"Tama na!!!" Malakas na sigaw ni Laura ang nagpabalikwas sa akin ng bangon.
Dali-dali akong tumakbo sa katabing silid kung saan siya natutulog.
Naabutan ko siyang nakaupo sa may kama habang yakap ang kaniyang mga tuhod at nanginginig siya sa takot.
"Laura..." usal ko sa kaniyang pangalan.
"Tulungan mo ako!" humahagulgol niyang sambit.
Parang pinilipit ang puso ko sa nasaksihang pag-agos ng mga luha niya sa kaniyang pisngi.
Malalaki ang mga hakbang kong lumapit sa kaniya at saka niyakap ko siya ng mahigpit.
"Sshh... Tahan na!" pagpapakalma ko sa kaniya.
"Sinasaktan nila ako," animo ay isa siyang batang paslit na nakalabing nagsusumbong sa akin.
Nagtagis ang mga bagang ko nang marinig ang masakit niyang kwento.
"Tulungan mo ako..." patuloy sa paghagulgol niyang sambit.
"Tutulungan kita!" ani ko sa kaniya.
"Ilayo mo ako sa kanila. Mga salbahe sila!" Muling lumakas ang kaniyang pag-iyak at saka nagsumiksik siya sa aking dibdib.
"Laura..." malungkot kong usal.
Nahihirapan din akong makita siya sa ganitong sitwasyon. Halos ilang gabi na rin siyang ganito na tila binabalisa ng kaniyang nakaraan.
Nabigla ako nang malakas niya akong itulak palayo sa kaniya at saka bigla na lamang siyang nagsisisigaw na animo ay nasisiraan ng bait.
Walang sinumang tao mula sa labas ang nag-abalang pumasok dito sa loob ng silid ni Laura sapagkat soundproof ang bawat silid na mayroon sa aming bahay. Kaya walang sinuman ang makaririnig sa kaniya.
"Laura!" agaw pansin ko sa kaniya.
Nanlilisik ang mga mata niyang tumitig sa akin at para bang gusto na niya akong kainin ng buo.
"Huminahon ka, Laura!" turan ko sa kaniya.
Sinubukan kong lumapit sa kaniya upang aluin siya ngunit umiwas siya sa akin. Tumalon siya mula sa ibabaw ng kama at saka tumakbo patungo sa may pintuan ng terasa.
Akmang bubuksan na niya ang pinto nang mabilis ko siyang pigilan sa braso.
"Lumayo ka sa akin!" nagwawalang hiyaw niya.
"Huminahon ka, Laura!" Pilit ko siyang pinipigilan sa pamamagitan nang pagyakap sa kaniyang katawan ngunit nagpumiglas siya sa akin.
"Lumayo ka! Masamang tao ka rin tulad nila!" patuloy niyang hiyaw sa akin.
Nalungkot ako sa narinig at the same time ay nakadama ako ng habag para sa kaniya.
Mahigpit ko siyang niyakap upang pigilin ang kaniyang pagpupumiglas.
"Si Jerson 'to Laura. Ako ang taong hiningian mo ng tulong noon. Ako rin ang taong handang promotekta sa iyo at sa inyong dalawa ni Jela."
Huminto siya sa pagpupumiglas at iglap lang ay naramdaman ko na ang pagyakap ng mga braso niya sa aking baywang.
"Jerson..." nabasa ng mga luha niya ang aking dibdib.
"Sshh... Tahan na! Huwag ka nang umiyak, Laura." Masuyong hinagod ko ang kaniyang likuran.
"Gusto nila akong saktan," sisinok-sinok niyang wika.
"Hindi ka na nila masasaktan pa." Nagtagis ang mga bagang ko at tila gusto kong sapakin si Zoren ng mga sandaling iyon upang maipaghiganti man lang si Laura.
"Sinasaktan nila ako, itinatratong parang basura at ipinagtatabuyang animo ay isang hayop."
Ang tahimik niyang pagluha sa aking dibdib ay tuluyang nauwi sa malakas na paghagulgol ng iyak.
"Magpagaling ka, Laura!" Hinagod ko ang likuran niya upang kalmahin ang kaniyang kalooban.
"Magpagaling ka para sa amin ni Jela," may pagsusumamong pakiusap ko pa sa kaniya.
"Wala akong sakit!" mariin niyang hayag.
"Magpagaling ka at tutulungan kitang makaganti."
Huminto siya sa pag-iyak at dahan-dahan siyang kumalas mula sa pagkakayakap ko sa kaniya.
"Tutulungan mo ako?" naninigurong tanong niya sa akin.
"Oo, tutulungan kita!" sagot ko sa kaniya saka matamang tumitig ako sa kaniyang mga mata. "Tutulungan kitang makaganti."
"At bakit mo gagawin iyon?" tanong pa niya sa akin.
"Ayokong nakikita kang umiiyak, Laura!" madamdamin kong turan sa kaniya.
Tahimik na tinitigan ako nito ng ilang sandali at kapagkuwan ay nagbalik siya sa kamang kinahihigdaan niya.
Sa pagmamasid ko sa kaniyang mga ikinikilos, hindi ko mabatid kung ano ang nasa saloobin ni Laura.
Gustuhin ko man palitan ang pangit na alaala mula sa mapait niyang nakaraan, 'di ko mapagtagumpayang maisagawa sapagkat patuloy lamang siyang ginugulo niyon.
Ni hindi ko nga alam kung nagbalik na ba ang kaniyang alaala dahil sa ilang gabi na rin siyang ganito.
Ang tanging sabi lamang ng kaniyang doktor ay normal lang ang nararanasan na iyon ni Laura dulot nang pansamantalang pagkawala ng kaniyang memorya.
"M-masamang tao ba ako?" gumagaralgal ang boses niyang tanong sa akin.
"Hindi, Laura! Hindi!" Humakbang ako palapit sa kaniya.
"Bakit nila ako gustong saktan?" malungkot pa niyang tanong.
Tila kinurot ang puso ko sa nakitang pagbalong ng mga luha sa kaniyang mga mata.
Umupo ako sa tabi niya sa kama at inakbayan ko siya upang kabigin palapit sa aking katawan.
"Hindi ka masamang tao, Laura." Humugot pa muna ako ng malalim na buntonghininga bago nagpatuloy sa pananalita. "Sila ang masama dahil sinasamantala nila ang kahinaan mo."
"Galit ako sa kanila!" parang batang wika niya sa akin.
"Hayaan mo lang lumabas ang galit mo, Laura. Makatutulong iyan sa iyong mabilis na paggaling," saad ko sa kaniya.
Sumandal siya sa dibdib ko kasabay nang pagpulupot ng mga braso niya sa aking baywang.
"Dito ka lang, Jerson!" pakiusap niya sa akin.
"Mananatili ako sa tabi mo, Laura," tugon ko naman sa kaniya.
"Huwag mo akong iwan ha?" may pagsusumamo pang wika niya.
"Hindi kita iiwan! Pangako!" Ngumiti ako sa kaniya upang ipabatid ang sinseridad sa aking sinabi.
"Salamat, Jerson... Salamat!"
Nagsumiksik siya ng husto sa dibdib ko at lalo niyang hinigpitan ang pagyakap sa aking baywang.
Masuyong sinuklay ko ang kaniyang buhok gamit ng aking mga daliri sa kamay at saka pinaulanan ko iyon ng maliliit na halik.
Malalalim na buntonghininga ang aking pinakawalan dahil sa hindi ko maipaliwanag na emosyong lumulukob sa aking kalooban.
Naramdaman ko ang mabining paghinga ni Laura tanda na nakatulog na siya.
"Hindi ko hahayaan na muli ka pa nilang saktan," madamdamin kong sambit.
Pinagmasdan ko ang inosenteng mukha ni Laura na kababakasan pa rin ng pait kahit hanggang sa kaniyang pagtulog.
Tumaas ang palad ko patungo sa kaniyang pisngi at saka masuyong humaplos doon.
Gumalaw siya kasabay ng kaniyang mahinang pag-ungol.
"Sasamahan kitang bumawi sa lahat ng mga ginawa nila sa iyo. Hindi ko hahayaan na bigyan sila ng karapatan na muli ka pang saktan," nagngangalit kong usal habang patuloy sa paghaplos ang palad ko sa kaniyang makinis na pisngi.