Chapter 13

1043 Words
"Bakit umiiyak si baby?" tanong sa akin ni Laura sabay turo sa kaniyang anak na kalong-kalong ni Mommy. Dalawang buwan na mula nang ilabas ko siya sa ospital kasama ang kaniyang anak. Hindi ko matiis na pabayaan silang mag-ina sa kalunos-lunos nilang sitwasyon, kaya inuwi ko sila sa condo unit ko. Nagtaka si Mommy dahil hindi na ako umuwi ng bahay sa loob ng dalawang linggo. Pinuntahan nila ako ni Daddy Benjamin sa condo unit ko at nadatnan nila si Laura pati na ang anak nito. Ipinaliwanag ko sa kanila ang sitwasyon ng mag-ina mula sa hospital hanggang sa iuwi ko sila sa condo unit ko. Akala ko ay magagalit si Mommy sa aking ginawa ngunit nagulat ako nang sabihin niyang iuwi ko sa bahay si Laura pati na ang anak nito. Si Mommy ang gumanap bilang ina sa anak ni Laura habang wala sa tamang kaisipan ang huli. Kasabay ng pansamantalang pagkalimot ni Laura ay ang pagbalik niya sa pagiging isip bata. Lahat nang maisipan niyang gawin ay kaniyang gagawin. Lahat nang maisipan niyang itanong ay kaniyang itatanong. Kagaya na lang ngayon na kung ilang beses niya na yatang naitanong sa akin ang tanong na iyon. "Nagugutom siguro siya," tanging tugon ko kay Laura. "Hindi ba siya kumain?" Parang batang paslit na kausap niya sa akin. Matamang tinitigan ko siya sa mukha at hinawi ko ang ilang hibla ng buhok niyang tumabing sa kaniyang pisngi. "Pinadede na siguro siya ni Mommy. Baka hinahanap ka lang ni Jela," nakangiti kong turan sa kaniya. Dahil sa ako ang kasama ni Laura no'n sa ospital at hindi ko rin naman alam ang impormasyon tungkol sa kaniya, binigyan ko ng pangalan ang bata mula sa pinagsama naming pangalan na dalawa. Apelyido ko rin ang ipinadala ko sa bata kahit pa nga hindi naman ako ang tunay niyang ama. "Hinahanap niya ako?" Bakas sa mukha niya ang kawalang-malay sa mga nangyari sa kaniya. Hindi ko maiwasang malungkot para sa kaniya. Minsan nga ay nasabi ko pang, sana ako na lang ang una niyang nakilala. Pinaimbestigahan ko ang background ni Laura at nalaman kong hindi siya tunay na anak nang kinikilala niyang ama. Hindi rin siya totoong pinakasalan ni Zoren kagaya ng kaniyang akala. Nang malaman ko iyon ay 'di ko maitatangging may bahagi ng aking pagkatao ang natuwa ngunit mayroon din lungkot akong nadama para kay Laura dahil sa pinagmukha siyang tanga ni Zoren. Nagtagis ang mga bagang ko nang maalala ang natuklasan tungkol sa dalaga. "Tara, puntahan natin si baby kay Mommy," yakag sa akin ni Laura. Hinila niya ang kanang kamay ko at saka nagsimula siyang humakbang na sinundan ko naman. Malamlam ang mga matang pinagmasdan ko ang mga kamay naming magkadaop. Masaya ako sa tuwing ginagawa niya ito ngunit naroon pa rin ang takot sa aking dibdib na baka isang araw ay makalimutan niya rin ako sa pagbalik ng kaniyang kaisipan. "Mommy, umiiyak pa rin ba si baby?" Napangiti ako nang marinig ang malambing niyang tanong sa aking ina. Para talaga siyang anak kung umasta sa aking ina at ganoon din naman ang ina ko sa kaniya. Kung tutuusin ay pabor na pabor sa akin ang sitwasyon. Bukod sa tanggap siya ng pamilya ko ay maaari ko rin gawin ang anumang naisin kay Laura. Hindi ko lamang iyon ginawa sa kaniya sapagkat ayokong pagsamantalahan ang kahinaan niya. "Hindi na siya umiiyak, Laura," malamyos ang tinig na sagot ni Mommy. Inalalayan kong makaupo si Laura sa katapat na upuan ng aking ina. "Gusto mo ba siyang kargahin, Laura?" tanong pa ni Mommy sa kaniya. "Ayoko!" mabilis na tanggi ni Laura. "Baka mahulog ko po siya." Sabay kaming napangiti ni Mommy sa tinuran ni Laura. Tiningnan ako ni Mommy at saka buong pagmamahal na sinabi. "Laura, mahal na mahal ka ng anak mo. Kahit hindi mo siya maalala sa ngayon, naaalala ka ng puso niya. Ramdam niya kung kailan ka narito sa tabi niya, kaya tumatahan siya sa pag-iyak." Nakita ko ang pagpatak ng mga luha mula sa mga mata ng aking ina. "Mom..." Ikinampay ni Mommy ang kamay niya sa akin upang ipabatid na ayos lang siya. "Bakit ka po umiiyak?" tanong ni Laura sa aking ina. "Naiiyak ako para sa iyo, Laura," malumanay na sagot naman ni Mommy. "Bakit po?" tila batang paslit na tanong muli ni Laura. Tumayo si Mommy mula sa pagkakaupo saka humakbang siya palapit sa amin ni Laura. Lumuhod si Mommy sa harapan ni Laura at saka matamang tumitig sa mga mata ng huli. "Huwag mo sanang hayaan na manatiling nakalugmok ka sa kadiliman. Alalahanin mo ang sanggol na iniluwal mo, Laura. Alam kong 'di madaling makalimot sa sakit, pero ito ang gawin mo sanang dahilan upang mas lalo kang tumibay." Masuyong humaplos ang isang palad ni Mommy sa pisngi ni Laura. "Hindi po kita maunawaan," nalilitong turan ni Laura. Ngumiti si Mommy kay Laura saka iniabot sa kaniya si Jela na agad niya namang sinalo. "Ang isip mo lang ang nakalimot, pero ang puso mo ay nananatiling ina sa iyong anak," makahulugang wika ni Mommy. Naniniwala si Mommy na naaalala ng puso ni Laura ang anak niya at tanging ang isipan lamang nito ang nakalimot sa ngayon. Bilib lang din kami ni Mommy sa kaniya dahil hindi pa namin siya nakitang sinaktan si Jela kahit na simpleng kurot sa pisngi. Nakaalalay pa rin si Mommy kay Jela at baka nga mabagsak siya ni Laura gaya ng madalas nitong sabihin. Ang sabi sa akin ng doktor noon ay pansamantala lang ang pagkawala ng memorya ni Laura at hindi nga lang din tiyak kung hanggang kailan ang pansamantala na iyon. Sa loob ng dalawang buwan ay hindi namin siya kinakitaan ng kakaibang ugali maliban sa animo ay isa siyang batang paslit na maraming tanong na kailangan din ng maraming sagot. "Hala, gumalaw siya!" malakas na bulalas ni Laura. Maagap na sinalo ni Mommy si Jela mula sa mga bisig ni Laura. Lumapit ako sa ina upang alalayan siyang makatayo mula sa pagluhod niya sa harapan ni Laura. "Thank you, Mom..." madamdaming wika ko sa ina. "Para saan?" nakangiti niyang tanong sa akin. "Para sa pagtanggap mo po sa kanila," pabulong kong sabi sa ina. "Lahat ng mahalaga sa anak ko ay mahalaga rin sa akin," makahulugang tugon niya sa akin. "Mom..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD