CH: 3

2093 Words
[CHAPTER 3] ◌●◌   PAULIT-ULIT ang naging pagmumura ni Chaos. Bakit ngayon pa siya sinundan ng gulo kung kailan kailangan niya makauwi kaagad sa bahay ng mga Dela Vega? Gabi na kaya malabong may makapansin sa kanya roon. Malayo rin ang pinagpwestuhan niya ng sasakyan kaya imposibleng may mapadaan sa direksyong iyon. Nilalagnat ang pamangkin niya at hinahanap siya nito. Dumaan siya ng grocery para bumili ng pasalubong dito. Ngunit noong patungo siya ng parking lot ay may naghihintay na sa kanyang mga lalaki. May dala-dalang pamalo ang iba habang nakangisi pa sa kanya. Tinanggal ni Chaos ang hoodie na nakalapat sa kanyang ulo. Noong hindi makontento, ay hinubad niya rin iyon at ipinatong sa isang kotse kasama ng mga ipinamili niya kay Purple. Pasimple niya ring i-denial ang numero ni Diezel upang malaman ng mga ito ang sitwasyon niya. Hindi sa pagmamayabang ngunit kaya niyang tapusin ang mga kalaban. Ngunit hindi niya sigurado kung makakauwi siya nang walang bangas. Malamang, iiyak ang pamangkin niya kapag nakita ang mukha niya. Iyon ang kahinaan niya. Hindi rin ito madaling patahanin. Titigil lang ito sa pag-iyak kapag nakatulog na. “Isa kang Foix ‘di ba?” tanong ng lalaki sa kanya. Mukhang ito ang leader ng grupong iyon dahil nasa gitna at may kaangasang taglay. Ngumisi si Chaos at umiiling noong huli. Kahit matagal niya ng pinutol ang koneksyon sa pamilya niya ay paulit-ulit pa rin siyang hinahabol ng kalaban ng mga ito. “Maniniwala ba kayo kapag sinabi kong hindi?” tanong niya habang pasimpleng nagbibilang sa mga kalaban. “Baliw ka ba?” tanong ng isa sa kanya. Nagkatinginan ang mga ito at parang mga hibang na nagsitawa. Nasa tatlumpu ang bilang ng mga kalaban niya. Ang iba roon ay namumukhaan niya. Napailing na lamang ang binata. Wala talagang kadala-dala. “Siya ang leader ng mga Foix pero hindi raw siya Foix!” sabi pa ng isa. “Siraulo yata ang isang ‘to!” segunda ng isa kaya lalong lumakas ang tawanan. Wala sa sariling ngumisi na naman siya. Oo nga, siya ang pinuno ng mga Foix kaya papaanong hindi siya Foix? Ito ang isa sa dahilan kung bakit hindi niya maputol ang koneksyon sa mga Foix. Nanalaytay sa dugo niya ang pagiging Foix— sa ayaw niya man o gusto. “Anong kailangan niyo?” tanong niya sa mga ito na para bang may bumibili lang sa tindahan. Hindi siya sinagot ng isa at ngumisi lamang sa kanya. Hindi na siya nagulat nang subukan siyang hatawin ng isang kalaban. Inaasahan niya na iyon kaya mabilis siyang nakailag. Nang makarating sa likuran ng kalaban ay kaagad niya itong sinipa ng kaliwang paa. Dahil nakayuko, kaya binalya niya naman ang isa pa. Mabilis ang naging pagtulak niya dito at iniuntog ang ulo sa sikmura ng kalaban bago gitgitin ito sa isang poste. Naging mas mabilis ang pagkilos ni Chaos nang subukan siyang hatawin ng isa gamit ang dospordos. Ginamit niyang muli ang kaliwang paa upang sipain ang kalaban. Nang ayusin niya ang pagkakatayo ay may humawak sa dalawa niyang balikat upang pigilan siya sa panlalaban. Paulit-ulit niyang sinusubukang makawala rito ngunit malakas ang lalaki. Hahatawin na naman siyang muli ng dospordos kaya ginamit niya ang dalawang paa upang pigilan ang kalaban. Dahil sa lakas ng pagkakasipa niya ay napaatras din ang nasa likuran niya at nagitgit sa poste. Nang maitapak sa lupa ang mga paa’y kaagad niyang siniko nang paulit-ulit ang kalabang nasa likuran. Nakawala naman siya rito kaya nagkaroon ng pagkakataong suntukin ito sa mukha. Dali-dali siyang lumusot sa ilalim ng ten-wheeler truck nang ma-corner sa magkabilaang bahagi. Napakalaki ng parking lot na ito at kayang ukupahin ng isang daang sasakyan. Pati kase ibang mga katabing establisyemento ay dito na rin pumaparada. Kasama na roon ang isang hotel na nasa kabilang bahagi ng grocery. Ganoon na lamang ang paghiyaw niya nang mahataw ng dospordos ang kamay niya na nakalagay sa side view mirror. Nag-echo sa parking lot ang pagsigaw niyang iyon. Naging paulit-ulit din ang pagmumura niya dala ng matinding sakit na nararamdaman. Pakiramdam niya’y nabali ang mga buto sa kanyang kamay. Pulang-pula ang mukha ni Chaos at tila puputok na ang ugat sa leeg dahil sa matinding galit. Kaagad niyang pinulot ang dospordos na nabitawan ng isa kanina at inihataw iyon sa paa ng lalaking humampas sa kamay niya. Hindi pa siya nakontento sa kaliwa kaya hinataw niya rin ang kanang paa nito. Isa pa lang ang napapatumba niya ngunit inip na inip na siya sa tagal ng pagdating ng back up na tinawagan niya. Gusto niya nang umuwi sa kanila. Dali-dali siyang umilag nang makita sa peripheral vision ang balak na paghataw ng isa pang kalaban. Nagpadulas siyang muli sa isa pang ten-wheeler truck nang ma-corner na naman ng mga kalaban. Kaagad niyang inundayan ng suntok ang isa pang kalaban na sumalubong sa kanya sa kabilang bahagi. “Hindi sinasadya ng kamay ko. Kumilos mag-isa! Ginulat mo kase ako,” pagrarason niya pa dito. Napangiwi pa siya nang marinig ang paglagutok ng nabali nitong ilong. Paulit-ulit ang pagsigaw ng lalaki dahil sa matinding sakit. Mukhang napalakas nga talaga ang pagsuntok niya. Lima ang sabay-sabay na sumugod sa kanya kaya ganoon na lamang ang matinding konsentrasyon niya na huwag matamaan ang mukha. Dinakma niya ang kamao ng isang kalaban at hinila ito papalapit sa kanya. Nang makuha ang tamang lapit ng kalaban ay kaagad niyang isinampay ito sa balikat saka patalikod na dinaganan gamit ang siko at likod. Ganoon na lamang ang pagdaing nito dahil sa matinding sakit. Dali-dali ang pagtayo niya nang mapansin ang paparating na panganib. Sabay niyang dinakma ang kamay ng dalawang kalaban na nasa magkabilaang bahagi at pinag-untog ang dalawa sa ulo nang ubod ng lakas noong magkalapit. Pinangsangga niya ang dalawang kamao upang pigilan naman ang isa na sumusugod sa kanya. Iniwasan niya rin ang isa upang hindi muling matamaan ng kamao nito. Nang mahawakan ang isa ay sinunod-sunod niya ito ng suntok. Nabaling muli ang tingin niya sa paligid na kanina ay hindi niya ginagawa. Nasa pakikipaglaban lang kase ang konsentrasyon niya dahil hindi biro ang dami ng mga ito. Doon niya lamang napansin na bagsak na pala ang ibang kalaban. Nasa itaas ng sasakyan si Diezel at feel na feel nito ang pagbaril sa iba pang natitira gamit ang napakaraming gun taser na baon sa bag. Ngumingiwi pa ito sa tuwing may nakukuryente. “Buhay ka pa?” natatawang tanong ni Brent sa kanya. “Sayang naman.” “Tagal niyo,” sabi niya rito. “Wala ka kayang binigay na location!” sigaw naman ni Diezel at tumalon paibaba ng sasakyan. “May GPS,” katwiran niya. “Uwi na tayo. Kanina ka pa hinahanap ni Purple. Iyak nang iyak! Alam mo namang umiiyak iyon kapag hindi tayo kompletong umuuwi sa bahay,” sabi ni Diezel sa kanya habang nakanguso. Tinanguan niya lamang ito. Kinuha niya rin ang jacket at pasalubong na para sa pamangkin. Muli niyang binalingan ng tingin ang mga kalaban. Sanay na silang magkakaibigan na biglang dinadayo ng gulo. Pinapadala iyon minsan ng kanilang clan o ‘di naman kaya ng mga kalaban nila. Katulad ng dati, hindi nila sinampahan ng kaso ang mga tumambang sa kanila. Hinahayaan pa rin nilang malaya ang mga ito. Dahil kung parati nilang ipapahuli, baka ang awtoridad na mismo ang tumanggi sa dami ng ipapakulong nila. Hanggang hindi malala ang ginawa sa kanila, papabayaan nila ang mga ito. “Ako na ang magmamaneho,” inagaw ni Brent ang susi ng sasakyan sa kanya. Napakabilis talaga ng mata nito dahil napansin kagaad ang kamay niyang nahampas ng dospordos kanina. Sa likurang bahagi siya ng kotse sumakay habang nasa passenger seat naman si Diezel. Mahihiga muna siya para makapagpahinga saglit. “Seryosohin mo na ang training mo, Diezel,” pangaral na naman ni Brent sa bunso ng mga Dela Vega. Palagi silang sinasanay ng mga Dela Vega sa pakikipaglaban para alam nilang ipagtanggol ang sarili kapag may mga pagkakataon na hindi inaasahang mangyari, katulad na lang ngayon. Mahirap noong una ang mga training na pinapagawa ng mga ito pero kalaunan ay nasanay na rin ang katawan nila. Malaki ang pasasalamat niya sa pamilyang iyon, dahil ang mga ito ang sumagip sa kanya noong nasa miserable siyang sitwasyon. Hindi sila sinukuang magkakaibigan at patuloy na tinutulungan. Mas malapit siya sa mga ito kumpara sa sariling mga magulang at kadugo. Sa mga Dela Vega niya natagpuan ang totoong kahulugan ng salitang pamilya. Hindi niya matandaan kung kailan siya huling tumapak sa bahay nila. Wala na siyang memorya sa totoong pamilya na maganda. Puro bangungot at galit na lang ang naalala niya. Natigil na lamang siya sa malalim na pag-iisip nang huminto ang makina ng sasakyan. Mukhang naroon na sila. Kaagad siyang bumangon at lumabas ng sasakyan. Hindi niya na hinintay ang mga ito na ipinarada pa ang sasakyan sa likod-bahay. “Ate Rex...” mahina niyang tawag sa pinakamatandang Dela Vega. Nasa thirty plus pa lang ang edad nito. Matindi ang respeto niya sa panganay na Dela Vega. May kakaiba rin sa Ate Rex niya na parang ipinapaalala sa kanila na ‘makuha ka sa tingin.’ Tila ito ang may pinakamatatag na pader na nabuo sa Tres Marias. “Napaaway ka raw?” nag-aalalang tanong naman ng Ate Violet niya. Kakambal ito ng Ate Rex niya. May warm personality naman ito. Magkaiba ang itsura ng kambal. Hindi mapapansin ng kahit na sinong magkapatid ito kung hindi mismo manggagaling sa bibig ng mga Dela Vega. “Yeah,” isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan niya. “Should I warn them?” tanong muli ng Ate Rex niya. Nabaling ang tingin niya sa mga kaibigan. Sabay-sabay silang napalunok. Alam kase nilang hindi lang ‘warning’ ang gagawin ni Rex. Sila na lang ang matatakot para sa mga kalaban nila. Hindi nila alam kung gaano kalaking tao ang binabangga ng mga ito. “Buhay naman si Chaos, Ate. Hayaan niyo na!” sabi ni Diezel at yumakap sa mga kapatid habang pilit na tumatawa. “Kain na tayo! Kanina pa naghihintay si Ace sa kusina. Chaos, puntahan mo na si Purple sa kwarto! Kanina ka pa hinihintay niyon,” patagong sumenyas sa kanya si Diezel. Hindi naman iyon nakaligtas sa Ate Violet niya kaya umiling ito. “Go now,” sabi ng Ate Violet niya kaya pasimple siyang tumango habang dala-dala ang pasulubong sa pamangkin. Anak si Purple ng Ate Violet niya at Kuya Russ. Nasa malayo ang mga kapatid nito kaya ganoon na lamang pagiging malapit ni Purple sa kanila. Magkakasama ang mga Dela Vega sa iisang bahay dahil sa maraming dahilan. Dito rin sila nakatira. Nasa apartment lamang sila kapag may misyon na ginagawa. Ngunit dahil wala na iyon, wala silang ibang pagpipilian kung hindi sa mansyon ng mga Dela Vega magplano. Kumatok muna siya bago pumasok sa kwarto ng pamangkin. “Hey...” bati niya rito nang nakangiti. “Toto Chaos...” mahinang wika ng bata. Lumabas ang dimple nito sa pisngi nang ngumiti. Halatang may sakit pa ito dahil namumula pa ang pisngi nito. “Miss you po.” Ngumiti siya at kinarga si Purple. May katabaan ang bata kaya minsan napanggigilan nila. “Miss ka rin ni tito. Pagaling na si Purple para makakain mo mga pasalubong ko.” Humigpit ang yakap nito sa kanya. “Sad ka, Toto? Toto Diezel said that napanaginipan mo munchter.” “Yeah...” ang monster na sinasabi ni Diezel ay ang mga magulang niya. “Toto, escape ka po sa mga munchter kapag hindi mo kaya mang-fight,” inosenteng wika nito. Napangiti na lamang siya sa sinabi nito. Hinaplos niya ang kulot na buhok ng pamangkin. Kung sana ganoon lang kadali na kalabanin at takasan ang lahat. Matagal niya na sigurong ginawa. Ngunit hindi niya na iyon matatakbuhan pa dahil nakaukit na sa kanyang sistema. Parte na ng kanyang pagkatao ang pagiging Foix. Nananalaytay iyon sa kanyang dugo. Pero alam niyang hindi habang panahon ay lagi siyang makakatakas. Isang araw, kailangan niyang harapin ang lahat. Rason na lamang ang kulang para gawin niya iyon. Mayamaya pa ay naramdaman niya na ang malalim na paghinga ni Purple. Nakatulog kaagad ang bata. Mukhang hinihintay lang talaga siya nito. Inilapag niya sa kama si Purple at ipinayakap dito ang paboritong unicorn na unan bago ito kinumutan. Pinagmasdan niya ang pamangkin habang nakangiti. Masasabi niyang hindi pa rin siya ang pinakamalas na tao dahil nariyan ang Dela Vega at mga kaibigan niya. Sapat na ang presensya ng mga ito para magpatuloy siya sa buhay.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD