habang nasa biyahe, hindi maalis-alis ang mga mata ko sa maamo at magandang mukha ni Laura. "Ehem!" Tikhim ni Benjie ang pumukaw sa aking pansin. "Anong problema?" tanong ko sa kaniya. "Baka naman matunaw na sa katititig mo ang magandang dilag na iyan," pabirong wika niya sa akin. Alam ni Benjie ang tungkol kay Laura dahil minsan niya nang nakita ang ipininta kong larawan nito sa loob ng silid ko. Hindi lamang siguro natandaan ni Benjie ang itsura ni Laura kanina dahil sa ibang-iba nga naman ang kaniyang anyo. Nang mapansin ko siya kanina, hindi ko naisip ang posibilidad na siya si Laura. Tila may sariling isip ang mga paa ko na humakbang na lamang patungo sa kaniyang kinaroroonan. Akala ko ay isa lang siyang pulubi na nagugutom at wala sa kaniyang sarili kung kaya kinakausap niya ang sanggol na tangan. "Ipapaalala ko lamang sa iyo Kuya, may asawa na siya at katunayan ang sanggol na kalong mo," seryosong pahayag ni Benjie. "Niloko siya ng asawa niya..." Nagtagis ang mga bagang ko nang maalala ang nagmamakaawang anyo ni Laura. "Kaya ba ikaw ang magpapaka-knight in shining armor sa kaniya?" tanong naman sa akin ni Benjie. "What's your point, Benjie?" balik tanong ko sa kapatid kahit pa nga naintindihan ko naman ang ibig nitong ipabatid. "Nagpapaalala lang, Kuya! Tandaan mo, hindi mo alam kung ano ang totoong sitwasyon sa pagitan nilang mag-asawa," paliwanag niya sa akin. "Paano ko malalaman kung hindi ko aalamin?" nakataas kilay kong tanong sa kapatid. "Naku, Kuya! Bahala ka na nga sa buhay mo tutal matanda ka naman na," nakukunsuming turan ni Benjie. Umiyak ang sanggol kaya ibinaling ko ang paningin sa kaniya. "Baka nagugutom na iyan, Kuya," ani ni Benjie. "Pero pa'no natin siya pakakainin?" tanong ko naman sa kapatid. "Kuya, kailangan niyang makadede sa kaniyang ina." Huminto sa pagsasalita si Benjie at tumingin pa muna siya kay Laura. "Kaso lang ay walang malay ang kaniyang ina." Sabay kaming napabuntonghininga na magkapatid dahil sa kawalan nang maisip na paraan. Dahil walang ibang paraan na maisip, inihele at idinuyan ko na lang muna ang sanggol sa aking braso hanggang sa mahinto ito sa pag-iyak. "Kung totoo ngang g*go ang ama ng batang iyan, ako na mismo ang gugulpi sa kaniya." Nakita ko ang pagtagis ng kaniyang mga bagang. Mapait na ngiti sa aking labi ang itinugon ko sa kapatid. Muli kong pinagmasdan ang walang malay na si Laura. "Ako na lang sana ang naging asawa mo," piping bulong ko sa isipan. Nang marating namin ang ospital ay mabilis na inasikaso ng mga nurse at doktor si Laura. Ibinigay rin namin ang sanggol sa kanila upang maasikaso ito ng tama. "Tara na, Kuya! Aasikasuhin naman na sila rito ng mga nurse at doktor," ani sa akin ni Benjie. "Mauna ka nang umuwi, Benjie," turan ko sa kapatid. "Pero hahanapin ka sa akin ni Mommy," nakalabing wika ni Benjie. "Mam'ya sabihin pa sa akin ni Mommy, tinakasan na naman kita sa pagpunta sa foundation," dagdag pang sabi nito. Naiiling na kinuha ko ang cellphone sa loob ng bulsa ng pantalon ko at saka tinawagan ang aming ina upang ipaalam na mauunang umuwi si Benjie. Galing kasi kami ni Benjie sa foundation at nagdala kami roon ng mga donasyong grocery at damit para sa mga bata. Binata na si Benjie pero kung ituring pa rin ng aming ina ay isang baby. Mabuti na lamang at hindi niya na ginagawa sa akin iyon. Kung minsan kasi ay nakakahiya na rin ang kinikilos ni Mommy. Pero kahit ganoon, mahal na mahal namin siya. Napangiti na lamang ako nang maalala ang ginawang pagpupulbo sa akin ni Mommy sa harap ng aking mga kaibigan. Matapos magpaalam at umalis ni Benjie ay saka naman lumabas ang doktor na nag-asikaso kay Laura. "Ikaw ba ang asawa ng pasyente?" pagtango lamang ang naging tugon ko sa tanong na iyon ng doktor. Sa ikalawang pagkakataon ay napagkamalan na naman akong asawa ni Laura. "Bagong panganak siya at 'di naging maganda ang idinulot ng sobrang stress sa kaniya. Ipagdasal na lamang natin na malampasan niya ang neurological condition na nararanasan niya sa ngayon," pahayag sa akin ng doktor. "N-neurological condition?" kunot-noong tanong ko sa manggagamot. "She has a transient global amnesia, which caused a temporary episode of her memory loss."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD