Chapter 2

1017 Words
            "Lance! Lance!" Makailang-ulit nang pinaghahampas ng ilang kalalakihan sa labas ng munting apartment kung saan natutulog si Lance. Alas sais pa lang ng umaga noong mga oras na iyon ay halos bulabugin na ng tatlong lalaki ang ang mga tao sa apartment building ng unit na tinutuluyan ng binata.  Ilang saglit lang ay nagising na rin ang binata dahil sa ingay na naririnig.             Mumukat-mukat pa itong pilit iminulat ang mga mata at kamot-ulong bumangon sa kama. Wala siyang ideya kung sino ang mga nasa labas pero wala siyang nagawa kundi puntahan kung sino man ang mga iyon. "Ang aga-aga! Sino naman kaya ang mga iyon? Kitang natutulog pa ang tao, e."             Kamot ang kaniyang puwetan ay walang gana nitong tinungo ang pinto at pinagbuksan ang mga lalaking halos gibain na ang buong apartment. Nang buksan niya iyon a halos manlaki ang mga mata niya nang mamukhaan ang mga lalaking kanina pang nasa labas.             "Mabuti naman at pinagbuksan mo kami," maangas na wika ng isa sa mga lalaki na balbas sarado at mukhang bouncer sa bar ang pormahan.             "O, mga boss, kayo pala! Anong atin?" salubong na bati ni Lance sa mga ito at binigyan ng pekeng ngiti. Alam niya kasing hindi magiging maganda ang araw na iyon sa kaniya.             "Nagtanong ka pa. Pinapasabi ni Boss Bogart na kung hindi mo raw siya mababayaran ay malilintikan ka sa kaniya!" singhal nito.             Ang tatlong iyon kasi ay mga tauhan ni Boss Bogart na may-ari ng isang pasugalan sa Maynila na hiniraman niya ng pera noong nagipit siya. Balak naman niyang bayaran ang matandang iyon pero hindi talaga siya suwertehin ng pagkakataon. Diyes mil ang inutang niya sa matanda at dahil tumubo na iyon sa tagal ng panahong hindi siya nakakapagbayad ay halos buwan-buwan na siyang ginugulo ng mga lalaking iyon. Kung minsan pa nga, kahit gabi na, ay nagpupunta pa rin ang mga ito sa kaniyang apartment. Kaya ngayon ay kailangan na naman niyang umisip ng palusot dahil wala pa siyang sapat na pera para makapagbayad sa matandang iyon.             "Boss, ang aga-aga ang init ng ulo mo. Gusto mo pumasok muna kayo para makapagkape," alok nito sa kausap.             "Huwag mo akong daanin sa paganyan-ganyan mo. Kung hindi ka magbabayad ngayon ay sumama ka na lang sa amin at si boss ang kausapin mo," paliwanag ng lalaki sa kaniya.             Usapan kasi nila, kapag hindi siya magbabayad, ay magtatrabaho siya sa isa pang negosyo ng matanda — isang gay bar sa Tondo. Doon ay magsisilbi siya bilang isang macho dancer. Pero hindi kayang sikmurainn ni Lance ang ganoong klaseng trabaho kahit pa maganda ang katawan niya at may taglay na kaguwapuhan. Mahirap lang siya pero hindi niya kailanman pinangarap na lawayan ng isang matandang komadrona ang mala-Machete niyang katawan kaya kahit anong pilit ni Boss Bogart sa kaniya ay hinding-hindi siya papayag sa kagustuhan nito na magtrabaho sa gay bar bilang isang macho dancer.             "Sandali lang, mga boss. Magbibihis lang ako at sasama ako sa inyo," paalam niya sa tatlo.             "Siguraduhin mo lang na magbibihis ka, ha? Baka takasan mo lang kami?" salubong na kilay na wika ng isa pang lalaki. Duda ang mga ito na magbibihis nga lang talaga ang binata.             "Oo, boss. Sandali lang ito. Promise!" Tinaas niya ang kanang kamay na parang namamanata.             "Sige, hintayin ka namin dito," tugon naman ng isa.             Tumango lang siya at isinara ang pinto. Doon pa lang siya nakahinga nang maluwag nang mauto niya ang tatlo. Ang totoo kasi ay ayaw niya talaga niyang sumama sa mga ito dahil pihadong dadalhin siya ng mga iyon sa amo nila at mapipilitan siyang gawin ang gusto nito kapag nagkataon. Kaya naman nang magkaroon na siya ng pagkakataon na makatakas ay hindi na niya sinayang pa ang oras. Kaagad niyang sinuot ang puting T-shirt na nakasampay lamang sa harap ng kama at pantalon na suot niya kagabi. Sinilip niya muna sa maliit na butas ng pader ng kaniyang unit ang tatlong lalaki na matiyaga pa ring nahihintay.             "Kailangan kong makatakas sa mga gunggong," bulong niya sa sarili at tumingin sa bintana ng kaniyang kuwarto. Studio type lang ang inuupahan niya kung kaya't madali siyang makakaeskapo nang hindi nalalaman ng mga lalaking iyon.             Mabilis niyang tinungo ang nakabukas na bintana kung saan matatanaw ang luma at kinakalawang na bubong ng mga kapitbahay. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa't agad na lumiban doon at nakipagpatintero sa mga pako at yero.             Subalit sa pag-aakalang makakatakas na siya sa mga kamay ng tatlong lalaking tauhan ni Boss Bogart ay hindi sinasadyang maapakan nito ang yero na naging sanhi ng ingay para marinig ng tatlong lalaki. Saka lang niya napagtanto na makikita nga pala siya ng mga ito dahil open space ang labas ng kaniyang unit.             "Hoy! Saan ka pupunta? Tatakas ka, 'no?"               "Nakupo!" Hindi na niya nagawa pang lingunin muli ang mga ito dahil sigurado siyang hahabulin siya ng tatlong iyon. Kaya naman kumaripas siya ng takbo at nakipagpatintero sa mga pakong nakausli sa mga bubungan na maaapakan niya. Para siyang dagang hinahabol ng mga pusang nais siyang sagpangin sa bawat lundag na ginagawa niya sa mga kinakalawang na bakal at mga kahoy na nagsilbing pabigat sa mga bubong na kaniyang tinutungtungan.             Kailangan niyang makatakas bago pa siya mahuli. Kaya hindi niya ininda ang init ng mga yerong kaniyang tinatakbo para lang makalayo sa mga lalaking iyon. Panay ang sigaw ng mga ito na tumigil siya sa pagtakbo ngunit para siyang isang binging patuloy lang ang paghagibis sa mga bubong. Daig pa niya ang atletang sumali sa Olympics sa bilis ng kaniyang pagtakbo at taas ng pagtalon sa bawat bahay.             Ilang saglit lang ay napansin niyang wala na ang mga lalaking humahabol sa kaniya matapos ang ilang metrong layong narating. Marahil ay napagod na ang mga ito sa paghabol sa kaniya kung kaya't hindi na niya nasilayan pa ang mga ito sa kaniyang likuran. Nang masigurado ni Lance na wala na ang mga alipores ni Boss Bogart ay tumalon siya sa bubong ng bahay kung saan siya tumigil at pinagpag ang kaniyang mga kamay.             "Wala pala kayo, e," natatawang sambit ni Lance sa sarili at naglakad papalayo na parang walang nangyari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD