Chapter 15

1089 Words
May kung anong emosyon akong nadarama sa tuwing tinitingnan ko si Mommy Annalyn na karga ang baby na si Jela. Hindi ko alam kung bakit tila gusto ko rin kargahin sana si Baby Jela ngunit nauunahan ako ng takot. Kaya imbes na kargahin ko si Baby Jela ay nakuntento na lang ako sa pagtanaw sa mga taong kakarga sa kaniya. "I'm home!" Masayang ibinaling ko ang paningin kay Jerson na naglalakad palapit kay Mommy Annalyn. Sa tuwing nakikita ko si Jerson ay nakadarama ako ng kapayapaan sa aking puso. Pakiramdam ko ay ligtas ako sa anumang uri ng panganib sa tuwing kasama ko siya. Nakangiting lumapit sa 'kin si Jerson at saka dinampian niya ako ng halik sa noo. "Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong niya sa akin. "Mabuti!" masayang tugon ko sa kaniya. "Anak, pakibuhat mo nga muna si Jela at titimplahan ko na muna siya ng gatas," pakisuyo ni Mommy Annalyn kay Jerson. "Alright, Ma! Come here, Baby Jela!" Lumapit si Jerson Kay Mommy Annalyn at masuyong kinuha si Baby Jela mula sa mga bisig nito. Muling lumapit sa akin si Jerson kasama ang kalong-kalong sa kaniyang mga bisig na si Baby Jela. "Hello, little princess!" nakangiting sambit ni Jerson habang masuyong nilalaro ng daliri niya ang pisngi ni Jela. May kung anong emosyon akong nadama sa aking dibdib at tila kinukurot ang puso ko sa nakikitang eksena. Tumayo ako upang dukwangin si Baby Jela at ganoon na lamang ang paglandas ng mga luha sa aking pisngi na 'di ko malaman kung ano ang dahilan. "Ang ganda niya!" sumisigok kong sabi. "Hey! Bakit ka umiiyak?" tanong naman sa akin ni Jerson. Nagpatuloy lamang akong titigan ang maamong mukha ni Baby Jela at tila nahihipnotismo akong halikan iyon. "Maaari ko ba siyang halikan?" naluluhang tanong ko kay Jerson. "Oo naman!" pabulalas niyang sagot sa akin. "Anak mo si Baby Jela kaya tiyak na matutuwa siya kung hahalikan mo ang kaniyang pisngi," dagdag pang sabi ni Jerson saka iniangat niya palapit sa mukha ko si Baby Jela. "Anak?" kunot-noong tanong ko sa kaniya. "Oo, Laura. Anak mo si Baby Jela," nakangiting wika ni Jerson. "Pero bakit hindi ko maalala?" malungkot kong tanong sa kaniya. Malungkot na sinalubong ni Jerson ang mga mata ko at saka taimtim na sinabi, "Hindi man maalala ng iyong isipan, alam kong naaalala ng puso mo na anak mo si Baby Jela. Dama ko ang sayang nadarama mo, Laura." Ang tahimik na pagluha ay tuluyang humulagpos kaya naman nauwi sa mahinang paghikbi. "Bakit hindi ko maalala?" nalilitong tanong ko kay Jerson at saka ibinaling ang tingin ko sa mukha ni Baby Jela. Inilapat ko ang daliri sa kaniyang pisngi at kakaibang saya ang aking nadama nang masilayan ang pagngiti ng labi ni Baby Jela. "Ngumiti siya Laura, alam niyang ikaw ang humaplos sa kaniya," masayang bulalas ni Jerson. Tila may malamig na palad ang bigla na lamang humaplos sa aking puso at kakaibang kasabikan ang nadama ko ng mga sandaling iyon. "M-maaari ko ba siyang hawakan?" pakiusap ko kay Jerson. "Maaari mo siyang yakapin at hagkan," nakangiting tugon sa'kin ni Jerson. Sabik na dinampian ko ng halik sa kaniyang noo si Baby Jela. "Baby Jela..." Patuloy ang pagdaloy ng mga luha sa aking pisngi. "Buhatin mo siya, Laura," ani sa'kin ni Jerson. "Baka malaglag ko siya?" natatakot kong sambit. "Aalalayan ko kayong dalawa," nakangiting tugon sa akin ni Jerson. Tumango ako bilang pagsang-ayon sa kaniyang sinabi. Marahan niyang iniabot sa akin si Baby Jela at saka inalalayan niya kaming dalawa. Tuwang-tuwa akong pagmasdan ang maamong mukha ni Baby Jela lalo na ang pagngiti ng kaniyang labi. "Napakaganda niya!" "Kagaya ng kaniyang ina." Ibinaling ko ang aking tingin kay Jerson kung kaya nagsalubong ang aming mga mata. "Ikaw ba ang kaniyang ama?" Hindi ko alam kung dinadaya lamang ako ng mga mata ko sa nakitang pagdaan ng lumbay sa kaniyang mga mata. Umangat ang isang palad ni Jerson patungo sa aking pisngi at masuyong humaplos iyon doon. "Mahal ko kayong dalawa ni Jela..." Kakaibang init ang dulot ng kaniyang mga salita sa'kin at tila tumatagos ang mga iyon sa aking puso. Ngumiti ako sa kaniya at saka muling ibinaling ko ang paningin ko kay Baby Jela. "Mapalad kami ni Baby Jela dahil ikaw ang bumubuo sa pamilya natin." Kinabig niya ako payakap sa kaniyang dibdib. "Bubuo tayo ng mapagmahal na pamilya," bulong niya sa akin. Nakadama ako ng kapayapaan sa kaniyang pagyakap kaya ipinikit ko ang mga mata ko. May isang imahe ng lalaki akong nakita sa aking balintataw kung saan nakangisi siya habang hawak si Baby Jela. Nanginig ang katawan ko sa takot at bigla na lamang bumuway ang pagkakatayo ng mga binti ko. Maagap akong nasalo ni Jerson pati na rin si Baby Jela. "Laura!" malakas na bulalas ni Jerson. "Ano'ng nangyari sa kaniya?" tanong ni Mommy Annalyn. "I don't know! Mommy, pakikuha mo po muna si Baby Jela," natatarantang pakiusap ni Jerson sa kaniyang ina. "Oo, sige!" Mabilis na lumapit si Mommy Annalyn upang kuhanin mula sa mga kamay ko si Baby Jela. "Huwag mo pong kunin sa akin si Baby Jela," umiiyak na pakiusap ko kay Mommy Annalyn. "Hindi ko siya ilalayo sa iyo. Kailangan ka lang alalayan muna ni Jerson," sagot naman sa 'kin nito. "Halika, Anak! Iupo muna natin si Laura sa sofa," ani pa ni Mommy Annalyn kay Jerson. Pinangko ako ni Jerson patungo sa may sofa at doon ay ipinahiga niya ako. "Masama bang pakiramdam mo?" nag-aalalang tanong sa'kin ni Jerson. Umiling-iling ako bilang pagtugon sa kaniya. "W-walang masakit sa akin." "Ngunit naramdaman ko ang panginginig ng iyong katawan," turan pa niya sa akin. 'Di ko na napigilan pa ang muling pag-agos ng mga luha sa aking pisngi. "May nakita akong lalaki... K-kinuha niya sa akin si Baby Jela at gusto niyang ilayo ang anak natin," humahagulgol kong kwento. Narinig ko ang pagsinghap ni Mommy Annalyn at 'di rin nakaligtas sa aking paningin ang pagpatak ng kaniyang mga luha sa pisngi. "Hindi niya makukuha sa atin si Baby Jela!" mariing turan ni Jerson kasabay nang pagtatagis ng kaniyang mga bagang. "Natatakot ako... Natatakot ako, Jerson!" patuloy sa pag-iyak kong sambit. "Kalmahin mo ang iyong sarili, Laura. Walang sinuman ang maaaring kumuha sa inyo rito ni Baby Jela," sabad naman ni Mommy Annalyn. "Natatakot po ako, Mommy..." malungkot kong tugon sa kay Mommy Annalyn. Bumangon ako mula sa pagkakahiga sa sofa at akmang tatayo na sana ako ng bigla na lamang nagdilim ang lahat sa paligid ko. "Laura!!!" Narinig ko ang malakas na pagsigaw ni Jerson sa aking pangalan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD