Four

1272 Words
Hindi na matandaan pa ni Rio kung paano sila nakalabas ng bahay. Nakarinig siya ng ilang putok ng baril bago siya nakatakas sakay ng motor ni Bong. Sa isang tagong warehouse siya dinala ng lalaki. Noong una ay nagulat pa ang mga ito nang makitang may kasama si Bong. Halata ang pagtutol ng mga ito nang makita siya. "Bakit ka nagdala ng asungot, Bong? Tingnan mo ngang pinagdidiskitahan na tayo," galit na tinutukan ng lalaki si Rio ng baril. "Boss, sandali. Kaibigan 'yan ni Iris. Huwag kang mag-alala, hindi niya tayo isusumbong," sabi ni Bong. "Itanong mo muna kay Bossing Blackout. Alam mo namang bawal ang sampid sa grupo. Darating na iyon mamaya," napailing na lang ang kausap nitong lalaki, "Si Iris talaga kahit kailan, hindi marunong sumunod sa utos." Inaya ni Bong si Rio sa isang lugar na natatakpan ng mga malalaking kargamento, "Huwag mo na lang pansinin iyon." Hindi nakasagot si Rio. Sumagi sa isip niya si Iris. Ano na kayang nangyari sa babae? "Nasaan si Iris?" hindi nakatiis na tanong niya. Kahit papaano naman ay nag-aalala rin siya sa babae dahil minsan nang iniligtas nito ang buhay niya. Napangiti si Bong. "Huwag kang mag-aalala doon. Maya-maya lang nandito na iyon. Masamang damo iyon." Maya-maya ay sumeryoso si Bong, "Pasensya na, Rio kung nadamay ka sa gulo. Baka kasi hindi ka payagang sumama sa amin ni Big boss. Mas mabuti ring umuwi ka na sa inyo. Basta sana walang makakaalam ng tungkol sa grupo." Tumango si Rio, "Anong klaseng grupo ba kayo? Frat ba kayo? drug smuggler?" Napahalakhak si Bong, "Hindi. Mabuti nang huwag mong malaman. Pero hindi kami masamang tao. Ginagawa lang namin ang misyon namin." Magsasalita pa sana si Rio nang makarinig sila ng komosyon sa likod ng mga kargamento. "Dito ka lang," mahigpit na utos ni Bong. Lumabas na ang lalaki pero hindi nakatiis si Rio at sumilip sa puwang. Nakita niya ang mga nakaitim na leather jacket. Isang lalaking sa tingin niya ay nasa early-twenties na hindi niya mamukaan dahil nakasuot ng black shades ang hula niyang leader ng grupo dahil tumahimik ang lahat nang dumating ito. Napaigtad si Rio nang isang malakas na suntok ang ibinigay ng alipores nito kay Bong. Mabilis naman na pumagitna si Iris. "Walang kasalanan si Bong, Ranger. Ako ang nagdala sa kanya dito," pagdadahilan ni Iris. "Bakit, Iris? Gusto mo bang may makaalam ng tungkol sa grupo? Paano na ang balak mong ipaghiganti ang tatay mo? Kakalimutan mo na lang?" "Wala akong sinasabing ganoon," halata ang galit sa mga mata ng babae. "Pero kailangan ni Rio ang tulong ko." "Ano ang kapalit ng pagtulong natin sa kanya?" malamig ang tinig na tanong ng big boss. Hindi nakasagot si Iris. "Sagabal lang siya sa mga plano natin, Iris. Kung may malasakit ka sa kanya, you know better than to bring him here. Delikado ang buhay niya rito," bahagyang nagulat si Rio nang marinig na mag-English ang lalaking hindi niya pa rin nakikita kung ano ang itsura sa likod ng shades. Pero bahagya siyang kinabahan dahil tila pamilyar ang boses na iyon. "Makapangyarihan ang mga Villareal. They're not an easy target. Madami din silang galamay kaya siguradong mapapalaban tayo," pagpapatuloy ng lalaki. "Nagawa nga nilang baliktarin ang mga magsasaka sa korte. Baka mapahamak lang iyang kaibigan mo." "Balita ko nandito ulit ang apo ng matanda," sabat naman ni Ranger. "Mahirap nga lang siyang matyempuhan dahil palaging may kasamang bodyguards. We can use him para makuha ang gusto natin." Tila namanhid si Rio sa narinig. Ano bang kasalanan ng pamilya nila sa mga ito? Maling grupo pa yata ang napuntahan niya dahil sigurado siyang siya ang tinutukoy ng mga ito na apo ng matanda. Ulit? Kung gayon ay naging target na siya ng mga ito noon pa. Could it be... "Tawagin niyo siya dito. I want to talk to him," utos ng big boss. "Black out, ako na ang bahalang kumausap sa kanya," tila may halong pag-aalalang wika ni Iris. "Special treatment?" sarkastikong komento ni Ranger. "Shut up," tiningnan lang nang matalim ni Iris ang lalaki. "I'm sorry, Iris. Tagilid ngayon ang kaligtasan natin. Gusto kong makasiguro," pormal na wika ni Blackout. Hindi alam ni Rio ang gagawin. Tatakas na naman ba siya? Paano kapag nalaman ng mga ito na isa siyang Villareal? Hindi niya rin alam kung dapat pa ba siyang magtiwala kay Iris at Bong. Baka ilaglag siya ng mga ito kapag nalamang siya ang apo na hinahanap ng mga ito. Pero may isang bahagi ng utak niya ang nagsasabi na kailangan niyang malaman ang plano ng grupo. Nagmamadaling tumalikod si Rio nang makitang palapit na si Iris sa kinaroroonan niya. "Rio, kailangan mo nang umalis," utos ni Iris. "No. Dito lang ako. Sabi mo tutulungan mo ako, hindi ba?" "Ano ba talagang kailangan mo?" bahagyang nainis si Iris. Hindi nakasagot si Rio. Mabuti na lang at nakaisip siya agad ng palusot. "I-I need to find my sister." Bahagyang tumaas ang kilay ni Iris. "Hanggang ngayon kasi hindi pa siya nakakauwi. It's been two years." Nakita niyang napakunot noo si Iris. Maya-maya ay may sumipa sa pinagtataguan nila. "Huwag niyo kaming paghintayin!" galit na wika ni Ranger. "Rio..." Hindi pinansin ni Rio si Iris at nagpakita na sa mga ito. Hindi alam ni Rio kung bakit parang kinilabutan siya nang makaharap ang tinatawag ng mga itong big boss. Sa hula niya ay matanda ito nang hindi hamak sa kanila. Kahit hindi niya nakikita ang buong itsura nito ay halatang may angking kakisigan ang lalaki. "Anong pangalan mo?" narinig niyang tanong nito. Nandoon na naman ang kaba sa dibdib niya. Pamilyar talaga ang boses nito. "Rio," tipid na sagot nito. "Yung kumpleto?" Dali-daling nag-isip si Rio ng pangalan, "Gregorio Palma." Tumango ang lalaki, "Matagal na ba kayong magkakilala ni Iris?" Napatingin si Rio sa babae, "No. Siya lang ang tumulong sa akin nang harangin ako ng mga addict." "Bakit ka naglayas?" sabat ni Ranger. "Balita ko lumayas ka sa inyo." "Gusto akong ipadala ng mga magulang ko sa Sorsogon para mamasukang boy sa bahay ng dati nilang amo. Hindi ako pumayag." Tila napaniwala niya naman ang mga ito dahil hindi na nagtanong pa maliban kay Iris na makahulugan ang mga tingin sa kanya. Pwede na siyang writer sa galing niyang maghabi ng kwento. "Kaya mo bang ipagtanggol ang sarili mo kung sakaling maging myembro ka ng grupo?" "Black out..." tutol ni Iris. "Hindi ko na siya pwedeng pakawalan," katwiran ni Black out. Hindi niya maaninag ang expression ng mukha nito. "Ayoko ng special treatment, alam mo iyan, Iris. Alam mo ang ginagawa ko sa mga nakakaalam ng tungkol sa atin. Pero dahil ayaw kong magkaroon ka ng dahilan para traydurin ako, bibigyan ko siya ng option. It's either aanib siya sa atin or papatayin ko siya." Natahimik si Iris. "Sasali ako," matatag na pasya ni Rio. Bahala na, iisipin niya na lang na taekwondo exam lang ang gagawin ng mga ito. "Pytho," tawag nito sa isang lalaking kasing-tangkad niya pero malaki ang pangangatawan. Lumapit ang lalaki na tila handa nang makipag-away. Nagulat si Rio nang mabilis itong lumapit para bigyan siya ng sunud-sunod na suntok. Agad naman siyang nakabawi at wala pang limang minuto ay napataob niya ang kalaban. Hindi yata alam ng mga ito na defending champion siya ng taekwondo sa school nila. "Magaling ka, bata," sa unang pagkakataon ay bahagyang ngumiti ang lalaki at tinapik siya. "Kasali na ako?" masayang tanong ni Rio. Nagtawanan ang mga myembro maliban kay Iris. "Unang pagsubok pa lang 'yan," seryoso na si Blackout. Napatingin si Rio sa lalaki at bahagyang kinabahan nang abutan siya ni Blackout ng baril. "Ano ito?" "May kailangan kang patahimikin."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD