[CHAPTER 6]
◌●◌
TUTOK NA TUTOK ANG mga mata nila sa dalawang daang tinatahak. Para silang bibitayin habang papunta sa likurang bahagi ng mansyon ng mga Dela Vega. Nadaanan pa nila ang basketball court doon. Dito sila nagpapalipas ng oras sa tuwing walang gagawin. Kalaro nila minsan ang mga asawa ng ate nila. Manlilibre ang talo kaya nagkakapisikilan pa minsan dahil sa pagiging kuripot nila. Ngunit pagkatapos ng laro ay parang walang nangyari.
Ipinagpatuloy nila ang paglalakad patungong Mainfield habang nakasimangot.
“Are we having a f*cking death march?” inosenteng tanong ni Ace.
“Nandito ka pala?” tila nagugulat na tanong ni Brent.
Kaagad namang ipinakita ni Ace ang gitnang daliri bago bumaba sa hagdan ng Mainfield.
May sukat na one hundred fifty meters ang apat na bahagi ng Mainfield. Para makarating sa ibaba ay kailangang dumaan sa hagdang may dalawampu’t tatlong na palapag.
Kung nasa itaas at malayo sa loob, mistulang basketball court lang iyon pero kapag nasa ibaba na ay maaaring matakot ang makakakita roon. Tila kase mga sundalo ang gumagamit ng Mainfield dahil sa mga kagamitang makikita.
Sa fence one na bahagi ay may mga lubid at kung anu-anong bagay na ginagamit sa pakikipaglaban. Nagti-training sila roon kung paano mabilis na makakaakyat sa kung saan-saan. Sa likurang bahagi nito ay may mahabang lamesa na may lamang matatalim na bagay katulad ng katana, balisong, kutsilyo at kung ano-ano pa.
Sa fence two naman ay may mga kagamitang makikita sa gym. Dito nila hinuhubog ang katawan nila upang mas maging malakas pa at matikas.
Ang fence three naman ay sarado sa tuwing may iimbitahan silang mga tao. Naroon kase ang mga kagamitang tulad ng dinamita, baril, at kung anu-ano pa na maaring gamitin ng kung sinuman laban sa kanila. Matindi ang seguridad sa lugar na iyon at tanging silang lima at mga Dela Vega ang makakapagbukas.
Habang ang fence four naman ang ginagamit sa mga mano-manong laban tulad ngayon.
Sosyal magbigay ng parusa ang mga Dela Vega. Aarkila ang mga ito ng mga gangster na galing sa iba't ibang distrito para lang makalaban nila. Nagiging parte na rin ito ng kanilang training sa loob ng walong taon. Ito ang paraan ng magkakapatid para matuto silang protektahan ang mga sarili.
Noong una'y, nasa singkwenta katao lamang ang kalaban nila hanggang sa nadagdagan ng pasampu-sampu sa tuwing nagpapasaway sila. Ngayon, umabot na ng isang daan.
"One hundred divided by five?" tanong ni Diezel.
"Twenty," kaswal na sagot ni Chaos.
"O, narinig niyo? Walang lamangan ha!" sabi kaagad ng pinakabata sa grupo nila kaya tumango sila.
Sabay-sabay silang naghandang lima habang itinutuon ang atensyon sa mga kalaban. Nang pumito si Rex ay dinumog kaagad sila na parang pagkain na nilalanggam.
Magkapanabay na sumuntok si Eros at Chaos kaya naman natumba kaagad ang dalawa.
"One," sabay pa nilang sambit para mabilang ang mapapabagsak.
Magkatalikuran din si Ace at Diezel habang sabay na lumalaban. Nilingon ni Chaos si Brent. Nakangiti pa ang g*go.
Sinampal-sampal ng binata ang magkabilaang pisngi upang magising. Agad na itinuon ni Chaos ang atensyon sa mga kalaban. Mabilis siyang umaatake kapag nakakakita ng blind spot mula sa mga katunggali. Umilag siya noong hahampasin ng upuan. Nagkalasog-lasog iyon matapos tumama sa pader, kaya binitawan na ng kalaban niya. Kung tinamaan siya, paniguradong buto niya ang nagkapira-piraso.
Seryoso ang mga kalaban nila. Mukhang hindi sila patatawarin ng mga ito.
Agad niyang pinilipit ang kamay nito at inatake ang nerves para hindi kaagad makagalaw. Nang humarap siya sa isa ay aamba na kaagad ito ng suntok. Ginamit niya ang kaliwang kamay at sinalag iyon bago pinuntirya ang mukha nito. Napangiwi si Chaos. Mukhang mabubura iyon sa lakas ng pagkakasuntok niya. Kaagad itong nawalan ng malay.
"Arouch!" Humiyaw si Diezel.
"Napano ka?" nag-aalalang tanong ni Brent.
"What happened?" tanong din ni Chaos.
"Natapakan ko paa ko!" sabi nito kaya napailing na lang sila at ipinagpatuloy ang pakikipaglaban.
Ngunit mayamaya, sumigaw na naman si Diezel pero hindi na nila nilingon.
"Napano ka na naman?" tanong naman ni Eros.
"Nasuntok ko sarili ko!"
Natawa na lang sila sa katangahan nito.
Hindi talaga mawawala kay Diezel ang pagiging maloko. Kahit saang sitwasyon o mapahamak pa ito ay walang pakialam ang bunso nila. Para dito, mas mahalaga ang kasiyahan kumpara sa kapangyarihan. Kaya nga wala itong pakialam sa lahat ng mamahaling bagay na nakapaligid sa kanila. Nasa dalawampu pa lang naman ang edad nito kaya naniniwala siyang magbabago pa si Diezel.
“Proud pa talaga?” nambabarang pahayag ni Brent. Kung narinig iyon ni Diezel, malamang ay may sagot na naman ang bunso nila.
"First time na nangyari iyon— yes!" humiyaw itong muli na parang nakasungkit ng record sa isang patimpalak.
Hindi na lang nila ito pinansin at sabay-sabay na umiling. Lagot na naman ito sa mga kapatid mamaya. Ang sama pa naman ng tingin ng Ate Rex nila mula sa itaas na bahagi. Hindi iyon napapansin ni Diezel dahil wala roon ang atensyon nito.
May isa na namang susugod kay Chaos ngunit naunahan siya ni Eros sa pagsuntok. Mukha kaagad ng kaibigan ang bumungad sa kanya nang bumagsak ang kalaban. Nakangisi ito habang sinasabing bantayan niya rin ang kalaban sa likod. Nagkibit-balikat lang si Chaos. Nandoon naman ito kaya kampante siya. Alam niyang hindi siya mapapahamak kapag si Eros ang nasa likuran niya.
Sinipa niya ang isang nang mapansin niyang balak nitong hampasin ng dospordos si Brent. Tumitira nang patalikod ang mga kalaban nila na isa sa mga dahilan kung bakit mainit na ang ulo niya ngayon. Ngunit ganoon ang reyalidad. Hindi sila patatawarin ng mga kalaban nila kung nasa totoong sitwasyon sila. Kailangan niya iyong tanggapin.
Sinipa niya itong muli nang subukan nitong tumayo. May kinapa siya sa parteng batok nito upang mapatulog kaagad ang kalaban.
Binunggo niya naman ng ulo niya ang sikmura ng isang papasugod sa kanya. Ganoon na lamang ang pagdaing nito nang tumama sa pader ang katawan at magitgit ng ulo niya.
Hinila niya naman ang kamay ng isang kalaban atsaka ito binuhat para ibagsak sa lapag. Humiyaw ito sa sakit nang bumagsak sa lapag. Mukhang napasama ang pagbagsak nito.
Naging mabilis na ang pagpapatumba niya sa mga sumunod na kalaban...
Napagod na kase ang mga ito at pagkakataon na nila iyon. Lima na lang ang kailangang pabagsakin ni Chaos.
Hindi sa pagiging mayabang pero sanay na talaga sila sa pisikal na gawain magsimula noong bata pa sila. Inihahanda kase sila ng mga Dela Vega sa mas mahirap pang laban na pagdadaanan sa lugar na hindi saklaw ng kapangyarihan ng mga ito. Habang tumataas ang bilang ng mga kalaban ay alam nilang mas nakukuha nila ang tiwala ng mga ate nila. Imposibleng kalabanin ang gano’n karaming bilang. Ngunit posible iyon sa kanila dahil sa mga pagsasanay nila magsimula noong mga bata pa sila.
Hindi sila masyadong nahirapan dahil wala namang dalang armas ang mga kalaban kaya manu-mano ang gamit nila. Sa ganitong paraan, mas nasusukat nila ang lakas ng isa't isa. Naging mas mainit ang labanan, at puro pagdaing ang maririnig dahil sa pagiging seryoso nila. May mga pagkakataon lang na naaantala dahil sa bigla-biglang pagsigaw ni Diezel.
Sinuntok ni Chaos ang sikmura ng isa at kaagad itong pinatulog. Kung kailan tatlo na lang ang kalaban, saka pa siya nasuntok sa mukha. Parang natanggal ang panga ni Chaos sa lakas ng kamao nito. Napahawak pa siya sa parteng iyon at hinilot dahil panandaliang namanhid. Tumalon-talon din siya para mawala ang pagkahilo.
Nakita ni Chaos na nginisian pa siya ng kalaban kaya naman sinuntok niya kaagad kung saan din siya pinuntirya kanina. Naangasan kase siya rito. Sinunod-sunod niya ang pagsuntok habang ang kamao ay mariing nakakuyom. Hindi siya tumitigil hanggang hindi bumabagsak sa lapag ang kalaban. Sinipa naman ni Chaos ang taong nasa likuran niya nang hindi lumilingon at noong harapin niya ay saka pinag-untog ang ulo ng dalawang kalaban na unang nahagip ng kanyang paningin. Sinipa niya rin sa dibdib nang hindi masyadong kalakasan upang hindi mabagok ang ulo ng kalaban.
Kahit na binayaran ang mga ito ng Dela Vega, nag-iingat pa rin silang huwag mapahamak ang kahit sino. Mas inuuna pa rin nila ang kaligtasan ng mga kalaban sa kabila ng lahat. Alam kase nila, na katulad nila ang mga ito. May pamilya na kailangang uwian.
Kinapa niya ulit ang nerve ng isa at pinatulog. Ganoon din ang ginawa niya sa pangalawa hanggang sa pinagpagan niya na ang kamay at pantalon na nagkaroon ng alikabok. May lalapit pa sana sa kanya, ngunit itinaas niya na ang kamay bilang tanda na tapos na siyang makipaglaban.
Umakyat si Chaos sa hagdan upang matanaw ang mga kaibigan na nakikipaglaban...
Doon niya naramdaman ang matinding pagod. Dahil sa pag-aasam niyang matapos kaagad iyon kaya hindi niya pinansin ang mga nararamdaman sa katawan. Ngayon niya ininda ang likod na tinamaan ng kung ano kanina. Pati ang kamay na nahampas noong nakaraang araw ng dospordos ay nararamdaman niya rin ulit ngayon.
Gano’n na lamang ang pagngiwi niya nang makitang kulay violet na iyon. Kaagad niyang hinubad ang suot na puting t-shirt at pinangpunas sa tumatagaktak na pawis. Ang bilis pa rin ng pagtibok ng puso niya dahil sa matinding pagod. Tumataas din ang dibdib niya dahil sa paghabol ng hininga.
Kaagad na napadako ang ang tingin niya kay Diezel at natawa nang madapa ito dahil sa sintas ng sapatos na hindi masyadong maayos ang pagkakatali.
Dahil sa pagtawa ni Chaos ay sinundan ng tatlong kaibigan niya ng tingin ang tinatawanan.
Napailing siya habang hawak-hawak ang tiyan at naiiyak na sa katatawa. "Ilang palaka?" sumigaw si Chaos upang marinig ni Diezel.
Plakda ito sa lapag at hindi maipinta ang mukha.
"Tang na juice, patawa!" sigaw ni Brent at seryosong tinatapos ang laban. Itinaas nito ang kamay at nahiga sa lapag dahil sa matinding pagod. Mangiyak-ngiyak na ito sa kakatawa nang makita ang itsura ni Diezel. "Mukha kang palaka!"
Dahil sa sinabi ni Brent ay dali-daling tumayo si Diezel.
Binilisan din ng iba ang pakikipaglaban para maituloy ang pagtawa. Trip talaga ng mga itong asarin parati si Diezel. Nahuli namang natapos si Diezel at nakasimangot na humarap sa kanila.
"How many f*cking frog?" tanong ni Ace na kanina'y pinipigilan ang ngiti ngunit sumabog na rin ang malakas na paghalakhak.
Si Diezel lang talaga ang may kakayahang magpatawa at makapagpangiti kay Ace. Kung may iba pa, baka sinabitan niya na ng medalya. Napakamahal kase ng ngiti nito. Tawa pa kaya?
Napahampas pa si Chaos habang yumuyuko sa katatawa sa tuwing naalala ang epikong katangahan ni Diezel. Nagre-replay iyon sa utak niya nang paulit-ulit kaya hindi siya maka-move on. Ngunit bigla siyang nahilo at nagpagulong-gulong sa tatlong hakbang na hagdan.
Sa kanya naman nabaling ang atensyon ng apat at mukhang nag-aalala. Ipinilig ni Chaos ang ulo para mawala ang pagkahilo at tinawanan din ang katangahan niya.
Nang makitang ayos lang siya ay humagalpak ulit ng tawa ang mga bugok niyang kaibigan.
"Ano, buhay ka rin ba?" pang-aasar ni Eros.
"Karma is a beach!" sabi naman ni Diezel. “Ang bilis ‘no?”
"Para kang bola na nagpapagulong-gulong!" dagdag ni Brent.
Isang reyalisasyon ang pumasok sa isipan niya. Hindi siya napagod sa pakikipaglaban. Mas nakakaubos ng enerhiya ang pagtawa. Napatingin siyang muli sa mga kaibigan. Mabait pa rin ang tadhana para bigyan siya ng interesanteng pamilya. Napakurap pa ang mata niya nang makitang pati ang Ate Rex niya ay nakangiti. Muli siyang umiling. Hindi pa rin malas ang buhay niya. Maraming dahilan para mabuhay. Sapat na ang mga taong nag-aaalala para sa kanya upang magpatuloy...