Santos, Shakira Shane M.
"Naaayy!!!! Engineer na 'ko!!!! Naaayy!!!"
Mga katagang umalingawngaw sa loob ng aming bahay sa isang tahimik na gabi.
"Ha?! Anong-- paano? Hay nako! Patingin nga!" Hindi makapaniwalang sigaw ni Nanay habang abalang nagluluto sa kusina.
"Hoy! Shakira Shane! 'Wag ka ngang maingay! Gumagawa ng lesson plan 'yong tao, o!" Rinig kong sigaw ni ate Faye mula sa kwarto niya.
"Nay! Tay! Ate!" Isa-isa ko silang tinawag upang sabihing, "Engineer na 'ko!" Sigaw ko habang nagtatatalon papuntang kusina. Naabutan ko roon si Nanay na nagluluto ng ginisang ampalaya.
"Ano?! Patingin nga 'nak! 'Yan ba 'yong sa board exam?" Tanong sa akin ni nanay pagkatapos isara iyong tangke ng gas.
Bumaba rin si ate at tatay papunta sa kusina para alamin kung anong nangyayari. "Ano 'yan?" Tanong ni ate Faye.
"Naka-pasa ako sa board exam! Engineer na 'ko!" Ngiting-ngiting sigaw ko habang tumatalon-talon.
Lumapit silang lahat sa cellphone ko na ngayo'y hawak-hawak na ni nanay.
"Engineer na 'ko! Engineer Santos! Engineer Shakira Shane Santos!" Taas noo kong pagbanggit sa pangalan ko.
"Totoo ba 'to? Engineer-- Engineer ka na 'nak." Hindi makapaniwalang sabi ni nanay at animo'y naluluha na.
Lumingon ako kay nanay at napamewang. "Ay, hindi nay! Gawa-gawa ko lang 'yan, opo. Pampalubag-loob ko lang po 'yan." Sarkastiko kong sabi na ikinatawa nila.
"Sa wakas!" Sabi ni ate, "nakatapos ka na, tol. Makakapag-ipon na 'ko para sa pang law school ko!"
"Ako na magpapa-aral sa 'yo!" Lumapit ako at saka siya niyakap. "'Di joke lang. Tutulungan kita d'yan. Don't cha worrey."
"Tapos na ang paghihirap ni nanay at tatay." Sabi ni ate na ikinatawa naming apat.
"O tamang-tama, kumain na rin tayo total nandito na rin tayong lahat." Pang-aaya ni nanay sa amin.
Tinulungan ko nang mag-handa sa hapag si nanay samantalang si ate Faye ay bumalik sa kaniyang kwarto upang iligpit saglit iyong mga ginagawa niya. Si tatay naman ay nauna ng umupo, patuloy pa ring nag-iisip siguro na tapos na ang mga paghihirap niya para sa amin.
Kumain na rin kaming apat 'di kalaunan at pagkatapos no'n ay ako na ang nag-hugas ng mga pinggan at ako na rin ang nag-patay no'ng mga ilaw at nag-sarado ng mga bintana at pintuan.
Pagkatapos 'kong gawin ang mga iyon ay dumiretso na ako sa kwarto upang mag-pahinga. Grabe! Parang dati lang nakiki-contest pa ko no'n sa math contest no'ng elementary! Tapos ngayon... akalain mong engineer na ako! Ang saya ko. Naiisip ko na rin na baka sa makalawa ay papasok na ako sa isang kompanya para mag-trabaho. Pupunta sa naka-assign sa akin na site tapos doon ko na gagawin 'yong mga pinag-aralan ko. Wala, ang saya lang.
Nag-imagine muna ako nang kaunti kung anu-ano bang mangyayari sa akin ngayong engineer na ako bago ako natulog.
Kinabukasan ay maaga akong bumangon dahil na rin sa magandang balita na natanggap ko kagabi. Ako na rin ang nag-luto, nag-linis ng bahay hanggang sa labas, ako na rin ang nag-dilig no'ng mga halaman at maaga ko na ring binuksan iyong sari-sari store namin at computer shop.
"Naks! Ngiting hanggang pwet, ha?" Pang-aasar sa akin ni ate habang pababa nang hagdan. Naka-uniporme na ito nang pang-teacher at naka-ayos na rin dala-dala iyong mga gamit niya.
"Mas ayos na 'yon kesa naman sa 'yong ngiting mukhang pwet." Pang-iirap ko sa kaniya. Nauna na akong kumain dahil nagutom ako sa mga pinag-gagawa ko kanina.
"K. Sabi mo, e." Umupo siya sa kabilang side ng mesa na ngayo'y kaharap ko na. "Kailan ka mag-apply?" Tanong niya habang kumakain no'ng nag-iisang sunny side-up na itlog since ayaw niya sa scrambled.
"Sa miyerkules, bhe. Gagawa pa 'ko nang resume ko." Sagot ko.
Tumango na lang siya pagkatapos no'n at hindi na sumagot. Natapos na rin kaming kumain pagkatapos ng ilang minuto. Hinugasan ko muna iyong mga ginamit namin at kinuha iyong laptop ko para gumawa ng resume sa sari-sari store.
Late na ring bumangon sina nanay at tatay kaya hinayaan ko na lang sila.
Buong araw akong gumawa ng resume ko dahil baka mali-mali 'yong mga nailagay ko. Siyempre gusto ko namang makahanap agad ng trabaho 'no. Gusto ko na ring maka-tulong.
Kinabukasan ay maaga ulit akong nagising dahil this is it! Hahanap na ako ng trabaho! Bago ako umalis ay nag-paalam muna ako kila nanay at tatay at saka ko na tinawagan si Kyla, college friend ko. Anak siya kasi no'ng may ari no'ng pag-a-apply-an ko na kompanya. O 'di ba? Heiress! Yaman!
Pumunta na ako sa coffee shop na pag-kikitaan namin. Naka-formal attire ako ngayon pero 'di kinakaya ng katawan ko kasi sobrang init!
"Shane, dito!" Pag-tawag sa akin ni Kyla. Naka-turtle neck ito na sleeveless at naka-jeans habang umiinom no'ng kapeng inorder niya.
"Oh. Buti may oras ka, Miss Sandoval." Pang-aasar ko sa kaniya na ikinatawa na lang niya.
"Gaga. Buti nga na-ipasa ko 'yong board exam, e. Kung hindi babagsak 'yang kompanya nang mga magulang ko 'pag nag-kataong ako na hahawak d'yan." Sabi niya saka umirap.
Natawa na lang ako sa hitsura niya. Ayaw niya naman kasi 'yong pinili niyang course, e. Napilitan lang siya dahil sa mga magulang niya. More on modeling siya. At sa suot nga niya at compared sa suot ko ay nag-mukha tuloy akong secretary niya ngayon.
Nag-kwentuhan muna kami ng isang oras doon bago kami pumunta sa company nila.
Sa totoo lang kanina pa ako kinakabahan. Ngayon mas lalo dahil doon sa kape. Ba't ba kasi coffee shop pa nag-aya 'tong si Kyla? Edi ngayon halos mag-yelo na buong katawan ko dahil sa kaba.
"Lika dali!" Pag-tawag sa akin ni Kyla. "'Wag kang kabahan, ako bahala sa 'yo." Pampapa-lubag loob nito sa akin.
Pumasok na kami ngayon sa may engineering department nitong kumpanya. Grabe, oo! Lahat mukhang numero!
Pumasok kami sa isang office at doon ko na ibinigay iyong resume ko at sinimulan na akong interview-hin.
'Di naman ako nahirapang sagutin iyong mga tanong no'ng nag-interview sa akin since na-practice ko na 'yong sagot doon sa ilang tanong niya. Nag-search pa ako sa google. Mabait naman siya. O dahil lang siguro nandito si Kyla. Total kilala naman nila 'to.
"Okay, Miss Santos. We'll just inform you within 24 to 48 hours or it may take a few days about your interview. Is that okay?" Tanong sa akin ni interview girl.
"Yes, mi--"
"Ay bakit mag-aantay pa? Sinabi ko na naman siya kay mama at papa, ah?" Sabat ni Kyla. "Tsaka consistent dean's lister 'to, Miss."
"Hoy! Gaga! Interview 'to beh. Tsaka ano ka ba, hayaan mo na!" Pamimigil ko sa kaniya. Nilingon ko iyong nag-interview sa akin, "sorry miss, 'wag niyo na lang pong pansinin, kahit na anak 'to ng may ari i-report niyo po sa mga magulang niya," sabi ko. "Thank you po, ah? Pakitawagan na lang po if ever... you know." Nag-call sign pa ako sa kaniya. "Thank you po." Sabi ko kay ateng taga-interview at saka hinila si Kyla palabas.
"Gaga ka. Ba't mo 'ko pinigilan?" Bumitaw na sa pagkakahawak ko si Kyla. Naglalakad na kami ngayon papuntang cafeteria nitong company.
"Gaga ka rin. Mamaya mas lalong hindi ako tanggapin, e. Isusumbong talaga kita sa mga magulang mo." Habang naglalakad kami ay bumati muna 'tong si Kyla sa isang lalaki.
"Hi sir Ian!" Kaway niya sa naka-salubong naming lalaki. May itsura siya at matangkad, siguro nasa 5'10 o ano. Okay, crush ko na siya.
"Hello miss Sandoval." Balik na bati nito kay Kyla. Ay ano 'to? Invisible ako gano'n? Ayos rin 'to, e. Bulag. Wala na! Hindi ko na siya crush! Hmph!
"'Wag ka pang mag-girlfriend, ah? Antayin mo 'ko. Kaunti na lang." Sabi ni Kyla. 'Di ko alam kung nagbibiro lang ba 'to o seryoso talaga. Kasi usual lang 'yong expression niya, e.
Natawa ito sa sinabi ni Kyla. "Sige ba." Napatingin siya sa akin pagkatapos niyang magsalita.
"Ah... Shane si Mr. Soriano. Mr. Soriano si Shane. Nag-a-apply siya. Engineer 'to Sir Ian. Baka bet mo. Magkakaintindihan naman kayo siguro since architect at engineer." Pang-aasar niya saka kumindat sa akin.
"Gaga." Nilingon ko si Ian pogi at nagsalita. "Sige sir. Una na po kami. Nice to meet you po." Pagpapa-alam ko sa kaniya.
Ngumiti ito sa akin at saka nagsalita. "Nice to meet you too, Miss Santos."
______