Hangang sa pagbalik ni Alex sa opisina ay dala pa rin niya ang ebidensyang maaring makapagbunyag sa itinitago niyang sekreto. Ang sekreto na maaring sa isang iglap ay hindi niya magawang ipagtanggol ang sarili niya sa oras na malaman ng iba, hanggang sa paglalakad niya sa pagpasok ng gusali ay ramdam niya ang kaba dahil sa oras na malaman ng ibang empleyado kung ano ang dala niya ay maaari niya itong ikapahamak kaya pilit niya itong itinatago sa likod at mahigpit na hinahawakan, nakapaloob ito sa isang envelope at nakatali, panay ang tingin niya sa mga taong nasa paligid niya habang hawak ang bagay na ‘yon. Hanggang sa pagsakay niya sa elevator ay naninigas nitong hinawakan ang envelope gamit ang dalawa niyang kamay. Pinagpapawisan man sa takot ay pinilit niyang kumilos ng normal at hindi nagpahalata sa mga taong kasama niya sa loob ng elevator. Hanggang sa makarating na siya sa silid kung saan naroroon ang desk niya. Tulad ni Samantha halos ay ilang buwan na din siyang nagtatrabaho sa gusaling ‘yon. May magandang oportunidad naman na inialok sa kanya noon sa ibang bansa upang magtrabaho ngunit mas pinili niyang magtrabaho sa advertising companykung saan sila nagtatrabaho ni Samantha dahil sa may sarili itong dahilan, at kung ano ‘yon ay walang nakakaalam. Kahit alam niyang magiging mas maganda ang oportunidad niya sa ibang bansa ay mas pinili pa rin niya ang trabaho niya bilang web designer sa pinapasukan niya.
Nang makarating na siya sa kanyang desk ay inilapag niya ang envelope sa kanyang desk, itinuon niya ang kanyang sarili sa ebidensyang nasa mesa niya.
“Walang dapat makaalam nito, ipinapangako ko na walang makakaalam nito…” bulong ni Alex sa sarili habang tinititigan ang envelope na nasa harap niya. Ngunit hindi niya alam ay papalapit si Samantha sa kanyang desk upang ito ay usisain. Ganoon na lamang ang pagtataka ni Samantha nang makita ang binata na seryoso sa pagtitig sa isang bagay na nasa kanyang mesa. Naaninag niya ang nasa mesa ni Alex ay isang envelope ngunit hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang ang pagkatitig ng binata dito. Nilapitan niya ito ngunit hindi muna kinausap, nasa harapan na siya ng mesa ni Alex ngunit parang hindi niya ito napapansin. Malalim pa rin ang iniisip nito at hindi niya alintana ang presensya ng dalaga sa kanyang harapan kaya nagdesisyon na siyang kausapin ito.
“Saan ka galing?” usisa ng dalaga kay Alex na kasalukuyang nakatitig sa bagay na nasa harap niya at nang bigla itong nagsalita ay nagulat si Alex. Hindi ito naging normal sa paningin ni Samantha dahil sa pagkakaalam niya ay hindi naman magugulatin ang binata kahit ilang beses na niya itong gulatin nang pabiro.
“Diyan lang, nagpahangin…” pagtanggi ng binata at umiwas ng tingin kay Samantha, kasabay noo’y kinuha ni Alex ang tasa na nasa isang sulok lang ng kanyang mesa at inilapit ito sa thermos na nasa tabi lang ng kanyang mesa at akma sanang kukuha ng mainit na tubig si Alex ngunit bigla niya itong nabitawan dahil sa mga sumunod na nangyari.
“Ano ‘to?” tanong ni Samantha nang makita niya ang envelope sa mesa ni Alex ngunit kaagad itong natigilan nang marinig niyang may nabasag sa tabi niya at nakita niyang nabasag ang tasa na hawak ni Alex at nagmamadali namang kinuha ng binata ang envelope at itinago ito sa loob sa drawer ng kanyang mesa.
“Wala ito, kasama lang ‘yan sa pinapatrabaho sa akin ni boss…” muli nitong pagtanggi habang inilalagay ang bagay na pilit niyang itinatago sa drawer ng kanyang mesa. Kasabay noon ay ang paglilinis niya sa kanyang nabasag na tasa at pilit pa ring iniiwas ang tingin sa dalaga, pinagpapawisan na siya dahil sa pag-uusisa sa kanya ni Samantha kaya hindi siya halos makakilos ng normal lalo pa’t si Samantha ang muntik nang makaalam sa kanyang isinisekreto. Lalo siyang madidiin sa oras na malaman ni Samantha ang kanyang lihim. Hindi niya kayang lokohin ang dalaga ngunit ito lang ang tanging paraan upang hindi matakasan niya ang bangungot ng nakaraan. Alam niyang hindi magiging madali para kay Samantha ang lahat ngunit kailangan niya itong gawin upang mapagtakpan ang isang bangungot na nais na niyang takasan. Bangungot na hindi niya kakayanin ang panghuhusga ng ibang tao sa oras na malaman nila.
“Alex, okey ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Samantha sa binata dahil sa pagtataka na hindi normal na ikinikilos nito mula nang makabalik siya mula kanina. Hindi din maunawaan ni Samantha kung bakit parang napaka-confidential ng envelope na hawak niya kanina ganoong isa lang naman ito sa ipinapatrabaho ng kanilang boss kay Alex.
“Oo, okey lang ako.” tugon ni Alex sa dalaga na parang wala sa sarili dahil paikut-ikot ito sa kanyang mesa na parang may hinahanap sa kanyang paligid ngunit ang gusto lamang niya ay iiwas ang sarili sa pang-uusisa ni Samantha hanggang sa matabig nito ang baso na nilalagyan niya ng mga lapis at bolpen niya o kung anumang bagay na ginagamit sa kanyang trabaho. Tila natataranta niyang pinulot isa-isa ang mga nagkalat na lapis at bolpen sa sahig. Balak sanang tulungan ni Samantha ang binata ngunit hindi siya pumayag at siya na lamang ang pumulot ng lahat ng nagkalat sa sahig. Nagtatakang tiningnan lamang ni Samantha si Alex habang nakadapa nitong kinakapa at pinupulot ang mga bagay na nagkalat sa sahig. Iniisip ng dalaga kung anong mayroon sa binata at tila may itinatago ito sa kanya na at hindi niya gusto ang ugali nito dahil alam niyang hindi kayang magsinungaling ng kaibigan niyang si Alex sa kanya.
“Sigurado ka bang okey ka lang?” usisa muli ni Samantha nang matapos na si Alex ngunit hindi nito pinapansin ng binata dahil patuloy pa rin sa pag-aayos ng kanyang mesa kaya inulit muli nito ang tanong sa binata, “Alex, naririnig mo ba ako?!” at sa pagkakataong ‘yon ay pasigaw na niyang sinabi ‘yon sa binata hanggang sa ibinagsak ng binata ang kanyang kamay sa mesa at naging matalim ang tingin nito sa dalaga. Tila galit itong nakatitig sa kanya at handa ibulalas ang nararamdaman anumang oras, sa pagkakataong ‘yun ay may kung anong takot ang naramdaman ni Samantha sa mga mata ng binata at hindi nito magawang makagalaw dahil unti-unti nitong inilalapit ang sarili sa dalaga na kasalukuyan pa ring matalim ang tingin sa kanya na parang tigre.
“Diba sinabi ko nang okey ako? Bakit ba ang kulit mo?!” bulalas ng binata na akma sanang sasampalin si Samantha ngunit kaagad nitong isinangga ang kanyang kamay, bigla na lamang natauhan si Alex at hindi naituloy ang balak niyang p*******t sa dalaga. Nang mahimasmasan na ang binata ay agad naman itong naramdaman ng dalaga at mabilis siyang umatras sa kinatatayuan ng binata. Mabuti na lamang at silang dalawa lamang ang nasa loob ng silid na ‘yon kaya walang taong nakasaksi sa mga pangyayari. Takot na takot si Samantha sa ikinikilos ni Alex kaya hindi niya magawang magsalita ng kahit na ano, mangiyak-ngiyak itong kumilos papalayo sa binata.
“Sam, sorry! Sam!” sigaw nito ngunit parang binging lumayo ang dalaga sa kanya at hindi na niya ito napigilan dahil wala itong nakikitang kahit anong komosyon na babalik ito sa kanyang kinatatayuan. Napaupo si Alex sa kanyang upuan at napayuko na lamang sa kanyang mesa na sinisisi ang sarili sa nangyari. Kung nakontrol lamang sana niya ang kanyang sarili at kumilos ng normal ay hindi sana magkakaganoon ang mga sumunod na nangyari. Ngunit wala na, hindi na niya kaya pang harapin si Samantha dahil alam niyang takot ito at galit na galit na sa kanya. Hinampas nito nang hinampas ang mesa at nagsisigaw na parang hindi niya makontrol ang sarili. Pilit niyang inilalayo ang sarili sa masalimuot na nakaraan ngunit kaakibat nito ay ang paglayo sa kanya ng taong mahalaga para sa kanya. Dahil sa hindi magandang inasal niya kanina sa dalaga ay mas pinili nitong lumayo muna kay Samantha at hindi kausapin hanggang sa gumabi na at oras na para sila ay umuwi. Nagdadalawang isip man ay pilit nitong nilapitan ang dalaga at kinausap.
“Sam, tara na umuwi?” nahihiyang alok ni Alex sa dalaga ngunit wala itong imik na kinuha ang kanyang gamit at nagmamadaling tumayo. Hindi niya pinansin ang binata at tinitigan lamang siya nito habang siya’y papalayo, ngunit mabilis na tumigil ang dalaga at tumingin mula sa direksyon niya.
“Oh ano? Akala ko ba uuwi na tayo? Ano pang tinatanga-tanga mo diyan?” pagtataray ng dalaga nang tumigil ito sa kinatatayuan niya at tingnan si Alex. Napangiti na lamang ng palihim ang binata at umiling-iling na lamang ito habang nilalapitan ang dalaga.
“Mga babae nga naman…” bulong ni Alex na kahit mahina ay sapat na para marinig na may sinabi siya kaya napansin naman ‘ito ng dalaga. Mabilis namang tumigil ang si Samantha at tumaas ang isa nitong kilay sa kanya na parang gusto na namang magtaray.
“May sinasabi ka?” tanong ni Samantha na ani mo’y isang titser na mataray na handang pagalitan ang kanyang estudyante dahil sa kasalanan nitong nagawa. Pilit namang pinigilan ni Alex ang pagtawa dahil sa oras na mapatawa siya ay baka masampal siya nito nang wala sa oras at kapag nangyari ‘yon ay baka hindi siya makatulog dahil sa sakit na mararamdaman niya sa oras na lumapat sa mukha niya ang nagwawalang palad ng dalaga.
“Wala, sabi ko oras na para umuwi…”wika ng binata nakapamulsang naglakad patungong elevator at pilit na pinipigilan ang tawa nito. Nang makarating sila sa parking lot ng gusali ay hindi na nagawang pagbuksan ng binata ng pinto si Samantha dahil nagmamadali siyang pumasok sa loob ng sasakyan na siya lamang ang nagbukas nito para sa sarili niya at hindi na nagawang umangal sa ginawa ng dalaga. Sumakay na lamang ito sa drivers’ seat at sinimulang paandarin ang sasakyan papalabas ng parking lot.
Habang nasa biyahe ang dalawa ay walang imik si Samantha na kasalukuyang nakatingin sa labas ng bintana at tila ayaw makakarinig ng anumang ingay, naiilang ang dalawa sa isa’t isa dahil sa nangyari kanina. Ngunit hindi maatim ng konsyensya ni Alex ang nakakabinging katahimikan sa loob ng sarili nitong sasakyan kaya nagpatugtog na lamang siya ng isang napakasayang kanta ngunit hindi yata ito nagustuhan ng dalaga dahil kaagad pinatay ni Samantha ang radio na akala mo’y siya ang nagmamay-ari nito, walang nagawa si Alex kundi manahimik na lamang at itinuon ang sarili sa minamaneho nito. Hanggang sa isang salita ang bumasag sa nagyeyelong katahimikan.
“Sorry…”bulong ni Alex ngunit sapat na para marinig ito ni Samantha. Hindi niya alam ang gagawin at tila may kung anong insekto ang nagwala sa kanyang tiyan nang sinabi niya ang mga katagang ‘yon, kinagat niya ang kanyang mga labi at pinagdasal na wala sanang ingay o kahit anong sigaw siyang marinig sa dalaga at mukha namang dininig ang dasal niya dahil isang salita lamang ang nagpakalma sa kanya mula sa dalaga.
“Sorry din.” bawi nitong sagot sa binata at nakatingin lamang mula sa labas ng sasakyan ngunit lihim itong napangiti, siguro dahil alam niya sa sarili niyang hindi niya kayang tiisin ang binata kaya madalai niya itong napatawad sa ginawa kanina, inisip niya na baka nga pagod lang ‘to kaya nagawa ang bagay na ‘yon. Mas lalo niyang hindi kayang makita ang binata na magkaganoon kaya ninais na lamang nitong maging mabuti ang pakikitungo sa binata.
“Nandito na tayo…” wika ni Alex nang itigil nito ang sasakyan sa tapat ng bahay ni Samantha. Agad namang tumingin si Alex kay Samantha at ngumiti ito ng makahulugan ngunit ngiti na lang ang naging ganti ng dalaga sa kanya at bumaba na ito ng sasakyan. Kasabay ng pagsara ng pinto ay ang pagpapaalam niya kay Alex, kumaway ito at sa kanya bago nito pinaandar ang sasakyan.
Hindi pa man siya nakakalayo ay isang text message ang natanggap nito sa kanyang telepono. “Salamat sa paghatid batang nagtatantrums…”sabi sa mensaheng natanggap niya mula kay Samantha ngunit hindi na siya tumugon dito dahil kasalukuyan niyang pinapatakbo ang sasakyan, hindi niya namalayan na isang ngiti na pala ang gumuguhit sa kanyang mga labi. Hanggang sa pag-uwi niya sa bahay ay baon niya ang ngiting ‘yon at dahil sa kasayahang naramdaman niya ay napahiga na lamang siya hanggang sa maramdaman niya ang antok. Ngunit sa halip na magandang panaginip ang makita niya ay isang ala-ala ang nagpakita sa kanya nang siya ay makatulog. Isang bangungot na paulit-ulit na hindi nagpapatahimik sa kanya at gayon na lamang ang pagwawala nito sa kanyang pagkakahiga.
“Nakapatay ako!” paulit-ulit ang boses na ‘yon sa kanyang mga panaginip. Hindi na niya gustong makita pa ang nakaraan ngunit hindi sapat ang anumang gamot upang ito’y mawala sa kanyang panaginip. Hanggang sa napabalikwas siya sa pagkakatulog at naupo sa kama habang hawak ang ulo at pawis na pawis. Tinatanong niya sa sarili kung bakit kailangang magdusa siya sa nangyari.