Hindi mabigyang linaw ang mga nakakapangilabot na pangyayari sa loob ng gusali, hindi maitatangging ang bawat empleyado ay nagiging kabado sa mga ikinikilos nila sa tuwing papasok sila ng gusali, hindi nila maintindhan ang takot na nararamdaman sa tuwing papasok sila sa trabaho. Napansin naman ito nina Alex at Samantha dahil halos lahat ng mga nasa loob ng gusali ay iyon ang pinagkikwentuhan. May ilang mga empleyado na halos hindi na rin nakakapasok at pinili na lang din umalis sa kumpanya at maghanap na ng ibang trabaho dahil sa mga hindi maipaliwanag na dahilan, ang iba naman ay lakas loob lang sa mga ginagawa nila kahit alam nila ang mga usap-usapan dahil para sa kanila ay hindi ito kapani-paniwala. Dumating sa punto na halos mawalan na ng tao sa loob dahil hindi kinakaya ng ibang empleyado na pumasok sa trabaho dahil kapag nangyari ‘yon ay alam nilang sila ang susunod na makakaranas ng mga nakakapangilabot na pangyayari sa loob ng gusali.
“Hindi na normal ‘to…” bulong ni Samantha kay Alex habang tinitingnan ang paligid nila na halos walang katau-tao. Ang iba ay nagmamadali sa kanilang pag-uwi gayung wala pa naman sa oras ang uwian. Laking pagtataka ng dalawa sa nangyayari dahil hindi naman katulad ng dati ay halos umagahin ang ibang empleyado matapos lang ang kanilang ginagawa ngunit ngayon ay tila hindi nila inaalintana ang mga maaaring mangyari sa oras na mawalan sila ng trabaho, kung mapapansin mo ang loob ng bawat silid ng gusali ay makakakita ka ng tao ngunit may ilan lamang na gumagawa, ang ilan naman ay nag-iimpake ng kagamitan at nagpapaalam ng maaga ang uwi nila.
“Sa tingin ko kailangan na natin ng tulong ng mga pulis…” suhestiyon ni Alex, mas lalo na itong naging aktibo sa mga nangyayari dahil kahit hindi siya naniniwala at pilit pa ring inaalam kung totoo nga ba o hindi ang batang multo ay nagtatalo pa rin ang puso niya sa mga nangyayari sa paligid, laking pagtataka naman ni Samantha sa sinabi niya. Ito ang unang pagkakataon na nag-isip siya ng paraan upang masagot ang katanungan sa kanilang isipan, madaming nangyayaring kababalaghan sa paligid kaya hindi na rin ito makakayang tiisin pa ni Alex at kahit pilitin man niyang hindi maniwala ay wala siyang magawa kundi gumawa ng paraan para makita kung totoo nga ang mga haka-haka o ito’y isang imahinasyon lamang para sa kanya.
“Sa tingin mo masasagot ng mga pulis ang mga ganitong bagay?” tanong ni Samantha.
“Kailangan may makuha tayong ebidensya kung talagang may mga multo nga dito dahil kung hindi mas lalong masisira ang pangalan ng kumpanya at malulugi ito, gusto mo bang mawalan tayo ng trabaho Sam?” giit ni Alex na may determinasyon sa kanyang mga mukha, iniisip niyang walang maidudulot na maganda ang paniniwala ng ibang empleyado sa multo dahil hindi siya magpapadala sa takot. Naging matalim ang tingin sa kanya ni Samantha na parang hindi nito gusto ang mga salitang sinambit ng binata, tumatak sa isipan niya ang bawat salitang sinabi nito na nagpainit ng kanyang dugo. Dahil para sa kanya ay para na rin sinabi ni Alex na kabaliwan lang ang paniniwalang ito na sinasabi ni Samantha. Alam niyang hindi madali ang maniwala ngunit hindi niya matanggap na kahit ang kaibigan niyang si Alex ay parang hindi din sapat ang nakikita niya sa paligid para paniwalaan na may kababalaghan ngang nangyayari sa gusaling ‘yon. Akmang aakyat sana sa hagdanan si Alex nang bigla na lamang itong hawakan ni Samantha, tila may gusto itong sabihin na hindi niya masabi dahil nangingilid ang mga mata nito sa galit at halos manlisik ang mga mata nito habang nakatingin kay Alex.
“May problemaba Sam?” laking pagtataka ni Alex dahil sa biglang pagbabago ng ikinikilos ni Samantha matapos niyang sabihin ang mga sinabi niya mula kanina. Nakita niya ang pagkainis sa mukha ng dalaga at halatang may dinaramdam ito.
“Hindi pa ba sapat sa iyo ang nakikita mo para maniwala ka?!” galit na tugon ni Samantha sa binata. Bigla na lamang nitong tinalikuran si Alex at akmang aalis papalayo ngunit napigilan ito nang hawakan siya nito sa kanyang kanang braso, nagpupumiglas ito at sinabing bitawan siya ngunit malakas ang binata dahilan para hindi siya makalayo at bigla nitong hawakan si Samantha sa kanyang mga balikat.
“Sam, hindi naman sa ganoon pero hindi ‘yun sapat na dahilan para maging sunud-sunuran tayo sa takot natin.” tugon ng binata sa kanya nang mahawakan niya ito sa balikat, tinitigan siya nito ng seryoso na parang nagsasabi na walang dapat ipag-alala ngunit hindi ito sapat na dahilan para sa dalaga upang sumuko siya sa hangaring masagaot ang tanong na bumabagabag sa kanya. At ang nais lang niyang mangyari ay makita ang tunay na nangyari sa bangkay ng batang nagmumulto.
“Wala akong pakealam sa dahilan mo Alex, kung ayaw mo akong suportahan ako na lang ang gagawa ng paraan…” buong tapang na tugon ni Samantha sa binata at sa pagkakataong ‘yon hindi na niya pinakinggan ang susunod pa sanang sasabihin ni Alex at nagmamadali na itong umalis. Pilit siyang tinatawag ni Alex ngunit parang bingi lang itong nagtatakbo patungong ladies room. Pinakalma niya ang sarili at tumingin sa salamin na nasa harapan niya, hinarap niya ang sarili at maya-maya lamang ay binuksan niya ang gripo ng tubig at itinapat ang mukha sa lababo at naghilamos, ngunit nang bigla siyang tumunghay ay napansin niyang bukas ang isang cubicle sa kanyang likuran at nasa loob nito ang batang multo na nakatingin sa kanya. Walang mapaglagyan ang puso niya sa kabang nararamdaman, nanlaki ang mga mata niya sa nakikita sa salamin na nakatapat sa cubicle kung saan naroroon ang batang multo kaya buong tapang siyang lumingon ngunit paglingon niya ay wala na doon ang batang multo. Tsaka lamang naalis ang kaba sa kanyang dibdib nang maging normal na ang kanyang paligid, doon lamang niya napagtanto na walang sinumang tao sa loob ng ladies room kundi siya lamang. Nagmamadali niyang inayos ang sarili at tsaka lumabas, panay ang tingin niya sa kanyang likuran na nagmamadali nang bigla na lamang may taong dumaan sa harap niya dahilan upang mabangga siya nito.
“Samantha… okey ka lang?” tanong ni Alex nang mabangga siya nito, nang iwan kasi siya ni Samantha kanina ay hindi siya mapakali at hinanap niya ito sa paligid ng buong gusali at nang makita niyang nagmamadali si Samantha na lumabas ng ladies room ay mabilis niya itong nilapitan ngunit nakatuon ang atensyon nito sa kanyang likuran habang naglalakad kaya nang nilapitan niya ito ay nagkabanggaan sila at nakita niya itong namumutla.
“Oo, okey lang ako…” tugon ng dalaga sa kanya ngunit alam niyang sa hitsura nito ay hindi ito maayos tingnan, para kasi itong nakakita ng multo at wala sa sarili. Hindi na ito nagsalita at nagmamadaling tinungo ang desk niya na parang may iniiwasan. Hindi na normal ang ikinikilos ng dalaga at napapansin naman ito ni Alex, may pagtataka ito at parang kahit siya ay hindi matahimik sa kanyang ikinikilos.
“Sigurado ka bang okey ka lang?” muling pag-uusisa ni Alex sa dalaga nang sundan niya ito sa desk niya. Hindi ito mapakali dahil napansin niyang nanginginig ang kanyang mga kamay habang tinutupa ang keyboard ng kanyang kompyuter.
“Oo, sige na… bumalik ka na sa trabaho mo…” tugon ni Samantha ngunit hindi nito magawang tingnan si Alex. Alam niyang may bumabagabag sa dalaga ngunit kahit anong usisa niya ay wala siyang magawa dahil hindi siya nito pinapakinggan, marahil naging sarado ang isip ni Samantha na maging bukas para kay Alex dahil sa nangyari kanina. Ngayon naman mas matindi ang pagnanais ni Alex na matulungan si Samantha kaya nang dumating ang hapon ay gumawa siya ng aksyon para sa dalaga.
“Sam, aalis muna ako. Babalikan na lang kita mamaya…”paalam ni Alex sa dalaga at tumango lamang ang dalaga bilang tugon sa kanya. Lingid sa kaalaman ni Samantha ay dinala ni Alex ang diyaryo na nabasa niya noon sna nakita ni Samantha at ipinakita ito sa mga pulis, isa ito sa maaaring makasagot sa katanungan nila kung sakali at nang ipinakita niya ito sa mga pulis ay mas lumawak ang mga naging katanungan niya dahil sa mga nakita na parang naging pamilyar sa kanya.
“Matagal nang sarado ang kaso na ‘yan, hindi namin masagot dahil wala halos ebidensyang makita…”paliwanag ng pulis sa kanya nang ipakita niya ang nilalaman ng diyaryo na dala niya, binigyan siya ng pulis ng ilang kopya ng mga litrato at may mga tanong na namuo sa kanyang isip ay may mga ala-alang kumintal sa kanya habang binabalasa isa-isa ang mga litratong hawak niya. Kitang-kita niya ang malinaw na kuha ng bangkay ng batang nasa larawan at halos hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman dahil sa ala-alang pilit na niyang kinakalimutan. Hindi niya magawang magsalita sa mga pulis dahil sa oras na gawin niya ang bagay na ‘yon ay paniguradong hindi magiging maganda ang resulta nito para sa kanya.